Kabanata IV

2039 Words
JANINA'S Tinikom ko ang bibig ko na bahagyang nakaawang dahil sa pagkamangha sa taong nasa aking harapan. Grabe! Makalaglag panty! Parang naririnig ko na naman ang boses ni Yela na sinisigaw iyon. Siya na yata ang pinakaguwapong lalake sa balat ng lupa. Well... para sa akin lang naman iyon. Iba't iba ang taste ng mga tao lalo sa pisikal na anyo. Maaring ang guwapo para sa akin ay pangit sa iba, at ang guwapo para sa pananaw ng iba ay pangit naman sa akin. Kagaya ng mga campus heartthrob noon sa university na pinapasukan ko. Wala ni isa sa kanila na nakakuha ng atensyon ko. Kung usapang guwapo, mataas ang standard ko. Pero kung usapang boyfriend, hindi importante sa akin ang itsura. Mamahalin ko siya kahit hindi siya guwapo. Ang mahalaga sa akin ay ang nilalaman ng kaniyang puso. Lalakeng may pangarap sa buhay, tapat at mamahalin ako ng wagas at totoo. Napapailing ako dahil kung ano-ano na naman ang naisip ko. Ang layo na naman nang nilakbay ng isip ko. Bakit ako napunta sa boyfriend na iyan? Wala nga akong plano sa pakikipag-nobyo eh. Muli kong tinignan ang lalakeng nasa harap ko. The man in front of me was a head turner. Siya iyong tipong unang tingin pa lang ay mapapatulala ka na. Tipong kahit titigan mo maghapon ay mabubusog ka. Este, hindi nakakasawa. Lakas maka-magnet. Mabilisan kong sinuri ang itsura niya. He looks like a model in a men's magazine. Pwedeng siyang pang-billboard sa edsa. Nakasuot siya ng medium blue na polo, may tatlong butones na hindi sinara kaya naman bahagyang sumisilip ang kaniyang dibdib. Mukhang matigas. Check. He has a good sense of clothing, ang porma niya sa suot niya. Mas nakadagdag sa kaniyang appeal, mukha din siyang mabango. Check. Tall and well built ang katawan, malapad ang balikat, matikas at mukhang may matigas na muscles. Hmmm. Check na check! Magagamit ko na yata ang lahat ng magagandang adjective sa kaniya dahil mukhang inangkin na niya lahat ng magandang katangian. Siya na talaga. Pero ang ugali maganda din kaya? Malamang hindi. Mukhang hindi siya friendly. Snabero. His eyes. He has a penetrating gaze, it's like he's reading what is on my mind. There's something in his gaze that makes me feel uncomfortable. He transfixed me with his penetrating stare. Nag-iwas ako ng tingin. Hindi ko magawang salubungin ang mga titig niya. Ang lakas maka-intimidate. Nakakaagaw pansin ang katikasan. Iyong tipong gusto mo siyang titigan lang ng titigan dahil habang tumatagal mas lalo pa siyang gumaguwapo. Nakakapanghalina pero tipo niya ang hindi makakapansin sa isang ordinaryong babae lang. Ano'ng ginagawa nila dito ni Tito John? Para kasing hindi sila nababagay dito. They totally look different from us. Ang mga mata nila ay parang sa mga baniyaga. They were gorgeous. He is absolutely gorgeous. Naramdaman ko ang pagsiko ng kapatid ko sa akin kaya naman napairap ako sa loob-loob ko. May plano na namang mang-asar ang batang 'to. Binalingan ko siya at pinanlakihan ng mata para balaan sa kung ano man ang binabalak niya. "Tulo laway mo no, 'te," bulong niya sa akin, nagpipigil siyang humalakhak na gaya ng ginagawa niya kapag iniinis niya ako. Sinaman ko siya ng tingin pero tinignan pa niya ako ng may halong pang-aasar. Mahina ko siyang kinurot sa kaniyang hita, pero imbes na ngumiwi dahil sa sakit, tumawa pa siya na akala mo kilig na kilig. Tumikhim ako at bumaling sa harap ng marinig kong nagsalita si Justin. "Wala ng bakante, pero may boutique sa mall na nag-post ng hiring noong nakaraang araw," ani Justin gamit ang kaniyang baritonong boses. Pati boses iba din ang dating. Ano'ng nangyayari sa'yo, Janina? Agad akong umayos ng upo nang makita kong nakatingin siya sa akin habang nagsasalita. Sinalubong ko ang tingin niya. Kailangang may eye contact kapag nakikipag-usap. Seryoso siyang nakatitig sa akin. May kung ano talaga sa tingin niya pero hindi ko mabasa. Hindi naman kasi ako noon gaano nakikisalamuha sa mga lalake sa Manila. May mga lalake na lumalapit noon sa akin sa bar na tinutugtugan ng banda pero umiiwas ako lagi. Kahit ang mga manliligaw ko noon sa University ay iniiwasan ko at kapag nagtatapat pa lang binabasted ko na agad. Wala kasi sa priority ko ang makipag-date o mag-entertain sa kanila. Kailangan ko munang maging successful at mabigyan ng magandang buhay ang nanay at kapatid ko. Ipon now, harot later. Hindi ko natagalan ang mainit niyang tingin. Nakakapaso. Kung contest sa titigan talo ako. "Tumatanggap kaya sila ng fresh graduate?" tanong ko nang hindi nakatingin sa kaniya. Sa baba ako nakatingin. Bastos ang hindi tumingin sa kausap pero hindi ko talaga siya kayang tignan ng matagal. Nakaka-intimidate at nakaka-hipnotismo ang presensya niya. "Hindi ka puwede doon, ate, magaganda lang ang tinatanggap sa ganoong trabaho," pang-aasar ng kapatid ko na kahit may ibang tao ay hindi man lang muna nagpigil sa kadaldalan. Sinamaan ko siya ng tingin. Saglit ko ding tinignan si Justin at nakita kong nakakunot ang noo niya. Saglit niyang tinapunan ng tingin si Jonna saka muling nilipat ang tingin sa akin. "Pasok ka do'n," wika niya sa akin gamit ang siguradong tono niya. Narinig ko ang pag-ngisi ng kapatid ko kaya naman mahina ko siyang tinampal sa kaniyang hita. Tumigil ka na! saway ko sa kaniya gamit ang matalas kong tingin. "Sa tingin mo?" Tinignan ko ulit si Justin na seryosong nakatingin sa akin. Tumikhim ako at baka nga biglang tumulo ang laway ko sa kakapuri sa kaguwapuhan niya. Gusto kong sampalin ang sarili ko dahil sa paghanga sa kaniya. He's a man kaya dapat umiwas ka. No boys. Paalala ng isip ko. "Hundred percent sure," aniya. Tipid akong nangiti. Gustuhin ko mang bumungisngis ay pinigilan ko. Bawal humarot self! "You mean, maganda si Ate, Kuya Justin?" walang hiya-hiyang tanong ng kapatid ko. Ako na talaga ang nahiya sa batang 'to. Napapikit ako na lang ako at nailing. "Yeah, she's g-gorgeous," tila nag-echo at parang sirang plaka na paulit-ulit na nag-play sa aking pandinig ang sinabi niya. Talaga? Parang pumalakpak ang tenga ko sa narinig ko. Pero bakit parang nautal? Hindi ko na naisatinig dahil tiyak na kakantiyawan na naman ako lalo ni Jonna. Lahat pa man din ng kilos ko binibigyan ng kahulugan ng kapatid ko. Nanahimik ako habang paulit-ulit na binibigkas sa aking isip ang salitang binigkas niya. I am gorgeous! I mentally giggled. Ngumiti ako ng tipid, iyong hindi kita ang ngipin na ngiti. Hindi ko puwedeng ipahalata na kinilig ako ng very-very light sa kaniyang sinabi. Napaubo ang kapatid ko, tinignan ko siya ng may pagbabanta. Umaarte na naman at kilalang-kilala ko na talaga siya sa mga pakulo niyang ganiyan. Narinig ko ang mahinang pagtawa ni tito John kaya tinignan ko siya ng nakakunot ang noo. Binalik ko ang tingin ko kay Justin at nakita ko ang pamumula ng tenga niya. Ano'ng nangyari sa kaniya? Nagtagal pa ng isang oras ang kuwentuhan nina nanay at tito John. Ang topic nila ay noong mga kabataan pa nila. Nagkuwento si tito John tungkol kay Tatay. Kung gaano ito kabuting tao at kaibigan sa kaniya. Tuloy ay naging emosyonal si nanay habang sinasariwa ang mga alaala ni tatay noong nabubuhay pa siya. Nakakalungkot na nawala siya ng maaga dito sa mundo. Hindi man lang kami nasubaybayan na lumaki ni Jonna. Naiinggit ako noon sa mga kaklase ko na may mga tatay. May naghahatid at sundo sa kanila sa eskwela. Ako kasi noon, dahil may bata akong kapatid at kailangang maglabada ni nanay ay ako lang mag-isa ang pumapasok at umuuwi galing sa eskwelahan. Tuloy ay hindi ko din halos naranasan ang maging bata. Sa murang edad kailangan kong magbanat ng buto para makakain kami tatlong beses sa isang araw. Pero ganunpaman, masaya ako. Nalagpasan namin ang matinding pagsubok na iyon. Nakapagtapos ako. Pero, ano ang naghihintay na kinabukasan sa amin dito? Bigong-bigo na naman ang pakiramdam ko. Hindi ako nakatulog kinagabihan, marahil ay namamahay ako at madaming mga bagay ang naglalaro sa aking isipan. Nag-search ako sa internet ng mga bakanteng trabaho dito sa Bulacan. Halos puro mga nangangailangan ng crew na fastfood chain ang bakante. Wala akong makita na office jobs. Karamihan ng establishments dito ay mga factories. Napabuntong hininga ako. Tuloy ay mas lalo akong nawalan ng pag-asa na makahanap ng maayos na trabaho dito. Gusto ko talagang magtrabaho sa Manila. KINAUMAGAHAN.. Maaga akong nagising. Nagtimpla ako ng kape at binitbit ko hanggang sa labas ng bahay. Naupo ako sa bangko na yari sa kahoy na dito sa aming bakuran, ang ganda ng puwesto dahil nasa lilim ito ng maliit na puno ng niyog. "Iba talaga ang probinsya, fresh air." Pumikit ako at napangiti, bahagya kong tiningala ang mukha ko at dinama ang malamig at sariwang hangin na dumadampi sa aking balat. Napangiti ako. "Oo, tapos may super guwapo ka pang kapitbahay, saan ka pa?" singit ng kapatid ko mula sa aking likuran. Agad ko siyang inirapan. Ang aga naman ng batang 'to. "Ang bata-bata mo pa, Jonna, ha, may kalandian ka nang nalalaman," puna ko sa kaniya. Mas maharot pa talaga siya kaysa sa akin. Noong nasa ganiyang edad ako ay pag-aaral at pagbebenta ng pagkain para magkapera lang ang alam ko. Iba na talaga ang kabataan ngayon. "Paano ako naging malandi, Ate? Ikaw nga itong tumambay dito dahil inaabangan mo si Kuya pogi," tukso niya sa akin. Namula yata ang pisngi ko dahil sa sinabi niya kaya nag-iwas ako ng tingin. Baka kung makita niya ang pamumula ng mukha ko ay mas lalo akong asarin. "Nagkape lang dito sa labas, may inaabangan agad? At sino naman ang pogi dito? Meron ba? Wala akong makita." Lumilinga-linga pa ako kunwari. "Wala daw makita. Walang makita kasi hindi pa lumalabas sa bahay nila," banat niya. Bumungisngis pa siya. Umasim ang mukha ko dahil sa pang-aasar niya. Ang galing bumanat eh. "Tigilan mo ako, Jonna, hah. Parang gusto ko lang naman lumanghap ng sariwang hangin." Inirapan ko ulit siya. Buti at hindi napipikon ang mga kaibigan niya sa kaniya. Mga bata pa man din ngayon karamihan asar talo. Tinatanggal ko na nga sa sistema ko ang nangyari kahapon, pero heto siya at pilit pang sinasaksak sa utak ko ang Justin na 'yan. "Uy, Si Kuya Justin parating," aniya sabay turo sa may unahan. Agad ko namang inayos ang upo ko bago sinundan ng tingin kung saan nakaturo ang kamay niya. Hinanap ng mga mata ko si Justin. Pero wala naman akong makitang Justin na parating. Pinagtripan na naman ako ng batang 'to. Matalas ko siyang tinignan. "Oh, 'di ba, ate, napaghahalataan ka," tudyo niya. "Halika nga rito at bubugbugin kita." Mabilis akong tumayo at inambahan siya ng hampas pero mabilis siyang tumakbo papasok ng bahay namin. Sumunod na din ako sa kaniya. " 'Nay, si ate kukurutin ako," sumbong niya. Mabilis siyang nagtago sa likod ni nanay habang nagpipigil pa din ng tawa. "Ang aga-aga pinagtitripan mo ako ah. Halika rito," panggigigil ko. "Eh paano kasi, 'Nay, si ate sa labas pa napiling magkape puwede naman dito sa loob. Gusto lang makita si kuya Justin," tukso na naman niya sa akin. Bakit ba ang hilig mang-inis ng batang 'to? "Hindi no," depensa ko sa napipikon na tono. "Tama na 'yang asaran niyo, umupo na kayo at kakain na," awat sa amin ni nanay. Tinignan ako ni nanay at tipid na nginitian. "Maagang pumasok si Justin sa trabaho, anak, kaya hindi mo din siya makikita kahit tumambay ka pa sa labas ng ilang oras," tukso din sa akin ni nanay. " 'Nay, gusto ko lang magkape habang nilalanghap ang preskong hangin," paliwanag ko. Gusto kong depensahan ang sarili ko pero pinagtulungan na nila ako. Tinatawanan pa nila ako. Hindi sila naniniwala sa sinabi ko. Hindi naman talaga iyon ang intensyon ko kaya ako sa labas nag-kape eh. Parang hindi naman nila ako kilala. Hindi ako iyong tipo na nagakakagusto sa lalakeng kakakilala ko lang. Mas mahalaga ang ugali sa akin kaysa itsura. Hindi puwedeng basta guwapo lang. Hindi ko kailangan ng pang-rampa na lalake. Kailangan ko ay lalakeng may mabuting puso, maunawain, mamahalin ako ng buo, loyal at mahal din ang pamilya ko. Girl, ang layo na ng nilakbay ng utak mo. Ang tanong, gusto ka kaya niyan? Asyumera ka! Parang naririnig ko na naman ang tinig ni Yela.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD