KLAUS NAGISING akong mabigat ang katawan kinaumagahan. Masakit ang aking ulo at tila ba hirap akong bumangon. Ilang ulit ko pang kinusot-kusot ang aking mga mata upang piliting idilat iyon. Maaga naman akong nakatulog kaya't hindi ko maintindihan kung bakit tila antok na antok ako sa umagang iyon. Pinilit kong bumangon at sinubukang mag-inat-inat. Nagbabakasakali akong maibsan noon ang antok na aking nararamdaman at tuluyang magising ang aking diwa. Tumayo ako mula sa aking kama upang magbihis ng damit pang-gym. Baka kulang lamang ako sa exercise kaya ganoon na lamang kabigat ang aking pakiramdam. Ngunit bago pa man ako makalapit sa aking walk in closet upang kumuha ng damit ay agad akong nakaramdam nang pagbaliktad ng aking sikmura. Napatakbo ako patungo sa banyo at dali-daling binuks