CHAPTER 6 - MOTIBO

2341 Words
[Jett] Excited na naman akong gumising. Naiisip ko pa lang na makikita ko uli ngayong araw si Athena ay hindi na maalis ang ngiti sa mga labi ko. Inayos ko ang kama ko, mabilisang nagmumog, at saka lumabas na ng kuwarto. Tulad ng dati, nagprito ako ng dalawang itlog. Kumuha ako ng pipino at lettuce sa ref at saka yung tirang vinaigrette na gawa ko rin, para sa gagawin kong simpleng vegetable salad. Nagsalang ako sa coffee maker, bago bumalik sa kuwarto ko para maligo na. Pero bago ako makapasok sa banyo ng kuwarto ko ay tumunog ang doorbell ng unit ko. Sino naman ang bibisita sa akin nang ganito kaaga? Muli kong narinig ang tunog ng doorbell. This time ay sunod-sunod ito at may pagmamadali. Meron mang nasa isip ko kung sino ang maaaring nasa labas ng unit ko ay nagmamadali pa rin akong lumabas ng kuwarto ko. Tinungo ko ang main door, pero sinilip ko muna sa maliit na monitor sa tabi ng pintuan kung sino ang nasa labas ng pintuan ng unit ko. At hindi na ako nagulat sa nakita ko. "Jett, bilisan mo na!" malakas na sabi pa ng taong nasa labas. Nakangiti at napapailing na binuksan ko ang pintuan. "Ang tagal namang magbukas nito!" kunot-noong sabi nito. "Ang aga mo naman akong nami-miss, kambal. Nagpaalam ka ba kay Hyacinth? Baka akala nun kay Taylor ka pupunta?" pagbibiro ko kay Josh. "T*do! Huwag mong binabanggit si Taylor kay Hyacinth, lalo na ngayon... kung hindi, lagot na naman ako," naiinis na sagot nito. Bahagya akong natawa, dahil nainis ko na naman ang kakambal ko. Matanda ng isa o dalawang taon sa amin si Taylor, pero patay na patay ito kay Josh noong High School days namin, kaya selos na selos doon ang asawa niyang si Hyacinth. Pero knowing my kakambal? Two years old pa lang kami ay na-in-love na ito sa noon ay one-year-old na si Hyacinth. And the rest is history. "Oh!" inis na sabi ni Josh, sabay abot sa akin ng isang insulated bag. "Oh, ano 'to?" nagtatakang tanong ko. Wala naman akong maalalang may ipinapadala ako sa kaniya dito galing sa bahay ng parents namin. "Pinadala ni Mommy. Baka raw hindi ka nakakakain nang maayos. Saka may Kare-kareng Bagnet diyan. Iyong favorite daw ni Athena. Nagluto si Mommy kagabi. Binigyan din niya kami ni Hyacinth. Request kasi niya 'yan na paluto kay Mommy. Kaya iyan na lang ang ulam namin mamayang lunch. Iinitin ko na lang," paliwanag nito. Napangiti ako. Si Hyacinth at Mommy talaga... masyadong supportive sa akin. "Ganda ng ngiti mo, ah! Kapag hindi pa lumambot ang puso sa 'yo ni Athena diyan sa Kare-kare ni Mommy.... ewan ko na lang!" pansin ni Josh sa akin. "Uy! Speaking of Athena... kailangan ko nang maligo. Baka ma-late ako, masermunan pa ako nun." Tinalikuran ko si Josh, at saka inilapag sa center table iyong ibinigay niya sa aking insulated bag. Muli kong binalingan si Josh. "Saka bibili pa ako ng kape niya. Baka mamaya mahaba ang pila dun sa coffee shop." "Kape?" kunot-noong ulit nito. Naglakad na ako papunta sa kuwarto ko. Kung wala pang umalis si Josh, ma mabuting mag-ready na ako para sa pagpasok ko. Palibhasa siya, wala siyang time-in sa opisina niya! "Oo. Kape. Pupunta ka naman pala dito, hindi mo sinabi agad, eh di sana ikaw na ang bumili sa dadaanan mong branch," sabi ko at saka nagmamadaling pumasok na sa CR ng kuwarto ko. Naramdaman kong sumunod si Josh sa kuwarto ko, kaya hinayaan ko lang na medyo nakaawang ang pintuan ng CR ko, para magkarinigan kami. "Kasama sa job description mo 'yun?" malakas na tanong ni Josh, dahil binuksan ko na ang shower. "Para namang may choice ako!" malakas ko ring sigaw. Binilisan ko na lang mag-shower, dahil parang wala pang balak umalis si Josh. Lumabas na ako mula sa CR, at medyo nagulat ako na wala ito sa luwarto ko. Inaasahan ko pa naman na paglabas ko mula sa CR ay may follow-up question ito sa akin. Nasaan na ba 'yun? Alangan namang umalis na iyon nang hindi nagpapaalam sa akin? Minabuti kong magbihis na ng damit pamasok ko. Ang balak ko ay mag-fastbreak ng almusal. Mahirap na, at baka mahuli ako sa pagpasok, umusok na naman ang ilong ng boss ko. Habang nagbibihis ako, naririnig ko ang ingay sa kusina ko, kaya nahulaan kong nandoon ang kakambal ko. Naku, inupakan na siguro nun ang inihanda kong almusal! May pagmamadali na nagpunta na ako sa kitchen, para magulat lang na may nakahain nang almusal sa mesa. "Upo na. Kumain ka na. Ako nang magliligpit pagkaalis mo." sabi ni Josh na may hawak nang tasa ng umuusok na kape. "Naks! The best ka talaga, kambal! Pero kinakabahan ako, ah. Mukhang may kailangan ka sa akin," nakangiting sabi ko sa kanya, sabay upo ko sa isang upuan doon. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, at inupakan ko na ang mga pagkain sa mesa. Binalingan ko si Josh. "Tara, kambal. Share na tayo dito. Pasensiya ka na, hindi ko naman alam na dadating ka. Eh, di sana dinagdagan ko itong niluto ko." Pero isang nakasimangot na mukha Josh ang tumambad sa akin. Ibinaba ko ang kubyertos na hawak ko sa gilid ng palto ko. "May problema ba?" Malalim na huminga si Josh. "Hindi ka pa ba tapos sa misyon mo kay Athena? Kailangan ko ng tulong mo sa Jade Motors. Nagdo-double time din ako. Buntis ang asawa ko, at napakahirap ispelengin. Kapag ginagabi ako ng uwi, kahit alam naman niyang galing ako sa dalawang branch, tatanungin pa rin ako kung saan ako galing. Hindi naman pwedeng mag-full time ni Daddy sa isang branch at madalas tumataas ang BP niya," paagrereklamo niya. “Kambal, akala ko ba nagkaintindihan na tayo dito? May basbas mo naman itong plano kong ito, di ba? Pagbigyan mo na muna ako.” “Oo nga. I have your blessing. Alam ko namang si Athena lang ang laman niyang gag*ng puso mo. Pero di ba, kasalanan mo rin naman kung bakit kayo naghiwalay ni Athena? Tsk!” “Oo na... Aminado naman akong gag* nga ako. Pero noon iyon. Kaya nga gusto ko nang itama 'yun ngayon." “Okay. Nandoon na ako. Pero hanggang kailan mo ako pagdudusahin? Ayoko rin namang nai-stress ang pagbubuntis ng asawa ko. Sige ka, kapag may nangyari sa mag-ina ko, ikaw ang ituturo ko kay Ninong Adam!" Bahagya akong natawa. "Naiintindihan kita. Pero kambal, kailangan bang may panakot ka pa sa akin? Ang alam ko, sa ating dalawa... ikaw ang takot na takot kay Ninong!" naiiling na sagot ko sa kanya. Napatingin ako sa relo sa bisig ko. "Okay. Ganito na lang. Give me a month. Ilang araw pa lang naman ako sa kumpanya ni Athena. Ang hirap kayang makalapit sa kanya, tapos biglang sasabihin mo ngayon sa akin na End Game na? " sabi ko sa kanya, at saka mabilis na sumubo ng itlog. “Ang hirap lumapit? Saan napunta ang charm ni Jett Madrigal?" nang-aasar na tanong ni Josh. "Apakasungit!” sagot ko naman gamit ang naalala kong ekspresyon ni Herbert. "Si Athena? Napaka-soft ng taong 'yun!" sagot ni Josh, bago humigop ng kape sa tasa niya. "True! Hindi ka talaga maniniwala...." napapailing ko pang sabi, sabay subo naman ng salad. "Gustung-gusto na nga siyang dalawin ni Blaire. Sabi ko lang huwag muna, at baka masira ang diskarte mo." "Buti naman. Pigil-pigilan mo muna si Hyacinth, ha... " natatawang sabi ko. "Ano pa nga ba. Pero bilisan mo na, at baka hindi ko na kayanin ang asawa ko," natatawa ring sagot niya. "Um! Kambal, I need to go. Kapag naunang dumating si Athena sa office niya, kaysa sa kape niya, boom! Damay ang lahat ng tao dun sa opisina sa galit niya!" sabi ko, sabay tayo at dumerecho na sa lababo para magsepilyo. "Tsk! Hindi pa man, under ka na agad?" Nilingon ko si Joshm habang nakayuko ako sa lababo, at nakita ko itong pinipigilan ang pagtawa. "Gag*. Nagsalita ang hindi under!" buska ko naman dito, habang sige pa rin ako sa pagkuskos ng mga ngipin ko. "Hindi under ang tawag dun. Pagmamahal." Mabilis akong nagbanlaw ng bibig ko, at saka sinagot si Josh. "Sa iyo 'yan nanggaling ha..." "Huwag mong kalimutang mag-mouthwash, baka biglang magkahalikan kayo ni Athena. Eh, ma-turn-off pa sa iyo," panunukso pa nito. "Ewan ko sa iyo! Aalis na ko. Magligpit ka muna dito sa unit ko, bago ka umalis, ha. Inistorbo mo ko, eh!" sabi ko, sabay kuha sa susi ni Alden. "Kung gusto mo, iyong kotse ko muna ang gamitin mo. Ipapa-check-up ko muna si Alden. Baka itirik ka pa nun," suggestion pa ni Josh. "No. Okay pa naman siya. Okay na ko sa kanya. Saka ayokong mapag-usapan sa opisina kapag nakita nilang mamahalin ang kotse ko. Sige na, bye!" paalam ko dito, pero napahinto ako sa paglalakad nang marinig ko ang sinabi niya. "Oy, iyong Kare-Kare ni Athena nakalimutan mo!" Aw! Mabilis akong naglakad pabalik, at dinampot iyung bag na naglalaman ng Kare-kare ni Athena sabay pasalamat sa kakambal ko. "Thanks, kambal! I love you!" sabi ko dito, sabay flying kiss sa kanya. "Yak! Kadiri ka!" nakasimangot na sagot naman nito. HINIHINGAL na inilapag ko ang kape ni Athena sa mesa nito. Mabuti na lang at wala pa ito, kaya kahit alas otso na ng umaga ay nauna pa rin sa kanya ang kape niya. Napuyat siguro ng kakaisip sa akin kagabi. Joke! Pumitas ako ng isang piraso ng papel sa Post-It-Note na nasa ibabaw ng mesa niya, at saka nagmamadaling sinulatan ito. Mahirap na at baka abutan pa ako ni Athena na nagsusulat dito. Mag-init na naman ang ulo niya. Boss, Enjoy your lunch later. Pinag-isipan ko kung ilalagay ko ba ang pangalan ko o hindi na, nang biglang bumukas ang pintuan. Iniluwa noon ang usual na itsura ni Athena, iyong seryosong Athena. Dahil sa nasorpresa ako sa pagdating ni Athena ay bigla ko na lang naidikit iyong Post-It-Note sa insulated bag na dala ko, kung saan nakalagay iyung Kare-Kare. "Oh, kadarating mo lang?" pagsita pa niya sa akin. "Ahm..." Aaminin ko ba? Nakaramdam ako ng kaba. Pero naisipan kong aminin na rin. Sabi nga - Honesty is the best policy. "Me-medyo kanina pa, Boss. Inayos ko lang itong mesa mo. Medyo magulo kasi. Pero babalik na ako sa puwesto ko, Boss. Aalis na ko. Good morning." Kunot-noo namang sinundan ako ni Athena ng tingin. Ramdam ko na hanggang sa palabas ako ng pintuan ng opisina nito ay nakatingin ito sa akin. Nakaupo na ako sa mesa ko ay hindi pa rin ako mapanatag. Pakiramdam ko ngayon ay parang batang naabutan ng Nanay niya sa aktong may ginagawang masama. "Whew! Sana lang, maganda ang mood niya ngayon," sabi ko sa sarili ko, at pilit na nag-concentrate sa una kong dapat gawin. Muntik ko pang maibagsak ang planner ko nang biglang tumunog ang intercom sa tabi ko, na ang karugtong ay nasa opisina ni Athena. Bigla akong kinabahan. Ano kaya ang mood niya? Galit kaya? Huminga muna ako nang malalim, bago inangat ang intercom. "Yes, boss?" pilit kong pinakaswal ang boses ko, kahit na kinakabahan ako. "Come to my office. Now," maikling sabi nito, at saka nawala na sa linya. Sh*t! Ito na yun! Mali ba ang move ko? Hindi ko yata dapat binigay muna. Pero niluto ni Mommy 'yun para sa kanya. Tumayo na ako, at saka naglakad papunta sa opisina niya. Pero bago ako pumasok sa opisina niya ay ilang beses akong nagbuga ng hangin. Pampaalis kaba. Pagkatapos ay ni-ready ko ang isang nakakamatay na ngiti sa labi ko, bago ko binuksan ang pintuan ng opisina ni Athena. "Good morning, boss! Your schedule for today..." sabi ko, pagkatapos ay binuksan ko ang hawak ko na planner, para basahin ang schedule ni Athena para sa araw na ito. "What's the meaning of that, Jett?" malamig ang boses na tanong ni Athena. Ooops! Unti-unti akong nag-angat ng tingin kay Athena. Sinalubong ko ang walang emosyon niyang mukha. Nakahalukipkip ito habang nakaupo sa upuan niya, at may seryosong mukha. "Boss?" painosenteng tanong ko. "Anong ibig sabihin niyan?!" iritadong tanong uli niya, sabay nguso sa nakabukas nang lalagyan nung Kare-Kare. "Ahhh... Yan ba, Boss? Ulam mo boss. Mamaya. Sa lunch mo. Ikukuha na lang kita ng rice sa cateen later." Napansin ko na unti-unti nang nagbabago ang mood niya. Magsasalita pa sana siya, pero naisipan kong unahan na siya. Bakasakaling hindi matuloy ang init ng ulo niya. "Hindi sa akin galing 'yan, Boss. Kay Mommy." Sabi mo kanina, sasabihin mo na sa iyo galing? Duwag ka pala, eh! Nakita kong kumunot ang noo nito. "Bakit? May okasyon ba?" wala pa ring emosyon ang boses nito. "Wa... la naman, Boss. Nagluto lang talaga si Mommy. Meron din ako. Nandoon sa table ko. Saka sila Hyacinth, meron din. Naalala lang siguro ni Mommy na favorite mo 'yan," mahabang paliwanag ko sa kanya. Lalong kumulubot pa ang noo nito. "Bakit? Ano ba 'yan?" parang wala lang na tanong nito. "Kare-Kare." Pero tila hindi nagbago ang mood ni Athena. Ooops! Iyung magic word! "Kare-Kareng Bagnet." Kita ko ang bahagyang pagliwanag ng mukha ni Athena nang marinig ang ulam na binanggit ko. Pero agad din itong bumalik sa walang emosyon na mukha. "Pakisabi kay Tita-- I mean, sa Mommy mo, salamat. But... please....ayoko nang maulit," deretsang sabi nito. Nalungkot ako, hindi para sa sarili ko, kung hindi para kay Mommy. "Wala namang kinalaman si Mommy sa nangyari sa atin," lakas-loob kong sabi sa kanya, pero wala naman itong reaksiyon. Tumayo ito, at saka naglakad papunta sa harap ng mesa niya, habang matiim na nakatingin sa akin, na tila ba pinag-aaralan ako. Medyo nakaramdam ako ng kaba. Hindi ko alam kung ano ba ang tumatakbo sa isip ni Athena ngayon. Galit ba siya dahil sa Kare-Kareng dala ko? Huminto sa paglalakad si Athena, at saka sumandal sa gilid ng mesa niya, na hindi pa rin inaalis ang tingin sa akin at saka ang nakahalukipkip na mga braso. "Mr. Madrigal... tell me the truth. Ano ang motibo mo sa pagpasok sa kumpanya ko?" ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD