CHAPTER 10 - SIGNED CHIT

2026 Words
"Hi, lablab..." Napangiti ako kay Yoseph. Nag-text siya kagabi na susunduin niya ako ngayon. Finals week na namin kaya maaga na ako nauwi. Pero napalitan ang ngiti ko nang may kumurot sa tagiliran ko. "Sino naman ‘yan..." pabulong na tanong ni Myles sa gilid ko, pero may diin ang pagkakasabi niya, kasing-diin ng kurot niya. "Yoseph, mga kaibigan ko. Si Myles, saka si Peachy," pakilala ko sa kanila. "Asan na ‘yung isa? Rendel ba ‘yun?" sabat naman ni Peachy, kaya pinandilatan ko ito ng mata. Walang preno talaga ang bibig nito! "Randell. Baka busy sa work niya. Wala pa akong balita sa kanya," kaswal na sagot ko. "Kuya, manliligaw ka rin dito kay Xyrene?" tanong naman ni Myles. Sa totoo lang, hindi ko alam kung anong meron sa dalawang ito ngayon at napakataklesa! "Oo sana. Pero Yoseph na lang. Nakakatanda naman ‘yung Kuya," sagot naman ni Yoseph. "Bakit? Ilang taon ka na ba?" tanong uli ni Myles. "Twenty-three. Going Twenty-Four," tila nahihiyang sagot naman ni Yoseph. "Uy! Mas maganda nga iyung ganyan. Iyung mas may age si boy para matured na," agaw naman ni Peachy. "Wala naman akong sinabi. Tinanong ko lang ang age niya. Parang kasing-edad nga lang natin siya, eh! Saan mo naman nakilala itong friend namin, Yoseph?" sabi ni Myles. "Ah... may ginagawa kasing bagong gasoline station sa may kanto papunta sa bahay nila. Lagi ko siyang nakikitang dumadaan doon. Actually, wala naman kasi siyang ibang dadaanan kung hindi doon lang, eh. Kaya lagi kong nakikita ang kagandahan niya, " nakangiting sagot ni Yoseph. Agad na nagkatinginan sila Peachy at Myles, pero agad din nilang binawi ang tingin sa isa't isa. "Iyong construction site ba sa kanto nila?" paniniguro pa ni Peachy na tanong kay Yoseph. "Dun ka nagta-trabaho?" nagtatakang tanong ni Myles, habang pasimpleng pinasadahan ng tingin ang kabuuan ni Yoseph. Nakasuot kasi ito ng light yellow na polo shirt, na may naka-burdang buwaya sa dibdib. Naka-maong na pantalon at saka naka-loafers. Kung titingnan mo kasi ang bihis ni Yoseph, hindi mo iisiping sa isang construction site lang siya nagtatrabaho. Magaling siya magdala ng damit. Bumagay pa iyung kulay yellow na shirt sa kanya, kasi parang mas lalong lumutang ang kinis ng balat niya. Pero nag-umpisa na akong kabahan sa mga klase ng tanong ng dalawa kong kaibigan. Ngumiti naman si Yoseph kay Myles. "Oo. Doon nga. Sa AMCO iyong gasolinahan!" Kaswal na kaswal ang pagkakasagot niya. Para bang hindi niya pinag-iisipan ng malisya ang tanong ng mga kaibigan ko. "Aaaah... AMCO pala yun.... doon ka talaga nagta-trabaho?" tila hindi makapaniwalang tanong uli ni Myles. "Paulit-ulit? Naka-unli ka, Myles?" sabi naman dito ni Peachy. "Para kasing mas flawless pa ang balat ni Yoseph sa atin, tapos sa construction site siya nagtatrabaho? Naisip ko lang, nasaan ang hustisya?" sagot nito. "Uy, flawless din naman kami ni Xyrene, ‘noh? Huwag mo kaming idamay sa balat-kalabaw mong balat!" sagot ni Peachy dito. "Ay, naku! Kung saan na naman mapupunta iyang pagtatalo ninyong dalawa. Yoseph, pasensiya ka na sa dalawang ito, ha. Nakulta yata mga utak sa exams namin," nakangiting hinging paumanhin ko kay Yoseph. "Oh, siya. Umalis na nga kayo!" pagtataboy ni Myles. "Saan ba ang way ninyo?" tanong ni Yoseph sa dalawa. May dala ba itong sasakyan, kaya tinatanong iyung dalawa? Nakita kong nanlaki ang mga mata ni Peachy. "Bakit? Isasabay mo kami? May dala kang car-lalu?" tanong niya kay Yoseph. "Taxi!" buong pagmamalaking sagot ni Yoseph, kaya napaawang ang mga labi ko. "Ay! Hehehe. Huwag na. Mapapamahal ka pa. Kayo na lang ni kagandahang Xyrene ang mag-taxi. Pero huwag mong dalhin ang friend namin sa biglang-liko, ha!" sagot naman ni Myles. "Hindi, ah! Good boy ‘to," sagot naman ni Yoseph sa kanya. "Mabuti na iyong nagkakaintindihan tayo, okay? Marami pang pangarap ang kaibigan namin na yan. Hindi pa pwedeng mag-asawa ‘yan. Marami pang bibig na pakakainin iyang babaeng ‘yan," mahabang sagot ni Myles. "Umalis na nga kayo! Ang daming sinasabi...." reklamo ko naman. "Kayo ang umalis. Kakain pa kami sa tusok-tusok ni Peachy. Oh, sige na. Babay!" paalam ni Myles sa amin. "Babush, Xyrene! Usap tayo mamaya sa group chat, gurl...." paalam naman ni Peachy, na may himig pagbibigay babala. Kumaway na lang ako sa dalawa. Alam kong gigisahin nila ako mamaya sa group chat namin. Hindi ko kasi nabanggit sa kanila ang tungkol kay Yoseph. Nakangiti namang sinundan ng tingin ni Yoseph iyong dalawa. "Huy, tara na!" aya ko kay Yoseph, nang nakalayo na iyong dalawa kong kaibigan. Naglakad na kami papunta sa sakayan. Nagtaka naman ako nang may nagdaang dyip ay hindi nito pinara. "Bakit hindi mo pinara yung dyip? Konti pa naman ng sakay, sayang" sabi ko sa kanya. "Magta-taxi nga tayo," sagot nito. "Ay naku! Ang mahal nun. Sayang ang pera!" sagot ko dito. No wonder, kaya pala maganda ang kutis nitong si Yoseph, may pagka-maselan. "Ayoko sa dyip. Gusto ko, ako lang ang katabi mo, ako lang ang nakikita mo, at ako lang ang kausap mo. Sa akin ka lang mag-concentrate," sagot nito. Pinaikutan ko ito ng mga mata. "Eh, di sa likod ng driver tayo maupo para ikaw lang ang katabi ko. Okay na ba yun?" "Hindi pa rin okay. Mainit sa dyip. Pagpapawisan ka," sabi nito, habang kandahaba ang leeg sa pagtanaw ng mga parating na sasakyan. "Paanong pagpapawisan, eh bukas na bukas mga bintana ng dyip?" sagot ko sa kanya. "Isa pa ‘yun. Maaalikabukan ka." "Yoseph... ang arte mo," sabi ko sa kanya. "Ikaw lang kasi inaalala ko.... ganyan kita iniingatan,” sabi nito, sabay kaway sa padating na taxi. “Sir, sa may Dewey Bay po tayo,” magalang na sabi nito sa driver pagka-upo namin. Ngayon ko lang na-realize, na pati ang pagsasalita ni Yoseph, may class. Nakaramdam ako ng pagka-ilang nang nag-umpisa na kaming bumiyahe. Ang lapit-lapit kasi ni Yoseph sa akin at halos magdikit na ang mga balat namin. Isa pa ay amoy na amoy ko ang pabango nito na suwabe lang sa ilong, at parang ang sarap amuyin nung amoy ng pabango sa balat niya. Parang ang sarap tuloy sumandal sa dibdib niya. Behave, Xyrene! Hindi ko napigilan ang mapabuga ng hangin. “May problema ba?” tanong tuloy ni Yoseph. “Ah, wala… Medyo mainit lang,” katwiran ko. “Mam, malakas naman po iyung aircon ko,” singit nung driver, habang nakatingin sa akin sa salamin niya. “Ay, hindi Kuya. Kasi kasasakay lang namin, di ba? Galing kami sa labas. Kaya medyo naiinitan pa ako,” katwiran ko uli, at saka ako tumingin sa labas ng bintana kasi nailang ako sa tingin ni kuya driver. "Anong gagawin natin sa Dewey Bay? "tanong ko kay Yoseph mayamaya. "Doon na tayo kumain ng tanghalian. May kainan dun na masarap. Tapos, lipat tayo ng Mall Of Arena. Window shopping tayo, ma-freshen-up muna iyang utak mo. May exams ka uli bukas, di ba?" tanong nito. "Oo. Meron. Kaya hindi tayo pwedeng magtagal. Magre-review pa ko," sagot ko sa kanya. "Promise. Sandali lang tayo. Saka naipagpaalam na kita kay Nanay Cita." Hindi ko napigilang magtaas ng kilay sa sinabi nito. "Nanay talaga ang tawag?" Bahagya tuloy natawa si Yoseph. "Nagpa-practice na ko. Bakit ba?" Nakangiting inirapan ko lang siya. NANG makababa na kami sa taxi ay pumasok kami sa isang bagong gawang mall. Nang makapasok na kami sa loob ng mall ay sumakay kami sa isang elevator. Ngayon ko lang nalaman na may elevator pala sa bahaging ito ng mall na ‘to. Pagbukas ng pinto ng elevator ay hinawakan ni Yoseph ang kamay ko para igiya ako palabas. Bumungad sa amin ang tila condominium na hotel style na building. Naglakad na kami, at habang pinagmamasdan ko pa ang paligid ay biglang huminto si Yoseph at nag-anunsiyo. “We’re here…” sabi nito. Nasa tapat kami ng isang hindi ko kilalang restaurant. "Teka, saan tayo pupunta?" nag-aalalang tanong ko kay Yoseph. "Kakain nga, di ba?" kaswal na sagot nito. "Di-Dito??" Sinuyod ko ng tingin ang loob ng restaurant. Para kasing napaka-sosyal ng ambiance dito. "Bakit di na lang dun sa foodcourt ng mall? O kaya sa Jollibee. O sa McDo," sabi ko sa kanya. "Maraming tao dun. Maraming titingin sa yo. At least dito, solo kita," sagot nito, at saka hinawakan ang kamay ko para hilahin na akong maglakad. "Yoseph! Wala akong dalang perang pambayad dito," mahinang bigay babala ko sa kanya. "Ako ang lalaki, kaya ako ang magbabayad! Treat ko ito sa iyo," sagot naman nito. “Pwede ba ako diyan? Naka-school uniform lang ako,” sabi ko pa sa kanya. “Hindi pwedeng hindi ka nila papasukin. Bakit ba? Ano bang masama sa school uniform?” sagot naman nito. Wala na akong nagawa kung hindi magpatangay kay Yoseph papasok sa loob. Nang i-guide kami ng restaurant staff sa pinakaloob ng restaurant ay hindi maalis ang kaba sa dibdib ko. Pasimple kong sinuyod ng tingin yung ibang kumakain doon at karamihan ay tila may-kaya. Kumbaga, can afford talaga nilang kumain dito. Nakupo. Kahit iprenda ko yata ang cellphone ko dito, hindi kakasyang pambayad! Hinayaan ko na ring si Yoseph ang umorder ng kakainin namin. Nakakapagtaka namang parang kabisado na niya ang menu nitong restaurant, at hindi man lang tiningnan iyong menu na inabot sa kanya nung waiter. Lalo pa akong kinabahan sa mga naririnig kong pangalan ng mga pagkaing binabanggit ni Yoseph. Para kasing 'tunog-mahal' at ngayon ko lang narinig sa tanang buhay ko. Nang dumating iyung mga inorder namin ay pansamantala ko munang inalis ang kaba sa dibdib ko. Paano ba naman? Napakaganda ng presentation ng bawat ulam sa plato. May mga dahon-dahon pa sa ibabaw at sa gilid. Itsura pa lang nito ay masasabi mo nang masarap! Lalo na nang matikman ko na isa-isa ang mga ulam. Wala kang sukat kabigin! "Mukhang gutom na gutom ka na, ah! Nakalimutan mo nang kasama mo ko," pansin ni Yoseph nang may katagalan na kaming kumakain. Paano ba naman, tanging iyong tunog lang ng mga kubyertos sa pinggan namin ang maririnig na ingay. Hindi ko tuloy napigilang mapangiti. "Sorry na. Ang sarap kasi ng mga pagkain nila! Super!" sagot ko sa kanya, pagkalulon ko sa pagkaing nasa bibig ko. "Talaga?" pagkukumpirmang tanong nito. "Oo nga!" "Actually, kilala ko ang mga may-ari nito. At pihadong matutuwa sila dahil nagustuhan mo ang mga pagkain nila," nakangiting sabi ni Yoseph. Namilog ang mga mata ko. "Talaga? Kakilala mo ang may-ari nitong restaurant na ‘to?" paninigurado ko. Nagsasabi ba ng totoo itong lalaking ‘to? Hindi kaya magwa-one-two-three kami mamaya nito kagaya nung mga napapanood ko sa palabas? Bahagya namang natawa si Yoseph. "Oo nga... si Kuya Zyrus at Ate Ysa. Ubusin na natin lahat ‘to. Or kapag di mo na kaya, iuwi na lang natin kay Nanay Cita, bukod sa pinabalot ko," sabi nito. "Feel na feel mo ‘yung pagtawag ng Nanay sa Nanay ko ha!" pagbibiro ko dito, na tinawanan lang niya. Bakit ba ang cute tumawa nitong mokong na ‘to? “Siyangapala, paano mo naman nakilala iyong mga may-ari nitong resto?” tanong ko sa kanya. Ngumiti ito. “Secret…” Secret? Naku! Nakakakaba yata talaga! HALOS nangalahati lang namin yung mga pagkain sa mesa. Kahit gusto ko pa ay kusa nang sumuko ang tiyan ko. Sinenyasan ni Yoseph iyong isang staff na parang nanghihingi na siya ng bill namin. Bigla naman akong kinabahan. May pambayad kaya talaga si Yoseph sa kinain namin? Baka mamaya mauwi kami sa paghuhugas ng pinggan, ah! Puting-puti pa naman ang uniform ko! Hindi kaya modus talaga ni Yoseph iyung ganito? Iyong kakain sa mahal na restaurant tapos tatakas pag bayaran na? Iyong magpapaalam muna siya na magsi-CR, tapos hindi na siya babalik kaya maiiwan na lang ako ditong mag-isa? Nung lumapit na iyong staff sa mesa namin ay hindi na ako mapakali. Nakita kong may bitbit itong maliit na itim na clipboard kung saan nakaipit yung bill namin. Nang iabot iyon nung staff kay Yoseph ay kasabay din ng pag-abot ng ballpen dito. Kitang-kita ko nang bilugan ni Yoseph yung halaga ng total bill namin at saka pumirma sa tapat nun. What the heck? Signed chit?? Ganun niya kakilala iyung may-ari nitong restaurant??? ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD