Sinampahan ko sa korte si Grego para sa annulment namin. Lahat ng mga dokumentong magpapatunay at ebidensya para sa mga ginawa niya sa akin ay prenisenta ko sa hukom. Nang sa gayon ay mapag-aralan ito sa korte at bigyan ako nang maayos na desisyon. Kumuha ako ng magaling na abogado at kahit mahal ang bayad, pikit mata kong tiniis para lamang umusad ang kaso. Kahit wala ng halos matira sa sahod ko. Hindi ko na inisip. Pinapahirapan din ako ni Grego dahil lumaban siya sa kaso ko laban sa kaniya. Kaya mas lalo lang sumasakit ang ulo ko dahil gusto niyang baliktarin ang katotohanan. Pinapalabas niyang kasinungalian lang ang lahat. Gusto niyang manatili kaming kasal at ilang beses na ring pabalik-balik sa inuupahan kong apartment para humingi sa akin ng tawad at isa pang pagkakataon.