Kinabukasan, sinadya kong maagang gumising. Si-net ko ang alarm ng cellphone ko para siguradong magigising ako sa gusto kong oras. Tiniyak kong madilim pa lang ay makakaalis na ako. Pero, dahil sa hindi rin ako masyadong nakatulog, nauna pa akong nagising sa tunog ng alarm. Ayaw kong magkita pa kami ni Yoseph. Actually, hindi ko na siya nakita kagabi, nung bumaba uli ako at nagpaalam sa mga magulang niya. “Mam, magpapaalam lang po ako na maaga po akong aalis bukas. Sir…” “Bakit nagmamadali ka naman, iha? I-enjoy mo muna ang beach.” Si Mr. Montenegro ang nagsabi nun. Naiilang talaga ako sa mga tingin ni Mr. Montenegro. Para kasing lagi niyang pinag-aaralan ang mga salita at kilos ko. “Salamat na lang po, pero hindi na rin po kasi ako pwedeng magtagal,” magalang na sagot ko sa kanya.