NANG marinig ang pagbukas ng pintuan ay tumalikod siya. Nakaharap na siya sa kaliwang bahagi ng pader noon. Dinig niya ang mga yabag nito na palapit sa kanya. Bahagyang lumubog din ang kama kaya nagkunwari na siyang tulog. Ito siguro at ang anak ang sakay kanina ng speed boat. Saka malay ba niyang nasa baba lang pala ito. Mahigit kalahating oras din bago umakyat si Eric. Baka kinausap ang anak sa baba bago rin ito umakyat. Bigla niya itong siniko nang halikan siya nito sa balikat. “Ouch!” daing nito kaya nilingon niya. Nawala sa isipan niyang may tama nga pala ito sa mukha. “Bakit ka kasi nanghahalik?” asik niya rito. “Because I missed you?” “Eh ‘di, wow.” Akmang tatagilid ulit siya nang pigilan nito. “Kumusta ang pakiramdam mo? Masakit ba ang ulo mo?” Napaangat siya ng kilay.