CHAPTER 12 – YOSEPH’s POV: MONTENEGRO, ONE POINT

1426 Words
"Naku! Andiyan si kulugo, oh!" malakas kong sabi nang matanaw ko iyong kotse nung Randell sa tapat ng bahay nila Xyrene. Magkatabi kaming naglalakad ni Xyrene. "Yoseph..." mabilis na saway sa akin ni Xyrene. "Sorry... nasanay na kasi ako," natatawa kong sagot sa kanya. "’Yan na nga ba ang sinasabi ko, eh... makakasanayan mo na ‘yang pagtawag mo na ‘yan," naiiling na sabi ni Xyrene. Nagkibit-balikat ako. "I can't help it... para naman kasi talagang kulugo. Tingnan mo basta-basta na lang lumilitaw." Biglang huminto si Xyrene sa paglalakad, at saka hinarap ako. Bigla tuloy akong kinabahan. Naku, patay! Aawayin yata ako ni lablab... "Ulitin mo nga ‘yung sinabi mo...." kunot-noong sabi nito. "A-Alin dun?" kinakabahan kong tanong. "Yung huling sinabi mo." Nag-isip ako sandali. Ano ba'ng sinabi ko? "Na... basta-basta na lang lumilitaw si kulugo?" Sinimangutan ako ni Xyrene, pero agad ding binawi. "’Yung English. ‘Yung sinabi mo sa English." "I... can't… help it?" Anong meron dun? "Oo! ‘Yan! Ang gara kasi! Parang slang ‘yung pagkakabigkas mo," nakangiting sabi ni Xyrene. Bahagya akong natawa, at saka napakamot sa batok ko. "Ahhh... nakakakaba ka naman, lablab! Akala ko, aawayin mo ako dahil sa pagtawag ko kay kulugo, eh!" "Kapag di ka pa talaga tumigil sa pagtawag sa kanya ng-- ng... iyong tawag mo sa kanya, aawayin na talaga kita! Hindi magandang ugali 'yan," pagbabanta nito. "Sorry na, lablab! Peace na tayo," sabi ko dito, habang naka-peace sign ako. "Oh, siya. Tara na!" sabi nito, at saka kami naglakad uli, kaya sinabayan ko na uli siya ng lakad . Nang ilang hakbang na lang sa bahay nila Xyrene ay napansin namin ang masaganang tubig na umaagos mula sa loob ng gate nila. "Ano kayang nangyari?" napalakas na tanong ni Xyrene. Nang makapasok kami ng gate ay nakita kong nasa harap ng sirang tubo ng tubig si Aling Cita habang sinusubukang talian ang dalawang parte ng tubo na nasira. Basang-basa na ang damit nito dahil sa malakas na sirit ng tubig samantalang nakahalukipkip na nakatayo sa bandang likuran ni Aling Cita sa tuyong parte si Randell. Pambihira itong kulugo na to! Hinayaan lang si Aling Cita. "’Nay? Ano'ng nangyari?" tanong ni Xyrene. Biglang napaharap sa gawi namin si Randell na halatang nagulat sa biglang pagsasalita ni Xyrene. "Xyrene?! Sa-Sabi ko nga kay... kay Nanay Cita… ako nang gagawa, eh. Kaso, ano… inaalala niya yatang mababasa ako," kandautal na paliwanag ni Randell. "Ah, Nanay Cita... tatawag na lang po ako ng tubero para gumawa niyan. Sandali lang po. Maghahanap ako sa internet," sabi nito, sabay dukot sa cellphone niya sa bulsa at saka nag-umpisang tumipa. Napailing na lang ako dito, at saka ko nilapitan si Aling Cita. "Aling Cita, may plais po ba kayo?" tanong ko. "Naku, Yoseph. Mababasa ka dito!" sagot niya sa akin. "Okay lang po. Huhubarin ko na lang ang sapatos ko, pero ikuha n’yo po ako ng plais para maisara ko iyung pipe lock. Mas madali po natin mai-repair kung wala munang tubig na lalabas sa tubo," sagot ko dito. Hinubad ko na nga ang sapatos ko. Tamang-tama naman na lumabas na uli si Aling Cita na may bitbit na plais. Pagka-abot nito sa akin ni Aling Cita ay agad kong hinanap yung pinaka-lock para mai-off ko yung pagdaloy ng tubig. Agad ko naman itong nakita at mabilis na naisara. "Ay sus! May saraduhan naman pala! Etong si Randell hindi agad sinabi," nakangiting sabi ni Aling Cita. Napakamot naman sa ulo niya si Randell. "Oo nga pala, nawala sa isip ko, Nanay Cita,” namumutlang sagot nito. “Hayaan mo, ‘Nay. May nakausap na ako sa online. Itse-check lang daw iyung schedule ng tubero nila." Narinig kong sabi pa ni Randell, habang tinitingnan ko naman iyung nasirang tubo. "Aling Cita, magbihis na po kayo. Basang-basa ang damit ninyo, baka magkasakit pa kayo niyan. Tatawagan ko na lang si Reggie para makakuha ng bagong tubo sa site. Alam ko, nandoon pa rin iyung mga gamit namin. Nakaligpit lang." "Ay, baka madoble. May kausap na raw si Randell, eh," sagot ni Aling Cita. "Oo, ‘Nay Cita. Bukas daw po ng eleven ng umaga andito na ‘yung gagawa. Naka-queue na tayo," nagmamalaki pang sagot ni Randell. "Bukas pa?? Wala kaming tubig magdamag? Saka paano ako maliligo bukas ng umaga kung alas onse pa sila darating? Maaga ang pasok ko bukas," sabi naman ni Xyrene. "Ganun talaga Xyrene, eh. Queueing kasi sila," kaswal na sagot ni Randell. "I-cancel mo na lang yan. Andiyan lang sa kanto iyung mga tubo at gamit. Papakuha ko na, para magawa na rin ngayon,” sabi ko kay kulugo. “Aling Cita, magpapalit lang po ako ng damit, saka kukuha ng gamit sa site. Babalik din po ako agad," paalam ko dito. "Naku Yoseph, baka magalit naman iyong may-ari nung gasolinahan. Siyempre, materyales nila 'yun. Baka mapahamak pa kayo ni Reggie," nag-aalalang sabi ni Xyrene. "Oo nga, Yoseph," segunda naman ni Aling Cita. "Naku, hindi po. Dalawang pirasong tubo lang naman. Sagot ko na po 'yun. Sasabihin ko na lang bukas sa foreman," nakangiti kong sagot. "Ay siya, sige nga. Pasensiya na, Randell... kanselahin mo na nga lang, at ang hirap ng walang tubig. Lalo na sa gabi. Pasensiya na," sabi dito ni Aling Cita. Yoseph Montenegro.... one point! MAGKASABAY na kaming dumating ni Reggie sa bahay nila Xyrene. Agad-agad naming ginawa iyung sirang tubo nila. "Yoseph, andiyan pala yung karibal mo, ah!" mahinang sabi sa akin ni Reggie. Dinig na dinig kasi dito sa labas ng bahay ang pagtawa ni Randell na para bang sinasadya nitong iparinig sa amin na nagkakasayahan sila ni Xyrene sa loob ng bahay, habang inaayos ko naman iyung tubo nila dito sa labas. "Oo nga. Ang kapal ng mukha talaga. Nakuha pang manligaw, wala na ngang naitulong. Puro porma lang! Di bale, Reggie... sa tingin ko, nakapuntos naman ako ngayon!" pagmamalaki ko. "Talaga?" nakangiting paniniguro ni Reggie, habang inaayos ang dugtong ng tubo na hawak niya. "Ano kayang trabaho ng kulugong iyan?" tanong ko kay Reggie. "Hindi. Negosyante. May trucking business daw ‘yan, sabi ni Xyrene," sagot ni Reggie. "Talaga? Ano naman? Alamin mo nga ‘yung pangalan ng kumpanya. I-research mo. Masama ang kutob ko sa lalaking ‘yan, eh. Ang yabang pa! Akala mo kung sino. Laging pinagyayabang iyung kotse niya. Eh, pamalengke lang sa bahay ‘yung ganun.” Natawa naman si Reggie sa sinabi ko. "Kung bakit naman kasi, ayaw mo pang ipakita dito iyung kotse mo. Ay, mga kotse pala. Wala sa kalingkingan dun sa kahon ng posporo na kotse niya...." sabi pa ni Reggie. "Saka na. Hindi pa ngayon. Bilisan mo na riyan, para ma-bully ko pa si kulugo!" sagot ko. KAKATAPOS lang namin ni Reggie magawa iyung tubo nang lumabas si Aling Cita. "Naku! Salamat sa inyong dalawa at may tubig na!" masayang sabi nito. "Sus! Maliit na bagay lang ito, Aling Cita.... sisiw na sisiw..." sagot ni Reggie. "Uuwi na po kami ni Reggie, Aling Cita," pagpapaalam ko rito, habang naghuhugas ako ng kamay sa gripo. "Ay naku, hindi pwede! Dito na kayo kumain. Nakaluto na ako," pag-aaya nito. "Naku, hindi na ho. Sa bahay na lang po," tanggi ko naman. Nahihiya kasi akong tumabi kay Xyrene. Paniguradong amoy pawis na ako dahil sa paggawa namin ng tubo. "Ay naku, Yoseph! Gusto mo bang magalit ako sa ‘yo ha? Sige ka," banta ni Aling Cita. Napakamot na lang ako sa batok ko. "Nakakahiya, Aling Cita. Ang dumi-dumi na namin,"sabi ko. "Babalik na lang po kami. Magpapalit muna kami ng damit." "Ay naku... hindi totoo ’yan. Hindi ka na babalik. Panigurado ‘yan...." sagot ni Aling Cita. Nang biglang sumulpot si Xyrene sa likod ni Aling Cita. "Yoseph, tara na. Kain na muna kayo...." nakangiting yaya nito. Patay! Paano naman ako tatanggi nito? Eh, ngiti pa lang ni Xyrene, nawawala na ako sa sarili ko! Sasagot sana ako nang sumulpot si Randell sa likuran ni Xyrene. "Huwag na tayong mamilit ng ayaw. Aba! Sayang naman iyung pagkain. Lumalamig na," sabi ni Randell, na para bang siya ang may-ari ng bahay, at hindi bisita dito. Ah, ganun ha… "Sige po, susunod na po kami, Aling Cita. Maghuhugas lang kami dito," sagot ko. Napansin ko ang pasimpleng pagsimangot ni Randell. Akala niya siguro ay magmamatigas ako. Ikaw ang manigas! "Oh, sumunod na kayo agad ha. Nakahain na," sabi ni Aling Cita, sabay talikod para pumasok na sa loob ng bahay. Nakita ko naman ang palihim na pag-ismid ni Randell sa amin ni Reggie. Palihim din akong natawa. Excuse me? Montenegro yata ito! ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD