Pilipinas
~ Enero 10, 1944~
Maingat na binuksan ni Tobias ang pintuan ng bahay habang hawak-hawak ngayon ang strap ng kaniyang shoulder bag.
Siniguro niya munang tulog na ang lahat-lahat bago pa man siya nagpasyang pasekretong umalis.
Alas dos pa lamang ng madaling araw kaya’t madilim pa ang kalsadang tinatahak ngayon ni Tobias. Ngunit natigilan ito sa paglalakad nang may unti-unting tumigil na sasakyan palapit sa kaniya.
“Doktor Tobias,” tawag ni Enrico nang maibaba niya ang bintana ng kaniyang sasakya.
Agad-agad na pumasok si Tobias dito matapos niyang ilibot ang paningin niya sa paligid bilang paninigurong walang nakasunod sa kaniya.
“Bakit ka napatawag sa ganitong oras?” tanong ni Enrico sa binata nang maiandar na niyang muli ang sasakyan.
“Pinaghihinalaan na ako ni Mary kaya’t minabuti kong huwag gamitin ang sasakyan sa pag-alis,” sagot nito habang abala ngayon sa pangangalkal sa kaniyang bag.
“B—bakit tila napaaga ata ang pag-alis mo?” kunot noong tanong ngayon ni Enrico sa kaniya dahilan upang matigilan siya sa ginagawa niya at ibinaling ang tingin sa salamin kung saan kita niya si Enrico.
“May kailangan muna akong puntahan bago pumaroon sa pagamutan,” sagot niya na ngayon ay may iniabot na kapirasong papel kay Enrico.
“Ano ito?”
“Yan ang adrés na ibinigay sa akin ni Kuya Hans,” sagot ni Tobias dahilan upang manlaki ngayon ang mata ni Enrico na biglang iprinino ang sasakyan upang lingunin ngayon si Tobias.
“I—ibinigay ng iyong kuya? Ibig sabihin ay—“
“Sa adrés na ‘yan natin makikita ang mga dokumento ng aking ama.”
_________________________
Unti-unting itinigil ni Enrico ang sasakyan sa tapat ng isang lumang bahay-panuluyan.
Halos isang oras din ang binyahe nila patungong Nueva Ecija.
Agad-agad na lumabas si Tobias at pinagkumpara ang numero na nasa hawak niyang kapirasong papel at sa numero na nasa harap ng tarangkahan ng bahay-panuluyan.
Unti-unti itong naglakad papasok na siyang sinalubong ng tagapagbantay na isang matandang lalaki.
“Ilang kwarto?” bungad na tanong sa kaniya ng matanda na siyang inalis nga ang nakaharang na dyaryo sa kaniyang mukha.
“Ah, hindi po ako tutuloy—“
“Kung narito ka upang mamalimos ay huwag nalang,” putol ng matanda sa kaniya na agad na muling nagbasa ng dyaryo.
“Naparito po ako upang tanungin kayo kung nakikilala niyo ho ba ang aking kuya?”
“Pasensya na iho ngunit hindi ito presinta upang maghanap ka ng mga nawawalang mga tao,” saad ng matanda na ngayon ngay pinandilatan si Tobias at itinuro rito ang plaka ng kanilang bahay-panuluyan. “Isa itong bahay-panuluyan at ang mga tao lamang na tutuloy rito ang bibigyan ko ng oras upang kausapin kaya’t wala ka namang balak na umupa ng kwarto ay mabuti nalang at umalis ka na at huwag aksayahin ang oras ko.”
Napakamot ngayon si Tobias ng kaniyang batok nang dahil sa inis na ipinakita sa kaniya ngayon ng matanda.
“Hindi po ako uupa ng kwarto bagkus ay may kailangan lang po talaga akong makuhang dokumento rito sa inyong bahay-panuluyan,” saad ngayon ni Tobias dahilan upang matigilan ang matanda at tuluyan nang inilapag sa mesa ang hawak niyang dyaryo.
“A—ano bang pangalan ng kuya mo?” nag-aalangan na tanong ng matanda na inilapit nga ulo kay Tobias upang ibulong ang katanungan ito sa kaniya.
“Aleph Hans Kley ang ngalan ng aking kuya,” sagot ni Tobias sa kaniya dahilan upang unti-unti siyang mapalayo sa binata at sabay kamot ng kaniyang baba.
“Paano ako nakakasigurong isa ka sa mga kapatid niya?”
Agad ngang napakalkal si Tobias sa kaniyang bag at nang mahanap ang litrato nilang mga magkakapatid ay iniabot niya ito agad sa matanda bilang patunay na kapatid niya si Hans.
“Ako ho si Aegeus Tobias Kley at naprito po ako upang kunin ang ipinatagong dokumento ng aking kuya Hans,” saad ni Tobias.
Kinuha agad ng matanda ang litrato at salitan ngang tinignan ito at si Tobias upang makumpirmang maigi na siya nga ang nasa litrato ng mga magkakapatid na Kley.
Napabuntong hininga ang matanda at diretsong tinignan ngayon si Tobias.
“Sumunod ka sa akin.”
_________________________
Tumigil ang dalawa sa tapat ng dulong kwarto ng ikatlong palapag ng bahay-panuluyan. At inilabas ng matanda ang isang susi mula sa kaniyang bulsa upang buksan ito.
Halos matakip agad si Tobias ng kaniyang ilong nang salubungin sila ng alikabok na tandang tila ba ilang taon din naabanduna ang kwartong ito at hindi na nalilinisan.
“Halos isang taon din namalagi sa kwartong ito si Doktor Hans,” saad ng matanda na sinusundan ngayon ni Tobias sa paglalakad paloob ng kwarto.
Binuksan ngayon ng matanda ang bintana ng kwarto upang kahit papaano ay maibsan ang epekto ng alikabok na naninirahan sa kwarto.
“I—isang taon? Ibig sabihin po ay hindi malabong magkalapit kayo ng aking kuya?”
Unti-unting umiling ang matanda na ngayon ay gamit hinila ang isang maliit na kahon mula sa kama.
“Tiyaka na lamang kami nakapag-usap nang kunin na siya ng mga Amerikanong doktor,” sagot ngayon ng matanda na tumayo na nga at may iniabot ngayong maliit na susi kay Tobias.
Habang iniaabot niya ito ay ibinaling niya ang tingin sa kahon na kinuha niya mula sa kama kanina dahilan upang maintindihan agad ni Tobias na ang susing yaon ang makapagbubukas sa kahon na sa tingin niya ay kinalalagyan ng dokumentong halos ilanng buwan din niyang hinanap.
“Noong araw na iyon ay nakasalubong ko siya rito sa bahay-panuluyan bago pa man siya dakpin. Hinabilin niya sa akin na huwag na huwag ko raw papapasukin ang sino man sa kwartong inupahan niya pwera na lamang kung isa sa mga kapatid niya ang pupunta rito upang hilingin na makapasok dito. At kasabay non ang pagbigay niya ng susing iyan, ang paghahayag niya ng dokumentong nakatago sa kahon, at ang pagbigay niya ng gamot sa hindi pangkaraniwang sakit ng aking anak,” saad ngayon ng matanda dahilan upang unti-unti ngayon kunin ni Tobias ang susi at sunod ngang iniangat ang kahon para ipatong sa kama.
“Hindi ko alam noon na nagkita na pala sila ng aking anak at tinutulungan na pala niya ito na magamot,” patuloy nga ng matanda. “Sa laki ng utang na loob ko sa kaniya dahil nagamot nga ang aking anak sa pamamagitan ng gamot na ibinigay niya ay pinahalagahan ko ang habilin niya at kailanman wala akong pinapasok na tao sa kwartong iyon.”
Ngayon ngay napabuntong hininga si Tobias habang hawak-hawak na ang kandado ng kahon at kalaunan ay nagpasya na siyang buksan ito.
Agad niyang kinuha ang makapal na dokumentong nasa loob ng kahon at walang kurap na binasa ang nakaprinta sa unang pahina nito
“Bedlam forty five.”
At sa ibabang parte nga nito ay nakaimprinta ang pangalan ng kanilang ama na si Doktor Adam Kley.
Ngunit natigilan ito nang makita na hindi lamang ang pangalan ng kaniyang ama ang nakaimprinta na may lagda ng dokumento.
“Doktor—“
“M—manuelito Valenzuela?”
_________________________
“Maraming salamat ho—“
“Manong Delfin na lamang ang itawag mo sa akin. At wala kang dapat ipagpasalamat dahil sinuklian ko lamang ang kabutihang ginawa ng iyong kapatid sa aking anak,” saad ng matanda dahilan upang ngumiti ngayon si Tobias at iniabot nga ang kaniyang kanang kamay sa matanda.
“Nais ko po pa rin na magpasalamat Manong Delfin dahil kung tutuusin ay maaari niyo namang baliwalain na lamang ang habilin ng aking kuya ngunit mas pinili niyo pa rin tuparin ito kaya’t lubos po akong nagpapasalamat. Nang dahil po sa inyo ay mas napalapit na po ako sa pagtuklas ng mga kasagutan sa aking mga katanungan. Kaya maraming salamat po Manong Delfin,” saad ni Tobias dahilan upang ngumiti ang matanda at tanggapin ang pakikipagkamayan ng binata.
“Ikinagagalak ko po kayong makilala Manong Delfin.”
“Ako rin ho Ginoong Tobias.”
Nang matapos nang makapagpaalam sa isa’t isa ang dalawa ay tuluyan na ngang sumakay si Tobias sa sasakyan ni Enrico habang bitbit na ang kahon kung saan naroon ang dokumento at iba pang kagamitan ng kaniyang kuya.
“Nakuha mo na ba Tobias? Iyan na ba ang dokumento?” sunod-sunod na tanong ni Enrico na siya rin namang tinanguan ni Tobias.
“What is wrong with your face though? Bakit parang may bumabagabag pa rin sa iyo? Hindi ka ba masayang mahanap na ng tuluyan ang dokumento?” sunod-sunod na tanong ni Enrico kay Tobias nang mapansin na nakakunot at tila problemado ito.
Napabuntong hininga si Tobias bago pa man sagutin ang katanungan ni Enrico. “Natuklasan kong hindi lamang ang papá ang nagmamay-ari ng dokumentong ito.”
Dahilan nga ito upang mapakunot ng noo si Enrico. “Hindi lang ang iyong ama ang gumawa ng mga pag-aaral na iyan?”
Tumango si Tobias, “Nakaimprinta rin ang pangalan ni Doktor Manuelito sa mga dokumento.”
“Kung gayon—“
Saglit ngang natigilan ngayon si Enrico at hindi nga makapaniwalang tinignan si Tobias.
“Maaaring ito ang pakay ng panganay na anak ni Doktor Manuelito. Ngunit ang hindi ko maintindihan ay kung bakit galit na galit siya sa amin?” saad ngayon ni Tobias na ibinaling nga ang tingin sa kahon na nasa tabi niya ngayon. “Maaari kayang ang mga pag-aaral na ito ay nagbunga ng hidwaan sa pagitan ng aking papá at ng kaniyang ama?”
“Siguro, maaari, Tobias, malapit nang mag-alas kwatro, kailangan na nating makarating sa pagamutan,” putol nga ni Enrico sa kaniya nang makita ang oras sa kaniyang relo.
At kasabay non ang pag-abot nito kay Tobias ng kulay puting ternong damit.
“Narapat na lamang na isuot mo na iyan para pagdating natin sa pagamutan ay hindi nila aakalain na umalis ka,” saad nga ni Enrico at tinanggap naman ni Tobias ito. “Tiyaka na lamang natin pagtatagpi-tagpiin ang lahat-lahat kung makuha na natin ang pakay natin sa pagamutan.”