CHAPTER 11 - SUNSET

1624 Words
"Huy, sigurado ka bang hindi tayo hahabulin nung restaurant?" Kanina pa kami nakalabas doon sa restaurant, at kalalabas lang namin ng mall. Kapwa kami may hawak na plastic cup ng lemon juice na binili namin sa kiosk na nadaanan namin. Napatingin ako sa hawak kong plastic cup. Lemon juice na pala ang tawag dito? Tubig lang siya na infused ng lemon tapos dagdag ka pa limang piso para sa dahon ng mint? Tubong lugaw ah! "Bakit ba hindi ka mapakali dun sa kinain natin?" natatawang tanong ni Yoseph. "Hindi dun sa pagkain ako nag-aalala, kung hindi sa bayad natin. Ay mali! Hindi pala tayo nagbayad. Sa pagpirma mo pala. Dun ako nag-aalala. Baka mamaya may dadampot na sa atin dito na pulis, ha?" sagot ko. Tumawa lang ito nang tumawa. "Nakakatuwa ka, Xyrene..." "Bakit?" takang tanong ko sa kanya. "Don't worry. Walang huhuli sa atin. Kay Kuya Zyrus nga iyung restaurant na ‘yun." sagot nito. Napakunot-noo ako. "Kapatid mo?" "Nope. Soon-to-be bayaw. Iyon eh, kapag hindi siya nauntog sa pagsagot niya sa ate ko," sabi nito, at saka sinabayan ng tawa. "Ano?? Ate mo ang nanligaw sa kanya?" saglit akong napahinto sa narinig ko sa kanya. "Nagbibiro ka ba?" dagdag ko pa. "Oo nga, totoo. Paano kasi, baliw iyung ate kong iyon, eh. Pag nasa kanya ang atensiyon ni Kuya Zyrus, ibang lalaki ang nakikita niya. Nung hindi na siya pinansin ni Kuya, hinabol-habol naman niya. Eh, since teenagers sila, ganun na ang ate ko, kaya nung malalaki na sila, nagsawa na siguro itong si Kuya Zyrus, kaya dedma na siya sa Ate ko," pagkukuwento nito. "Eh, paano nga kung totally hindi na pansinin ng Kuya Zyrus mo ‘yung ate mo, eh di hindi mo na siya magiging soon-to-be bayaw," sabi ko tapos ay sumipsip ako ng lemon juice. "Hindi siguro. Baka binibigyan lang niya ng leksiyon si ate, or naninigurado lang siya na mahal talaga siya ni Ate Ysa. Wala naman kasi akong nabalitaan na na-involve o niligawan ni Kuya Zy na kahit sinong babae. Kaya for sure, si Ate Ysa lang talaga ang love nun!" nakatawang sagot nito. "Ang suwerte naman ng ate mo..." "Saan? Kay Kuya Zyrus?" tanong nito. "Hmmm? Oo… pero mas masuwerte siya kasi stable na iyung mapapangasawa niya. If ever, may restaurant business na sila," natatawang sabi ko sa kanya. Hindi ko na nga napansin na nakarating na kami sa may tabing dagat sa paglalakad kasabay ng kuwentuhan. Hinatak ako ni Yoseph sa isa sa mga pabilog na mesa na may sementadong upuan at malaking payong. Nasuwertihan namin na bakante iyong isa. Although may araw pa ay hindi naman mainit, dahil sa malaking payong na nasa ulunan namin at mahangin naman sa area. Magkatabi kaming naupo paharap sa dagat ng Manila Bay. "Kaya nga ako, nagsisikap akong makatapos, para makapagtrabaho at maiayos ko ang buhay namin. Mahirap din iyung si Tita Lily na lang ang inaasahan namin. Balak ko, pupunta ako ng Amerika para doon ako magtrabaho, para malaki ang kita. Siyempre, dolyar ang kitaan dun!" nagmamalaking kuwento ko kay Yoseph. Pansin ko ang biglang pagtahimik ni Yoseph. Nilingon ko ito, at kita ko ang lungkot sa mukha nito. "Ganun? Pupunta ka ng Amerika? Paano kung iyong mapapangasawa mo naman eh, kaya ka namang buhayin dito?" sabi niya. Napatitig ako sa mukha ni Yoseph. Merong something sa reaksiyon niya na hindi ko mabasa. Nagkibit-balikat na lang ako. "Sana nga kung ganun nga. Para hindi na ako malalayo kina Nanay. Mahirap din kayang maging OFW. Pero suwertihan lang iyung sinasabi mo! Malabo ‘yon! Iyong makatagpo ng mayaman na lalaki na mahal mo, at mahal ka? Saka... isa pa, iba pa rin siyempre iyung pinagpawisan mo iyong ibibigay mo sa pamilya mo. Hindi galing sa iba. Eh di, pag may suwerteng dumating na mayamang asawa, eh di, bonus na lang yun!" sabi ko. "Kaya nga ayaw ko pa talaga sanang ligawan ka. Gusto ko sana, makapag-review ka muna sa board exams mo, at saka kita liligawan. Kaso, may umaaligid na sa’yong kulugo. Kaya no choice na ako," sabi nito. Natawa ako sa sinabi niya. "Bakit ba kulugo ka nang kulugo kay Randell? Nakita mo bang may kulugo? Seryoso…" "Eh, mukhang kulugo eh!" sagot niya. "Alam mo, grabe ka talaga..." sabi ko sa kanya, at saka muli akong humigop sa lemon juice ko, nang bigla akong may naalala. "Um! Ikaw pala…” “Anong ako?” tanong ni Yoseph. “Anong pangarap mo sa buhay mo?" Sumipsip ito sa straw niya, at saka tumingin sa akin. "Ako? Simple lang ang gusto ko. Iyung makasama ko iyong babaeng mahal ko." Hindi ko maalis ang tingin ko kay Yoseph habang bahagyang pumipitik-pitik ang puso ko. Ako ba iyung sinasabi niyang babae? Hinintay ko pa siyang magsalita, pero wala na itong sinabi at bumaling na ng tingin sa dagat. Para namang bigla akong nagising mula sa isang trance. Eh, ano naman kung ako iyong babaeng tinutukoy niya? Alam ko naman sa sarili ko na hindi pwede iyon kapag nagkataon. “’Yun lang? Ang babaw naman ng pangarap mo. Basta makasama mo lang siya? Paano mo siya bubuhayin? Ng mga magiging anak Ninyo. Ang gastos kayang magka-anak ngayon sa mga panahon na ‘to. Hindi mabubuhay ang tao dahil lang sa pagmamahalan at pag-ibig.” Hinintay ko siyang sumagot, pero wala na itong sinabi at bumaling na ng tingin sa dagat. Na-offend ko ba siya? Eh, paano kung ako nga iyong babaeng tinutukoy niya? Pero alam ko naman sa sarili ko na hindi pwede iyon kapag nagkataon. "’Yun lang! Ano pa ba?" Mayamaya ay sagot ni Yoseph. "Bitin naman! Hindi mo man lang i-elaborate kung anong mga plano mong gawin?" pagrereklamo ko. "Saka ko na iyan pag-iisipang mabuti. Basta sa ngayon ang plano ko, mapasagot ka," sabi nito, sabay kindat sa akin. Eto na naman ang puso ko, na pakiramdam ko ay tumalon-talon pa. Nakaramdam din ako ng konting kilig sa pagkindat ni Yoseph sa akin. "Parang siguradong-sigurado ka na sasagutin kita, ah..." birong pambabara ko dito. "Alangan namang si kulugo ang sagutin mo! Eh, kitang-kita naman na mas guwapo ako dun!" pabirong pagyayabang nito, sabay ayos pa niya ng collar ng polo shirt niya. "Ang yabang!" pang-aasar ko sa kaniya. "Confident lang..." sagot naman nito. "Ewan ko sa’yo, Yoseph!" natatawang sagot ko sa kanya. "Uy, lablab. Huwag ka nang sasakay uli sa kotse ni kulugo, ha. Mamaya niyan, may gawin sa iyong hindi maganda ‘yun." Tinitigan ko ang mukha niya. Hindi ito mukhang nagbibiro. "Ano naman ang gagawin sa akin ni Randell? Mabait naman iyung tao. Grabe ka talaga. Judgemental ka, alam mo iyun?" sagot ko. "Mabait? Akala mo lang ‘yun!" sabi niya. "Oo nga... mabait ‘yun. Classmate ko ‘yon nung elementary, kaya alam ko." "Tapos sa akin, ayaw mo akong makatabi sa taxi. Eh, tatlo naman tayo dun, kasama ‘yung driver..." sabi nito sa nagtatampong tono. "Hala siya! Nasasayangan lang ako sa ibabayad mo sa taxi! Grabe ka talaga...." "Hmp! Unfair ka lang talaga. Porke si kulugo, may kotseng pangsundo sa’yo." "Uy, Yoseph! Seryoso na ba yan? Nakaka-offend na, ha...." sagot ko. "Malay mo, hiniram lang niya iyung kotse na ‘yun!" dagdag pa ni Yoseph. "Mukha namang hindi. Kasi may mga gamit naman siya doon sa loob ng kotse," sagot ko. "See? Ipinagtatanggol mo. Unfair ka talaga..." sumbat pa nito. Hinampas ko ito sa itaas na braso niya, pero nasaktan lang ang kamay ko sa tigas ng braso nito. "Huy, Yoseph! Umayos ka ha..." sabi ko dito. Bigla itong ngumiti. "Joke lang... pero hayaan mo, isang araw magugulat ka na lang. Susunduin kita ng kotse. Mas maganda pa sa kotse ng kulugong ‘yun!" Inirapan ko ito. Mukhang hindi na maaalis sa kanya ang pagtawag kay Randell ng kulugo. "Yoseph... wala ka bang balak maghanap ng ibang trabaho?" naitanong ko sa kanya. "Bakit? Buhay ko na ang AMCO. Doon na rin ako tatanda, at mamamatay. Kapag sinagot mo na ako, at naging asawa kita, ang AMCO na rin ang magiging buhay mo. Saka ng mga magiging anak natin." "Teka, teka! Ang fast forward naman! Tinanong lang kita kung may balak kang maghanap ng ibang trabaho nakarating na sa anak?!" sita ko sa kaya, na tinawanan lang niya. "Ikaw lang kasi ang nakikita kong makakasama ko sa pagtanda ko, wala nang iba," seryosong sabi nito, na nagpatambol na naman ng dibdib ko. Nag-iwas ako sa kanya ng tingin. Hindi ko matagalan ang titig niya sa akin. "P-Puro ka biro." Iyon lang ang nasabi ko. Wala na kasi akong maisip na sabihin kay Yoseph, masyado akong apektado ng sinabi niya. "Uyyyy... nagba-blush ang lablab ko!" malakas na sabi ni Yoseph. Napatingin tuloy ako sa mga nasa paligid. Yung iba ay napatingin sa gawi namin. Paano ba naman ang lakas ng boses ng katabi kong ito! Pagagalitan ko sana siya, pero naunahan niya akong magsalita. "Lablab! Ayan na! Mag-uumpisa na!" "Huh? Ang alin?" nagtatakang tanong ko. "’Yung sunset. Ayan na, bilis! Tumingin ka na!" sabi nito, sabay turo sa gitna ng dagat. Sinundan ko ng tingin ang itinuturo niya. Kita ko nga ang unti-unti nang lumulubog na araw sa gitna ng dagat. "Gustung-gusto ko ang sunset.” Narinig kong sabi ni Yoseph, pero hindi ko siya tiningnan. Sinubukan kong hanapin sa tanawing nasa harapan namin ngayon kung bakit siya nagustuhan ni Yoseph. “Ewan ko ba. May something sa sunset na nakaka-magnet sa akin. Gustung-gusto ko itong titigan, habang unti-unting nawawala iyung araw sa paningin ko. Parang ipinaparating niya na may gusto siyang pagtaguan pansamantala. Pansamantala lang, kasi magpapakita rin naman siya kinabukasan," mahabang sabi nito. This time, napalingon na ako kay Yoseph. Sa paglubog ng araw nga lang siya naka-concentrate ng tingin. Para bang kinakabisado niya sa isip niya iyung itsura ng paunti-unting paglubog nito. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD