HININTAY ko ang pagdating ni Attorney Matthew. Hindi naman nagtagal ay natanaw ko mula sa bintana ang pagpasok ng kotse sa bakuran ng bahay niya. Itinago ko ang cellphone sa bag at tumayo mula sa sofa. Saktong bumababa siya ng sasakyan nang buksan ko ang pinto. I decided to wait for him at the door. Baka kasi papasok pa siya sa bahay dahil may kailangan pa siyang ibilin kay Ate Denden o anuman. Pero pagbaba niya ay nanatili lang siyang nakatayo sa tabi ng kaniyang sasakyan. I sighed. Obviously, ako ang hinihintay niya na lumapit. Lumingon ako sandali sa loob ng bahay upang magpaalam sa katiwala. “Ate Den, aalis na po ako.” Wala namang sumagot kaya marahil ay hindi narinig ni Ate Den ang pagpapaalam ko. Hinila ko na lang pasara ang pinto at saka lumapit sa sasakyan ni Attorney Matthew.