HINAKOT na ni Yoshin ang gamit nito mula sa guest room kaya inayos ni Camilla ang kuwarto. Lumipat na si Yoshin sa bahay ni Alejandro pero babalik din ito. Hindi mapakali si Camilla at mayamayang kinukulit si Chase. “Ano na naman?” ani Chase. Pinuntahan siya nito sa kuwarto habang nagpapalit ng bed sheet. “Alalayan mo si Yoshin baka bigla niyang masaktan si Daddy,” aniya. “Hindi ‘yan. Nag-usap na kami ni Yoshin na ako ang bahalang kumausap sa tatay mo. May pabor siyang hinihingi sa akin kaya dapat siyang magpakumbaba.” “Siguraduhin mo lang, nako!” “Kumalma ka nga. Mamaya mapano pa ang baby natin.” Marahas siyang lumingon kay Chase. Nakangiti ito habang nakaupo sa couch. “Huwag kang assuming, baka mausog! Bantayan mo na ang tao mo baka parating na. Tawagin mo kaagad ako, ah?” aniya.