"Nag-alala lang ako kasi pati si Marko at Craig nakainom ng gayuma," sabi ko kay Mae na nasa kabilang liniya. "Naku, lagot," sabi niya, pero nasundan naman ng kaniyang pagtawa. "Huwag kang praning, ituloy mo na lang iyong dasal." "Sundin mo 'yong instruction," sabi niya. "Tingin mo tatalab ba iyong love potion?" "Pakiramdaman mo, pero mas mabisa yata iyong dasal," sabi niya. Kita mo 'to, parang hindi sigurado. Samantalang siya ang nag-suggest sa gayuma na 'yan. "Iyong dasal ginagawa tuwing palubog ang araw, tapos bago ka matulog, ulitin mo daw ng tatlong beses," sabi niya. Tatlong beses pala 'yon. Dalawang beses lang nagawa ko kanina. Kaya siguro hindi masyado tumalab kina Marko at Craig. Ayos na din 'yon, baka magkaproblema pa ako kapag pinag-agawan nila akong magkakaibigan.