"HINDI mo pa sinasagot ang tanong ko. Saan ka kako pupunta?" Gusto na niyang mairita dahil ang kulit ni Alexis. Sila na lamang dalawa ang magkaharap sa sala. Ang mga magulang niya ay pumunta sa grocery pagkatapos nilang mag-almusal kaya naiwan silang dalawa ni Alexis sa bahay. "Bakit ba ang kulit mo? Besides, wala ka namang pakialam kung saan ako pupunta. Mind your own business, Mayor Villarubin," suplada niyang sabi. Sa kagustuhang hindi matutok ang atensyon niya rito ay inabala niya ang sarili sa paglilinis ng bahay. Nag-alis siya ng mga kurtina maging ng mga cover ng sofa. Pagkatapos ay nagpagpag siya ng mga alikabok. Palibhasa'y nakasunod ito sa kanya, dito umalimbukay ang mga alikabok na napagpag niya. Napaubo pa ito dahil sa kapal ng alikabok na nalanghap nito mula sa estante nila.

