Sandaling tumigil si Gado. Tumayo ito at nagpalakad-lakad sa harap niya. "May isa akong kakilala, pero nasa sentro siya. Huwag kang mag-alala, kakausapin ko." Malapad na ngumiti si Conrado at nagpasalamat sa lalaki. Ang totoo ay hindi pa alam ni Ahnia ang binabalak niya. Gusto niyang surpresahin ito kung kailan maayos na ang lahat. Malamig na ang simoy ng hangin. Malalim na rin ang gabi. Nakaupo si Anjo sa labas ng kanilang bahay habang nakatingin sa malayo. Halos mag-iisang buwan na simula nang mawala ang matalik niyang kaibigan na si Carlos. Mag-iisang buwan na rin ang lumipas simula nang matagpuan si Soliman sa gubat; may malala itong tama sa kanang mukha at hindi na rin nito maigalaw ang ibabang parte ng katawan. Hindi na rin makapagsalita. Nagbuga siya ng malalim na hangin. Kung