BINUGA ni Travis Rigor ang usok ng tobacco mula sa kanyang cigar pipe. Nasa harap siya ng isang maliit at tagpi-tagping bahay na pagmamay-ari ng waitress na nagtraydor sa kanya.
Napag-usapan na nila ng kanyang asawa ang nangyari. Sinabi nitong palampasin na lang niya ang lahat dahil ang pera na natangay mula sa kanya ay katumbas lang ng isang oras na laro kapag minalas ang baraha niya. Pabayaan na lang daw niya para hindi matiktikan ng mga pulis na may ganoong gawain sa kanyang bar.
No. Hindi siya papayag lalo’t may suot siyang benda ngayon. Muntik nang magkaroon ng malubhang pinsala ang kanyang utak at namalagi pa siya sa hospital ng ilang araw.
Agad din naman siyang nagkaroon ng malay nang gabi na hinold-up sila pero hindi na niya naabutan pa ang grupo nina Rolan sapagkat tumakas na raw at ni-lock pa silang lahat sa kwartong iyon. Pinalitan nito ang password ng electronic na pinto kaya hindi sila makalabas.
Wala ni isa sa kanila ang tumawag ng pulis para magpasaklolo dahil may kanya-kanya silang iniingatan na pangalan. Ang iba ay mga pulitiko pa at mainit sa mata ng media. Tumawag siya sa opisina ng electronic company na siyang nag-install ng pinto. Mabuti na lang at bente kwatro oras ang serbisyo ng troubleshoot expert kaya mabilis na nakaresponde ngunit hindi rin kaagad sila nakalabas sapagkat sinira pa ni Rolan ang mga buton. Nahirapan ang mga eksperto.
Ilang oras pa silang nanatili sa sekretong kwarto na iyon bago nabuksan ang pinto. Sinugod kaagad siya sa hospital dahil marami ng dugo ang nawala sa kanya. Mabuti na lang at may kasama silang doctor at nagawa nitong pahintuin ang pagdurugo ng kanyang sugat sa ulo at kung hindi dahil dito ay baka hindi na siya inabutan ng pagsikat ng araw.
Sukdulan ang galit niya sa kaalaman na muntik na siyang mamatay dahil sa pagtataksil sa kanya ng mga tauhan niya. Hindi niya lubusan na maisip na si Rolan ang gagawa niyon sa kanya. Pinagkatiwalaan niya ito ng husto, lalo na sa mga illegal niyang gawain. Binubusog din niya ang bulsa nito kaya hindi talaga niya inaasahan ang nangyari.
Makitid ang daan papunta sa squatter area na iyon. Maputik dahil bukod sa hindi konkreto ang daan ay doon pa binubuhos ng mga naglalaba at naghuhugas ng pinggan ang tubig. Muntik na nga siyang mabuhusan kanina, mabuti na lang at agad siyang na protektahan ng kanyang bodyguard. Nakakasuka rin ang hindi niya mawari na amoy sa paligid.
Pagtitinginan siya ng mga tao. Ang iba ay lumabas pa ng mga bahay para makiusyuso. Tila noon lang nakakita ng tao nakasuot ng amerikana.
“Linisin mo,” utos niya sa kanyang tauhan na tinuro sa pamamagitan ng cigar pipe ang madumi niyang sapatos.
Alisto naman kaagad na naglabas ng panyo ang kanyang tauhan at agad na pinahiran ang kanyang sapatos.
May lumabas na isang matandang babae. Halatang takot ngunit pinipilit lang na kumalma.
“S-sino po kayo?” tanong ng matanda.
“Ikaw ba si Gina? Nasaan ang anak mo?!”
“Sinong anak?”
“Huwag ka ng magmaang-maangan pa! Ilabas mo na anak mong si Jean.”
“Wala siya dito, ilang araw ng hindi umuuwi.”
Tumingin siya sa mga tauhan. Sinenyasan niya ang mga ito na halughugin ang buong bahay.
“Huwag! Huwag kayong pumasok! Ipapapulis ko kayo!”
Tila tinatamad na tinitigan niya ang matanda. Pinatabi niya ito. Sumama siya sa mga tauhan niya sa pagpasok sa loob ng bahay. Sumalubong sa kanya ang amoy ng tila nabubulok na prutas at pagtingin niya sa bandang gilid ng pinto ay nakita niya ang mga apple at oranges na nabubulok na at nilalangaw.
“Disgusting!” naiiritang wika niya na inilabas mula sa bulsa ang isang puting panyo at tinakip sa ilong at bibig habang parang hari na umupo sa upuan na yari sa kawayan.
Pinanood niya ang kanyang mga tauhan sa paghalughog ng buong bahay. Pinagsisira na rin ng mga ito ang buong gamit dahil kasama iyon sa utos niya habang papunta pa lang sila doon sa squatter area.
Nakita niya ang isang bata. Lumabas sa isang kwarto na kurtina lang ang nagsilbing pinto. Umiiyak. Takot na takot lumapit sa matanda na nanginginig din.
Bago pumunta doon ay nagpaimbestiga na siya tungkol sa mga taong nagtaksil sa kanya. Hindi maipaliwanag ang paglaho. na parang bula nila Rolan na kahit ang pinakamagaling na detective at source niya ay hindi mahanap kung nasaan ang mga ito.
Nakuha na siya ng kopya ng CCTV kung saan dumaan ang mga ito. Nakita niya kung paano na huminto ang van at iniluwa doon si Jean na hinabol naman kaagad ni Rolan at ng iba pa, ngunit eksakto na may dumaan na truck at nakahingi ng tulong si Jean. Ibig sabihin ay humiwalay ito sa mga kasama nito.
Sigurado siya na masusing pinagplanuhan at pinag-aralan ng mga ito ang lahat, pati na ang mga lugar kung saan mayroong CCTV. Bilib siya. Matatalino ang mga ito. Hindi niya ma-trace ang mga ito kahit ginamit na niya ang lahat ng galamay niya.
Sa totoo lang ay nakaramdam siya ng excitement. Pakiramdam niya ay buhay na buhay ang dugo niya. Hide and seek pala ang gusto ng mga ito, sige pagbibigyan niya!
Ngayon pa lang ay inisip na niya kung anong kaparusahan ang ibibigay niya sa mahuhuli niya. Ano kaya kung puputulin niya ng mga daliri at kukunin ang mga mata? Wala ng mas masakit pa kung magiging inutil ang mga ito. Gusto niya na unti-unting magdusa ang mga ito hanggang sa papangarapin na lang na mamatay.
“Exciting!” Ngumisi siya.
Muli siyang tumingin sa bata. Alam niya na anak ito ni Jean. Pinaimbestigahan niya ang babae at nalaman niya na nagsinungaling ito sa nilagay sa resume. Hindi ito single. Nakita na niya ang bata sa larawan na binigay sa kanya ng detective.
Tumayo siya. Naglakad papunta sa maglola. Mas lalo nagsumiksik ang bata sa matanda. Habang umaatras mga ito ay nabunggo na ang mga likod sa butas-butas na dingding.
“Huwag mong sasaktan ang apo ko!”
“Sino iyan?!” sigaw ng isang paos na tinig na mula sa loob ng isa pang kwarto.
Hindi na niya kailangan pang puntahan ang kwarto na iyon para malaman kung sino ang nasa loob sapagkat buhat sa kinaroroonan niya ay nakikita niya ang isang matandang lalaki na nakahiga sa kamay. Napansin niya na wala na itong isang paa. Nakataas ang kurtina na nagsisilbing pinto kaya nakikita niya.
“Wala, tatang. Bumisita lang ako!” sabi niya sa malakas na boses para marinig na matanda.
“Pinaiiyak niyo ang apo ko! Umalis kayo dito!”
“Tumayo ka diyan para mapaalis mo kami!” Hamon niya.
“Ano ba kasi ang gusto niyo!” Ang matandang babae ang nagsalita.
“Si Jean.”
“Wala siya dito.”
“Okay.” Tumango-tango siya. Hinablot niya ang bata na matinis na tumili. “Pero magagamit ko ang batang ito para lumitaw siya.”
“Bitiwan mo ang apo ko!”
Nagkahilan silang dalawa ng matanda sa bata. Wala itong balak na bitawan ang apo.
Napuno ng palahaw ng mag-lola ang tagpi-tagping bahay na iyon at naririnig na rin niya ang mga ingay sa labas na malamang mga kapitbahay na nakikiusyuso.
“Bi. .bita. . .bitiwan mo sila!” sigaw ng lalake na lumitaw mula sa pinto. Basta na lang nitong tinapon ang dalang box.
Akmang susugurin siya ng lalake ngunit hindi pa man nakakalapit sa kanya ay bigla na lang itong napatid. Bumagsak ang patpatin na katawan nito sa sahig ngunit kaagad din itong tumayo. Inundayan siya ng suntok. Tinamaan siya sa panga.
Was that a punch?
Amused siyang tumawa. Ni hindi man lang gumalaw ang ulo niya. Wala siyang naramdaman na sakit.
Mas lalo siyang naaliw nang sinuntok siya ulit ng lalake, sa pagkakataon na iyon ay sa dibdib naman. Ngunit sa halip siya ang masaktan ay ito pa ang namilipit habang hawak ang kamay.
“Okay, punch one more time,” aniya. Niliyad ang dibdib. Indikasyon na doon niya ulit pasusuntukin ang lalaki.
Muli nitong kinuyom ang kamao. Naglabasan na ang lahat ng ugat nito sa leeg sa pag-unday nito ng suntok ngunit kapos. Hindi siya tinamaan. Humalakhak siya. Naaliw siya sa kalampahan nito.
“Umalis ka na dito! Huwag mong pakialaman ang anak ko!” Tinulak siya ng matandang babae.
Nagkasalubong ang kilay niya nang makita na may dumikit na dumi sa kanyang Amerikana na suot na galing sa kamay ng matanda na humawak sa braso niya.
“How dare you, old woman!”
“Hu. .huwag mong si. .sigawan ang mama ko!”
Sa pagkakataon iyon ay nairita na siya sa muling pagsugod ng lalaki. Sinenyasan niya ang kanyang mga tauhan na pigilan ito. Muli niyang hinablot ang bata na hindi pa rin tumitigil sa pagpalahaw ng iyak.
“Bitawan mo ako! Bad ka!”
“Shut up!”
Kinaladlad na niya ang bata palabas sa bahay na iyon.
“Saan mo dadalhin ang apo ko?!” Sumunod sa kanya ang matanda, ganoon din ang lalake na hindi niya alam kung normal ba.
“Lola! Gusto ko sa lola ko!”
Natigilan siya nang ganap na makalabas sapagkat nakita niya ang maraming mga tao sa labas, partikular mga kalalakehan na may kanya-kanyang hawak na mga dos por dos.
“Ano ginagawa niyo sa mga kapitbahay namin?”
“Padaanin niyo ako!”
“Bitiwan mo muna si Jennica!” sabi ng lalake na may pinamalaking katawan sa lahat.
“Tumabi kayo kung ayaw niyong madamay!” seryosong banta niya.
Nabahag ang buntot ng mga ito nang maglabas na ng baril ang mga tauhan niya. May ilan na natira pero karamihan ay nagpulasan na at tago sa mga bahay, habang ang mga kababaehan naman ay napasigaw sa sindak.
“Sh*t!” Napamura siya nang makarinig nang paparating na serena ng pulis. Sinenyasan niya ang mga tauhan na kumalma at itago ang mga baril. Binitawan niya ang bata. Pagkatapos inayos niya ang butones ng kanyang Amerikana.
‘’Let’s go,” sabi niya na pasimpleng naglakad.
Hindi na sila hinarang pa ng mga kalalakihan sapagkat batid ng mga ito na armado sila.
Nang marating ang labasan ay agad siyang sumakay sa kanyang BMW kung saan naghihintay sa loob ang assistant niyang si Marvin. Samantalang sumakay naman sa dalawang van ang mga tauhan niya.
Nang umandar na ang kotse ay nakasalubong pa nila ang police mobile.