NAKATULOG si Alona matapos paamuyin ni Jack ng bulaklak na pampatulog ng mga lycan. Nabulabog pa silang lahat maging ang mga mandirigmang lycan na nagsasanay sa burol. Natutuwa siya sa suporta ng mga ito sa kanya. Dahil sa nangyari ay sinunod niya ang suhesyon ni Haru na igapos si Alona kung iiwan niya ito. Hindi niya matatalo ang lakas ng hipnotismo ni Blake kaya ganoon na lang ang gagawin niya. Nagtalaga naman si Vulther ng mga lycan na magbabantay sa palibot ng Lutareo. Takot si Alona sa mga ito kaya kampante siya na hindi na ito tatakas. Kinagabihan paggising ni Alona ay pinainom niya ito ng kanyang dugo na mayroong orasyon. Sa pamamagitan niyon ay pansamantalang malalabanan ang hipnotismo ni Blake. “Bakit ako nakatali?” nakasimangot nitong tanong. “Tumakas ka kasi kanina,” aniya.

