Chapter 13: The Fifth Element

2096 Words
Zeth Archibald Pilit kong binukas ang aking mga mata kahit ramdam ko ang matinding sakit ng aking katawan. Kailangan kong bumangon dahil hindi pa tapos ang pagsubok na kailangan kong malampasan. At sa tingin ko, ngayon pa lang ito nagsisimula. Sa pag-angat ko ng katawan, isang malagkit na likido ang naramdaman ko sa aking kamay. Laway ng balyena ang kasalukuyang bumabalot sa aking palad dahil nandito ako sa loob ng kanyang bibig. Mabuti na lang at hindi pa niya ako tuluyang nalunok at nanatili pa ako sa kanyang dila. Sinimulan kong igalaw ang aking katawan at inikot ang aking paningin. Nakikita ko ang ngalangala ng balyena na aking kinaroroonan. Maging ang tonsil nito. Habang pinagmamasdan ko ito, naka-isip ako ng isang paraang makalabas sa lugar na ito, ngunit maaaring maging delikado ang aking naiisip. Hindi ako siguradong makalalabas dito ngunit wala rin naman akong pagpipilian kung hindi ang sumugal, dahil kung hindi ko iyon gagawin, maya-maya lang ay itutulak ako ng dilang ito patungo sa kanyang sikmura at doon ay tuluyan na akong mabubura sa mundo. Pilit akong tumayo at kahit ramdam ko ang sakit ng aking katawan, lumakad ako patungo sa kanyang tonsil at tinapat ko ang aking palad dito. Sinimulan kong ipunin ang aking lakas sa gitna ng aking palad, dahilan upang unti-unti itong uminit. Kailangan kong tumama sa timing ng kanyang pagbuga. At sa tingin ko, nalalapit na ang gagawin niyang ito. Nagsimulang gumalaw ang kanyang tonsil. Alam ko na agad na gumagana ang aking ginagawa. Painit nang painit ang aking palad dahilan upang maramdaman niya ito. Hanggang sa maya-maya lang, nagsimulang gumalaw ang kanyang dila, dahilan upang ako ay ma-out of balance at tuluyang mapa-upo sa kanyang dila. Ito na ang hinihintay ko. Ilang paggalaw pa ang kanyang ginawa. At nang mapansin ko ang paggalaw ng malaki niyang katawan. Animoy lumalangoy na ito patungo sa ibabaw ng dagat. Sinimulan kong ibaliko ang aking tuhod, saka malakas at mataas na tumalon sa loob ng kanyang lalamunan. Bahala na, sana ay sumakto ang oras ng aking pagtalon, saad ko sa sarili. Sa patuloy na pagbagsak ng aking katawan sa loob ng katawan ng balyenang ito, seryoso lang akong nakatitig sa loob ng kanyang katawan. Tanging dilim lang ang aking nakikita at ni isang liwanag ay hindi ko maaninag. Hanggang sa makarinig ako ng isang rumaragasang tubig. Tila paakyat ito sa aking kinaroroonan. Tumaas ang gilid ng aking labi dahil sa aking narinig. Tama ako ng hinala. Sinimulan kong itutok ang aking palad sa direksyong ibaba upang salubungin ang rumaragasang tubig. Mabilis ang pagbagsak ng aking katawan. Hanggang sa maya-maya pa, tuluyang tumama ang malakas na pwersa ng tubig sa aking palad. Mariin akong napapikit dahil sa lakas ng pressure nito at dahil na rin sa pagtama nito sa aking palad. Animoy karayom ang talas ng tubig na tumatama sa aking kamay dahil sa malakas nitong pressure, ngunit hindi na mahalaga sa akin iyon, dahil ang nais ko lang ay ang makalabas sa katawan ng balyenang ito. Sa pagtaas ng aking ulo at sa pagsilip ng aking mata sa patutunguhan ko, isang bilog na liwanag ang natanaw ko. Napapikit pa ang aking isang mata dahil sa pagkasilaw. Ilang saglit pa, tuluyang lumusot ang aking katawan sa butas na iyon, kasabay ng malakas na puwersa ng tubig na tumutulak sa akin. Tumilapon sa ere ang aking katawan dahil sa lakas ng kanyang pagkakabuga. Kinondisyon ko ang aking isip at ang kapangyarihan ng Aether ay inipon ko sa aking talampakan. Ang totoo, ang kapangyarihang ito ay hindi ko kayang gamitin sa buo kong katawan. Sa isang bahagi ko lamang ito na gagamit at hindi ko na kaya pang ilipat sa ibang bahagi. Kung ang aking kapangyarihan ay kasalukuyang nakalagay sa aking kamay, hindi ko ito magagawang ilipat sa aking talampakan. Ang bagay na iyon ay hindi ko pa natututunan. Sa paglapat ng aking paa sa ibabaw ng tubig, hindi ako lumubog dahil sa kapangyarihan ng Aether na nasa aking talampakan. Nakalutang ang aking katawan sa ibabaw ng tubig at animoy nasa isang semento lang ako nakatayo. Nilibot ko ang aking paningin sa paligid dahil alam kong ano mang oras, may darating na namang kalaban. At hindi nga ako nagkakamali. Muli kong natanaw si Serene na nakasakay sa isang bumubulang tubig. Isang malakas na pagtawa ang kanyang ginawa na tila nababaliw. "Hindi ka naman pala mahina, Zeth," wika niya, saka muling tumawa. "Ito lang ba ang kaya mo? Wala na bang bago, Serene?" mapang-inis kong tanong. Ngumiti siya sa akin. Nakita ko ang pagtingin niya sa aking paa na ngayon ay nakatapak sa tubig. Isang pagngisi ang kanyang ginawa nang masulyapan niya ang aking paa. "Kung ganoon, tingnan natin kung hindi ka matatablan dito," aniya. Sa isang pikit ng mata, nawala sa aking harapan si Serene. At sa isang iglap lang, bigla siyang sumulpot sa aking harapan. Hinawakan niya ang aking pisngi saka nagtama ang aming mga mata. Ang asul na kulay ng kanyang mga mata ay animoy karagatan na may malawag na nilalaman. Tila nakita ko ang isang paraisong nakapaloob sa likod ng mga matang iyon, isang paraisong may tahimik na hangin at maaliwalas na kapaligiran na hahangarin ng kahit sino mang makakita. Mariin akong napalunok. Nagsimulang maparalisado ang aking katawan at tuluyan itong napako. Ang kapangyarihan ko ay kasalukuyang nasa talampakan, kaya ang itaas na bahagi ng aking katawan ay kasalukuyang mahina. Unti-unting nabablanko ang aking isip. Dahan-dahang dumidilim ang aking paningin. Tila ang aking katawan ay hinihigop ng kanyang mga mata at ang kaluluwa na nakapaloob sa aking katawan ay humihiwalay. Hanggang sa tuluyan na akong nawala sa aking sarili at nabalutan ng dilim ang aking paligid. *** Aira Samaras Nanlalaki ang aking mga mata dahil sa aking nakikita. Kasalukuyang yakap ni Serene ang katawan ni Zeth. Tila tuluyan nang nakuha ng Serene na iyon ang pag-iisip ni Zeth at hindi na nito nagawa pang lumaban. Ang mata ni Zeth ay naging kulay itim. Tila wala na ito sa sarili. "Mukhang wala nang kawala ang Zeth mo," rinig kong saad ni Pontus, saka ngumingisi. "Tumigil ka!" sigaw ko sa kanya, saka nagtapon ng matalas na tingin sa kanyang mukha. Tila naintindihan naman niya ang nais kong ipahiwatig dahil agad siyang tumahimik at mariing lumunok nang makita ang galit kong mukha. Muli kong binalik ang tingin sa isang malaking bula na nasa aming harapan. Alam kong kaya mo iyan, Zeth. Alam kong mapagtatagumpayan mo ang laban na ito. May tiwala ako sa 'yo. Pinagdaompalad ko ang aking kamay saka mariing pumikit. Sinimulan kong manalangin na sana ay makaligtas si Zeth. "Zeth, pakiusap, gumising ka," mahina kong panalangin. "Anong?!" Mabilis na dumilat ang aking mata nang marinig ang sigaw na iyon ni Pontus. Nanlaki ang aking mata nang makita ang nangyayari ngayon kay Zeth. Isang malakas na liwanag ang bumalot sa kanyang katawan. Ang hibla ng kanyang buhok ay nagsimulang tumaas. "S-Sandali lang, nagbibiro lang ako, Zeth," nanginginig sa takot na wika ni Serene sa kanya. Agad itong lumayo sa kinaroroonan ni Zeth. Halata ang panginginig ng katawan nito at nababakas ang takot sa kanyang mga mata. Nagmadali siyang lumayo sa kinaroroonan ni Zeth na animoy takot na takot. Maging ang mata nito ay hindi makatingin ng diretso kay Zeth. "Hindi maaari ito!" nag-aalalang sigaw ni Pontus. Mabilis siyang tumayo at sa isang iglap, nawala siya na parang bula sa aming kinaroroonan. Saan siya pumunta? Bakit? Ano ba ang nangyayari? "Delikado ang mga nangyayari, Aira." Napalingon ako sa aking tabi nang marinig kong magsalita si Yani. "A-Anong ibig mong sabihin?" nagtataka kong tanong. "Aether ang ika-limang elemento na humahawak sa mundong ito. Hindi siya ang pinakamahina, bagkus, siya ang pinakamalakas. At kapag dumating ang pagkakataong hindi na makokontrol ni Zeth ang kanyang kapangyarihan, maaari siyang makawasak ng isang buong kaharian," sunod-sunod na paliwanag ni Zeth. Nanlaki ang aking mata dahil sa kanyang sinabi. "Sa palagay ko, naramdaman ni Zeth ang pagpapalakas mo sa kanya. Tila konektado kayong dalawa. Ganyan ang nakita ko noong nasa Nymph Kingdom kayo," muli niyang wika, saka tumingin sa akin nang diretso. "Aira, ikaw ang lakas ni Zeth. At si Zeth naman ang lakas mo." Tila lumiban ng isang t***k ang aking puso dahil sa kanyang sinabi. Bumalik sa aking isip ang mga nangyari noong nakaraang araw. Ramdam ko sa aking puso na tama siya, dahil si Zeth ang nagsisilbing lakas ko sa tuwing ako ay nanghihina. "Aaaaaarrggh!" Agad akong napabalik ng tingin sa malaking bula na nasa aming harapan. Nakagugulat ang lakas na pinapakita ni Zeth ngayon kay Serene. Nagsimulang kumulo ang tubig sa dagat na kanilang tinatapakan. Tila pinakukuluan ito sa isang mainit at malaking apoy. Malakas at puting usok ang nagsimulang mamuo at unti-unting bumababa ang dami ng tubig na nakapaligid sa kanila. Nagsimulang dumilim ang paligid. Kulog at kidlat ang nagsimulang mamuo sa langit. Patuloy si Zeth sa malakas na pagsigaw na animoy galit na galit. Nakataas ang ilang piraso niyang buhok habang ang pagliwanag ng kanyang katawan ay hindi nawawala. Nakita ko ang gulat sa mukha ni Serene nang bumalik ang tingin ni Zeth sa kanya. Muling nabakas ang takot sa mukha niya at sa isang pikit ng mata, parepareho kaming nagulat nang sumulpot si Zeth sa harapan ni Serene na parang bula. Mariing hinawakan ni Zeth ang leeg ni Serene at malakas itong piniga. "Aghh, b-bitiwan mo k-ko..." nahihirapang wika ni Serene. Ngunit ni isang awa ay hindi nababakas sa mukha nu Zeth. Blanko ang kanyang mukha at tila wala ito sa sarili, na kahit anong sabihin o gawin mo ay hindi ka niya maririnig. "Tama na, Zeth!" sigaw ni Pontus na ngayon ay biglang sumulpot sa kanilang tabi. "Sabi nang tama na!" muli niyang sigaw saka mariing hinawakan ang braso ni Zeth. Napalingon si Zeth sa mukha ni Pontus. Nababalutan ng puti ang kanyang mata at hindi mo mababasa ang kanyang iniisip. "Aahgg!" piit na wika ni Pontus nang mariing hawakan ni Zeth ang kanyang leeg. "G-Gumising k-ka!" hirap na wika ni Pontus. Pilit niyang tinaas ang kanyang kamay, saka tinapik ang noo ni Zeth. Sa pagtapik niyang iyon, sabay silang nawala nang parang bula sa lugar na kanilang kinaroroonan. Naiwan doon si Serene na ngayon ay habol hininga. Nanlaki ang aking mata nang biglang sumabog ang malaking bula na aming pinanonooran. Tinakpan ko pa ang aking mukha dahil sa tubig na tumapon sa aming katawan. "Aranyani, igapos mo ang lalaking ito!" Agad akong napalingon sa kinaroroonan ng malakas na sigaw na iyon, saka ko nakita si Pontus habang yakap si Zeth mula sa likod nito. Tila pinipigilan niyang makalaban si Zeth. Mabilis na gumapang ang takot sa aking puso nang tumama ang aking tingin sa mukha ni Zeth. Madilim ang kanyang mukha at animoy wala sa sarili. Nakatatakot ang awra nito na mukhang papatay ng tao. Tinutok ni Yani ang kanyang palad sa kinaroroonan ni Zeth at Pontus. Nagsimulang gumalaw ang lupa at sa isang iglap lang, nagkaroon ng maliliit na butas sa paligid ng kanilang kinatatayuan. Mabilis na tumalon palayo si Pontus at naiwang nakatayo si Zeth. Isang rehas na gawa sa matigas na lupa ang nagkulong sa katawan ni Zeth, dahilan upang hindi siya makatakas. "Salamat," wika ni Pontus nang lumapit siya kay Yani. "Sabihin nyo, ano ba ang nagyayari sa kanya?" pag-aalala kong tanong, saka tumingin sa kinaroroonan ni Zeth na ngayon ay tila halimaw na nagwawala. Panay ang suntok nito sa lupang rehas ngunit hindi niya ito matibag. "Aksidenteng nagising ang halimaw sa loob ng kanyang katawan – ang Aether na nahihimlay sa kanya," wika ni Pontus. "Hindi ko akalain na ganito pala kalakas ang bagay na ito. Masiyado ko siyang minaliit," pa-iling-iling na wika ni Pontus. "P-Paano siya babalik sa dati?" tanong ko. "Ikaw lang ang makahagawa noon, Aira," wika ni Aranyani. Mariin akong napalunok nang sabihin niya ang bagay na iyon. Muli kong tiningnan ang mukha ni Zeth at hindi ko maipagkakailang nakararamdaman ako ng takot sa kanyang awra ngayon. Ngunit kailangan ko siyang tulungan. Sa dami ng bagay na tinulong niya sa akin, sa tingin ko ay panahon na upang ako naman ang tumulong sa kanya. Mariin kong kinuyom ang aking kamay at diretsong tumingin kay Zeth. Pinilit kong tatagan ang aking loob. Sinimulan kong ihakbang ang aking paa palapit sa lupang rehas. Nagsimulang magalit ang mukha ni Zeth na animoy papatayin ako sa oras na lumapit ako sa kanya, ngunit hindi ako nagpatinag. Hindi ikaw ito, Zeth. Pakiusap, gumising ka. Nang tuluyan akong makalapit, marahan kong nilapat ang aking palad sa kanyang pisngi saka diretsong tumingin sa kanyang mga mata. "Zeth, pakiusap gumising ka," mahina kong wika na sana ay maging susi sa pagbalik ng kanyang katinuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD