LUCAS POV:
Nakaharap ako sa salamin at tinutupi ko naman ang suot kong black long sleeve hanggang siko. Napahinto ako sa aking ginagawa at tumingin sa aking gilid. Nakapatong sa lamesa ang mga beer na naubos ko kagabi. Dito na ako natulog sa aking opisina at iniwan ko na lang si Ayvee sa kuwarto. Hindi ko na siya kinausap pa pagkatapos nang nangyari at ginugol ko na lang ang oras ko rito sa aking opisina.
Pagkatapos kong mag-ayos ay lumabas na rin ako at luluwas ulit ako ng Maynila ngayon para ihatid ang regalo ko sa taong nagtangka ng masama kay Ayvee. Pababa na sana ako ng hagdan nang makasalubong ko naman siya kaya napahinto ako. Nagtama ang aming paningin at ako na ang umiwas sa kaniya nang tingin.
“M-may lakad ka?” Binalingan ko siya at saka tumango. “K-kumain ka na ba? Saka amoy alak ka. Teka, ipagtitimpla kita ng kape.” Tatalikod na sana siya nang magsalita naman ako.
“Huwag ka nang mag-abala pa dahil nagmamadali ako.” Nilagpasan ko siya at nagmamadali naman akong bumaba.
Naabutan kong naghihintay na sa’kin ang mga tauhan namin at hawak nila sa magkabilang braso ang lalaking dadalhin ko. Inutusan ko silang dalhin na siya sa sasakyan at sumunod na rin ako sa kanila. Nakita kong papasok naman si mama sa loob at habol pa ang tingin nito sa lalaking bitbit ng mga tauhan namin bago ako nito hinarap.
“Lucas, sino ang lalaking iyon?” takang tanong niya.
“Nagtangkang saktan si Ayvee.” Gulat siyang napatitig sa’kin at napatutop pa siya sa kaniyang bibig.
Nagpaalam na rin ako at nagpunta kami kung saan kami sasakay ng chopper para mas mabilis kaming makarating ng Maynila. Ibinilan ko naman si Ayvee kay mama na bantayan siyang maigi at huwag palalabasin ng bahay hangga’t hindi pa ako dumarating.
Halos isang oras lang din ang nilipad namin ay kaagad kaming nakarating. Naghihintay naman ang sasakyan na gagamitin ko at dederetso ako sa bahay ng ama ni Ayvee. Tiyak akong nandoon lang ang mag-ina at mas maganda kung maabutan ko rin doon ang ama ni Ayvee.
Nang makarating na kami ay isa-isa namang bumaba ang mga tauhan ko at dalawa lang sa kanila ang humawak sa lalaking bitbit namin. Nagulat pa ang isa sa kanilang katulong nang makita kami at walang sabi-sabi kaming pumasok na lang sa loob. Ako na ang nagbukas ng kanilang pintuan at bumungad sa amin ang malawak nilang sala. Pinasadahan ko ito nang tingin at dahan-dahang pumasok sa loob.
“Sino kayo? At anong ginagawa niyo rito sa pamamahay ko?”
Nasa gitna kami ng kanilang sala at napalingon ako sa aking likuran nang marinig ko ang isang mataray na boses. Siya ang nakita ko sa bahay nila Ayvee kasama ang anak nito. Mukhang namukhaan niya ako kaya namilog ang mga mata niya pagkakita sa akin.
Dumating naman ang anak niya at katulad ng kaniyang ina ay nagulat din ito nang makita ako. Tumabi siya rito at napatutop pa siya sa kaniyang bibig nang makita ang lalaking hawak ng dalawa kong tauhan.
“Kilala niyo siya?” Tukoy ko sa lalaking nasa kanilang harapan.
Hinagis ng dalawang tauhan ko ang lalaki sa kanilang harapan at napaatras pa sila sa labis na pagkagulat. Sinamaan nila ako nang tingin at umupo pa ako sa mahaba nilang sofa. Napatitig ako sa malaking portrait na nasa aking harapan at nakasabit ito sa dingding. Para silang isang totoong pamilya na walang bahid ng kasamaan. Tinitigan ko naman ang mukha ni Ayvee at halata rito ang lungkot at napilitan lang na pakisamahan ang pangalawang asawa ng kaniyang ama at anak nito na inagaw ang kasintahan niya.
Napangisi ako at sinandal ko pa ang aking likod at pinagkrus ko pa ang aking mga braso. Hindi ko hahayaang may gawin pa silang masama sa asawa ko at kapag nangyari ‘yon ay tiyak akong pagsisisihan nilang nakilala nila ako.
“M-ma’am pasensya na po kayo, n-nahuli po nila ako at hindi ko nagawa ang ipinag-uutos ninyo.”
Napangisi ako at binalingan ko naman sila na hindi maitsurahan ang kanilang mukha. Tumayo ako at ang dalawang kamay ko ay inilagay ko sa magkabilang bulsa ko.
“Nagustuhan niyo ba ang munting regalo ko sa inyo?” Marahan silang tumitig sa akin at bahagya pa akong lumapit sa kanila. Tiningnan ko ang lalaking nakaupo sa sahig at muli kong binalingan ang mag-ina. “Kukuha lang kayo ng tauhan niyo pipitsugin pa.”Pansin ko ang paglunok ng asawa ng ama ni Ayvee at payak pa itong tumawa.
“Wala akong pakialam kahit na asawa ka pa ni Cassandra. Anong pinagmamalaki mo? ‘Yong yaman mo? Tingin mo ba matatakot mo kami sa ganiyan?” Tumango-tango lang ako at inabot sa’kin ng isang tauhan ko ang silencer niya.
Itinutok ko ito sa lalaking nasa harapan namin at nanlaki pa ang mga mata niya pagkakita sa baril na itinutok ko sa kaniya. Tinitigan ko pa ang dalawa at hindi mababakas ang takot sa kanilang mga itsura. Kung tutuusin ay kahit siguro patayin ko ang lalaking ito ay balewala lang sa kanila. Itinutok ko ito sa kaniyang anak at namilog naman ang mga mata nito.
“Ngayon, hindi ka pa rin ba natatakot? Hindi mo alam kung ano ang kaya kong gawin sa inyong mag-ina. Subukan niyo ulit pakialaman ang asawa ko ililibing ko kayo ng buhay dito mismo sa bahay niyo.”
Kita ko ang paghigpit nang kapit ng anak niya sa braso ng kaniyang ina at marahan ko namang ibinaba ang hawak kong silencer. Bumukas ang pintuan at tumambad ang lalaking hindi ko inaasahang makita, si Rupert ang dating kasintahan ni Ayvee na niloko siya.
“Sino kayo? At ano’ng ginagawa niyo rito sa pamamahay namin?” Matigas ang boses nitong tanong sa amin.
Akmang lalapitan ko pa siya nang humarang naman ang kaniyang asawa sa harapan nito. Bumaba ang tingin ko sa medyo umbok na niyang tiyan at tinitigan ko naman ang ex na ngayon ni Ayvee.
Hindi ko maipagkakailang guwapo ito at may magandang pangangatawan din naman kaya inagaw ito sa kaniya ng babaeng ito. Natawa na lang ako dahil tila naging katawa-tawa siya ng nasa likod siya ng kaniyang asawa.
“Kailangan ko pa bang ipakilala ang sarili ko sa’yo?” Sarkastikong tanong ko sa kaniya.
“Huwag mong hintaying tumawag ako ng pulis at ipadakip ko kayo!” sigaw pa nito.
“Hindi na kailangan dahil aalis din naman kami. Hinatid lang namin ang regalo ko sa asawa mo at byenan mo.” Napatingin pa siya sa lalaking nakaupo at nakatali pa ang mga kamay nito. Lumapit ako sa kaniyang gilid at bumulong. “Mag-ingat ka sa mga tao sa paligid mo lalo na sa asawa mo.” Pagkasabi kong iyon ay tumalikod na rin kami.
Inis akong pumasok sa aking sasakyan at napahilot na lang ako sa aking noo. Gusto kong pagbubugbugin ang lalaking nanakit kay Ayvee. Paano niya nagawang ipagpalit si Ayvee sa isang babaeng halang ang kaluluwa?
Hanggang sa makabalik ako ng Quezon ay hindi pa rin maalis sa isip ko ang lalaking iyon. Siguro kung natuloy ang kasal nila ay hindi ko makikilala si Ayvee at hanggang ngayon ay nababalutan pa rin ako ng takot at pangamba. Pero hindi ako magagawang magustuhan ni Ayvee dahil hanggang ngayon ay ang lalaking ‘yon pa rin ang nasa puso niya at hindi ko siya kayang higitan.
Nangunot ang noo ko nang mamataan ko si Calixto sa labas ng mansyon at kausap pa nito si Ayvee. Ipinarada ko muna sa labas ang sasakyan ko at kaagad na bumaba. Nakita naman akong kaagad ni Calixto habang naglalakad ako palapit sa kanila at saka naman ako binalingan nang tingin ni Ayvee. Gulat pa siyang napatitig sa’kin at yumuko.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” Doon lang siya nag-angat ng kaniyang mukha at tumitig sa’kin.
“Dumaan lang siya rito para__”
“Si Calixto ang tinatanong ko.” Tumingin ako kay Calixto at sandali niya pang sinulyapan si Ayvee sa aking tabi.
“Babalik na po ako sa Manila dahil may naiwan din akong trabaho roon. At isa pa pinababalik na po ako ni Sir Morgan.” Tumango lang ako bilang pagsang-ayon. “Hinanap ko po kayo para magpaalam kaso sabi po ni A.C umalis daw kayo”
“Pumasok ka muna sa loob at may kailangan tayong pag-usapan.” Hindi ko na tiningnan pa si Ayvee at sumunod na rin sa’kin si Calixto.
Nagtungo kami sa opisina ko rito at nakatayo naman ako sa harap ng bintana. Kita ko mula rito si Ayvee kasama si mama na nagtatanim ng mga bulaklak. Kahit na tinanggihan niya ako ay hindi ko pa rin magawang magalit sa kaniya. Kailangan ko lang sanayin ang sarili ko na balang araw ay magkakahiwalay din kami at ayokong hanapin ko siya kung sakali mang mangyari ‘yon dahil ako lang din ang siyang masasaktan.
“Gaano mo kakilala si Ayvee?” Panimula ko habag pinapanuod ko pa rin si Ayvee sa kaniyang ginagawa.
“Magkaklase po kami simula noong highschool. Masiyahin po siya at mabait kahit kanino. Namana niya po yata ‘yon kay Tita Amalia.” Pumihit ako paharap sa kaniya at sumilay naman ang ngiti niya sa mga labi.
Halata ko sa kaniya na gusto niya si Ayvee at gusto kong ipamukha sa kaniya na asawa ko na ang nagugustuhan niya pero wala ako sa lugar para sabihin ‘yon. Wala akong karapatang ipagsigawan na asawa ko si Ayvee at wala rin akong karapatang ipakilala siya sa iba.
“May iba pa ba siyang kamag-anak?” Napalunok siya na para bang may itinatago. “Calixto, tinatanong kita”
“Sir, mabuti pong si A.C na lang ang tanungin niyo tungkol diyan kasi hindi ko po kayang sagutin ‘yan.” Hindi ko na siya pinilit pa at nagpaalam na rin siya.
Nanatili muna ako sa aking opisina at umupo sa couch. Isinandal ko ang aking likod na para bang pagod na pagod ako. Ipinikit ko ang aking mga mata at maya-maya pa ay bumukas naman ang pintuan kaya kaagad din akong nagmulat at nakita kong hinihingal sa aking harapan ang tauhan namin.
“Ano’ng nangyari?”
Mabilis akong napatayo nang sabihin niya sa’kin ang dahilan. Halos talunin ko na ang hagdan patungo sa labas at kinuha ko pa ang baril ng isa sa mga tauhan namin. Malalaki ang hakbang ko patungo sa labas kung nasaan sila Ayvee at mama.
Nakita kong napapalibutan sila ng mga armadong lalaki at huminto ako nang tumingin sa’kin ang lalaking nakaharap namin noong gabi. Ngumisi pa ito sa’kin at may benda na ang kaniyang kamay na tinamaan ko ng bala.
“Pasensya ka na Mr. Montealegre pero hindi talaga ako madaling sumuko lalo na kung bayad na ‘ko,” sabay tawa niya pa nang malakas.
Napatingin ako sa gawi ni Ayvee at masama ang titig niya rito sa lalaki. Lalapitan ko pa sana siya nang humarang ang ilang mga tauhan niya sa aking daraanan. Napadako pa ang tingin ko kay mama at umiling pa ito sa’kin hudyat na huwag akong lumapit.
Lumapit pa siya kay Ayvee at bumaba pa ito para magpantay sila. Kakaiba ang tingin niya rito at naikuyom ko na lang ang aking palad. Tinitingnan ko lang ang bawat kilos niya at nanlaki ang mata ko nang hawakan niya si Ayvee sa pisngi nito. Iaangat ko na sana ang baril ko nang sampalin ito ni Ayvee at natulala na lang ako sa kaniyang ginawa.
“Huwag mo akong hahawakan gamit ang marumi mong kamay,” mariing sambit pa nito.
Tumawa pa ang lalaking iyon at sinampal naman nito pabalik si Ayvee. Mabilis ko siyang tinutukan ng baril at ganoon din ang ilan naming tauhan na naririto. Kung ikukumpara ko ay mas marami na sila ngayon at iilan lang ang mga tauhan namin na nandito sa mansyon dahil ang iba ay nasa hideout nila Gascon.
“Lucas, hindi mo pa rin ba maintindihan?” Lumapit pa siya sa’kin habang nakatutok naman ang baril ko sa kaniya. “Buhay ng asawa mo o papayag ka na sa kagustuhan namin? Kahit patayin mo ako ngayon hindi pa rin makakaligtas ang asawa mo.” Ngumisi pa siya sa’kin at itinaas pa nito ang kaniyang dalawang kamay.
Binalingan ko si Ayvee na may bahid ng dugo sa kaniyang labi at mariin naman akong napapikit. Tiningan ko ang kaharap ko at unti-unti kong ibinaba ang aking baril.
“Kapag ibinigay ko na sa inyo ang gusto niyo, ayoko nang makikita pang pakalat-kalat ang pagmumukha niyo rito at kapag nangyari ‘yon__” Lumapit pa ako sa kaniya at bumulong. “Hindi na ako magdadalawang isip pa na patayin ka.”
Tumawa siyang muli na parang wala lang sa kaniya ang sinabi kong iyon. “Tama nga ang boss ko, ang babaeng iyon ang susi para mapapayag ka.”
Sinenyasan na niya ang mga tauhan niyang umalis at binaba na rin ng mga tauhan ko ang kanilang baril. Mabilis ko namang nilapitan si Ayvee ay hinawakan siya sa kaniyang braso at hinila papasok sa loob. Dinala ko siya sa kuwarto at hinanap ang medicine kit. Hindi ko binitawan ang braso niya at mahigpit ang pagkakakapit ko rito na para bang ayoko siyang makuha ng iba.
Pinaupo ko siya sa gilid ng kama at ginamot ang sugat niya sa gilid ng kaniyang mga labi. Napapangiwi siya sa sakit at pinagpatuloy ko pa rin ang paglalagay ng ointment doon. Napatitig ako sa mga mata niya at nahuli ko siyang nakatingin din sa’kin. Umiwas siya nang tingin at tumayo na rin ako.
“Kapag may kailangan ka tawagin mo lang ako.” Bago pa ako tumalikod ay hinawakan niya ako sa aking braso.
“L-lucas, iyong tungkol sa sinabi ko__”
“Kalimutan mo na ‘yon.” Putol ko sa kaniyang sasabihin. Humarap ako sa kaniya at ang mga mata niya ay tila maiiyak na. “Ikaw na rin ang nagsabi na mag-asawa lang tayo sa papel at huwag mong isiping ginawa ko ang bagay na ‘yon dahil sa’yo. Ayoko lang isipin ni mama na hindi kita kayang ipagtanggol sa harap ng mga gagong ‘yon.” Tinanggal ko na ang kamay niya na nakahawak sa aking braso at lumabas na ng kuwarto.
Hangga’t kaya ko siyang tiisin ay gagawin ko. Pero hindi ko alam kung hanggang kailan ko gagawin ang pagtrato sa kaniya ng gano’n. Hindi na ako umaasang ibabaling niya sa’kin ang pagtingin niya at ang gusto ko lang ay maprotepktahan siya gaya ng kagustuhan ni mama.
Lumipas pa ang ilang araw ay todo iwas na ako kay Ayvee. Hindi na rin ako sa kuwarto namin natutulog at sa guest room na ako namamalagi o ‘di kaya ay sa aking opisina rito. Lagi akong nasa palayan at sa niyogan namin at gabi na rin ako kung umuwi. Mabuti na rin siguro iyon para hindi na mas lumalim ang nararamdaman ko para sa kaniya at ako lang ang dapat na masaktan.
Natupad na rin ang kagustuhan ni Don Manolo na mapasa kaniya ang pinakaaasam niyang lupain namin at ginamit pa nito ang kaniyang kapangyarihan para lang makuha niya ang kaniyang gusto. Hindi malabong malaman niya ang tungkol sa asawa ko at hindi ko rin sigurado kung alam na rin niya na si Ayvee ang babaeng hinahanap niya. Mapabagsak ko lang si Don Manolo ay magiging normal na ulit ang buhay niya at sinisigurado ko ‘yon.
Palabas na ako ng bahay nang makita ko si Giselle at kausap nito si mama. Katabi naman nito si Ayvee at titig na titig pa siya kay Giselle. Lumapit ako sa kanila at napatingin pa sa akin si Giselle. Malapad siyang ngumiti sa’kin at nagulat pa ako nang umangkla siya sa aking braso. Napabaling ang tingin ko kay Ayvee na nakatitig din sa aming braso. Tinanggal ko naman ang braso ni Giselle at tumikhim ako.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ko sa kaniya.
“Bakit bawal ka na bang bisitahin?” Natapaas ang kilay ko at napatingin ako kay mama na tila nagtataka.
Kilala naman niya si Giselle at alam niyang matagal na rin namin siyang kaibigan ni Jea. Hindi naman basta-basta pumupunta rito si Giselle kung wala siyang pakay.
“Tss! Busy ako ngayon,” walang gana kong sagot sa kaniya.
“Halika sumama ka sa’kin,” sabay hawak niya sa aking braso.
“Teka, saan ba tayo pupunta?” May halong inis kong turan sa kaniya.
Hindi niya ako sinagot at pagkuwan ay tiningnan niya pa si mama. “Tita hiramin ko lang saglit si Lucas ah?” Paalam niya pa. Sunod naman niyang binalingan si Ayvee na hindi inaalis ang titig niya kay Giselle. “Nice meeting you Ayvee! Alis na kami ni Lucas.”
Hinila na niya ako at nagpatianod na lang ako sa kaniya. Siya na ang nagmaneho ng sasakyan ko at nakahalukipkip naman ako habang pinagmamasdan siya.
“Ano’ng drama mo sa buhay?” Inis ko siyang tiningnan.
Sandali niya akong nilingon at nginisian ako. “Siya pala ang asawa mo.” Inirapan ko siya at tumingin na lang ako sa dinaraanan namin.
Bigla akong may napagtanto at tinitigan ko naman siya ng may pagtataka.
“Paano mo nalaman na si Ayvee ang asawa ko? Did my mom told you?”
Ngumiti pa siya sa’kin at sinulyapan ako saka umiling. “Nope! Siya mismo ang nagsabi sa’kin at nagpakilala sa sarili niya na asawa ka niya”
“What?!” Hindi makapaniwalang bulalas ko sa kaniya. “That’s not funny Giselle!” Sumandal ako at inihilig ko pa ang ulo ko at saka pumikit.
“Nakikita ko sa itsura niya ang matinding selos, Lucas.” Hindi ko siya sinagot at nanatili lang akong nakapikit. “Hindi ka ba curious kung ano ang pinag-usapan namin kanina no’ng kaming dalawa lang?” Doon lang ako napamulat at binalingan siya nang tingin.
Tinitigan niya pa ako at muling itinuon ang atensyon sa daan. Alam ko na ang sinabi sa kaniya ni Ayvee na sapilitan lang ang naging kasal namin at hindi niya ito ginusto. Ganoon din naman ako no’ng una at aaminin kong katawan lang din niya ang habol ko at wala nang hihigit pa ro’n. Pero biglang nagbago ang ihip ng hangin at nagbago ang nararamdaman ko para kay Ayvee pero hindi ang nararamdaman niya para sa’kin.
“Hindi ako interesado.” Muli akong pumikit at humalukipkip.
“Gusto kong makipagpustahan sa’yo. Kapag tama ang hinala ko, akin ka ng isang gabi.” Mabilis akong napabaling nang tingin sa kaniya at nakataas ang isang kilay ko.
“Adik ka ba? Kailan ka pa natutong gumamit ng bato?” Umawang ang mga labi niya at tiningnan ako nang masama.
“Kapag tama ako, magiging taga-silbi kita at luluhod ka sa harapan ko para pasalamatan ako! Iyon ang ibig kong sabihin.” Napanguso pa siya pagkasabi niyang iyon.
As if naman na totoo ang hinala niya. Mas nangingibabaw pa rin para sa’kin ang mga salitang binitawan ni Ayvee dahil kung totoo man ang sinasabi ni Giselle ay sana hindi na kami umabot pa ng ilang araw na ganito.