Aira
Walang bahid ng kahit anong emosyon ang kanyang mukha. Tila lumilipad lang sa kawalan ang kanyang isip. At kahit anong aking gawin, hindi na siya babalik sa dati.
Bumigat ang aking balikat nang mapagtanto ko ang posibilidad ng bagay na iyon. Si Zeth lang ang nag-iisang tao na tumulong sa akin simula umpisa. Siya lang ang nagtiwala at naniwala sa akin sa aking kakayahan at sa tuwing kasama ko siya, nawawala ang takot sa aking puso.
Hinawakan ko ang magkabilang pisngi ni Zeth. At kahit nasa loob siya ng rehas na putik, unti-unti at dahan-dahan kong nilapit ang aking noo sa kanyang noo. Hindi ko naisip na matakot sa kanya dahil siya ang nag-iisa kong lakas.
Sa paglapat ng aming noo sa isa't isa, marahan kong pinikit ang talukap ng aking mata.
Mula sa noo naming iyon, isang liwanag ang nagsimulang mamuo. Nagsimula sa maliit na bilog hanggang sa maya-maya lang, ang liwanag na iyon ay tuluyang bumalot sa aming katawan.
Nakaramdam ako ng init at pakiramdam ko ay may kung ano at sino ay yumayakap sa akin. Hanggang sa pagdilat ng aking mga mata, namalayan ko na lang na tuluyan nang natunaw ang rehas na putik na nagsisilbing kulungan ni Zeth.
Nakayakap siya sa aking katawan at hawak ang aking ulo.
"Salamat, Aira. Salamat sa muli mong paggising sa akin."
Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ang malalim na tinig ni Zeth.
Tinaas ko ang aking ulo at nagtama ang tingin namin sa isa't isa. Nakita ko ang nakangiti niyang labi at ang mata niyang bumalik na sa normal nitong kulay.
Maya-maya lang, ang liwanag na nakaikot sa aming paligid ay tuluyang nawala.
Nanatili kaming nakatingin sa isa't isa.
"Ahem, hindi pa ba kayo tapos magyakapan?" rinig kong sabi ni Pontus.
Mabilis kong naitulak ang katawan ni Zeth nang mapagtanto ko ang aming hitsura.
"S-Sorry," nauutal at nahihiya kong wika.
"Pontus, sabihin mo, natapos ko ba ang misyong pinagagawa mo?" tanong ni Zeth na animoy wala lang sa kaniya ang nangyari.
Isang malalim na buntonghininga ang ginawa ni Pontus bago tumugon sa kanyang tanong.
"Ano pa nga ba ang magagawa ko? Eh, halos patayin mo ang reyna ng Pavlopetri," tugon niya habang kumakamot sa kanyang ulo. "Dahil napagtagumpayan mo ang misyong binigay ko. Tulad ng aking pangako, sasama na ako sa inyo," muli niyang wika na nagbigay ngiti sa aking labi.
Sa wakas, isa na naman sa malalakas na kawal ang sumanib sa aming pwersa.
"Bago ang lahat, bumalik na muna tayo sa labas," wika ni Pontus.
Sa isang pitik ng kanyang daliri, muling nagbago ang aming paligid at napunta kami sa labas ng kanyang kaharian kung saan makikita mo ang malaking rebulto ng isang pagong.
"Mahal na reyna," wika ni Pontus.
Nabaling ang tingin ko sa kanya, nababakas ang seryoso niyang mukha habang siya ay humahakbang patungo sa aking kinaroroonan.
Nang siya ay makatayo sa aking harapan, dahan-dahan siyang lumuhod sa aking harapan na tila nagbibigay respeto.
"Ako si Pontus Percival, handang maglingkod sa reyna ng Peridious," wika niya saka kinuha ang aking kamay at marahang hinalikan ang likod ng aking palad.
"S-Salamat, Pontus," wika ko.
"Para mas mapadali ang ating paglalakbay, gagamit tayo ng mas mabilis na sasakyan," saad ni Pontus nang siya ay muling tumayo.
Lumakad siya patungo sa dalampasigan. Tinapat niya ang kanyang kamay sa direksyon ng dagat. Maya-maya lang, nagsimulang gumalaw nang malakas ang karagatan na animoy may malakas na lindol. Isang matulis na bagay ang unti-unting umaangat sa tubig. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang isang rebultong sirena na nasa dulo ng bagay na ito. Hanggang sa unti-unting umahon mula sa dagat ang isang napakalaking barko.
Parepareho kaming namangha sa aming nakita.
"Simula ngayon, ito na ang ating sasakyan," saad ni Pontus. "Oo nga pala, Zeth." Napatingin si Zeth sa kanya nang banggitin niya ang pangalan nito. At sa pagpitik ng daliri ni Pontus, muling bumalik ang espada ni Zeth na nakasabit sa kanyang likod.
"Salamat," wika ni Zeth.
Ngumitinlang si Pontus bilang tugon sa kanya.
Nagsimula kaming pumasok sa loob ng barko na iyon. Maluwag at tila masiyadong malaki ang barkong iyon para sa aming apat.
Ngunit nang mapunta kami sa loob ng tila isang dance floor sa loob ng barko, nanlaki ang aking mga mata nang makita ang ilang tao na nandoon.
Nakahilera sila sa aming harapan at nakayuko.
"Maligaya kaming maglilingkod sa inyo, mahal na reyna," sabay-sabay nilang wika.
Halos manliit naman ako dahil sa kanilang sinabi.
"B-Bakit may ganito, Pontus?" tanong ko sa kanya, sabay sa pagkahap ko sa kanyang kinaroroonan.
"Sila ang mga tapat kong tagasilbi. Sila ay mga sirena na nagkatawang tao. Nandito sila upang tayo ay ipagluto at pagsilbihan habang tayo ay naglalakbay. Hindi ba mas nakaluwag na kayo?" wika niya saka ngumiti sa akin. Hindi ko alam ang aking sasabihin, dahil sa tuwing naglalakbay kami ni Zeth, tanging dragon lang ang aming sinasakyan. Marahang lumapit sa akin si Pontus. Halos matulala ako nang hawakan niya ang aking baba gamit at kanyang daliri. "Lahat ay gagawin ko para sa 'yo, mahal na reyna," wika niya.
Naramdaman ko ang pag-init ng aking pisngi dahil sa kanyang ginawa. Ngunit maya-maya lang, may isang tao ang nagtanggal ng kanyang daliri sa aking mukha. At marahas itong tinaas sa ere.
Nang tingnan ko kung sino ang gumawa nito, nakita ko si Zeth. Nababakas ang galit sa kanyang mukha na animoy inis na inis kay Pontus.
Agad na binawi ni Pontus ang kanyang kamay, saka itinaas ito sa ere.
"Hindi po ako lalaban," mapagbiro niyang wika, saka lumakad palayo. "Simulan na ang paglalayag," sigaw ni Pontus sa mga taong nandoon.
Naramdaman naming lahat ang paggalaw ng barko na aming sinasakyan, hudyat na nagsimula na itong lumayag.
"Mahal na reyna, hayaan mong ihatid kita sa iyong silid nang makapagpahinga ka," saad ng isang tagapaglingkod na lumapit sa akin.
Tumingin muna ako kay Zeth bago tumugon sa babae, dahil hindi ako sigurado kung mapagkakatiwalaan ba ang babaeng ito.
"'Wag kang mag-alala mahal na reyna, mababait ang mga tagapaglingkod ko," pagsingit ni Pontus.
Nakita ko naman ang pagtango ni Zeth sa akin, animoy nagsasabing magtiwala ako.
Ngumiti ako sa kanya, saka bumalik ng tingin sa babaeng tagapaglingkod, saka ako naglakad kasama siya patungo sa silid na kanyang sinasabi.