Naging awkward para sa akin ang mga sumunod na araw. Hindi na ako lumalabas ng bahay dahil nahihiya at naiilang ako kay Justin. Ayaw ko siyang makita pagkatapos ng lahat ng sinabi sa kaniya ni Jonna.
Naniniwala akong madami pa siyang iba na sinabi kay Justin, hindi lang iyong naikuwento niya sa amin ni nanay.
Siya pa ba na isang dakilang madaldal. Walang pakundangan ang bunganga kapag dumaldal.
Tamad akong nakaupo dito sa kawayan naming upuan habang iniinggit ang sarili sa mga post ng mga kaibigan ko na nakasuot ng mga corporate attire at may caption na job interview.
Bumuntong hininga ako.
"Anak, ikaw na nga muna ang pumunta sa palengke," utos ni nanay sa akin. Alas-tres pa lang ng hapon at medyo masakit pa sa balat ang sikat ng araw.
Ayaw ko mang lumabas at kahit tinatamad ay sumunod ako. Mabuti na din iyon para makabisado ko ng bahagya ang lugar. Hindi pa ako nakakarating sa palengke. Ilang araw na puro kain at tulog lang ang tanging ginagawa ko.
Pagkatapos kong magpalit ng tshirt ay umalis na ako.
Naglakad ako ng isang daang metro hanggang sa pilahan ng tricycle. Malayo pa ang palengke dito sa amin, nasa sampung minuto ang biyahe.
PAGKATAPOS kong mabili lahat ng nasa listahan ni nanay ay naglakad na ako patungo sa pilahan ng tricycle para makauwi.
Habang naglalakad ay iniikot ko ang paningin ko upang makabisado ang ibang establisyimento na naririto.
Sakto namang nahagilap ng mata ko si Justin. Nasa parking lot siya at pasakay ng kaniyang motor. May babae siyang kasama na mabilis ding sumakay sa likuran niya at agad kumapit kay Justin kahit hindi pa naman pinapaandar ang motor. Hindi ko napigilan ang sarili ko na umirap.
Girlfriend niya siguro ang babae. Ang clingy kasi ng babae. Sinuri ko ang itsura ng babae at napangisi ako.
Napagtanto ko na hindi tulad ko ang tipo ni Justin. Malabong magustuhan niya ako dahil ang tipo niya ay mga babaeng exotic ang beauty.
Ano'ng say ng pang-emo niyang bangs? At kulay pula na buhok. Feeling siguro niya kinaganda din niya ang make up niya na tinalo pa ang mga beauty queen sa kapal ng pagkaka-apply. Grabe din maka-false eye lashes, ako ang nabibigatan para sa talukap ng mata niya.
Hindi ko expect na ganitong babae ang tipo ni Justin.
Pero sabagay, may mga lalake na hindi tumitingin sa panlabas na anyo ng isang babae. Hindi mahilig sa maganda at sa ugali tumitingin. Pero kahit anong isip ko parang hindi pa din ako kumbinsido.
Baka naman ginayuma niya si Justin?
Gayuma agad? Baka naman mabuting tao kaya nagustuhan ni Justin. Kontra ng isip ko.
Muli kong pinasadahan ng tingin ang babae sa huling pagkakataon. Natampal ko ang sarili ko.
Kailan pa ako naging mapanlait na tao?
Eh ano ngayon kung girlfriend siya ni Justin? Buhay niya 'yan at may sarili ka ding buhay. Huwag kang pakialamera, pangaral ko sa sarili ko.
Pangarap mong yumaman, Janina. kaya focus lang sa goals in life at hindi sa life ng iba.
May kung ano akong nararamdaman sa sarili ko. Hindi ko din maintindihan kung bakit parang may bahagi sa aking damdamin na nanghihinayang.
Nanghihinayang? Bakit ako nanghihinayang? Kay Justin? Tsss.
Mas nakakapanghinayang kung hindi mo matupad ang pangarap mo. Pangaral ko sa sarili ko.
Tama. No boys, Janina. Hindi ka dapat makaramdam ng ganiyan. Winaksi ko ang kung ano mang negatibong bagay na tumatakbo sa isip ko. Sobrang bored ko na siguro at kung ano-ano na lang napapansin ko. Pati buhay ng ibang tao ay napupuna ko na. Iyong walang muwang na gf niya nalait ko pa.
Sorry po, God.
Kapag may trabaho na ako mawawala din ang mga ganitong naiisip ko, kaya maghahanap na talaga ako ng work.
Pagkarating ko ng bahay ay nilapag ko na agad sa kusina ang mga pinamili ko saka pumasok sa kuwarto.
Binagsak ko ang katawan ko sa kutson saka ilang minutong nagmuni-muni. Namimis ko na ang buhay sa Maynila. Ang boring na dito sa Bulacan.
Bumuntong hininga ako at binalingan ng tingin ang gitara na nakasandal sa gilid ng mesa malapit sa bintana ng aking kuwarto.
Nakakamis na ding tumugtog. Nakakamis kumanta sa banda. Nakakamis ang magpuyat at magpagod para kumita ng pera.
Bumangon ako at akmang dadamputin ang gitara ng marinig ko ang mga katok mula sa labas ng pinto ng kuwarto ko.
"Ate, may bisita ka lumabas ka muna diyan," tawag sa akin ni Jonna.
Bisita? Sino naman ang bisita ko? Imposible naman na sumunod agad sina Yela at Yana sa akin dito. Hindi ko pa nga nasasabi sa kanila ang address namin at kung paano makarating dito.
"Labas na dali," muling tawag ni Jonna.
NAPATIGIL ako ng makita ko si Justin sa sala. Nang makita niya ako ay agad siyang tumayo mula sa pagkakaupo sa kawayan naming upuan.
Kumunot ang noo ko. Siya ba ang bisita ko? Ano naman kaya ang kailangan niya sa akin?
Nginitian niya ako kaya naman sinuklian ko din siya ng ngiti pero hindi abot hanggang mata.
"Hello, Jaki. Birthday ni Tessa ngayon. If you remember isa siya noon sa kasama natin noong nakaraang araw," sabi niya na mas lalong kinakunot ng noo ko.
Ano ngayon kung birthday ni Tessa?
"Sinabi kasi niya na isama kita.
Baka gusto mong sumama?"
"H-huh?" Lito ko siyang tinignan. Kiniling ko ang ulo ko.
Gets na gets ko naman ang sinabi niya na birthday ng kaibigan niya na hindi ko naman kaibigan. Nalilito lang ako kung bakit ako ang isasama niya?
Kanina lang kasama niya ang girlfriend niya, ilang oras pa lang ang nakakalipas. Ngayon naman nandito siya para sabihing isasama ako sa birthday party. Hindi ba dapat ang girlfriend mo ang sinama mo?
"Pinagpaalam na kita kay Tita," aniya at binalingan si nanay na nakatingin sa amin. Tinanguan ako ni nanay.
"Sige na, anak, magbihis ka na," sabi niya.
Tinignan ko si nanay ng may pag-apela. Alam naman niya na iniiwasan ko si Justin. Alam naman niya na hindi ako mahilig dumikit sa mga lalake dahil may tutuparin pa akong pangarap. Tumango lamang siya sa akin kaya wala na akong nagawa pa.
"Magbihis lang ako," paalam ko kay Justin. Tamad akong bumalik sa kuwarto at nilapitan ang damitan ko.
Pumili ako ng puwede kong suotin. Hindi ako puwedeng mag-dress dahil aangkas ako sa motor niya.
Pinili kong isuot ang pink off shoulder blouse at saka black skinny jeans na tinernuhan ko ng two inches wedge.
Naglagay lang ako ng kaunting face powder at lip and cheek tint. Light lang ang pagkalagay para magmukhang natural.
Nakangiti si Justin ng lumabas ako ng kuwarto habang titig na titig na naman siya sa akin. Umigting ang kaniyang panga ng mapatingin siya sa bandang balikat ko na nakalitaw dahil sa suot kong off shoulder blouse.
"Mas lalo siyang nagandahan sa'yo, ate," bulong ni Jonna sa akin. Inikutan ko siya ng mata, plano na naman yatang mang-asar.
Magalang na nagpaalam si Justin kay nanay bago kami lumabas. Tinignan ko ang big bike ni Justin. Ngayon ko lang napansin na ang taas pala ng motor niya.
Si Justin ang nagsuot sa akin ng helmet. Nag-alinlangan pa ako dahil naisip ko na helmet ito ng girlfriend niya. Baka magalit iyon sa akin kapag nalaman niyang ginamit ko ang helmet niya at umangkas pa ako sa big bike ng bf niya. Tapos sinama pa ako sa birthday ng barkada niya.
Baka mamaya pag-isipan ako ng masama. Baka awayin ako at ang malala ay sabihan niya akong naninira ng relasyon.
Napailing ako. Nag-over think na naman ako. Kung ano-ano na naman ang pumapasok sa isip ko.
Muli kong tinignan ang mataas na big bike ni Justin. Ang hirap akyatin ng upuan. Mas lalo tuloy akong nagmukhang maliit sa 5'4 na height ko. Nasa 6 feet mahigit ang height ni Justin at sakto lang ang big bike niya sa laki niyang tao.
Nahirapan akong umakyat kaya naman inabot ni Justin ang kamay ko. May pag-alinlangan kong inabot ang kamay niya. Nang magdikit ang aming mga palad ay natigilan ako at tila nakuryente. Gusto kong hilain pabalik ang kamay ko lalo na at nakaramdam ako ng kakaiba sa aking aking tiyan. Ano ba naman 'to? This feeling is so strange. Tahimik akong umupo sa likuran niya.
"Kumapit ka baka mahulog ka," sabi ni Justin ng paandarin na niya ang motor niya. Agad ko namang pinatong ang isa kong kamay sa balikat niya. Hindi ako mahuhulog kaya hindi ko kailangang kumapit, anang isip ko.
Nailing siya sa ginawa ko. Kinuha niya ang isang kamay ko at l-in-agay sa may tagiliran niya, gano'n din ang ginawa niya sa isa ko pang kamay. Giniya niya ang dalawa kong kamay para ipulupot sa kaniyang matigas na tiyan. Nanlaki ang mata ko ng makapa ko ang tiyan niya.
Ngayon ay nakumpirma ko at nasagot na ang tanong ko. May abs nga siya! Confirmed.
Hindi ako naging komportable sa klase ng pagkakahawak ko sa kaniya. Gusto ko'ng mag-protesta lalo na at dikit na dikit na ang katawan ko sa likod niya, kahit ano'ng usog ko sa bandang likod, kusang dumidikit ang katawan ko. Isama pa ang pagkakadikit ng dibdib ko sa likod niya at ang kamay kong nakapulupot sa kaniyang tiyan.
Advantage sa lalake ang ganitong motor. Libre tiyansing. Ang swerte mo Justin, ha. Ikaw pa lang ang lalakeng nakalapit sa akin ng ganito. Lapit na lapit pa.
Sabi ko pa man din ang first boyfriend at ang mapapangasawa ko ang unang makakahawak sa akin.
Bigla tuloy sumagi sa isip ko ang nakita ko kanina sa palengke.
Nakaramdam ako ng guilt, kahit wala naman akong masamang ginagawa.
Tiyak, kung makikita kami ng girlfriend niya ngayon baka hinulog niya ako dito sa motor.
At parang kani-kanina lang ay hawak-hawak siya dito ng niyang girlfriend. Tapos ngayon nakikihawak din ako.
Gustong-gusto mo naman, singit ng boses ni Jonna sa utak ko.
Hindi na ulit ako sasama kay Justin sa sunod. Kung ayain man niya ulit ako sa susunod. Sasabihan ko din si nanay na may girlfriend na ang tao kaya kailangan ko siyang iwasan.
Para kapag sa susunod na ipagpaalam niya ako kay nanay at hindi agad ang sagot ni nanay.
Asyumera na kung asyumera. Ayaw ko lang magmukhang masama. Hindi ako mang-aagaw. Hindi ako desperada sa lalake.
I'm despedate for success.