Kabanata III

2036 Words
JANINA Tahimik lang ako habang tinitignan ang ilan sa mga kapitbahay namin na lumapit sa amin. Bakas ang awa sa kanilang mga mukha dahil sa sitwasyon namin. Sa tagal na naming nangungupahan dito, ngayon lang talaga nangyari ito. May mga oras na delay kaming magbayad ng renta pero hindi naman iyon umaabot ng buwan, dahil nagagawan namin agad ng paraan ni nanay. Tapos ngayon, basta na lang kaming papalayasin. Naiiyak ako habang tinitignan ang mga kalalakihan na tumulong sa amin para maghakot ng mga nagkalat naming mga gamit. Isa-isa nilang pinasok ang mga gamit sa truck. Tila hindi pa nag-sink in sa aking utak ang lahat. 'Di ako makapaniwala na aalis na kami sa lugar na ito. Mabigat ang loob ko na umalis ng Manila. Pinunasan ko ang basang pisngi. Huminga ako ng malalim. Ayaw kong umalis dito. Gusto kong isipin na isang masamang panaginip lang ang lahat ng ito, pero hindi eh. Totoo ang lahat. Nanlulumo ako. Nawalan ako ng lakas. Inaalala ko ang nangyari kahapon. Akala ko tuloy-tuloy na ang kasiyahan na matatamasa ko dahil nakapagtapos na ako. Sunod nu'n ay ang magandang trabaho na naghihintay sa akin. Kailangan ba talaga naming umalis? Hindi ba puwedeng umupa na lang kami sa iba? Napalunok ako ng aking laway dahil sa pagguhit ng hapdi sa aking lalamunan. Ang malas naman. Kung kailan nakapagtapos na ako ng kolehiyo saka mangyayari ang lahat ng ito. Gusto kong magpaiwan kaso naiisip ko din ang mahal kong ina at kapatid. Pero paano na ang pangarap ko? Nakapagpasa pa man din na ako ng application sa isang malaking kompanya tatlong araw ang nakakaraan. Paano pala kung matanggap ako doon? Bakit naman ganito? Wala na ba talagang sawa ang tadhana sa pagbato sa amin ng mga pagsubok? Ano ang kinabukasan namin sa Bulacan? Probinsiya iyon eh. Tapos madalas ng mga taga doon bumabiyahe pa araw-araw pa-Manila para pumasok sa trabaho dahil nandito ang magandang oportunidad. Nandito ang career growth. Napapailing na lang ako. Dismayadong-dismayado. Halo-halo ang aking nararamdaman. "Tara na, anak," tawag sa akin ni nanay. Halos hindi ko mabuhat ang aking katawan patayo. Muli akong bumuntong hininga. Tahimik akong tumayo mula sa pagkakasalampak ko dito sa may gutter. "Huwag ka ng malungkot. Magiging maayos din ang lahat," sabi ni nanay at inakbayan ako. Pinauna niya akong sumakay sa truck na maghahatid sa amin sa Bulacan. Bago tumakbo ang sasakyan ay pinagmasdan ko sa huling pagkakataon ang lugar na kinalakhan ko. Nagpunas ako ng luha na nagsimula na namang bumuhos. Parang ako lang ang malungkot sa pag-alis namin dito. Halata ang excitement ss mukha ni Jonna. Si nanay naman ay kalmado lang. Mukhang masaya din siya. Hindi ko alam kung ano ang dadatnan namin sa Bulacan. Pero sana naman wala ng mas lalala pa sa araw na ito. Ang hirap talagang talikuran ang mga bagay na nakasanayan. Kahit mahirap ang buhay namin dito sa Manila at kailangan naming kumayod para sa pantustos sa araw-araw namin, mula sa pagkain, bills at upa ay ayos lang naman sa akin. Nakasanayan ko na din kasi ang ganoong buhay. Kaya labis akong nalulungkot na kailangan naming umalis dito at manirahan na ng Bulacan. Habang nasa biyahe, habang palayo ng Manila ay pakiramdam ko unti-unti na din akong lumalayo sa pag-abot ko sa aking mga pangarap. Isang bungalow na bahay ang bahay namin dito sa Bulacan. Nasa ilang metro pa ang layo nito mula sa national road. Naipundar daw ng tatay noong siya ay nabubuhay pa itong bahay namin. Dahil sa Manila naman kami nakatira ng ilang mga taon ay minabuti na lamang nilang paupahan para magkaroon ng income at para may tumao at hindi mapabayaan ang bahay. Last month lang daw umalis ang umupa dahil umuwi na daw sa kanilang probinsya. Mabuti naman at hindi na pinaupahan pa ni nanay dahil mapapalayas pala kami sa tinitirhan namin sa Manila. Pinagmasdan ko ang bahay. Mayroon itong mababang gate na napinturahan ng berdeng kulay, na dala ng matagal na panahon ay natutuklap na. May mga tanim na namumulaklak na halaman at maliit na mga puno ng niyog at langka ang bakuran. Walang pintura ang labas ng bahay, at ang bintana ay gawa sa steel na tulad ng gate ay natutuklap na din ang pintura. Yari sa semento ang sahig at makikita pa ang bakas ng tinanggal na lenolium dito sa sala. May isang set ng kawayan na upuan, may maliit na divider at maliit na cabinet na patungan ng tv. May dalawang kuwarto at ang kusina ay katabi lang ng cr. Saktong-sakto lang ang laki para sa aming tatlo. Bigla ko tuloy naisip si tatay. Hindi man lang niya natirhan ang bahay na naipundar niya. "Iyong bayad ng upa ay l-in-agay ko sa bangko, anak, para sa kolehiyo ng kapatid mo. Hindi naman puwede na hanggang pagtanda mo ay kargo mo kami," paliwanag ni nanay. Heto na naman ang nanay at nagdrama na naman. " 'Nay, pamilya tayo. Alam niyo naman ang pagsusumikap ko na makapag-tapos ng pag-aaral ay para sa inyo. At ngayon na nakapagtapos na nga ako, maghahanap ako ng trabaho para naman maibigay ko lahat ng kailangan niyo ng kapatid ko," mahaba kong sagot saka ko siya inakbayan. "Hindi, anak, ngayong nakapagtapos ka na, mag-focus ka naman sa iyong sarili." Ayaw na naman magpatalo ng nanay. Bumuntong hininga ako at hindi na nakipagtalo pa. Ang suwerte ko talaga sa nanay ko dahil napakabuti niya. Kahit mahirap ang buhay namin ay hindi namin gaano ramdam dahil sa kaniya. Isa siyang ulirang ina. "Alam ko na labag sa loob mo ang sumama dito dahil nakasanayan mo na ang buhay sa Manila. Pero pagbigyan mo na lang muna ang nanay," pakiusap niya. Parang nagkaroon ako ng pag-asa na makabalik ng Manila dahil sa sinabi niya. "Hayaan mo at kapag maayos na tayo dito ay papayagan na kitang bumalik ng Maynila." Nabuhayan ako sa sinabi niya. "Talaga po?" nakangiti kong tanong kay nanay. Sana naman pagkatapos ng ilang buwan maging maayos na kami agad. "Talagang gustong-gusto mong mahiwalay sa amin, ate, noh?" Singit ni Jonna na ngayon ay pinahaba ang nguso. "Sus, eto naman, kung nasaan kayo. nando'n din ako, siyempre." "Plastik mo, ate, labas sa ilong," aniya kaya naman natawa ako. Naniniwala akong kilala talaga ako ng kapatid ko. "Alam niyo naman, nasanay na ako sa Manila lalo na at may mga raket ako doon, sayang naman kasi." "Kaya nga di kita pinayagan na magpa-iwan doon, anak, gusto kong magpahinga ka din. Matulog ka ng matulog." Mula mag-dalaga ako, wala na yata akong kumpleto o mahabang tulog. Hindi uso ang eight hours of sleep sa amin ni nanay. Dapat magpahinga din siya ng maigi. "Huwag niyo po akong isipin, nanay. At isa pa kailangan ko ding maghanap ng trabaho agad. Paano ang kabuhayan natin dito?" Hindi kami puwedeng magutom. May naitabi kaming pera ni nanay pero hindi iyon magtatagal ng ilang buwan. Hindi na kami nangungupahan pero may mga ibang pagkakagastusan pa din naman kami para mabuhay. Mga bills at ang pagkain namin sa araw-araw. Ilang buwan na lang din ay papasok na sa eskwela si Jonna. "Magtinda-tinda padin ako ng mga lutong ulam dito. Nakita mo naman, malalayo ang mga tindahan at ang palengke ay medyo malayo din. Ang mga naibigay mo noon na pera ay naitatabi ko. Kaya huwag kang mag-alala. Madiskarte ang nanay, mana yata ako sa'yo." Natawa ako sa sinabi niya. "Baliktad yata, 'Nay," natatawa kong wika. Niyakap niya kaming magkapatid. "Sige po, 'Nay, kayo po ang bahala," sagot ko. Napahikab ako, ngayon ko lang naramdaman ang antok at puyat ko sa buong magdamag. Nagpaalam na ako para matulog sa isang kuwarto. Akin daw ang isang kuwarto at si Jonna ay tatabi daw kay nanay. Pinunasan ko muna ang katre bago ko nilatag ang kutson na dala namin mula sa Manila. Ikaw na po sana ang bahala sa amin, Panginoon. Tulungan mo po kami na magkaroon ng kabuhayan dito. After graduation ay plano kong mag-apply sa isa sa mga big companies sa Manila. Pero heto at napadpad kami ng Bulacan. Hindi ito ang inasahan ko na mangyayari. Mas malaki ang oportunidad na umangat sa buhay sa Manila hindi gaya dito na mukhang mailap ang success. Pero alam kong may dahilan ang Panginoon kung bakit nangyari ang lahat kaya kami nauwi dito. Huminga ako ng malalim saka marahas na nagpakawala ng hangin sa aking bibig. Ni-relax ko ang isip ko hanggang sa tuluyan na akong hilain ng antok. NAGISING ako sa kalabog na nagmula sa labas. Masakit ang ulo ko dahil sa pagkabitin sa tulog. Babalik pa sana ako sa pagtulog pero naramdaman ko ang pagkalam ng sikmura ko. Dinampot ko ang aking celphone na nakalapag sa tabi ko. Alas-dos na ng hapon kaya pala nagugutom na ako. Wala pa akong almusal kanina kaya naman nagwawala na ang mga alaga ko sa tiyan. Bumangon ako at medyo pasuray-suray pang naglakad palabas ng kuwarto. Inaantok pa ako pero kailangan ko munang kumain. Kalahating nakapikit ang mata ko pero bigla akong nagising ng makita ko na may dalawang lalake na kasama sina nanay sa kusina. Halos takbuhin ko ang pabalik sa kuwarto ko. Nakakahiya! Wala akong suot na bra. Sinipat ko ang sarili ko sa salamin at nakita ko na magulo ang buhok ko. May natuyo pa akong muta sa mata. Nakalilis pa ang laylayan ng shorts na suot ko. Inayos ko ang itsura ko at ng masigurado kong maayos na ay lumabas na ulit ako ng kuwarto. Dahan-dahan ang hakbang na ginawa ko hanggang sa malarating ako ng kusina. "Mabuti at gising ka na, anak, kumain ka na. Kanina pa walang laman ang tiyan mo," sabi ni nanay. Tumango ako at tinignan ang dalawang lalake na nakaupo din sa hapag. Ang isa ay mukhang kaedaran lang ni nanay at ang isa, natitiyak kong mas bata sa kaniya. "Kapitbahay natin sila, si John nga pala at anak niya si Justin," pakilala ni nanay sa mga bisita. "Magandang hapon po," magalang kong pagbati sa mag-ama na nasa hapag. "Magandang hapon din sayo, hija," bati ni Tito John, nginitian niya ako at ganoon din ang ginawa ko. Matikas si Tito John, guwapo at kahit sa edad niya ay madami pa siyang masusungkit na mga chics. Si Justin ay tahimik lang at patuloy lang sa pagkain. Ni hindi man lang siya nag-angat ng mukha at tumingin sa akin. Hindi ko tuloy makita ang buong mukha niya. Napatitig yata ako ng matagal sa kaniya kaya naman hindi na naman ako nakalusot sa mapanuri at mapanghusgang mata ni Jonna dahil narinig ko ang pagtikhim niya. Inungusan ko siya bago pa niya ako simulang asarin. Kumuha ako ng pinggan at mga kubyertos sa dish cabinet saka ako umupo sa bakanteng silya. Kumuha ako ng pancit at nilagay sa plato. Curious talaga ako sa itsura ni Justin, gustuhin ko mang titigan ay pinili ko na lang na hindi dahil nakabantay ang mga mata ni Jonna sa akin. Napalatak ako sa aking isipan. Kailan ka pa nagkaroon ng interes sa mga lalake, Janina? buyo ng isip ko. "Kaibigan siya ng tatay mo, anak," kuwento ni nanay. Tumango-tango lang ako at hindi makasagot dahil puno ng pagkain ang aking bunganga. Nagkukuwentuhan sina nanay at Tito John, habang kami ng kapatid ko at si Justin ay tahimik lang. Uminom ako ng juice kaya naman bahagya ko ulit napagmasdan si Justin, pero mula kanina ay hindi man lang siya nag-aangat ng tingin. Ang ilap, huh. Ayaw man lang ipakita ang mukha. Baka, chaka, kaya nahihiya, isip-isip ko. Nang patapos na akong kumain ay sumali din ako sa usapan nila. Kailangan kong magkaroon ng kakilala para maging pamilyar dito. Kailangan ko din ng trabaho. "May alam po ba kayo na puwedeng pasukan na trabaho dito, tito?" tanong ko kay Tito John. Gustuhin ko mang tanungin si Justin baka mas may alam siya na puwedeng mapasukan na trabaho kaso napakailap naman. "Justin, baka may bakante sa trabaho mo?" tawag pansin ni tito sa kaniyang anak na may pagkasuplado. Buti sana kung guwapo, napapairap ako sa loob-loob ko. Pinahaba ko pa ang nguso ko. Nag-angat ng tingin si Justin at saktong nagsalubong ang mga mata namin. Magkatapat ang upuan namin kaya naman malaya kong napagmasdan ang anyo niya. Seryoso din siyang nakatingin ngayon sa akin. Sh-t! Totoo ba itong nakikita ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD