Para sa akin ay tapos na ang lahat sa amin ni William at kakalimutan ko na siya. Wala na akong mukhang ihaharap sa kaniya. Bigla kong naiisip si Mama Michiyo, na baka nag-aalala na siya ng husto sa akin. Tumayo ako at nagmadaling lumabas at agad akong pumara ng taxi. Pagkarating ko sa tapat ng hotel ay nagmadali akong pumasok sa loob at patakbong tinungo ang aming kuwarto. Nang binuksan ko ang pinto ay nakita ko si Mama Michiyo at si Nanay na umiiyak. Magkasabay silang dalawa na lumingon sa akin. "Audrey?!" bulalas nilang dalawa. Nalilito naman ako kung sino ang aking yayakapin. Upang maibsan ang kanilang pag-alala sa akin ay sabay ko silang dalawang niyakap. "Anong nangyari anak?" tanong ni Nanay sa akin. "What happened?" pag-alalang tanong ni Mama Michiyo. "Nay, Nasaan si Tatay?"