LUCAS POV:
Nang makarating ako ng Manila ay kaagad akong dumeretso sa opisina ko at nag-set naman si Morgan ng meeting sa amin ni Don Manolo. Napaka tuso ng matandang iyon at gagawin niya ang lahat makuha lang ang gusto niya. Malalaki ang mga hakbang kong patungo sa aking opisina at hindi ko na rin pinansin ang mga empleyadong bumabati sa akin dahil ang isip ko ay nakatuon kay Don Manolo.
Habang papalapit ako sa aking opisina ay inililis ko naman ang suot kong white long-sleeve polo hanggang siko at tinanggal ko pa ang isang butones noon sa aking leeg. Hindi na ako nag-abala pang kumatok kahit na alam kong nandoon na si Don Manolo at matyagang naghihintay sa’kin.
Pagkabukas ko ng pintuan ng opisina ko ay kaagad na bumungad si Don Manolo at kasama niya pa ang dalawang tauhan niya na nakatayo malapit sa bookself. Nakaupo siya sa aking upuan at nakapikit at tinatapik-tapik pa ng daliri niya ang aking lamesa habang may pinakikinggan ito sa aking music player dito sa aking opisina. Nakaupo naman si Morgan sa couch at sinenyasan niya pa ako gamit ang kaniyang mga mata at itinuro si Don Manolo. Naramdaman niya na siguro ang presensya ko kaya nagmulat siya at ako kaagad ang kaniyang binalingan nang tingin. Tumayo siya sa kaniyang pagkakaupo at marahan siyang umikot papunta sa harapan ng lamesa at bahagyang sumandal doon habang ako naman ay nasa tapat ng pintuan.
“You’re way too fast Mr. Montealegre. Napapabayaan mo na yata ang negosyo natin.” Napayuko ako at inilagay ang aking dalawang kamay sa bulsa ng aking pantalon.
“I’m sorry Don Manolo may inasikaso lang kasi sa Quezon kaya ngayon lang ako nakabalik”
“Mas mahalaga pa ba ‘yon kaysa sa negosyong isang pitik ko lang ay posibleng malugi ito?” Napatingin akong bigla kay Morgan at parang dismayado siyang nakatingin sa’kin.
Umupo ako sa pang-isahang upuan at pinag-krus ko ang aking mga binti at ang aking mga kamay ay pinagsiklop ito at ipinatong sa aking mga hita. Tumingin ako sa kaniya nang nakangisi at kita ko ang pag-arko ng kaniyang mga kilay.
“Sa tingin niyo po ba ako lang ang malulugi rito? Kung ipupull-out niyo ang mga ininvest niyo sa’min hindi lang ako ang talo rito.” Tumawa naman siya nang malakas kaya nagkatinginan kami ni Morgan.
Umupo siya sa katapat ko at hindi pa rin niya mapigilan ang tumawa. Maya-maya pa ay sumeryoso na ang kaniyang mukha at lumapit sa kaniya ang isa niya pang tauhan at may inabot ito sa kaniya. Kinuha niya ito sa brown envelop at inilapag niya ito sa center table. Sandali ko muna itong tinitigan at pagkuwan ay kinuha ko ito at tahimik kong binasa ang nilalaman.
“Gusto kitang Magtrabaho Mr. Montealegre kaya wala akong balak ipull-out kung ano man ang napag-usapan natin.” Sandali ko siyang sinulyapan at muling itinuon ang atensyon ko sa dokumentong hawak ko. “Gusto kong ikaw din ang mag-asikaso ng mga gagawin kong project sa Construction Company. I want to build a new Casino and I want you to be part of it.” Ibinaba ko na ang hawak kong dokumento sa lamesa at saka siya hinarap.
“What if I refuse?”
“Well, hindi kita susukuan hanggang sa pumayag ka. Alam kong hindi mo ako matatanggihan kapag sinabi ko sa’yo ang balak ko.” Nangunot ang noo ko at tumayo na siya. “Pag-isipan mong maigi iyang inaalok ko dahil hindi ako ang tipong madaling sumuko sa laban Lucas.” Pagkasabi niyang iyon ay lumabas na rin sila at naiwan naman kami ni Morgan na tila nag-iisip sa mga sinabi ni Don Manolo.
“So, what’s your plan Lucas? You know Don Manolo tiyak akong hindi siya papayag sa gusto mong mangyari.” Napabuntong hininga ako at napahilot sa aking sentido.
Alam kong mahirap siyang kalaban pagdating sa ganitong larangan ng pagnenegosyo. Kung gusto niyang makipaglaro puwes ako ang taya at siya ang target ko. Gascon knew about him at mas maiging alamin ko muna kung ano pa ang pinaplano niya para hindi madamay si Ayvee. Pagbalik ko ng Quezon ay nagpasya akong sabihin na sa kaniya kung sino ang pumatay sa kaibigan niya. Ayokong pati si Ayvee ay maging mainit sa mata ni Don Manolo kapag nalaman niya ang totoo rito.
Tumayo ako at naupo naman sa aking swivel chair at sinundan naman ako ni Morgan at umupo siya sa visitors’ chair. Napansin kong nakabukas ng bahagya ang drawer ko sa gilid, hinila ko pa ito at tumambad ang picture na magkasama kami ni Jea. Kinuha ko ito at malungkot na pinagmasdan. Ito ‘yong panahong masaya kaming pumapasok sa school at ihahatid ko naman siya sa kanila. Kahit na malayo ang lugar namin sa kanila ay hindi iyon mahalaga sa’kin na kahit maglakad pa ako ng malayo basta siya ang kasama ko.
“Do you miss her?” Kaagad ko itong itinago sa drawer ko nang magsalita si Morgan.
Sumandal ako sa swivel chair at umikot patalikod sa kaniya. Oo namimiss ko si Jea at walang araw na hindi ko siya naiisip lalo na ‘yong nangyari sa amin. Pero alam kong maiintindihan niya ako kung sakali mang ibaling ko ang pagtingin ko sa iba. Hindi ko alam kung paano nangyari pero natitiyak kong gusto ko si Ayvee at kampante ako kapag nakikita ko siya sa tabi ko. Masaya ako kapag nakikita ko siyang tumatawa kahit hindi para sa’kin ang mga ngiting ‘yon. Gusto ko lang siyang maprotektahan at handa akong pumatay para sa kaniya kung sakali mang may manakit sa kaniya.
“Yes, I miss her, but not that much,” saad ko habang nakatulala sa kawalan.
“Mukhang naka-move on ka na. Good to hear that Lucas.” Hindi na ako sumagot at narinig ko na lang ang tunog ng pintuan hudyat na lumabas na siya.
Lagi kong pinapanalangin noon na sana ay dalawin man lang niya ako kahit sa panaginip man lang. Gusto ko siyang makita at mayakap kahit doon lang para maramdaman kong nandito lang siya sa tabi ko. I don’t have any plans on marrying other women at takot ako sa responsibilidad. But Ayvee came into my life unexpectedly. Nagulo bigla ang utak ko at nagising ako isang araw na iba na ang nararamdaman ko sa kaniya. My bad because I fell first but I know she doesn’t feel the same. I hope she will give me a chance and I know I will overcome my dark past.
Hindi ko inaalis ang pagkakatitig ko sa aking telepono habang nagbibihis ako dahil hinihintay kong magreply man lang sa’kin si Ayvee. Pagkatapos ng maghapon kong trabaho ay umuwi ako rito sa Penthouse ko at nagtext naman ako kay Ayvee na nakarating na ako. Magdamag akong hindi nakatulog dahil hinintay ko siyang magreply pero kahit isa ay hindi siya nagreply.
Padabog ko namang kinuha ang telepono ko at tatawagan ko na sana siya nang biglang tumunog ang telepono ko. Natulala pa ako at nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ko ang hindi ko inaasahang tatawagan ako. Pinindot ko ang answer button at dahan-dahan ko pa itong idinikit sa kaliwang tainga ko. Napalunok ako at hindi muna ako nagsalita at naririnig ko lang ang munting paghinga niya.
“Hello, Lucas nandiyan ka ba?” Tumikhim ako na para bang nasamid ako sa sariling laway ko.
“Hmmn, did you read my message last night?”
“Oo,” tipid niyang sagot.
Nakagat ko ang ibabang labi ko at hindi ko alam kung maiinis ba dahil magdamag lang namang akong naghintay ng reply niya tapos binalewala lang niya.
“Sige na magtatrabaho na ‘ko.” Ibababa ko na sana ang tawag nang muli siyang magsalita.
“Hihintayin kita Lucas.” Napatda ako habang hawak ko ang telepono ko at pipindutin na sana ang end call. Muli ko itong inilagay sa aking tainga at hinintay ulit siyang magsalita. “Hihintayin kitang umuwi saka ingat ka.”
Hindi ko namalayang naibaba na niya ang tawag pero nasa tainga ko pa rin ang aking telepono. Nagmamadali naman akong umalis para magtungo sa aking opisina. Pagkarating ko roon ay tambak ang mga naiwan kong trabaho at karamihan sa mga ‘yon ay kailangan kong bisitahin. Dapat kong matapos ang ilang mga trabaho ko para makauwi kaagad ako dahil isang araw pa lang akong nandito ay gusto ko na kaagad pabilisin ang oras.
Nasa site ako at tapos na rin ang mga naging meetings ko at paalis na rin ako nang dumating naman si Don Manolo. Binati siya ng mga empleyado at para siyang isang anghel sa paningin ng mga ito. Huminto siya sa harapan ko at hinawakan pa ako nito sa aking balikat.
“Salamat Lucas at ikaw ang dahilan kung bakit gumaganda ang negosyo natin,” puri niya sa’kin.
Pilit akong ngumiti sa kaniya at inanyayahan naman niya ako sa kaniyang opisina rito sa site. Malaki ito at mukhang bahay na rin. Marami siyang pag-aari rito sa Manila at maging sa ibang bansa ay marami rin siyang mga negosyo roon.
“Have you made up your mind?” Tukoy niya sa gagawing bagong project niya. “Pasensya ka na Mr. Montealegre dahil hindi ko ugaling maghintay ng matagal.” Sumimsim siya ng kaniyang alak at mataman lang akong nakamasid sa kaniya.
Nakaupo ako sa mahabang sofa at siya naman ay sa pang-isahang upuan. Kami lang ang tao rito sa kaniyang opisina at naghihintay naman sa labas ang kaniyang ibang tauhan. Kung ikukumpara ko ay mas marami siyang bantay at alam kong nakapalibot lang ito sa amin na hindi ko nakikita. Alam din niyang maraming alagad si Gascon dahil kilala niya ito bilang isang halimaw at siya mismo ang nagbansag sa kaniya na berdugo.
“Of all people why me Don Manolo? Marami kang mga business partners na puwede mong pagkatiwalaan at bakit pa ako ang gusto mong makasama sa gagawin mong negosyo?” Mahina siyang tumawa at ininom ang natitira niyang alak sa baso.
Tumayo pa muna siya at kinuha ang isang mamahaling alak at binuksan niya ito. Kumuha siya ng kopita at nilagyan iyon at saka naman niya binigay sa akin.
“Dahil ikaw ang paborito ko. Mas kampante ako sa’yo kumpara sa iba at sana huwag mong tanggihan ang inaalok ko sa’yo dahil baka magsisi ka.” Naikuyom ko ang isang palad ko at nakatitig lang ako sa basong may alak sa aking harapan.
Tumayo akong bigla pero hindi niya ako tinapunan nang tingin at pinapaikot naman niya ang basong hawak niya. Huminga pa ako nang malalim at doon lang siya napatingala sa’kin.
“Buo na ang pasya ko Don Manolo. Hindi ko ho tatanggapin ang project na ‘yan.” Nakatingin lang siya sa’kin at saka niya ako nginisian.
Alam kong kaya niya inaalok sa’kin ang project na ‘yon para tuluyan na niya akong mahawakan sa leeg. Pero nagkakamali siya. Marami akong plano para tuluyan siyang mapabagsak at hinihintay ko naman ang hudyat ni Gascon kung sakali.
“Ganoon ba? Sige, ayos lang pero bago ka umalis samahan mo muna akong uminom siguro naman mapagbibigyan mo na ako?. Iyan ang paborito kong alak dahil ikaw ang unang pinatikim ko niyan noon naaalala mo?”
Naalala ko pa noong bago ko pa lang siya nakilala pero alam kong marumi na ang pagkatao niya kung hindi lang dahil sa sinabi ni Gascon. Hindi na ako tumanggi pa at pinagbigyan na lang siya sa gusto niya. Hindi ko namalayang mauubso ko na pala ang inabot niya sa’king isang bote ng alak. Nang makaramdam ako nang pagkahilo ay nagpaalam na rin ako sa kaniya. Pagkalabas ko ng kaniyang opisina ay muntikan pa akong matumba dahil sa kalasingan ko. May dalawang umalalay s magkabilang braso ko at hindi ko na alam pa ang mga sumunod na nangyari ng bigla na lang akong mawalan nang malay.
Nakunot ko ang aking mukha nang maramdaman ko ang kirot sa aking ulo. Marahan akong tumayo at sandaling naupo at sapo ko naman ang aking ulo. Napatingala ako at nagtaka nang mapagtanto ko na nandito ako sa aking bahay at hindi sa Penthouse kung saan ako tumutuloy ngayon. Wala ako kahit anong matandaan noong malasing ako at ang natatandaan ko lang ay may dalawang taong umalalay sa’kin bago pa ako mawalan nang malay dahil sa kalasingan.
Tumayo ako sa kama at muli akong nagtaka nang mapansin kong nakabukas ang suot kong long sleeve at nakakalas naman ang sinturon ko sa aking pantalon. Siguro ay tauhan ni Don Manolo ang siyang naghatid sa’kin dito sa bahay. Sinubukan ko naman siyang tawagan at nakakailang ring pa lang ito ay sinagot na rin niya ang tawag ko.
“Oh Mr. Montealegre ang aga mo yatang nagising. Ayos ka na ba?” bungad niya sa’kin pagkasagot sa tawag ko.
“Kayo po ba ang naghatid sa’kin dito?”
“Wala namang ibang maghahatid sa’yo kun’di ang mga tauhan ko. Huwag kang mag-alala dahil wala naman silang ginalaw sa bahay mo at pagkahatid sa’yo umalis na rin sila”
“Salamat Don Manolo,” mahinang saad ko.
“Hindi ako nawawalan ng pag-asa na papayag ka rin sa inaalok ko sa’yo and I’m sure of that.” Mahigpit kong nahawakan ang telepono ko at siya na rin ang tumapos ng usapan namin.
Hindi ko sinasadyang mapatingin sa salamin sa aking gilid at pinagmasdan ko pa ang kabuuan ko. Naihilamos ko na lang ang isang palad ko sa aking mukha at malakas na nagpakawala ng hangin sa ere.
Iginugol ko ang buong maghapon ko sa trabaho at hindi ko na inintindi pa kung ano ang mga pinag-usapan namin ni Don Manolo. Muntikan pa akong mapamura dahil ilang beses ko nang tinatawagan si Ayvee pero hindi niya ito sinasagot. Lumipas na ang ilang araw na hindi ko siya nakakausap at hindi man lang siya sumasagot sa mga text ko sa kaniya kaya sinubukan kong kontakin si Badiday pero sa kasamaang palad ay nakauwi na ito dito sa Manila. Kailangan ko pang magtagal dito ng isang linggo pa dahil may mga aberyang nangyari sa opisina at hindi ko ‘yon puwedeng basta iwan na lang. Nag-aalala ako kay Ayvee dahil kahit isang reply lang sa mga message ko sa kaniya ay wala akong natanggap.
Dinial ko naman ang number ni mama at mabuti na lang ay kaagad din niya itong sinagot. Bumagsak ang balikat ko nang malamang doon muna umuuwi si Ayvee sa kanila dahil nagkasakit ang mommy nito. Sinubukan ko ulit siyang tawagan pero out of coverage na ito. Pabagsak akong naupo sa swivel chair ko at napapikit. Namimiss ko na siya sobra at gusto ko na ring umuwi para makita siya. Naalala ko naman ang sinabi niya sa’kin bago pa ako umuwi rito. Siguro ay iyon na ang sagot niya sa tanong ko na ayoko pang marinig sa kaniya.
Lumipas pa ang pito, walo, siyam na araw na pamamalagi ko rito ay hindi ko maiwasang mag-alala sa kaniya. Inutusan ko pa ang ibang tauhan namin na bantayan si Ayvee dahil hindi ako mapakali hangga’t wala akong naririnig na balita sa kaniya. Bigla kong naalala ang isang insidente na pinasok ang bahay nila ng isang kahina-hinalang lalaki. Mabuti na lamang ay naisipan kong bumalik sa kanila at napigilan ko siyang may gawing masama kay Ayvee at lalo na’t nandoon ang kaniyang ina.
Madaling araw na at hindi pa rin ako dinadalaw nang antok. Nandito ako sa veranda at pinagmamasdan ang ganda ng paligid. Naramdaman kong nagvibrate ang telepono ko at kaagad ko itong kinuha sa aking bulsa. Wala ako sa sarili kong sinagot ang tawag ni Julius.
“May problema ba?” matamlay kong tanong sa kaniya sa kabilang linya.
“Lucas, nagsalita na siya.” Napaayos ako ng aking tindig nang marinig kay Julius iyon.
Dinala ko ang lalaking nagtangka ng masama kina Ayvee at ibinilin ko sila sa tauhan ni Gascon na si Julius at Erick. Naikuyom ko ang aking palad nang sabihin ni Julius kung sino ang may pakana noon. Isa silang demonyo at gusto nilang tuluyang mawala na si Ayvee. Puwes, magpapaka-demonyo rin ako para patas ang laban.
“Ano ang status niya ngayon Julius?”
“Huwag kang mag-alala Lucas, buhay pa naman siya at slight lang naman ang pagkakabugbog namin sa kaniya. Nakakakita pa nga siya at hindi pa naman pilay ang isang paa niya,” natatawang sambit niya.
“Okay sige, malapit na rin akong umuwi at ako mismo ang maghahatid sa kaniya sa amo niya.” Pagkasabi kong iyon ay binaba ko na ang tawag.
Papasok na sana ako sa loob nang muli akong nakatanggap nang tawag. Tumaas ang kilay ko nang makita kong si Gascon ang tumatawag.
“Lucas, you have to get back now!”
“What happened Gas__”
“Nanganganib ang buhay ni Ayvee kaya bumalik ka na.” Natulala akong bigla nang banggitin niya si Ayvee. “Ako na muna ang bahala hanggang sa makarating ka rito at asahan mong hindi ko pababayaan ang asawa mo”
“f**k!” malakas na mura ko.
Patakbo akong lumabas ng penthouse ko at hindi na ako nag-abala pang magpalit ng aking damit. Ayokong sayangin ang oras ko dahil baka pag nahuli ako ay mas lalo ko itong pagsisihan.
Nagmamadali akong umuwi ng Quezon at wala akong pinalagpas na oras. Nang mabalitaan kong kaagad na nanganganib ang buhay ni Ayvee ay mabilis akong umalis ng Penthouse ko at kahit wala akong sapat na tulog at pahinga ay hindi ko na ito inalintana pa.
Mabilis ang patakbo ko para umabot ako sa unang byahe ng roro. Masaktan lang ng kahit na katiting si Ayvee ay paniguradong makakapatay talaga ako. Mahigpit ang kapit ko sa manibela at halos paliparin ko na ang aking sasakyan. Mabuti na lamang at walang trapik ng ganitong alas-dose ng hating-gabi
“Tang-ina niyo, subukan niyong galawin si Ayvee papatayin ko kayo,” may diing sambit ko sa aking sarili.
Tatlong oras ko lang binyahe ang papuntang Atimonan at alas syete pa ang unang byahe ng roro at alas-tres pa lang ngayon. Tinatawagan ko naman si Gascon pero hindi niya sinasagot ang mga tawag ko. Nasa loob ako ng sasakyan ng may kumatok naman sa aking bintana. Bahagya ko lamang itong binaba at napag-alaman ko na pinapunta siya ni Gascon para sunduin ako. Sumama naman akong kaagad at hindi na ako nag-alinlangan pa.
Pagkarating namin sa pantalan ay binigay naman niya sa’kin ang susi ng gagamitin kong sasakyan. Pinaghandaan talaga ito ni Gascon dahil alam niyang wala pang byahe ng ganoong oras. Panay naman ang buntong-hininga ko habang tinatahak ko ang daan papunta sa bahay nila Ayvee. Malapit na ako sa kanila nang makarinig ako nang putok ng baril. Kaagad akong pumreno at kinuha ko ang bag ko sa aking tabi at kinuha ang 37M pistol ko. Mariin ko itong kinasa at lumabas ng aking sasakyan. Malalaki ang hakbang ko papunta sa bahay niya at napahinto ako nang makita kong maraming tao ang nakapalibot sa kanilang bahay. Nakita ko si Ayvee at isang lalaki naman ang nakatutok ang baril sa kaniyang noo. Sa galit ko ay itinutok ko rin sa kaniya ang baril ko at papuputukan na siya nang biglang humarang si Gascon sa aking harapan. Nagulat ako at ibinaba niya ito at tumingin sa kinaroroonan nila.
“Handa ka na bang pumatay Lucas?” Binalingan ko siya at wala sa itsura niya ang nagbibiro. “Kaya mo ba?”
“Kaysa hintayin kong si Ayvee ang mamatay,” mariin kong sambit sa kaniya. “Anong ginagawa niyo bakit hinayaan niyo siyang sugurin ng mga lalaking ‘yan?” galit kong turan sa kaniya.
“Hindi ko naman hahayaang may mangyari sa asawa mo hangga’t hindi ka pa nakakabalik. May gusto lang akong makita sa’yo.” Nangunot ang noo ko at tinitigan niya naman ako.
Napabaling ang tingin ko sa kinaroroonan ni Ayvee nang itutok naman noong lalaki ang kaniyang baril sa dibdib nito at bahagya pang hinawi ang suot nitong blouse gamit ang baril niya habang nagtatawanan ang mga kasama nito. Hindi na ako nagdalawang isip pa nang iputok ko ang baril ko sa kamay niya at napasigaw siya nang malakas dahil sa sakit.
“Putang-ina! Sino ‘yon?!” Marahan akong naglakad kung saan nakatago ako sa dilim at nakita kong namimilipit siya sa sakit.
Kinasa ko ulit ang baril ko at itinutok sa kaniya. Mabilis ang naging kilos ng mga tauhan niya at tinutok din sa akin ang kanilang mga baril. Tumawa pa siya nang malakas na animo’y inaasar pa ako.
“Sabi ko na nga ba at hindi ako nagkamali na pupunta ka para sa babaeng pinakamamahal mo.” Nagpantig ang tainga ko at humakbang pa ako ng isang beses palapit sa kaniya.
Napatingin ako sa mga tauhan niyang nandito at anumang oras ay ipuputok nila ito sa’kin. Nagulat ako ng isa sa mga tauhan niya at tinutukan si Ayvee ng baril at mas lalo akong natakot nang makita sa bandang likuran niya ang kaniyang ina na umiiyak at may baril din na nakatutok sa kaniya.
“Ano na Lucas, paano mo silang ililigtas kung mamamatay ka na rin naman ngayon?” Binalingan ko si Ayvee at napapikit na lang siya.
“At sinong may sabi sa’yong mamamatay ako?” Ngumisi pa ako at natigilan silang bigla nang mapansin ang laser na nakatutok sa kanilang mga noo.
“Subukan niyong gumalaw tapos kayong lahat.” Kita ko ang pagkagulat sa kanilang mga mukha at doon lang lumapit sa’kin si Gascon.
“Mamili kayo ngayon. Pakakawalan niyo ‘yong mag-ina o butas ang bunbunan niyo?” Banta ni Gascon sa kanila.
Isa-isa nilang binaba ang kanilang mga baril at pinakawalan silang dalawa. Tumakbo pa si Ayvee sa kaniyang ina at mahigpit niya itong niyakap. Lumapit pa sa’kin iyong lalaking binaril ko at nang maaninag ko siya sa liwanag ay siya rin ang lalaking gustong bumili ng iba naming lupain.
“Hindi pa tayo tapos Lucas. Kung sana pumayag ka na lang sa gustong mangyari ng boss ko at baka isang araw ay hindi lang ‘yan ang posible niyang gawin sa asawa mo.” Itututok ko pa sana sa kaniya ang baril ko nang pigilan ako ni Gascon.
Nakakairita ang malakas niyang tawa habang papalayo sila at kaagad ko namang dinalohan si Ayvee at ang kaniyang ina. Sinuri ko pa siya kung may bakas ba ng sugat ang kaniyang katawan.
“Nasaktan ka ba? May ginawa ba sila sa’yo?” Nakatingin lang siya sa’kin at nangingilid naman ang kaniyang mga luha. Binalingan ko naman ang mommy niya at mabuti na lang ay hindi rin siya nasaktan. “Ayvee, may masakit ba sa’yo?” Hindi pa rin siya umimik at basta lang na nakatingin sa’kin. “Ayvee naman kausapin mo ‘ko!” Hindi ko na napigilan pang mapasigaw dahil sa labis na pag-aalala ko sa kaniya.
“Bakit ngayon ka lang?” garalgal niyang saad at doon na pumatak ang mga luha niya at kaagad ko naman siyang niyakap.
“I’m sorry, I’m sorry. Hindi dapat kita iniwan. Alam mo namang handa akong mamatay at pumatay para sa’yo.” Lalong humigpit ang pagkakayakap ko sa kaniya nang magsimula siyang humagulgol.