Aira
Sa pagbukas ng pinto ng aking silid dito sa loob ng barko, namangha ang aking mata nang makita ang paligid.
Isang malaking kama na may pink canopy ang tumatakip sa kamang ito. Sa itaas ay may chandelier at sa paligid ay may bilog na bintana.
Kung iisipin, tila wala ako sa barko at pakiramdam ko ay nasa isang hotel ako ngayon dahil sa ganda ng kwartong ito.
Sa iyong kanan, makikita mo ang isang pinto na may magandang ukit. Ito ay patungo sa iyong shower area na mayroong malaki at bilog na bathtub.
Sa kabilang sulok naman ng silid, nandoon ang isang walk in closet kung saan naroon ang mga damit na animoy hinanda talaga para sa akin.
"Maiwan ko na po kayo, kamahalan," wika ng tagapaglingkod na naghatid sa akin dito.
Tumango ako at ngumiti sa kanya.
"Sige po. Salamat," tugon ko, saka ihinakbang ang aking paa papasok sa loob ng silid.
Nagtungo ako sa aking kama at hinaplos ang bedsheet. Bigla na lang sumagi sa aking isip ang sarili kong kwarto sa aming mundo.
Ano na kaya ang ginagawa nina mommy at daddy? Siguro sa ngayon, hindi pa rin nila alam na wala kami ni ate Faria sa mundong iyon.
Naputol ang aking iniisip nang makarinig ako ng tatlong katok sa pinto.
"Maari bang pumasok?"
Narinig ko ang tinig ni Zeth mula si kabila ng pintong ito.
Ano kayang kailangan niya? wika ko sa sarili.
"Sige, tuloy ka," tugon ko sa kanya.
Sa pagbukas ng pinto, marahan niya rin itong sinara nang tuluyan na silang makapasok.
Sinimulan niyang lumakad patungo sa aking kinatoroonan at umupo sa isang sofa na malapit sa kama na aking kinauupuan.
"Aira, patawad sa inasal ko noong nawala ako sa sarili," pag-umpisa nito.
"Anong ibig mong sabihin, Zeth?" tanong ko.
Umayos siya ng upo at inunat nang kaunti ang paa, saka sinandal ang likod sa headrest ng sofa.
"Noong panahong nawala ako sa sarili, labis akong natakot." Kumunot ang aking noo dahil sa kanyang sinabi. "Natakot ako sa maaari kong gawin. Natakot ako na baka pati ikaw ay masaktan ko. Kahit wala akong maalala noon, pakiramdam ko ay kaya kong wasakin ang isang kaharian sa isang iglap lang. At ayokong mangyari ang bagay na iyon. Mahal ko ang lugar na ito. Mahal ko ang mundo ko," sunod-sunod na wika ni Zeth.
Ramdam ko ang pagod sa kanyang tinig. Ramdam ko ang matinding pagsisisi sa kanyang sinabi. At alam kong wala akong magagawa sa bagay na iyon.
"Sa panahon na iyon, nang marinig ko ang tinig mo, mabilis na tumibok ang aking puso. Ang nais ko lang ay protektahan ka. Ang nais ko ay magawa ang misyong pinangako ko sa aking ama. Ngunit natatakot ako na baka ako pa ang maging sanhi ng iyong pagkabigo."
Marahan akong tumayo saka lumakad patungo sa kinaroroonan ni Zeth. Umupo ako sa kanyang tabi at marahang hinawakan ang kanyang kamay, dahilan upang matigil ang kanyang pagpapaliwanag at malipat ang atensyon niya sa akin.
"Hindi na mahalaga ang bagay na iyon, Zeth. Ang mahalaga, nalabanan mo ang bagay na iyon. At masaya ako dahil nandito ka, na ligtas ka at muling nakabalik," wika ko sa kanya.
Sana sa mga sinabi kong iyon, naibsan kahit paano ang kanyang nararamdaman. Hindi ko kasi akalain na ganoon kalaki ang epekto sa kanya ng bagay na iyon. Hindi ko akalain na ang isang matapang na kawal ay may malambot na bahagi sa sarili.
"Salamat, Zeth. Salamat kasi hindi nandito ka para tulungan ako. Thank you," muli kong wika, saka isang matamis na ngiti ang bumakas sa aking labi.
Sa pagitan ng aming paguusap, isang malakas na bagay ang tila bumangga sa barkong aming sinasakyan, dahilan para yumanig ang barko. Agad akong mahigpit na niyakap ni Zeth upang hindi tuluyang matumba dahil sa malakas na pagyanig.
"Ano 'yon?!" wika ni Zeth nang tuluyang huminto ang barko sa paggalaw.
Mabilis kaming tumayo at lumabas mula sa silid na aming kinaroroonan. Nang kami ay makarating sa bridge room ng barko, natagpuan namin roon sina Yani at Pontus na may nag-aalalang mukha.
"Anong nangyari?!" tanong ni Zeth sa dalawa.
"Binangga tayo ng isang leviathan," tugon ni Pontus. Nababakas ang pag-aalala at pagkabahala sa kanyang mukha. "Tila wala sa sarili ang leviathan na tumirada sa atin. Sinubukan kong kausapin ang kanyang isip ngunit sa tingin ko, nasa ilalim siya ng itim na majika," muli niyang wika.
"Si Hadium, kumikilos na siya," saad ni Yani, saka tumingin sa bintana na nasa harapan ng bridge room.
Animoy parisukat na LED TV ang mga salamin na nasa aming harapan. Panoramic ang pagkaka-ayos nito, sapat lang upang mas makita ang dagat na aming dadaanan.
Ngunit sa ngayon, nanlaki ang aking mga mata at matinding takot ang aking naramdaman nang makita ko ang isang hayop na ngayon ko lang nakita sa tanang buhay ko.
Isang malaking dragon na hugis ahas ang nasa gitna ng karagatan. Tila naghihintay ito at nakikiramdam sa amin, na ano mang oras ay handa siyang sumugod at palubugin ang aming sinasakyang barko.
"A-Ano 'yan?" nauutal kong wika dahil sa takot na bumabalot sa aking puso.
"Isang leviathan. Iyan ang serpent ng underworld, siguradong pinadala siya ni Hadium," tugon sa akin ni Zeth na mas nakapagpatindi ng kaba sa aking puso. "Kung ganoon, alam na pala ni Hadium ang ating ginagawa. Sa tingin ko, alam na niya na nandito ka sa mundong ito upang iligtas ang kapatid mong si Faria. At hindi niya ito papayagan," muling wika ni Zeth.
"Humanda kayo!" sigaw ni Pontus.
Nanlaki ang aking mga mata nang itutok niya ang kanyang kamay sa bintana na nasa aming harapan. Nagsimulang mabulabog ang dagat at tumaas ang kanina'y tahimik na alon.
Ang mga alon ay tila matatalas na espada na nagsisimulang tumama sa katawan ng malaking ahas dagat.
Mariin kong tinakpan ang aking tainga nang malakas na humiyaw sa sakit ang leviathan na iyon. Ngunit nang itaas nito ang kanyang buntot at malakas na hinampas sa dagat, isang napakalaking alon ang nagawa nito, isang alon na tumakip sa buong katawan ng barko na aming sinasakyan.
Nagsimulang magpatay sindi ang ilaw sa loob. Nagsimulang pumasok ang tubig sa aming sinasakyan. Muli kong naramdaman ang mahigpit na yakap ni Zeth na animoy kawal na ako ay pinoprotektahan.
Sa paglapit ni Pontus sa amin, tinaas niya ang kanyang kamay at isang malaking bilog na animoy bula' ang umikot sa aming paligid na nagsilbing pananggalang sa tubig.
Nagsimulang mabasag ang mga salamin dahil sa malakas na hampas ng tubig. Halos lumundag ang aking puso nang maramdaman ko ang paggewang ng barko at unti-unti itong tumatagilid. Sa puntong iyon, alam ko na ang maaaring mangyari sa barko.
Mariin kong pinikit ang aking mga mata dahil sa posibilidad ng mangyayari. Nagsimulang kumilos si Yani habang nasa loob ng ginawang bula' ni Pontus. Hinawakan niya ang sahig at sa isang iglap, ang bagay na nilalapatan ng aming talampakan ay nagsimulang maging lupa. Mabilis nito kaming tinaas sa ere dahilan upang mabutas ang kisame ng barko at tuluyan kaming makalabas mula sa loob.
Ang mga tagapaglingkod na nasa loob ng barko kanina ay isa-isang naging sirena. Ang iba ay naging ibang uri ng lamang dagat. Kung ganoon, ang mga tagapaglingkod pala sa loob ng barkong ito ay mga alakad ni Pontus na nag-anyong tao lang.
Sa pag-angat namin sa ibabaw ng tubig hanggang sa paglipad sa ere, nakita ko nang buong-buo ang ahas dagat na sumugod sa amin kanina.
Habol tingin siyang nakatanaw sa amin. Ang hayop na ito ay walang emosyon sa mga mata. Tama ang sinabi ni Pontus, mukhang nasa ilalim siya ng itim na majika.
Hindi pa man kami nakabababa mula sa ere, buong pwersang umangat ang ahas dagat na iyon at animoy bola na kami ay sinugod. Mabuti na lang at mabilis ang pagkilos ni Yani dahil agad niyang nasalag ang pagsugod ng ahas dagat na iyon.
Sa pagsalag ni Yani roon, pinitik ni Pontus ang kanyang daliri, dahilan upang magkaroon ng isang malakas na pagsabog sa ilalim ng dagat.
Isang malakas na hiyaw ang lumabas sa tinig ng ahas dagat na iyon, tila nasaktan ito dahil sa ginawang paglabas ng malakas na pwersa mula sa kamay ni Pontus. At dahil dito, mabilis na tumaas ang buntot ng dagat ahas na iyon at muling hinampas sa dagat. Sa lakas ng pwersa na kanyang pinakawalan, tumakip sa bula na aming kinaroroonan ang malaking alon ng tubig mula sa dagat.
Tuluyan kaming nawalan ng balanse, dahilan upang pumutok ang bula kung saan kami nakapaloob.
Mula sa himpapawid, mabilis kaming bumagsak sa dagat. Piit ang aking hininga dahil sa lakas ng aking pagkakabagsak.
Pinilit kong imulat ang aking mga mata sa ilalim ng dagat na sana ay hindi ko na lang ginawa. Dahil sa pagmulat ng mata kong iyon, tumambat sa aking harapan ang mata ng leviathan.
Binalot ng matinding kaba ang aking puso. Nanlaki ang aking mga mata dahil alam kong ano mang oras, maaaring hindi na ako masinagan ng araw.
Nagsimulang manginig ang aking katawan dahil sa matinding takot. Tila pinako ako sa kinaroroonan at hindi makagalaw.
Agad kong tinakip ang aking braso sa aking mukha nang magsimulang gumalaw ang leviathan na iyon. Sumugod siya sa akin at naramdaman ko ang mahigpit na yakap ng kanyang buntot sa aking katawan.
Tuluyan akong hindi nakahinga dahil sa nangyari, hanggang sa marinig ko ang tinig ni Zeth na animoy tinatawag ako. Pilit kong binubukas ang aking mga mata, ngunit bahagya ko lang itong nagawa, dahil maya-maya lang tuluyan na akong nawalan ng malay.
***
Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Wala akong ideya sa mga bagay na nasa aking paligid, ngunit ramdam ko ang isang tubig na pumapatak sa aking balat, dahilan upang ako ay magising sa aking pagkakahimbing.
Sa marahang pagmulat ng aking mga mata, agad akong bumangon nang mapagtanto ko na ako ay nasa isang kweba, isang madilim na kuweba na may matatalas na bato.
Nasaan ako? tanong ko sa sarili.
Muli kong naalala ang mga nangyaribsa akin. Iyong bagay na kinuha ako ng dagat ahas na iyon hanggang sa tuluyan akong nawalan ng malay.
Marahan akong tumayo, saka ko lang napansin ang ibang bagay sa loob ng aking kinaroroonan.
Mayroong mga torches sa paligid na nagsisilbing ilaw sa loob ng kuweba. Sinubukan kong buksan ang aking labi upang.
"Zeth?" mahina kong saad.
Ginawa ko ito dahil alam kong saan man ako mapunta, maririnig niya ang aking tinig. At nagbabakasakali ako na sa pagbanggit ko ng kanyang pangalan, bigla siyang lilitaw sa aking harapan.
Ngunit sa paglipas ng ilang minuto, ilang beses ko nang nabanggit ang pangalan ni Zeth, hindi pa rin siya nagpakita.
Mariin kong kinuyom ang aking kamay. Tinatagan ko ang aking loob at sinimulang ihakbang ang aking mga paa.
Ano kayang lugar ito? At bakit hindi pa ako tinuluyan ng dagat ahas na iyon noong siya ay may pagkakataon pa? Bakit hinayaan pa niya akong mabuhay? sunod-sunod kong tanong sa sarili.
Ang aking paglalakad sa lugar na ito ay tila walang katapusan. Halos mapagod na ang aking paa sa kalalakad, ngunit tanging walang katapusang lagusan na may mga sulo sa magkabilang pader lang ang aking nakikita.
Hanggang sa maya-maya lang, sa dulo ng lagusan na aking nilalakaran, isang liwanag ang aking natanaw.
Sa pagpasok ko sa liwanag na iyon, bumungad sa aking ang isang kakaibang silid, isang silid na may mga mythical creature na nakaukit sa pader. At sa tingin ko, ito ang mga creature ng mundong ito – ang phoenix, pagong, dragon, at puting tigre. Sa tabi ng mga mythical creature ay tila isang malaking mapa.
Kumunot ang aking noo nang makita ang mapang ito, dahil ito ang mapa ng buong kaharihan.
Bakit may ganito rito? Nasaan ba talaga ako? wika ko sa sarili.
Sa paglibot ng aking paningin sa loob ng silid na iyon, hindi ko sinasadyang masandalan ang isang pader na bigla na lang lumubog.
Animoy isang pintuan papasok sa isa pang silid. Dahil sa aking kuryosidad, pumasok ako sa loob nito at sinimulan muling maglakad.
Ngunit nang tuluyan akong makapasok, nanlaki ang aking mga mata at halohalong emosyon ang tumakbo sa aking puso.
Nagsimulang gumapang ang maaalat na luha sa aking pisngi nang mamasdan ko ang isang malaking glass container na nasa aking harapan.
Nasa loob ng isang malaking container na animoy aquarium ang isang babae. Ang aking nag-iisang kapatid – si Ate Faria.
Nakapikit ang kanyang mga mata at may oxygen na nakatakip sa kanya. Habang nakatambat ang hubad niyang katawan.