PAULIT-ULIT na binasa ni Gage ang mensahe ni Kara na binalewala lang niya kahapon. Galit na galit siya sa kaniyang sarili at mas lalo niyang sinisi ang kaniyang sarili. Tama lang na sisihin siya ng papa ni Kara dahil wala man lang siyang nagawa para mailigtas ang anak nito. Wala siyang kamalay-malay na nadukot na pala ito sapagkat lango siya sa alak at ang hindi matanggap ni Gage ay ang naging sagot niya kay Grant. Anito, nagsabi raw siya ng okay nang sabihin ni Grant na na-kidnap si Kara at 'pagkatapos noon, bumalik na siya sa pagtulog. Gage almost hurt himself. Nagsisi siyang hindi niya binasa kaagad ang mensahe ni Kara sa kaniya. Kung nabasa niya agad iyon, baka pinuntahan na niya ito pero huli na, nadukot na ito at hindi alam ni Gage kung paano niya sisimulang hanapin ang mahal niya.