CHAPTER FOUR

1911 Words
“HUWAG kang gagalaw!” sigaw ni Jean nang magtangka tumayo ang Senador. Tinutok niya ang hawak na baril sa mismong sintido nito. Nanginginig ang buong katawan niya at pakiramdam niya ay anumang sandali ay bibigay ang tuhod niya at basta na lang siya bubulagta sa sahig. Samantala, tumayo naman si Travis Rigor ngunit muntik na itong mabuwal kung hindi lang nakahawak sa table. Umepekto na dito ang gamot pampatulog. “What’s the meaning of this?!” Dumagundong naman ang boses nito sa loob ng apat na sulok ng kwartong iyon. “Pasensya na Mr. Rigor.” Naglabas na rin ng baril si Rolan at tinututakan ito. “Ikaw?!” Nagitla na sabi ni Travis Rigor. Binalingan nito ang dalawang bodyguard. “Mga inutil ano pa ang ginagawa niyo?!” Bumunot nga ng baril ang dalawang bodyguard ngunit sa halip ay ito ang tinutukan na mas lalong kinagitla nito. “Mga traydor!” nangangalaiting sigaw nito na nagtangka sana manlaban ngunit hinampas na ito ng baril sa ulo ni Rolan na agad nitong kinabagsak sa sahig. Nakita pa ni Jean kung paano ito namilipit at umungol sa sakit bago pumikit ang mata. Hindi niya alam kung humihinga pa ba ito o kung fatal ba ang paghampas dito ni Rolan. Napuno ng sigawan ang buong kwarto sapagkat nag-panic na ang lahat na naroon. Kanya-kanyang takbo sa pinto ngunit hindi makalabas ang mga ito sapagkat hindi alam ang password ng pinto at ang in-charge naman doon ay kasabwat din nila. Nagpaputok si Rolan ng baril. Nalaglag ang mga butil ng chandlier sapagkat iyon ang natamaan ng bala. Kahit walang habas itong magpapaputok ng baril ay walang makakarinig sa labas sapagkat sound proof ang naturang silid. “Tumahimik kayo!” sigaw ni Rolan. Nilapitan nito ang mga alta sa syudad na siksikan malapit sa pinto. Ang iba ay nakadapa na. Gigil nitong tinutukan ang isa ring business tycoon na si Mr. Perez. Sa pagkakatanda ni Jean, ang naturang negosyante ang laging nanghahamak sa mga katulad nila. Minsan nitong binigwasan ng suntok sa simukra ang isang waiter dahil na delayed lang ang pagsisilbi rito ng wine. Kahit si Rolan ay minsan nang nakatikim ng kasamaan nito. “Gusto mo bang mamatay kasama ang sweety pie mo?!” nakakalokong tanong ni Rolan. Ang tinutukoy nito ay ang sikat na artista na kalaguyo ng business tycoon. “Huwag! Kunin mo na ang mga pera namin. Basta huwag mo lang kami sasaktan!” “Good! Huwag kayo diyan sa pinto! Doon kayo sa pinakagilid! Dumapa kayo at oras na may tumayo o gumalaw sa inyo, hindi ako magdadalawang isip na barilin kayo! Naiintindihan niyo?!” Paunahan sa pagsagot ng ‘oo’ ang mga mayayaman. Agad na sumunod sa sinabi ni Rolan. Wala na ang matayog na imahe ng mga ito, kundi ang nakikita na lang ni Jean ay mga mistulang naiihi sa takot na mga pusa. Tumayo na rin ang balasador na si Damian. Kalmado lang ito. Walang mababakas na takot sa mukha. Mukhang sanay na ito sa ganoong gawain. Swabe lang ang kilos nito habang inilalagay ang bundok na pera sa isang bag na initsa ng isa sa bodyguard. Kung umakto ito ay tila ba normal lang ang nangyayari sa paligid at nagawa pa nitong sumipol. Taliwas niya na mamahimatay na sa sobrang takot. Sa kabila ng panginginig ay tumulong si Jean sa paglimas ng mga pera sa layunin na makaalis na kaagad sa lugar na iyon. Bulagta na ang tatlong kasamahan ni Travis sa table. Hindi na napaglabanan ang kauntukan. “B-bilisan n-natin!” sabi niya na hindi makabigkas ng maayos. “Relax. Makakaalis tayo dito na walang makakahabol sa atin,” sabi naman ni Rolan na sa kanilang lahat ay ito lang ang nakaupo at tumutungga sa bote ng wine na dala niya. “Swerte natin!” Nakangisi naman si Damian. Binitbit na ang bag. Nang malimas nilang lahat ang pera ay saka pa lang tumayo si Rolan. “Bitbitin niyo na iyan lahat! Tayo na!” Binuksan na nito ang pinto. Hinintay muna na makalabas sila bago naging abala ang mga daliri nito sa pagpindot ulit. Pinalitan nito ang password ng pinto para walang makalabas. Binalangan sila nito nang matapos. “Walang magpapahalata,” anito. Inayos ang suot na amerikana. Sinuot pa ang dark glasses kahit gabi na. Nagsimula na itong humakbang. Nakasunod lang silang lahat dito. “Sir Rolan, bakit kayo – “ tanong ng gwardiya sa unang entrance na si Henry ngunit hindi na nito naituloy ang sasabihin sapagkat pinukpok na ito ng baril sa ulo ni Greg – isa sa mga bodyguard ni Travis Rigor. Nang bumagsak at mawalan ng malay ay kinaladkad na  ito ni Greg at pinasok sa isang malaking utility cabinet. Pagkatapos ay dumaan na sila sa backdoor ng Travis Bar kung saan naghihintay ang kanilang get away van. Hindi pa rin mahinto ang panginginig ng katawan ni Jean nang makasakay na sila at makalayo. Sinubsob niya ang mukha sa dalawang kamay. Impit na umiyak. Pakiramdam niya ay nasadlak na siya sa impyerno at hindi niya alam kung makaahon pa siya. “Ihin. . .I-hinto niyo ang s-sasakyan,” sabi niya na halos siya lang ang nakakarinig. Sinikap niyang magsalita ulit ngunit walang boses na lumalabas sa bibig niya. Pakiramdam niya ay naumid na ang kanyang dila. “Tumupad ka sa pinag-usapan natin hatian. Rolan.” Si Damian ang nagsalita. “Huwag kang mag-alala hindi ko kayo dudugasin.  Saan niyo gusto hatiin ang pera? Sa Malaysia na lang ba?” Nang marinig ni Jean ang naturang bansa ay mas lalo siyang nanigas. “Ihinto niyo ang sasakyan!” Sa wakas ay naisigaw niya. Butil-butil na luha ang dumadaloy sa kanyang pisngi. Hindi pala niya kaya na malayo sa kanyang anak. “Nababaliw ka na ba?! Alalahanin mong tumatakas tayo, Jean!” Nandidilim ang mukha na nilingon siya ni Rolan. Nasa unahang bahagi ito ng van nakapwesto. “Basta ihinto niyo!” “Tumahimik ka!” Tumayo siya kahit umaandar ang van. Kahit halos matutumba man ay nagawa niyang makalapit sa likuran ng driver at hinablot niya ito sa kwelyo. “Ihinto mo   ang sasakyan!” “Ano ginagawa mo, Jean?! Mababangga tayo!” Hinawakan siya sa magkabilang kamay ni Rolan at inilayo sa driver ngunit binigay niya ang buong lakas para makawala rito. Nang mabitawan siya nito ay muli niyang hinablot ang driver dahilan upang gumewang-gewang ang takbo ng van. At mawalan silang lahat ng balanse. “Ihinto mo ang van, Ronie!” pasigaw na utos ni Rolan na  agad naman sinununod ng driver. Nang huminto ang van sa tabi ng kalsada ay nandidilim ang mukha ni Rolan na binalingan siya nito. “Gusto mo ba tayong mapahamak lahat?!” “Hindi ako sasama sa Malaysia dahil hindi ko kayang iwan ang anak ko dito sa Pilipinas! Akin na ang pera ko at ako na bahala sa buhay ko!” “Sa tingin mo papayagan kita?” “Nagmamakaawa ako sa iyo, Rolan! Hindi ko kaya na mawalay sa anak ko!” “Para kapag nahuli ka kakanta ka?” tanong ni Rolan. Bumunot ng baril at tinutukan siya. “R-rolan. . .” Nanlamig ang buo niyang katawan. Hindi siya makagalaw. Batid niya na oras na tuluyan ng mandilim ang paningin nito ay hindi ito magdadalawang isip na pasabugin ang bungo niya. “Mamili ka, sasama ka ng matiwasay sa amin o babarilin kita at basta na lang itapon sa labas ng van ang bangkay mo?” “Rolan, huwag mong gawin sa akin ‘to! Maraming nakakita na tayo ang nangho-hold up kaya ano pa ang sinasabi mo na magsusumbong ako?!” Pagak na tumawa si Rolan. “Hindi magsusumbong si Travis at mga mayayaman na iyon sa pulis dahil mabubuking ang illegal nilang pasugulan. Ang katakutan mo ay mismong si Travis Rigor! Halimaw ang lalakeng iyon at pwede tayong lapain ng buhay. Sa tingin mo ba basta na lang kita paaalisin gayong alam mo na kung saan kami magtatago?” “Rolan. . .” “Maliwanag na bas a iyo ang lahat?” Gigil nitong binaon sa ulo niya ang hawak nitong baril. “Huwag Rolan!” Pagmamakaawa niya. Nanginginig siya sa takot na baka makalabit nito ang gatilyo ng baril. “Hindi ako magsusumbong! Wala akong pagsasabihan. Magtatago ako na hindi makikita ni Travis Rigor! Para mo ng awa hindi ko kaya malayo sa anak ko!” “Gusto mo talagang mamatay?!” “Huwag!” Nang mapagtanto na talagang babarilin siya ni Rolan ay bigla niyang tinabig ang kamay nito. Nagpambuno silang dalawa. Pilit niyang inaagaw ang baril sa kamay nito. Hindi naman makalapit sa kanila ang iba pang kasamahan at bagkus ay nagkubli pa dahil dalawang beses pumutok ang baril. Mabuti na lang wala ni isa sa kanila ni Rolan ang natamaan pero nabutas ang  bubong ng van dahil doon lumipad ang dalawang bala. Buong lakas na kinagat niya ang braso ni Rolan nang pinilipit nito ang kamay niya para makuha ang baril. Nang mawala ito sa wisyo ay sinamantala niya ang pagkakataon upang sipain ito sa pagitan ng dalawang hita nito. Napahiyaw ito sa sakit. Tuluyan ng nabitawan ang baril na agad naman niya kinuha at tinutok dito. “Huwah kang gagalaw kung ayaw mong barilin kita, Rolan!” “Walang hiya ka, Jean!” “Hindi ako nagbibiro!” Mas lalo niyang tinutok ang baril sa noo nito. “Tumabi ka!” Sumunod naman si Rolan. Pumunta sa pinakalikuran na bahagi kung saan nakakubli ang iba pa nilang kasamahan. Kung sakaling manlaban man ang mga ito ay wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang barilin ang mga ito. Nakuhang buksan ni Jean ang bag na naglalalman ng pera nang hindi tumitingin. Ang mata niya at ang baril ay nakatutok pa rin sa mga kasamahan niya. Kumuha siya ng tatlong bungkos na pera pagkatapos ay tinungo na niya ang pinto ng van. Tumalon siya pababa. Kumaripas ng takbo. Nang lumingon siya ay nakita niyang hinahabol siya ni Rolan at ng iba pa. Sa liksi ng mga ito ay tiyak mahahabol siya pero nabigyan siya ng pag-asa nang makita na may paparating na truck. Nanatili lang siya sa gitna ng daan. Kumaway-kaway siya sa pagbabaka sakali na hintuan siya ng truck. Pinikit niya ang mata dala ng pagkasilaw at takot. Sa laki ng truck ay maari na hindi siya makita ng driver pero sumugal siya dahil iyon na lang ang tanging paraan para makatakas kina Rolan. Narinig niya ang ang malakas na tunog na pagpreno ng truck . Nang imulat niya ang kanyang mata ay ganoon na lamang ang kanyang sindak nang makita na gahibla na lang ang pagitan niya sa truck. Kung sakaling nabundol siya ay tiyak na hindi siya mabubuhay. “Tulong! Tulungan niyo po ako!” sigaw niya. Nakita niya na bumababa ang driver at ang dalawang pahinante. “Miss, anong nangyayari sa iyo?” “Tulungan niyo po ako! May gustong kumidnap sa akin!” aniya. Pumalahaw ng iyak sabay turo sa kinaroroonan nina Rolan. Hindi na siya nagdalawang isip pa umakyat sa truck. “Miss, umalis ka diyan! May delivery pa kami!” “Manong, sige na po! Itakas niyo na po ako para niyo ng – “ Hindi na niya natuloy pa ang sasabihin sapagkat kasabay ng narinig niyang putok ng baril ay ang pagkabasag ng salamin ng truck kaya nagkubli siya sa ilalim. Ang driver naman at ang dalawang pahinante ay tarantang umakyat sa loob ng truck at pinaharurot palayo sa lugar na iyon.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD