Nang makabalik ako sa puwesto namin ni Chad ay nakatutok ang atensyon niya sa telepono niya. Umaasa ako na ang dahilan nito ay ang mga impormasyon na kailangan ko na malaman buhat sa kan'ya.
"Ano na, Chad?" tanong ko sa kan’ya nang muli ako na bumalik sa aking pagkakaupo.
Nagtaas siya ng tingin sa akin at muli ay rumehistro sa kan’yang mga mata ang pag-aalinlangan. At ang mga reaksyon na ito ni Chad ay bago lahat sa akin. Hindi ako sanay na nakikita siya na ganito. "Tamara, kailangan mo na mag-ingat. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa’yo, pero kahit ang buhay ko ay nasa panganib na rin."
Kung kinakabahan ako kanina ay mas lalo ang bilis ng pagtibok ng puso ko. Natatakot ako sa mga susunod na sasabihin ni Chad dahil hindi malayo na sabihin niya sa akin na magsakripisyo ako upang masigurado na maililigtas sila sa kapahamakan, kahit na ang lahat ng kaguluhan na ito ay kagagawan niya.
"Sino ba sa atin dalawa ang may kagagawan kung bakit tayo nasa ganito na sitwasyon?" Mataray na tanong ko pa sa kan’ya sa kabila ng takot ko.
"Makinig ka, Tamara. Ginawa ko ang mga bagay na ginawa ko dahil ayaw ko na maghirap ang pamilya natin."
"Nasaan na ang pera, Chad? Ibalik mo na lang ang pera kahit na hindi na hinihingi ni Leonardo, para naman pare-pareho tayo na makalaya na sa tanikala niya sa atin. Isoli mo na kung magkano man ang halaga na iyon para wala na siya na panghawakan pa sa atin."
Napabuga ng hangin si Chad. "Wala na akong isosoli, Tamara. Gustuhin ko man ay wala nang natira pa sa pera. At kaysa ang magsumbatan pa tayong dalawa rito na wala rin naman na maitutulong ay mas mabuti pa na mag-isip tayo ng paraan kung paano ka makakalayo kay Leonardo."
Tama naman si Chad, wala na rin saysay kahit na patuloy ko pa siya na sisihin sa lahat. Pero paano ko ba matatakasan ang matandang m******s na iyon? "Ano ang nakuha mo na balita?"
"Naghahanda si Leonardo na siraan ka sa asawa mo na si Mikel. Gumagawa siya ng paraan para papaniwalain ang anak niya na pera lang ang totoo na habol mo." Gusto ko na matawa sa mga sinasabi ni Chad. Sa tingin ba ni Leonardo ay uubra kay Mikel iyon? Paano naman maniniwala si Mikel sa mga kasinungalingan na iyon, kung sa umpisa pa lamang ay wala naman totoo na namamagitan sa amin dalawa.
"Hindi maniniwala si Mikel sa mga pinaplano niya. Alam ko na may tiwala ang asawa ko sa akin. Mas may tiwala siya sa akin kaysa sa ama niya." Mabilis na tugon ko.
"At paano mo naman nasisiguro, Tamara? Masyado yata na malaki ang paniniwala mo sa asawa mo na kaya ka niya na protektahan sa ama niya. Tandaan mo na mas matibay pa rin ang puno kaysa sa bunga, kaya huwag ka mag paka-sigurado dahil ang tiwala na ibinibigay mo sa asawa mo ang maaari na maging dahilan pa na lalo ka mapunta sa kamay ng ama niya. Gamitin mo ang utak mo, Tamara. Mas matimbang pa rin ang pagiging magkadugo kaysa ang babae na kung saan-saan niya lang nakilala."
"Ano pa ang impormasyon na mayro’n ka?" Gusto ko na rin na tapusin ang walang kuwenta na pag-uusap namin ni Chad. Ayaw ko man na aminin ay nagsayang lang talaga ako ng oras at panahon, isama na rin ang pamasahe na nagastos ko, para sa walang saysay na sinasabi niya sa akin.
"Mag-iingat ka, Tamara. Iyan lamang ang maipapaalala ko sa’yo. Maaari na kasalanan ko nga ang lahat ng ito, pero tandaan mo na kapakanan mo lamang din ang iniisip ko. May mga pagkakataon na kailangan natin na maging makasarili, Tamara, hindi para sa sarili natin, kung hindi para sa mga tao na umaasa sa atin." Rumehistro ang lungkot sa mukha ni Chad. “Pasensya na, Tamara. Wala na akong iba pa na sasabihin sa’yo kung hindi ang patawarin mo ako."
"Nakakapanibago ang pagpapakita mo ng kababaang-loob, Chad. Pero hindi ba at huli na ang lahat para humingi ka pa ng tawad?"
"Maiintindihan mo rin ang lahat. Aalis na ako. Sana lang ay tama ka na lubos ka nga na pinagkakatiwalaan ng asawa mo." Tinapik pa niya ako sa balikat saka siya tuluyan na umalis.
Naiwan ako na gulong-gulo sa mga huling salita ni Chad. Inabot ko ang baso ng juice sa aking harapan at uminom. Patuloy ako na nag-iisip kung anong mga paninira ang gagawin ng ama ni Mikel. Patuloy ko na iniisip kung tama rin ba nga ako na ibigay ang lubos na tiwala ko kay Chad na tutulungan niya ako.
Hindi muna ako umalis at naghintay muna sa restawran dahil ayoko na magkita pa kami ni Chad sa labasan. Habang nakaupo ako ay unti-unti ko rin na nararamdaman ang pagsakit ng ulo ko at pagkahilo. Ano ba ang nangyayari sa akin? Kumain naman kami ni Diane kanina kaya hindi naman ako nagugutom. Naguguluhan ako dahil patuloy ang pagkahilo na nararamdaman ko.
Namilog ang mga mata ko nang isang dahilan lamang ang pumasok sa aking isipan. s**t! Hindi naman siguro buntis ako para mahilo na lang ako bigla-bigla, hindi ba? Pilit ko na pinapakiramdaman ang sarili ko. Hindi naman ako nasusuka pero lubos ang pagkahilo na nararamdaman ko ngayon.
Buntis nga ba ako? Nabuntis na nga ba ako ni Mikel? Hindi naman din malayo na mabuntis ako dahil sa paulit-ulit kami na nakakalimot ni Mikel sa kontrata. At sa bawat pagkakataon na nakakalimot kami ay hindi naman din gumagamit ng proteksyon ang asawa ko.
Lalo na magiging komplikado ang buhay ko kung mabubuntis ako. Paano na lamang ang paghihiwalay namin pagkatapos ng dalawang taon na kasal namin kung magbubunga ang mga kagagahan ko? Paano ang magiging anak ko? Kanino siya mapupunta, sa akin ba o kay Mikel? Dahil sa sobrang takot ko ay mabilis ako na tumayo at lumabas ng restawran.
Umiikot na ang paningin ko, pero pinipilit ko na kayanin na makalabas. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin at nagulat pa ako nang sa aking paglabas ay nakita ko pa si Chad na may kausap na ilang kalalakihan. Lahat sila ay sumulyap sa direksyon ko at nakita ko pa ang pagngisi ng ilan sa mga kasama ng kapatid ko.
Ano ang mga tingin at ngiti na iyon? May binabalak ba sa akin si Chad? Ibebenta na naman ba niya ako sa mga lalaki na iyon? Kinakabahan ako kaya kinapa ko ang telepono ko at hindi umalis sa may malapit sa pintuan ng restawran kung saan matatanaw ako ng guwardiya. Sa nanginginig na mga kamay ay pilit ko na sinusubukan na tawagan si Mikel.
Nahihirapan na ako dahil sari-sari na emosyon na ang lumulukob sa akin, kasabay nang pagkahilo ko na sigurado ako sa ilang sandali na lamang ay hindi ko na kakayanin pa.
"Mikel." Tangi na nasambit ko nang sagutin niya ang tawag kasabay nang unti-unti ko na pagbagsak. Pero bago pa ako tuluyan na mawalan ng ulirat ay ang mukha ng lalaki na kasama ni Chad kanina ang nakita ko na sumalo sa akin.