"Saan ba tayo pupunta?" tanong ni Hyacinth, habang hila-hila ko ang kamay niya.
Paano ba naman, halos liparin na namin ang pathwalk patungo sa kabilang building ng school.
"Sa gym nga!" sagot ko sa kanya, sa kabila ng pagmamadali ko.
"Ano ba kasi'ng meron?" tanong uli ni Hyacinth.
Hindi ko napigilang hindi itirik ang mga mata ko. HIndi ako makapaniwalang hindi alam ni Hyacinth kung anong meron sa College Building.
"Try-out ng basketball, haler..."
"And so?" tanong uli ni Hyacinth.
Sandali akong huminto sa paglalakad, at saka ako humarap kay Hyacinth.
"Magta-try-out ang kambal! Hindi mo ba alam?"
Umiling si Hyacinth. Umikot ang mga mata ko. Hindi talaga ako makapaniwalang wala itong alam! Hinila ko na uli siya.
"Tara na! Baka hindi natin abutan," sabi ko pa.
Pagdating namin ni Hyacinth sa gymnasium ay nagkaka-ingay na. Pilit kaming sumiksik sa mga estudyanteng nakatayo sa hallway ng gym habang naririnig namin ang sigaw ng mga babaeng naroroon.
"Go, number Sixteen!"
"Shoot that ball, number Sixteen!"
Nang makarating kami sa unahan ay nakita kong si Josh pala ang kasalukuyang pinagkakaguluhan ng mga nanonood, at bukambibig ng mga nanonood ang jersey number niya na sixteen. Hawak niya ang bola, at nakapormang magsu-shoot.
Hmmm... I wonder... Si Jett kaya, anong number ng jersey niya?
Biglang umugong ang sigawan nang mai-shoot ni Josh ang unang bola. Binigyan uli siya ng isa pang bola, at ganun uli ang ginawa niya. Matagumpay na nai-shoot niya uli ang pangalawang bola. Sigawan uli ang mga nanonood.
"Crush na kita, number Sixteen!"
Nang narinig ko iyon ay pasimple akong tumingin kay Hyacinth, para tingnan ang reaksiyon niya. Alam kong pinipigilan lang niyang mapatingin sa gawi nung sumigaw.
Pero, wala akong nakitang reaksiyon mula dito, kaya muli akong lumingon sa court para hanapin sana si Jett sa mga nakapila sa try-out. Pero ang nakita ko ay 'yung Taylor na karibal ni Hyacinth, at kausap si Josh.
Naku! Patay na…
At may pahawak-hawak pa si Taylor sa kamay ni Josh! Mabilis kong tiningnan si Hyacinth. Malamang magyaya na itong lumabas ng gym. Huwag naman sana at hindi ko pa napapanood mag-try-out si Jett.
Hinanap ko uli si Jett sa pila. Napangiti ako nang makita kong ito na ang susunod.
"Ayan na! Turn na ni Jett!" excited na sabi ko, hindi ko alam kung kay Hyacinth ko ba sinasabi 'yun, o para sa sarili ko.
Titig na titig ako kay Jett na nasa free throw line ngayon. Laking gulat ko nang bago ito magshoot ay tumingin ito sa gawi ko, at ngumiti.
"Aw, shet! Nginitian niya ako!" sigaw 'yun galing sa likuran ko.
Napakunot ang noo ko. Eh di ikaw na ang nginitian!
Pero nawala ang inis ko nang mai-shoot na ni Jett ang bola sa ring. Magaling din pala si Jett. Katulad ni Josh ay nai-shoot din niya ang tatlong bola. Ngayon ay three-point shoot naman ang gagawin ni Jett.
Nagka-ingay uli ang mga nanonood. Pati tuloy ako ay nahawa na din sa pagsigaw para kay Jett.
Nagawa din namang mai-shoot ni Jett ang mga three-point shots niya, pero nagmintis siya sa huli. Tumayo si Josh at saka sinalubong si Jett. Tinapik niya ito sa balikat bilang pangongonsola siguro sa na-missed nitong shot. Pati tuloy ako ay nalungkot para kay Jett.
"Athena, kailangan na nating umalis," mahinang sabi ni Hyacinth sa tabi ko.
Math pa naman ang susunod naming subject at may pagka-terror ang teacher namin dun.
"Hay... sayang naman.. Hindi natin mapapanood 'yung actual play nila..." sabi ko sa kanya.
"Eh, di mamili ka - si Jett o ang Math subject natin."
Napanguso na lang ako. As if naman...
.
"Anong schedule ko bukas?" tanong ko sa lalaking katabi ko.
Actually, hindi ako komportableng katabi ang lalaking ito sa kotse ko. Pero anong magagawa ko? Bilang Assistant ko, kailangang kasama ko siya sa mga client visits, at client meetings ko.
Dinampot niya ang planner na nakalapag sa pagitan namin. Hinila niya ang manipis na ribbon strand na nagsisilbing palantandaan, at saka binuklat iyong planner.
Hindi ko siya sinasadyang mapagmasdan ang mukha niya, habang seryosong nakatungo at nakatingin sa planner niya. Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na magtatrabaho ito sa kumpanyang kung nasaan ako, at under pa sa akin.
"Ten a.m. Department of Tourism," sabi nito, sabay angat ng mukha sa akin.
I was caught off-guard. Hindi ko agad naibaling ang mukha ko, kaya pinangatawanan ko na lang din. I tried to make my face serious, iyong katulad ng nakikita nilang mukha ko sa office.
Tumikhim muna si Jett bago yumuko uli para basahin ang nakalagay pa sa planner niya.
"And then... meeting with the Chairman and the board at two p.m.."
This time, bago pa mag-angat uli ng mukha niya si Jett ay ibinaling ko na ang tingin ko sa unahan.
"Okay, thank you," tipid ko na lang na sagot.
Napansin ko sa peripheral vision ko na nakatingin pa rin sa akin si Jett, kaya binawi ko ang tingin ko sa harapan, at saka nagbaling ng tingin sa labas ng bintana.
Akala ko ay magiging okay na kapag sa labas ng bintana na ako tumingin. Pero pakiramdam ko ngayon ay nahihirapan akong huminga. Parang hindi ako makahinga sa presensiya ni Jett sa tabi ko. At dahil malaking tao ito sa height na 6'1" ay halos sakop na niya yung kalahati ng upuan ng passenger row nitong kotse ko.
Siguro kailangan ko nang bumili ng SUV para mas malaki ang space?
I mentally cursed myself. So iniisip mo talaga Athena, na matagal mo pang makakasama si Jett, kaya nag-iisip kang bumili ng bago at mas malaking sasakyan?
Of course not! Hindi ba pwedeng gift ko lang sa sarili ko iyong bagong sasakyan? Reward for my hard work. Di ba?
Hindi ko alam kung anong tunay na motibo ni Jett sa pag-apply sa kumpanya namin. But on the other hand, pwede ko ring gamitin itong pagkakataon na ito to take my revenge on him.
Pahihirapan ko si Jett until mag-give up siya, at kusa na siyang mag-resign!
Really? Gagawin mo 'yun, Athena?
Yes! Why not?
Kaya mo'ng gawin 'yun?
Oo naman.
Hindi ko tuloy maiwasang mapangiti sa naisip ko.
"What's with the smile, boss?"
Bahagya akong nagulat sa boses ni Jett. O mas tamang sabihing nagulat ako dahil tinanong niya 'yun sa tapat ng tenga ko, na nagdulot sa akin ng kiliti. Pinigilan kong mapaigtad ang katwan ko. Ayokong pagtawanan ako ni Jett.
Pinilit kong gawing seryoso ang mukha ko sa abot ng makakaya ko, at saka lumingon kay Jett. Pero hindi ko inaasahan na ganun pa rin kalapit ang mukha ni Jett sa akin, kaya halos magdikit na ang mga labi namin.
Pero sa halip na ilayo ko ang mukha ko, ay hindi ko iyon nagawa. Nanatili lang ako sa ganoong posisyon, habang nakatingin kay Jett. Pati si Jett ay hindi gumalaw. Halos maduling na nga ako sa pagtingin sa super lapit niyang mukha. Amoy ko na nga ang hininga ni Jett, na parang nag-aanyaya sa akin.
Nag-aanyaya na ano, Athena?
Na halikan siya??
Nang biglang nag-preno ang Executive Driver ko na si Caesar, kaya napagalaw ako at naitukod ang isang kamay ko sa sandalan ng kinauupuan ko. Bigla tuloy akong nahimasmasan at nagising. Naalala ko na nasa sasakyan nga pala kami ni Jett, at hindi maganda 'yung puwesto naming dalawa ngayon. Bahagya kong naitulak si Jett palayo sa akin.
Naiilang na tumikhim ako, at saka nag-iwas ng tingin kay Jett.
"Alam mo, I don't need to explain to you what am I thinking. Assistant lang kita. Kaya lumugar ka," mahinahon, pero sarkastiko kong sabi kay Jett.
"Uhm... sorry, boss. Akala ko kasi naalala mo 'yung tayo noon kapag magkatabi tayo sa sasakyan namin pauwi galing sa school, tapos kakain tayo ng merienda sa bahay na luto ng Mommy ko," kaswal na sagot ni Jett.
Napaawang ang mga labi ko sa sinabi niya. Napatingin ako kay Caesar sa rearview mirror. Nahuli ko itong nakatingin sa amin ni Jett. At parang nagpipigil ng ngiti dahil sa narinig niya. Kalalaking tao, tsismoso...
"Caesar, kung gusto mo pa ng trabaho, sa daan ang tingin. Ayaw ko pang mamatay," sabi ko na lang sa kanya.
"Sorry po, Mam." maikling sagot naman nito.
Kung hindi ko lang kailangan ng driver, sisisantehin ko na 'to!
Binalingan ko naman si Jett.
"Stop that nonsense, Jett. At isa pa, wala akong naalalang ganyan!" nanggigigil na bulong ko kay Jett, pero nakangiti pa rin siya sa akin.
"Talaga ba na wala kang naaalala? Gusto mo bang ipaalala ko sa iyo ulit?"
Pinaningkitan ko siya ng mga mata, at pagkatapos ay muli kong ibinaling ang mukha ko sa labas ng bintana. Bwisit kang Jett ka! Panira ka ng araw!
"Bawas-bawasan mo ang pagtatrabaho, boss. Nagiging makakalimutin ka na tuloy..." nang-iinis pang sabi n Jett.
Sinusubukan ba niya ang pasensiya ko? Dahil hindi na ako ang Athena noon na mahaba ang pasensiya sa kanya. Bumaling uli ako ng tingin sa kanya.
"By the way, bukas habang nasa meeting ako sa board, ipapa-orient kita sa HR."
"What orientation?" tanong niya, habang parang nag-iisip ang itsura ng mukha niya.
"Para naman alam mo 'yung mga bawal, at hindi mo dapat gawin sa kumpanya ko," sagot ko sa kanya.
"Is that necessary? I bet hindi naman nagkakalayo ang policies ng Strategy at ng company namin," kunot-noong sagot niya.
Humalukipkip ako.
"Exactly! Then why do the flirting with your co-employee Trish, a while ago?" ngiting-aso na tanong ko sa kanya.
Naalala ko pa tuloy kung paano sila magtinginan kanina nung Trish na 'yun. Naiinis ako ngayon, pero ayaw kong ipahalata kay Jett, kaya pilit kong pinapakaswal ang boses ko. Kalma lang kasi, Athena...
"Excuse me? I'm not flirting..." reklamo pa rin ni Jett.
"So, ano'ng tawag mo dun sa kanina?" nanghahamon kong tanong.
Tingnan ko lang kung may maiisip pa siyang isagot sa akin. Bahagya ko pang itinaas ang isang kilay ko, habang matamang nakatitig kay Jeff
"I already told you, boss. Nag-turnover lang siya sa akin nitong mga schedules mo."
"That long? Schedule lang ang tinurn-over, ganun katagal na kayo nag-usap?"
Pakiramdam ko ay lalo pang tumaas ang isang kilay ko, na nakataas na rin kanina, kaya pilit ko iyong ibinaba para maging normal ang itsura ng mukha ko. Ayaw kong maging parang nagi-interrogate na girlfriend ang dating. Mamaya niyan, may masabi na naman sa akin nitong Madrigal na 'to!
Tumikhim muna si Jett, bago sumagot.
"Uhrm! She offered me to join her at lunchtime. Birthday daw niya the other day, kaya marami siyang baon. Pero--"
"See? You're flirting with each other. At oras ng trabaho," kalmado kong sabi.
Kalma pa, Athena… Huwag obvious.
"What? You call that flirting already?" namamanghang tanong ni Jett. Flirt ka naman talaga...
"Yes!" tipid pero mayabang kong sagot, at saka uli ako bumaling ng tingin sa labas ng bintana.
It's already getting dark outside. Palibhasa, it's almost six o'clock in the evening.
"So..."narinig kong umpisa niya sa sasabihin niya. At ano na naman kaya ang ikakatwiran nito?
"Kapag pinakain mo pala ako ng dinner ngayon, boss... you're already flirting with me?" narinig kong tanong niya, kaya agad ko siyang nilingon.
"Ano? At bakit naman kita pakakainin ng dinner?!" inis kong tanong dito.
"Boss... official business 'to. So dapat, sagot pa rin ng company ang dinner ko."
"Excuse me, Mr. Madrigal? May kasamang meal allowance 'yung salary package mo. Kaya bakit kita pakakainin ngayon?" sagot ko sa kanya.
I'm sure of it! Pina-approve sa akin ni Agnes ang salary package ng position ni Jett.
"Wow. Iba ka talaga, boss...." biglang sabi ni Jett.
"Well? If you disagree with what's stated in your contract, you may resign and go…I will not stop you." pormal kong sabi sa kanya. Goodbye Jett na ba ito?
"Sorry, boss...wala sa vocabulary ko ang mag-resign. Sabi nga ng mga Avengers dun sa End Game na movie--- no matter what it takes," pormal din ang mukhang sagot nito.
Matalim ko itong tiningnan at saka ito inirapan.
"Caesar, iuwi mo na ako sa condo ko, at saka mo ihatid si Jett sa Strategy!" utos ko sa driver ko.
At hindi na ko tatagal na kausap itong kulugong to!
"Yes, Mam." sagot ni Caesar.
"Grabe si Boss, ayaw talagang manlibre." narinig kong sabi ni Jett at saka tumawa.
Libreng sapok gusto mo?!
~CJ1016