"Fine! Ayaw mo sabihin sa akin ang halaga na kailangan niya, it’s your choice then." Inilabas niya ang telepono niya at nakita ko na lamang nang idinial niya iyon. Makalipas lamang ang ilang segundo ay muli siya na nagsalita nang marahil ay may sumagot na sa kabilang linya.
"Diane, send fifty thousand pesos to my wife’s brother today. Same details as before."
"Mikel!" sigaw ko sa kanya. Halos mahulog pa ako sa kama sa pagmamadali ko na maabot siya at mapigilan ang tawag. "No!" sigaw ko ulit.
Nang akala ko ay lalagapak na ako sa sahig dahil nga sa pagpipilit ko na mapigilan siya sa utos niya na iyon ay napapikit ako. Hinanda ko na ang sarili ko sa pagbagsak sa sahig, ngunit hindi dumating ang inaasahan ko na paghulog dahil sa halip na sa sahig ako tumama ay sa mga bisig ako ni Mikel muli na nahulog.
Naramdaman ko na lamang ang pagpulupot ng mga braso niya sa akin habang napamura pa siya ng mahina sa nangyari sa akin. "f**k. What the hell, Tamara! Ayos ka lang ba?" May bahid na pag-aalala sa kan’yang boses.
Hiyang-hiya naman ako sa itsura namin dalawa dahil nakayapos din ako ng mahigpit sa kan’yang leeg na akala mo kapag bumitaw ako ay ikamamatay ko. Bukod pa roon ay ang lapit na lapit na mukha niya sa mukha ko. Kapag may maling galaw ang isa sa amin ay sigurado ako na mahahalikan ko siya.
Hindi ko maiwasan na mapatitig sa mga mata niya sa mga oras na iyon na para na naman ako na hinihipnotismo. "Hey, are you okay? Bakit ka ba kasi nagmamadali? Madidisgrasya ka pa sa ginagawa mo." muli ay tanong niya.
"Nababaliw ka na ba?!" malakas na balik-tanong ko.
Inalalayan niya ako na makatayo ng maayos, at nang makahuma ako ay itinulak ko naman siya sa kan'yang dibdib upang magkaroon kami ng distansya sa isa't-isa dahil nahihirapan ako na makahinga ng maayos sa sobrang lapit niya sa akin.
"Ikaw ang parang nababaliw na basta-basta na lamang na lumulundag sa kama. Ano ba ang problema mo?"
"Fifty thousand?! Bakit mo gagawin iyon?"
"Tinatanong kita ng maayos pero ayaw mo sabihin ang totoo. Wala akong oras na makipaghulaan pa sa’yo kung magkano ang kailangan nila. Kung kulang pa iyon ay sabihin mo lamang para mautusan ko si Diane na dagdagan." Napaatras ako sa kan'ya at rumehistro sa mukha ko ang hindi makapaniwala na itsura dahil sa tugon niya.
"f**k, my phone!" Nang marinig ko iyon ay nasundan ko ng tingin ang mga mata niya at doon ko nakita na ang mamahalin at bagong modelo na telepono niya ay nasa sahig na ngayon. Ito marahil ang sumalo sa pagbagsak na dapat ay sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko nang maisip na kasalanan ko na naman kung bakit iyon nahulog. "Pa-pasensya na."
Pinulot niya iyon at ilang segundo lang na ineksamin tsaka muli na ibinalik iyon sa kan’yang bulsa. "It’s okay. It’s just a phone."
"Hala siya! It's just a phone!? Alam mo ba kung magkano ang halaga niyan?"
"Of course! I bought it kaya alam ko ang presyo ng telepono ko. At huwag mo na alalahanin iyon, hindi importante ang telepono dahil mas mahalaga ka kaysa sa gamit na iyon."
Nag-init ang pakiramdam ko nang sabihin niya iyon. Talaga ba na mas mahalaga ako roon? Ayaw ko man na maapektuhan sa mga salita niya ay hindi ko maiwasan. Ito yata ang unang beses na may nagsabi na mahalaga ako.
"Natulala ka na naman diyan."
"Mikel, bawiin mo ang inutos mo. Ako na lamang ang bahala na gumawa ng paraan." Pag-iiba ko na lamang agad sa usapan namin kaysa isipan pa niya na unti-unti na ako na naaapektuhan sa kan’ya at sa mga salita niya. Kahit na iyon naman talaga ang totoo, na paunti-unti na ako na naaapektuhan sa kan'ya, sa ayaw ko man at sa gusto. Tumatatak na sa isipan at lalo sa puso ko ang mga kabutihan na ipinapakita niya sa akin.
"No. Hindi ba at ilang beses ko nang sinabi sa’yo na responsibilidad kita. Gusto mo ba na i-record ko na para hindi ko na ulit-ulitin pa sa'yo?"
Sumimangot ako at sumilay ang tipid na ngiti sa kan’ya. "Payagan mo na kasi ako na magtrabaho ulit."
"No." tipid na sagot niya sa akin.
"Wala akong plano na forever na umasa sa’yo, Mikel." naiinis na tugon ko pa sa kan'ya.
"We don’t have forever together, Tamara. Two years. Iyan lang ang dapat mo na tiisin, kaya sa loob ng dalawang taon ay aasa ka talaga sa akin and that's final."
"No." Ako naman ang tipid na sumagot kaya kumunot ang noo niya sa akin.
"Napag-usapan na natin ito, Tamara."
"Mikel, kailangan ko ng trabaho. Nabuburyong na ako rito sa bahay mo sa araw-araw. Lahat na nga ng gamit dito ay nakausap ko na at naging kaibigan ko na kaysa mapanisan ako ng laway. At hindi ako tatagal ng dalawang taon na nakakulong lang dito. Hindi ako sanay na walang ginagawa kaya kailangan ko na magtrabaho."
Umaasa ako na maiintindhihan naman niya ang punto ko, dahil bukod sa gusto ko na makalabas dito sa bahay niya ay nais ko rin na magkaroon ng pagkakakitaan. Kailangan ko rin dagdagan ang ipon ko sa bangko para kapag natapos na ang kasunduan namin na ito ay makakaalis na rin ako sa pamilya ko.
"Fine, you can work."
Hindi man makapaniwala ay napangiti ako at napalundag pa sa tuwa. "Talaga?! Sa wakas naman at nagkaintindihan din tayo. Huwag ka mag-alala dahil sisiguruhin ko na mag-aayos at maglilinis pa rin ako rito sa bahay mo."
"You can start on Monday."
Napabilang ako sa isip ko. Ilang araw na lamang ang titiisin ko at makakalabas na rin ako. Kailangan ko na maghanap-hanap ng mga trabaho na maaari ko na pasukan upang sa Lunes ay makapag-walk-in na ako sa mga kumpanya. Nasasabik ako sa kaisipan na iyon na sa wakas ay makakakawala na ako sa parang preso na ito na bahay ni Mikel.
"Aalis tayo sa Sabado." Napalingon ako sa muli na pagsasalita niya.
"May kailangan ba tayo na asikasuhin para sa kasal?" tanong ko. Umaasa ako na wala na dahil alam ko naman na ang punong-abala naman doon ay ang kan’yang ina. Gusto ko kasi na masimulan na mag-shortlist ng mga trabaho na maaari ko na puntahan at aplayan.
"Wala, pero ipapamili kita ng mga damit."
"Hindi na kailangan. Marami naman akong damit pa bukod pa sa mga ipinagbibili mo noon nakaraan. Ayos na, huwag ka nang mag-abala pa."
"Hindi ba at gusto mo na magtrabaho? Kaya kailangan na bumili ka ng mga damit na pang-trabaho mo."
"Tsaka na lang kapag tanggap na ako. Pratikal lang ako na hindi naman kailangan na bago pa ang damit sa pag-a-apply."
"Mag-a-apply ka?"
Naguguluhan man ako sa walang saysay na tanong niya na ito ay muli ako na sumagot. "Oo. Natural naman, paano ako magkakatrabaho kung hindi mag-a-apply? Alam ko na hindi mo pinagdaanan ang ganyan mga bagay, pero ang lahat ng walang sariling kumpanya ay nag-a-apply."
"I know that, Tamara!" May pagka-inis na sagot niya.
"Alam mo naman pala, bakit nagtatanong ka pa?"
"I meant to say, hindi mo na kailangan pa na mag-apply. May trabaho ka na."
"May trabaho ako? Hindi ba at pinag-resign mo ako sa trabaho ko? Natural, kailangan ko ulit na maghanap ng bago na mapapasukan dahil ayaw mo naman doon sa restawran."
"You’re not going back to being a waitress."
"Alam ko. Kaya nga maghahanap ako ng ibang mapapasukan at hindi na bilang waitress."
"No need, you’re hired."
"Ano?" Sa muli ay parang nasa magkabilang dulo kami ng mundo ni Mikel at pareho namin na hindi maintindihan ang isa’t-isa.
"You’re hired. Saan mo ba sa tingin mo ikaw magtatrabaho? Siyempre sa kumpanya ko. You're my wife, so, you’ll be working beside me as my secretary."
"Ano? Sekretarya mo?"