AMINADO si Liam na nag-alala rin siya sa dalang balita ni Dannah. Pero ayaw niya iyong ipakita. Gusto niyang magpakatatag para sa asawa. Kalmado na nilapitan ni Liam si Dannah at hinawakan sa magkabilang balikat. "Relax ka lang, okay? Ako ang bahala sa kaniya--" Pumiksi ito. "Hindi mo ba naiintindihan ang sinabi ko sa'yo dati? Delikado na tao si Harald, Liam. Kapag nakita ka niya, siguradong papatayin ka niya. Pati na rin ako." Hinawakan siya ni Dannah sa kamay. "Kaya parang awa mo na. Umalis ka na. Masama ang kutob ko sa maagang pag-uwi niya. B-baka may ideya na siya na nandito ka." Nagtaka si Liam. "Paano niya malalaman na nandito ako? Kilala ba niya ako?" "Hindi na mahalaga kung ano man ang sinabi ko, Liam. Basta, umalis ka na ngayon din. Sumakay ka sa bangka na naghatid sa kaniya.