CHAPTER 5 - PABORITO

2011 Words
Last subject na namin ang Math. Hindi ko inaasahang makikita ko si Jett paglabas ko ng kuwarto namin. "Hi! "bati nito sa akin. "Tapos na ang try-out?" sagot ko dito. Ang ine-expect ko ay nasa try-out pa sila ni Josh. Napansin kong nakapagpalit na din siya ng damit. "Salamat sa pagpunta kanina. Na-inspire ako maglaro. Kaya lang nakakahiya 'yung huli. Nagmintis pa!" sabi nito sa akin. "Okay lang! Magaling ka pa rin naman," nakangiting sagot ko sa kanya. "Cute, kapag nakapasa ako sa try-outs, lagi ka nang manonood ng game namin, ha...." sabi pa niya. "Oo ba! Iyon lang pala, eh. Maliit na bagay. For sure, lagi kaming manonood ni Hyacinth nun." "Uhm... Athena?" "Ano 'yun? Bakit bigla kang nahiya diyan?" natatawang sagot ko sa kanya. Paano naman kasi, nakakatawa talaga ang itsura niya ngayon. "Eh... Invite sana kita sa bahay. Merienda tayo. Tapos ihatid na lang kita sa inyo." Hindi ako agad nakasagot. Napatigil yata ang paghinga ko. Simpleng invite lang iyon ng merienda pero parang niyaya na niya akong maging girlfriend niya! "May-- May gagawin ka ba? Marami ba kayong assignment?" tanong uli nito, nang hindi ako sumagot agad. "Ah... Wala naman. Wala naman kaming assignment. Pero... kasama ba si Hyacinth?" Siyempre! Nakakahiya kaya na sasama ako mag-isa sa bahay nila. "Siyempre naman! Tradisyon na nilang dalawa 'yun ni Josh, na magkasamang nagme-merienda. Either sa bahay namin or sa bahay nila Hyacinth," sagot ni Jett, sabay nguso sa dalawang pareha na nakatayo sa di-kalayuan sa amin. "Tara na. Gutom na ko. Nagpa-ready na ako ng meryenda natin kay Mommy," narinig kong anunsiyo ni Josh na nasa tabi na pala namin ni Jett. Kausap niya siyempre si Hyacinth na nahalata kong parang galit kay Josh. "Uhm... uuwi na ako agad. Ma-Marami pa kasi akong gagawin. Marami kaming assignment. Di ba, Athena?" sagot ni Hyacinth kay Josh. Napakunot noo ako. Ha? Ano'ng sinasabi ni Hyacinth. "Ano'ng gagawin, Hyaciinth?" inosenteng tanong ko kay Hyacinth. Wala kasi akong maalala na may project o assignment kami. Pero pinandilatan ako nito ng mga mata kaya gets ko na,. "Marami tayong assignment, di ba?" ulit pa niya. Sasagot na sana ako nang biglang magsalita si Jett. "Ang sabi ni Athena wala kayong assignment, kaya in-invite ko siya sa bahay today." "Hyacinth, hindi na lang ako sasama kung hindi ka rin sasama..." Nakakahiya naman kasi talaga! "Hyacinth please..." pakiusap naman ni Jett sa kanya. Sandaling nagpalipat-lipat ang tingin ni Hyacinth sa aming dalawa ni Jett, at saka pasimpleng umirap sa akin. "Sige na nga. Tara na," may pagsukong anunsiyo ni Hyacinth. "Yes!" malakas na sabi ni Jett. BUONG biyahe namin ay mga boses lang namin ni Jett ang maririnig sa sasakyan. Pinag-uusapan namin iyong mga nag- try out din kanina na ibang estudyante. Hanggang sa makarating na kami sa bahay ng mga Madrigal ay hindi pa rin nag-uusap si Hyacinth at Josh. May LQ? "Buti na lang sumama ka, Athena. Kung hindi? Kanina pa panis ang laway ko dito sa biyahe na 'to!" pasimpleng bulong sa akin ni Jett, nang makababa na kami. Wala lang iyong sinabi niya, pero kiliting-kiliti ako! Pero nang makita ko ang Nanay ng kambal ay nakaramdam ako ng kaba. Baka masungit ito, at hindi magustuhan na kasama ako nung tatlo. Si Hyacinth naman kasi, Ninang niya ito, kaya okay lang. Eh ako? Sampid lang ako dito. "Oh... Tamang-tama lang ang dating ninyo. Kakaluto ko lang nung ipinahandang Spaghetti ni Josh. Siyempre, favorite ni Hyacinth 'yung version ko ng Spaghetti. Di ba, anak?" nakangiting sabi ni Mrs. Madrigal, na nakatingin ngayon kay Josh at Hyacinth. Mukhang hindi pa niya ako napapansin. O, ayaw lang talaga niya akong pansinin, kasi hindi naman ako mayamang tulad nila. "Nakakahiya na nga, Ninang. Lagi na lang ako dito kumakain..." sagot naman ni Hyacinth. "Oh? May bago pa dun? Mga bata pa lang kayo, ganito na ang nakasanayan n'yo. Uy... may bago kayong recruit?" biglang sabi nito na sa akin na nakatingin. "Si Athena po, Mommy. Classmate ni Hyacinth," maagap na sagot ni Jett, bago pa ako nakasagot. Ngumiti na lang ako kay Mrs. Madrigal. "Hello po...." Tumango-tango naman si Mrs. Madrigal. Bigla tuloy akong kinabahan. Bakit ka kakabahan? Girlfriend lang ang peg, Athena? "Aaahhh... classmate ni Hyacinth..." tila nanunuksong sabi pa niya, habang nakangiti kay Jett. "Mommy..." Iyon lang ang isinagot ni Jett sa kanya, na silang dalawa lang ang nagkaintindihan. Pagkapasok ko sa unit ko ay agad akong dumerecho sa ref. Sinilip ko kung anong pwede kong kainin o lutuin. Pero puro palaman at mga no-sugar soda-in-can na lang ang laman ng ref ko. Pagod na hinubad ko muna ang high heels ko, bago ako sumalampak ng upo sa sofa sa sala. Pagod na isinandal ko ang likod ko sa sandalan, at saka pumikit. Dapat siguro, ipalagay ko na rin sa schedule ko ang paggo-grocery. Palagi ko na lang kasi nalilimutan. Katulad ngayon, sa halip na may maluluto ako, at kakain na ako, nganga pala. Dumilat ako at saka tiningnan ang relo sa braso ko. Mga twenty minutes pa siguro bago makabalik si Caesar dito mula Strategy. Sana makatagal pa ang gutom ko. Tumayo ako mula sa pagkaka-upo, at saka naglakad papunta sa kuwarto ko. Nagpalit ako ng mas komportableng damit. Pinili ko ang isang three fourths sleeves na blouse, saka shorts. Malapit lang naman ang mall dito sa condo ko. Ihahatid ko na lang muna si Caesar sa sakayan. Naupo uli ako sa sofa, pero nakaramdam ako ng antok. Mabuti pa siguro ay maka-idlip muna sandali, habang wala pa si Caesar. MAYAMAYA ay nagising ako. Bakit pakiramdam ko ay medyo naidlip ako nang matagal sa twenty minutes? Agad kong tiningnan ang relo ko. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung anong oras na. Sinilip ko ang phone ko kung may tawag or text si Caesar na hindi ko narinig dahil nakatulog ako. Pero wala. Halos mag-iisang oras na, at mukhang wala pa rin si Caesar. Saan na napunta iyong taong 'yun? Dinampot ko ang phone ko para tawagan si Caesar, pero biglang may kumatok sa unit ko. Tumayo ako para tingnan kung sino ang nasa labas, pero mas ipinalangin ko na sana si Caesar na ito. Ganunpaman, mukhang hindi na rin ako aabot sa grocery nito sa mall. "Caesar? Bakit ngayon ka lang?" tanong ko agad sa kanya pagkabukas ko ng pintuan. Napakamot sa ulo niya si Caesar. "Pasensiya na po, Mam. Nagyaya lang po sandali si Sir Jett na mag-take out ng dinner niya." Kimi itong nakangiti na halata mong may nagawang kasalanan sa akin. Bad influence talaga iyong Jett na 'yun! Simula nang maging driver ko itong si Caesar, hindi pa ako nito sinuway. Tapos ngayon, kalahating araw pa lang niya nakasama si Jett, nahikayat na siya agad ng bwisit na 'yun? Pinaningkitan ko ng mga mata si Caesar, at saka siya sinita. "So, ginawa ninyong service unit ang kotse ko? Alam mo bang kanina pa ako naghihintay sa 'yo? Kailangan kong mag-grocery at wala na kong mailutong pagkain dito---" Biglang itinaas ni Caesar ang isang kamay niya. Tumambad sa mukha ko ang hawak niyang paper bag na may tatak ng favorite restaurant ko. "Ano 'yan?" May hinala man ako sa isip ko, pero ayaw ko itong pangunahan. Ayaw mong pangunahan, Athena? O, ayaw mong umasa? "Mam nagpa-take out po si Sir Jett ng para sa inyo. Pasensiya na po talaga," kiming sabi ni Caesar. Alam niya kasing galit ako ngayon. Hindi ko alam kung anong nararamdaman ko ngayon. Para akong nakaramdam ng saya. At the same time, takot. Ilang taon na nga ba nung huli kong maranasan ang ganitong pakiramdam? Ilang taon na nga ba kaming hiwalay ni Jett? Wala namang ibang lalaki ang nagparanas sa akin nang ganitong pakiramdam, kung hindi siya lang. Nakataas pa rin ang kamay ni Caesar, at naghihintay na kunin ko ang hawak niyang paper bag. Kukunin ko ba? Nagugutom ka na, Athena, di ba? Magbababa ba ako ng pride? Ano ba ang sasabihin ko? Alam pa rin ba ni Jett iyong paborito kong pagkain sa restaurant na iyon? "Kainin n'yo na po ito, Mam Athena." This time, ipinilit na ni Caesar sa kamay ko iyong paper bag. "Kabilin-bilinan po ni Sir Jett na kainin n'yo daw po agad 'yan, pagka-abot ko sa inyo. Mainit-init pa po kasi. Tamang-tama. May kanin na rin pong kasama diyan. Eh, sabi ko nga po kay Sir Jett, hindi po yata kayo kumakain ng kanin sa gabi." Wala sa sariling kinuha ko iyong paper bag, at saka binuklat ang laman nun. Ayaw ko mang makita, pero inaasam ko pa rin na iyon ngang paborito kong pagkain ang laman nitong paper bag na ito. Hindi ko alam kung ano'ng mararamdaman ko nang masilip ko, at maamoy ang samyo ng bagong lutong Kare-Kare mula sa paborito kong kainan. Kailan nga ba ako huling kumain sa restaurant na 'yun? Sobrang tagal na. College days? Nung bago ng debut ni Hyacinth. Last practice namin ng coutillon. Bago kami nag-break ni Jett.... Ano ba 'to? Sinusuyo ba niya uli ako? Huwag ka ngang assuming, Athena! Baka mamaya nagkataon lang na doon sila kumain ni Caesar at iyan ang na-order ni Jett. Isa pa, bakit ka naman susuyuin nung tao? Sino ka ba? Hindi ka naman anak ng Presidente ng Pilipinas. Nakipaghiwalay nga sa iyo iyong tao nang walang dahilan, di ba? Ayoko ng ganitong pakiramdam. Ayokong lumalambot ako. Lalo na kay Jett. Ang tagal na panahon na hinanda ko ang sarili ko na maging matigas. Ayoko nang mag-invest ng pagmamahal, na hindi naman kayang masuklian. "Mam, hihintayin ko po ba kayong kumain? Ihahatid ko na kayo sa grocery. Baka umabot ka pa." Napatingin ako kay Caesar na hindi pa pala umaalis sa harapan ko. Ano nga'ng sabi niya? Pilit kong hinamig ang sarili ko. "Ano 'yun, Caesar?" "Maggo-grocery pa po kayo ngayon, Mam?" "Ahh, huwag na. Alanganin na. Ayaw kong nagmamadali sa pamimili. Bukas na lang ako pupunta ng grocery after office," sagot ko sa kanya. "Ganun ba, Mam? Eh, sige po. Pasensiya na po talaga..." Bahagya lang akong tumango kay Caesar. "Uuwi na po ako." Nagsimula nang humakbang si Caesar paalis. "Caesar." Huminto ito sa paghakbang at muling humarap sa akin. "Mam? Nagbago na po ba ang isip mo? Tutuloy ka nang mag-grocery?" Umiling ako sa kanya. "Hi-Hindi." Yumuko ako para tingnan iyong paper bag na hawak ko. Pagkatapos ay nag-angat ako ng tingin, at saka iniabot ang hawak ko kay Caesar. "Iuwi mo na lang 'to." Tumaas ang dalawang kamay niya. Ang dalawang palad ay nakapaharap sa akin, at saka tigas ng pagtanggi. "Ay, hindi po, Mam. Para po talaga sa inyo 'yan. Meron na din po akong take-out na para sa akin si Sir Jett. Chicken, Mam! Isang buong chicken. Tamang-tama, pasalubong ko sa mag-ina ko," masayang sabi pa ni Caesar, na parang nanalo sa lotto. Muli kong tinitigan ang hawak kong paper bag, at saka ito binawi ng pag-abot kay Caesar. "Sige na nga. Umuwi ka na." May pagsuko na sabi ko sa kanya. No choice ako kung hindi tanggapin itong pagkain mula kay Jett. "Sige po, Mam. Happy eating po! Sabi po ni Sir Jett, matutuwa daw po kayo diyan," nakangiting pagpapaalam ni Caesar. Tanaw-tanaw ko pa si Caesar habang naglalakad siya palayo. Naisara ko na ang pintuan ko ay nakatayo at nakatitig pa rin ako sa paper bag na nasa kamay ko. Hindi ko alam kung dapat ko bang pasalamatan si Jett ngayon. Pero naisip ko, hindi ko naman hiningi sa kanya ito. Hindi ko naman iniutos sa kanya. Pero siguro, wala lang ito kay Jett, Baka part lang din ng trabaho niya sa akin itong pagbili niya ng pagkain ko. Parang katulad lang ng kape ko sa umaga. Ganun lang! Huminga ako nang malalim, at saka naglakad na ako papunta sa mesa. Inilapag ko doon ang paper bag, at saka dahan-dahan kong binuksan ito. May konting excitement na inilabas ko ang plastic tub na may lamang Kare-Kare. Hindi ko tuloy mapigilang hindi maglaway at matakam sa itsura nito. Naaalala pa kaya talaga ni Jett iyong paborito kong kainin sa restaurant na ito o nagkataon lang? ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD