"Naku! Sa wakas, nakaraos na rin tayo anak! Goodbye, tuition fee na tayo!" masayang sabi ni Mama na katabi ko sa Grab na sinasakyan namin.
Pauwi na kami sa bahay namin ngayon. Galing lang naman kami sa pinakamalaking convention center dito sa San Pedro, kung saan idinaos ang Graduation rites ng eskwelahan namin.
Sana lang ganoon din ako kasaya katulad kay Mama. Actually, masaya naman ako, pero hati ang nararamdaman ko. Naka-graduate na ko, eh! Dapat ko lang talaga iyon ipagsaya. Pero ewan ko ba, pakiramdam ko kasi, may kulang para maramdaman ko ang totoong kasiyahan.
"Kapag naka-graduate ka na, Athena... ako ang magiging pinaka-proud na lalaki sa oras na 'yon!" naalala ko na laging iyon ang sinasabi ni Jett. Pero nasaan siya ngayon?
Huling balita ko ay umalis sila ng kakambal niyang si Josh papuntang Amerika, para doon kumuha ng Master's Degree nila.
Siguro, hindi man lang sumagi sa isip niya na ngayong taon na ito ako ga-graduate.
Malamang 'yun, Athena! Sa dami ba naman ng mga Amerikanang naglipana doon, maaalala pa ba niya ang isang simpleng babaeng tulad mo? Eh, para nga lang akong basahan na basta na lang niyang itinapon!
"Mama? May ine-expect ka bang bisita?" tanong ko, habang nakatingin ako sa unahan sa tapat ng bahay namin.
May naka-park kasing magarang sasakyan sa tapat ng bahay namin. Ang mga Madrigal at Zuñiga lang naman ang kakilala kong may mga mamahaling sasakyan. Pati na rin ang dalawang kaibigan ng mga pamilya nila na ang mga Samaniego at Montenegro.
Pero yung nakaparada ngayon sa tapat ng bahay namin ay hindi pamilyar sa akin. Oh, baka naman nagkataon lang na huminto iyong sasakyan doon sa tapat ng bahay namin.
"Ha?? Nasaan? Wala naman," sagot ni Mama na tiningnan din iyong tinitingnan ko.
Nang tuluyan nang huminto ang sinasakyan namin sa tapat ng bahay namin ay sinabihan ako ni Mama.
"Huwag ka munang bumaba, Athena. Diyan ka lang! Ako muna ang bababa. Sir, sandali lang po, ha."
Halata rin ang takot sa mukha ni Mama, at mukhang natataranta siya sa pagbanggit niya noon. Hindi na ako hinintay sumagot ni Mama, at saka mabilis na bumaba doon sa pintuan sa gawi niya.
Naguguluhan man ay sumunod na lang din ako sa utos ni Mama. Sinundan ko na lang siya ng tingin habang naglalakad papunta sa nakaparadang magandang kotse.
Hindi pa man tuluyang nakakalapit si Mama ay agad nang bumukas ang pintuan nung kotse, at saka may bumabang sakay. Isang may edad nang lalaki na nakasuot ng suit ang nakita kong bumaba, at matamang nakatingin ngayon kay Mama. Matikas ang tindig nito at may pagka-pormal ang mukha. Nakita ko naman ang bahagyang pagkagulat ni Mama nang makita iyong lalaki.
"Miss, may nag-book na kasi sa akin. Hindi na ako pwedeng magtagal."
Napalingon ako sa driver ng grab na sinakyan namin ni Mama. Bahagya akong ngumiti sa kanya.
"Sige po. Okay lang po. Bababa na po ako.".
Nilingon ko muna iyong binakanteng upuan ni Mama sa pagbabakasakaling baka may naiwan si Mama doon, pagkatapos ay binuksan ko na ang pintuan sa tabi ko para bumaba na.
Habang naglalakad palapit sa kinaroroonan ni Mama at nung lalaki ay narinig ko ang mahinang pagtatalo nila. Nag-alala ako para kay Mama. Sino ba kasi ang lalaking ito? May pagkaka-utang ba si Mama sa kanya? Alam ko kasi na minsan ay kinakapos kami, at itinatago lang iyon sa akin ni Mama.
"Mama?"
Biglang napalingon sa gawi ko si Mama nang marinig niya ang pagtawag ko.
"Athena! Di ba sabi ko wag kang bababa?!" may pag-aalala sa mukha na sagot niya sa akin.
"Ma.... hindi sa atin iyong sasakyan. Kailangan nang umalis nung driver," mahinahong sagot ko.
"Siya na ba ang anak ko?" tanong naman nung lalaki kay Mama.
Nagtatakang napatingin ako sa lalaking kausap ni Mama. Biglang sumulpot ang kaba sa dibdib ko. Bakit niya ako tinawag na anak? Sino ba siya? Ang sabi sa akin ni Mama ay patay na ang Papa ko. Namatay siya sa Amerika, kaya napilitan kami ni Mama na umuwi na lang ng Pilipinas.
Sa halip na sagutin ni Mama ang tanong sa kanya nung lalaki ay ako ang binalingan niya.
"Athena! Pumasok ka na sa loob ng bahay!" malakas na sabi sa akin ni Mama.
Naguguluhang nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanya at sa lalaking tumawag sa akin na anak. Naguguluhan man ay unti-unting may nabubuong hinala sa isipan ko.
Hindi ako tuminag sa kinatatayuan ko. Sa halip ay naglakas-loob akong tanungin si Mama.
"Ma? May gusto ka bang sabihin sa akin?" tanong ko sa kanya, sa pag-asang mabibigyan niya ng kasagutan ang mga tanong sa isip ko.
"Athena! Pumasok ka sabi sa bahay! Wala kang kinalaman dito, kaya pumasok ka na doon!" This time, galit na si Mama sa akin.
Susunod na sana ako sa utos ni Mama, pero nagsalita iyong lalaki.
"Bakit ayaw mo akong ipakilala sa kanya? Ilang taon mong itinago sa akin ang anak ko. Hanggang ngayon ba naman ayaw mo pa rin niya akong makilala?" sumbat ng lalaki kay Mama.
"'Ma--"
"Athena, huwag makulit! Pumasok ka sabi!"
"'Ma! Hindi na ako bata! Eto nga, oh... naka-graduate na ako. Ma.... matanda na ako. Sa tingin ko, may karapatan na akong malaman ang mga bagay-bagay na dapat kong malaman," putol ko sa kanya.
Nakita kong napamaang ito. Ngayon lang kasi ako naglakas-loob na sumagot nang ganito kay Mama.
Malalim akong huminga. "May dapat ba akong malaman, Ma?" dagdag ko pa.
Nakita kong napalunok si Mama. Tila nagtatalo ang sarili niya kung magsasabi sa akin o hindi. Sandaling katahimikan ang namayani sa pagitan naming tatlo. Hanggang sa nagsalita si Mama.
"Sa loob ng bahay na tayo mag-usap-usap. Huwag dito," sa walas ay anunsiyo niya. This time ay mababa na ang tono niya.
NAKAUPO kami ni Mama sa sofa namin sa sala, habang iyong lalaki ay nakaupo sa pang-isahang upuan. May ilang sandali rin na tila nagpakiramdam sila ni Mama.
"Siya ang ama mo, Athena. Si Arnulfo Ybañez. Naging kliyente ko siya dati nung nasa real estate pa ako, nang naghanap siya minsan ng property sa Pampanga para gawing warehouse ng isang kumpanya niya. Minsan lang may nangyari sa amin. Pero hindi ko akalain na magbubunga agad 'yun. At iyun ay ikaw," paunang salita ni Mama.
Napatingin ako sa lalaking sinasabi ni Mama na ama ko. Nagtama ang mga tingin namin. Pinakiramdaman ko sa sarili ko kung may kakaiba akong mararamdaman sa kanya. Iyung tinatawag nilang 'lukso ng dugo' ba.
"Inilihim ko sa kanya ang pagbubuntis ko sa 'yo, dahil ayokong madawit ka sa gulo. Ayokong pagpiyestahan ka ng mga balita. Wala naman akong balak maghabol sa kayamanan niya. Kaya pinalaki kita na mag-isa. Binuhay mag-isa. Pinag-aral sa abot ng kakayahan ko."
"Hindi kita huhusgahan," sabi ng lalaki kay Mama. "Pero this time, hayaan mong ibigay ko kay Athena ang karapatan niya bilang isang Ybañez."
"At ano'ng ibig mong sabihin?" tanong sa kanya ni Mama.
"May karapatan si Athena sa mga kumpanya ko at kayamanan ng isang Ybañez. Hayaan mong makabawi ako sa kanya," sagot nito.
"Nababaliw ka na ba, Arnulfo? Paano ang pamilya mo? Tiyak na hindi nila gugustuhin na---"
"Matagal na nilang alam ang tungkol kay Athena. Matagal ko nang sinabi sa kanila. Nasabi ko na rin sa kanila ang plano ko para kay Athena. Nahirapan lang talaga kayong hanapin ng private investigator na inupahan ko, dahil hindi ko alam na andito kayo sa San Pedro. Ang alam ko kasi ay sa Maynila ka nakatira," mahabang paliwanag nito.
Napatingin ako kay Mama. May pamilya na pala ang sinasabi niyang ama ko. Kaya siguro siya nagsinungaling sa akin na patay na ang Papa ko. Tumingin din sa akin si Mama. Nag-usap ang mga mata namin. Ang mga mata niya ay nanghihingi ng pang-unawa.
"Kung ako ang masusunod, ayoko. Pero sabi nga ni Athena, matanda na siya. Alam na niya kung ano ang makabubuti para sa kanya. Kaya ibinibigay ko kay Athena ang pagpapasya."
BAHAGYA akong nagulat nang narinig ko ang boses ni Jett. Malayo na naman pala ang nilakbay ng isip ko.
"Boss, six o'clock sharp tonight... dinner with the Chairman."
Napatingin ako sa proposal paper na hawak-hawak ko. Hindi ko pa pala iyon natatapos.
Napapikit ako nang maalala ko ang dinner meeting ko kay Papa. Hindi ako pwedeng mahuli. Ayokong may naipipintas sa akin ang mga kapatid ko sa kanya.
Isinilid ko ang hawak na papel sa folder na nasa ibabaw ng mesa ko, at saka hinarap si Jett.
"Pakisabihan na lang din si Caesar na aalis kami ng five sharp," utos ko sa kanya.
"Okay na, boss. Na-text ko na si Caesar," nakangiti pang sagot sa akin ni Jett, na may kasama pang pag-thumbs up.
I discreetly sighed in relief. Dapat ay matuwa ako, dahil may kusa si Jett sa mga dapat na iutos ko pa. Pero ayaw kong ipakita kay Jett na natuwa ako sa ginawa niya.
Sa halip ay pinaningkitan ko siya ng mga mata. "Pinangungunahan mo ko?" mataray na tanong ko sa kanya.
"No, boss," mabilis na sagot nito, na may kasama pang sunod-sunod na pag-iling.
"Matic naman 'yun, boss di ba? Kapag may lakad ka, ipagda-drive ka ni Caesar. Kaya... sinabihan ko na siya. In advance. Para maikundisyon na niya 'yung sasakyan na gagamitin mo."
Tinaasan ko na lang siya ng isang kilay. Lagi na lang kasi siyang may tamang sagot sa akin. Paano ko ba masosopla itong lalaking 'to?
"Boss, sasama ba ako sa 'yo? Kung gusto mo boss, ako na lang ang sasama sa yo dun sa mga Ybañez...." suggestion pa niya.
Bigla akong nag-panic. Ayokong malaman ni Jett ang totoong relasyon ko sa mga Ybañez.
Tinaasan ko siya ng isang kilay, pilit tinapangan ang mukha para mapagtakpan ang pagkataranta ko.
"Why. Wala ka namang papel dun," walang emosyon kong sabi.
"Wala lang, boss. Assistant mo ko, di ba? Baka lang kailangan mo ng tulong ko??" kalmadong sagot nito.
"Tulong? And what do you think is that?" kunwari ay inis kong tanong.
Nagkibit balikat ito. "Don't know... baka lang naman... Saka, mas advantage kung ako ang kasama mo kaysa kay Caesar, boss, " sagot niya.
Inirapan ko ito. Hindi porke isa siyang Madrigal ay kaya niyang solusyunan lahat ng problema!
"Ang yabang mo rin, ano?" pambabara ko sa kanya.
"Boss, at least, may driver ka na, may guwapo ka pang assistant na pwedeng tumulong sa iyo sa mga tanong ni Chairman."
Inirapan ko si Jett. "You know what?Wala akong kakailanganing tulong. Makikipag-meeting lang ako kay P--"
Huminga muna ako bago itinuloy ang sasabihin ko. "Kay Chairman." At sa mga kapatid ko. Pero hindi ko naman masabi iyon kay Jett.
"Meeting nga kay Chairman, boss."
Huminga ako nang malalim, bago tumayo na, at saka sinamsam ang mga folders na naglalaman ng mga report ko para sa Chairman, na ang Papa ko.
"Pakiligpit na lang itong mesa ko. Bukas ko na lang itutuloy ang pagbabasa nitong ibang proposals. I need to go. I don't want to be late," sabi ko habang inilalagay ko sa isang messenger bag ang ilang envelope at mga folder na naglalaman ng mga mahahalagang file at dokumento.
"Are you sure boss na ayaw mo akong isama?" pangungulit ni Jett sa akin.
Binalewala ko na lang iyong pangungulit ni Jett, at saka ko dinampot na ang cellphone ko. Inilagay ko iyon sa loob ng bag ko na nakapatong sa ibabawng mesa ko, at saka binitbit na.
Nag-umpisa na akong maglakad para lumabas na ng kuwarto ko.
"Mr. Madrigal, iyong mga ibinilin ko sa iyo... please don't forget. I need those proposals tomorrow," paglitanya ko habang naglalakad ako.
"Boss..." pagtawag uli ni Jett. Ramdam kong naglalakad din ito kasunod ko.
"Hindi nga kita isasama, kaya huwag ka nang makulit."
Ilang hakbang na lang at pintuan na, nang marinig ko uli ang boses ni Jett.
"Athena..."
What? Ano'ng Athena?
Bigla tuloy akong napahinto sa paglalakad, at saka hinarap si Jett.
"Nawawalan ka na yata ng good moral and right conduct, Mr. Madrigal? Boss mo ako,di ba?" taas-kilay kong sagot kay Jett.
"Okay naman ba ang pagtrato sa 'yo ng mga kapatid mo?"
Nahigit ko ang aking hininga. Ramdam ko ang pag-aalala sa boses ni Jett. Pero hindi iyon ang isue ngayon.
Paano niya nalaman ang tungkol sa mga kapatid ko? Hanggang saan ang alam ni Jett?
~CJ1016