Pagtunog sa aking telepono ang gumising sa mahimbing na tulog ko. Sa mga nakapikit na mata ko ay pilit ko na inabot iyon mula sa lamesa sa gilid ng aking kama. Mabagal ang kilos ko dahil pakiramdam ko ay sobrang aga pa para may tumawag sa akin.
"Hello." antok na antok na sagot ko sa tawag.
"Tamara." Bigla ako na napadilat at namilog agad ang mga mata ko nang marinig ang malakas na boses na iyon sa kabilang linya.
"Mukhang tulog na tulog ka pa ha. Sobrang sarap na ba ng buhay mo ngayon at prenteng-prente ka na lamang diyan sa mansyon ninyo? Prinsesa na ba ang pamumuhay mo ngayon kaya hindi ka na nakakaalala? Baka nakakalimutan mo na may responsibilidad ka pa sa pamilya na ito. Pinapaalala ko lang sa'yo na kahit kasal ka na at may asawa ka na ay parte pa rin kami ng buhay mo."
"Ano ang kailangan mo, Chad? Ang aga-aga nagsisimula ka na naman.”
"Ano pa ba sa tingin mo ang dahilan sa pagtawag ko sa'yo? Ubos na ang huling naipadala mo at kailangan na dagdagan mo at dalasan ang pagpapadala sa amin ng pera. Mayaman naman ang napangasawa mo sabi ni Leonardo, kaya magpadala ka ulit ng pera sa amin. Yaman din lamang naman na ayaw mo pumatol sa ama at nahumaling ka sa anak. Kung ginamit mo sana ang utak mo, bilyonaryo sana ang asawa mo ngayon at hindi milyonaryo lang. Pero ayos na rin, mayaman pa rin naman kahit paano."
"Wala akong pera sa ngayon, Chad." Pilit ko na kinikimkim ang galit na nararamdaman ko para sa kapatid ko. Ang kapal lang talaga ng mukha niya na mag-utos sa akin na padalhan na naman sila ng pera.
"Anong wala kang pera? Hindi maaari ang sagot mo na iyan! Kailangan ng pamangkin mo na makabayad sa eskuwelahan pang matrikula niya. Saan ako kukuha ng pambayad kung hanggang ngayon ay sinisingil pa ako ni Leonardo sa naibayad niya sa’yo?"
"Eh bakit hindi mo ibalik ang pera na ibinigay niya sa'yo? Ikaw lang din naman ang nakahawak ng bayad na iyan na sinasabi mo, hindi ba? Puwes, ibalik mo." Hindi ko na napigilan ang hindi sagutin si Chad dahil sa sama ng loob ko sa kan’ya.
"Aba at matapang ka na ngayon para sumagot sa akin! Nakapag-asawa ka lang ng mayaman ay lumakas na ang loob mo. Sino ang ipinagmamalaki mo? Iyan asawa mo? Mas matibay pa rin ang puno kaysa sa bunga, kaya hindi ako natatakot sa asawa mo dahil sigurado ako na kayang-kaya ng ama na putulin ang sungay at tapang niyan lalaki mo."
"Chad, huwag mo na idamay si Mikel sa usapan natin. Labas na ang asawa ko sa problema ng pamilya natin."
"Nang pakasalan ka niya ay nadamay na siya sa kung ano ang problema ng pamilya na ito. Dapat sinabi mo sa kan'ya ang responsibilidad mo sa amin. Kaya ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa'yo na magpadala ka ng pera dahil kailangan namin magbayad sa eskuwelahan."
"Ikaw ang ama hindi ba, Chad? Pamangkin ko lang ang anak mo, pero bakit ipinasa mo na sa akin ang responsibilidad na buhayin siya?"
"Huwag mo akong galitin, Tamara! Masuwerte ka pa at hinayaan kita na mapunta riyan sa Mikel na iyan. Ano ang gusto mo, gumawa pa ako ng mga hakbang para mabawi ka? Sinasabi ko sa’yo na kayang-kaya ni Leonardo na ipawalang-bisa ang kasal ninyo at bawiin ka. At kapag nangyari iyon, sa ayaw at sa gusto mo ay tiyak ko na makakasal ka na sa tatay ng asawa mo ngayon. Hindi ba at mas maganda ang mangyayari? Ang dating asawa mo ay magiging anak mo na."
"Baliw ka talaga, Chad!" Sobra ang pagkamuhi na nararamdaman ko sa kapatid ko ngayon. Ano ba ang pumasok sa utak niya at walang saysay na ang mga naiisip niya"
"Ano, Tamara, ano ang desisyon mo? Magpapadala ka ba o gusto mo pa ulit na sapilitan kitang ipakasal?"
Nanggigigil na sumagot ako, "Magkano ba ang kailangan mo?" Sa muli ay wala ako na magawa upang humindi sa kapatid ko. Ako pa rin ang talo.
"Thirty thousand ang ipadala mo."
"Thirty thousand?! Aba, Chad, saan naman ako kukuha ng ganyan kalaki na halaga? Kahit ang suweldo ko sa pagiging waitress ay hindi aabot sa ganyan kalaki na pera. Isa pa, sa pampubliko na paaralan naman nag-aaral ang anak mo, bakit ganyan kalaki ang hinihingi mo sa akin?"
"Tamara, naman, naibalita ko na kasi sa mga kaibigan ko na nakapag-asawa ka ng mayaman. Gano’n din ang mga magulang natin na ipinagsabi na sa mga kapitbahay. At dahil hindi kami nakadalo sa kasal mo, ano ba naman na ipaghanda mo na lamang kami rito? Ano na lamang ang iisipin ng mga kapitbahay sa atin? Baka sabihin pa na nakapag-asawa ka lang ng mayaman ay akala mo na kung sino ka na nakalimutan na ang pinanggalingan mo."
Gustong-gusto ko na maiyak sa mga naririnig ko na sinasabi ni Chad sa akin. Talaga ba na iyon pa ang mas mahalaga sa kanila? Ang sasabihin ng ibang tao ay mas importante pa kaysa sa mararamdaman ko bilang parte ng pamilya namin.
"Huwag ka nga na madamot, Tamara! Gasino lamang iyan sa pera ng asawa mo."
"Chad, naririnig mo ba ang sinasabi mo? Hindi kayo responsibilidad ng asawa ko. Ako lamang ang may responsibilidad sa inyo, kaya ilabas ninyo siya sa gulo at problema natin."
"Gaya nang nasabi ko na, simula nang ikasal kayo ay parte na siya ng pamilya natin. Ang responsibilidad mo ay responsibilidad na rin niya ngayon. Ang liit-liit na halaga lang ang hinihingi ko ipinagdadamot mo pa."
Kahit na ano ang sabihin ko ay sarado ang isip ni Chad na pakinggan ako. Mas pinaniniwalaan niya na nasa tama siya, kaya sa muli ay ako na naman ang dehado sa usapan na ito. "Gagawan ko ng paraan, Chad. Bigyan mo ako ng isang linggo."
"Tatlong araw, Tamara. Masyado naman na matagal ang isang linggo na hinihingi mo. Nakapag-imbita na sila inay para sa salo-salo rito sa darating na Linggo."
Unti-unti na lamang na tumulo ang luha sa aking mga mata. Masama man isipin ay hindi ko maiwasan na itakwil ang pamilya ko sa aking isipan. Masyado nila ipinaparamdam sa akin na importante lamang ako sa kanila dahil natutustusan ko ang mga pangangailangan nila. Ayaw ko man ay wala ako na pagpipilian.
"Basta’t gagawan ko ng paraan, Chad." Kinapa ko ang wallet ko sa lamesa sa tabi ng kama, binuksan ko iyon at tiningnan ang natitirang laman.
"Siguraduhin mo, Tamara. Alam mo na ayaw namin na mapahiya sa mga kapitbahay." Hindi na ako nabigyan ng pagkakataon na sumagot pa nang putulin na ni Chad ang tawag.
Lumuluha na ibinaba ko ang telepono sa kama at muli ay tiningnan ang aking wallet. Saan naman ako kukuha ng pera gano'n wala na akong trabaho? Hindi ko maaari na ibigay ang inipon ko na pera sa kanila na nasa bangko. Iyon ang inihahanda ko para sa sarili ko kapag nagkataon.
"Magkano ang kailangan ng kapatid mo?" Napalingon ako sa may pintuan nang marinig ang boses ni Mikel. Hindi ko inaasahan na naroon siya at nakatayo sa may pinto. Hindi ko na narinig nang kumatok siya at sumilip doon. "Huwag ka na maglihim, Tamara! I heard enough of your conversation to know that he is asking for money again."
"Hi-hindi na kailangan, may ipon naman ako sa bangko."
"Magkano ang kailangan nila, Tamara?" Pag-uulit niya sa mas malakas na tono