Alessia's Point of View
Hindi ko alam kung bakit ayaw sagutin ni kuya ang mga tawag ko. Naisip kong mag-text na lang para mabasa niya at replay-an niya na lang ako kaso parang may bumubulong sa akin na huwag na. Mas mainam sana iyon kaya lang baka hindi rin mag-reply. Personal ko na lang siyang pupuntahan bukas tutal Linggo naman at tapos na 'ko sa paglilinis at paglalaba ngayong araw. Libre na ako bukas.
Dumating ako sa sa bahay alas nuebe na. Ito ang ayaw na ayaw ni kuya noong nandoon pa ako tumutuloy sa kanila. Late uuwi at kung saan-saan nagpupunta. Gaya noong kasisimula ko pa lang sa pagsama sa kanila. Kung saan-saang rally ako sumama. Kinagalitan ako dahil takot siyang mapahamak ako at akala niya iyong ibinibigay niyang allowance ko na dapat sa pag-aaral ay roon lang napupunta. Libre naman kami sa transportasyon at ang pagkain namin ay sagot din nila.
Pareho lang naman kami na gusto, ang tumulong. Kaya lang siya sa tao lang halos ang focus, ako sa lahat.
Gusto ko lang naman kumpirmahin kung totoo ba ang nasagap na balita na may bubuksan na minahan kaya ako tumatawag. Mas mainam na sa kaniya mismong manggaling. Minsan kasi hindi naman isang daang porsyento na tama ang mga source ng aming grupo kaya mabuti nang makasiguro.
Umakyat na 'ko sa kuwarto ko at nagpalit ng damit. Bumaba ulit upang ipagpatuloy ang paglilinis na hindi ko pa nagawang tapusin kanina bago ako umalis.
Pagod na pero kaya pa naman. Kaso hindi pa ako nakakapagsimula tumunog naman ang cellphone ko kaya dali-dali aking umakyat ulit para kunin sa kwarto ang maingay na cellphone. Buong akala ko si kuya na, ang coordinator pala namin pero sa Ma'am Pearl ang nasa kabilang linya. Ginamit lang daw niya ang cellphone ng asawa niya dahil naubusan siya ng load.
Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa, sinabi na niya ang nais niya.
"Sa Lunes po mismo?" gulat na gulat ako sa narinig. Mag-uumpisa na raw ang minahan sa Lunes.
Gusto niyang gumawa ako ng sulat para sa Mayor ng bayang iyon upang maipaabot din sa Lunes mismo nang umagang iyon. Agad naman akong um-oo at pagkapatay ng tawag ay siya ng aking inasikaso.
Mas lalo kong naisip na kausapin si kuya at puntahan siya bukas. Alam kong may malasakit din siya sa kalikasan pero ano ito? Tila ba ang bilis naman yatang naaprobahan ang minahan na iyon.
Nakapagtataka.
Madaling araw na nang matapos ko ang sulat na pinagawa ni Ma'am Pearl. Nakailang edit at proofread muna ako bago ko pinadala sa email. Siya na lang daw magpapa-print at magpapadala sa munisipyo.
Doon lang ako nakahiga at nakapagpahinga. Pagod na ang katawan, mga daliri sa pag-type dahil ipinaliwanag ko pa ang maaring maidulot ng minahan sa aming bayan. Masakit na rin ang mata at ang utak ko naman ay pigang-piga na.
KINABUKASAN, alas sais pa lamang ay mulat na mata ko. Ilang oras lang ang naging tulog ngunit kailangan kong bumangon upang personal na puntahan si kuya sa bahay nila.
Hindi na 'ko nag-almusal para maabutan ko sila. Nagsisimba kasi ang mga iyon tuwing umaga ng Linggo at pagkatapos ng misa ay namamasyal naman kasama ang kaniyang asawa't mga anak kung saan nila maisipan.
Sumakay ako ng tricycle papunta kila kuya. Naghintay na lang ng dadaan sa harap ng gate ng inuupahan ko. Isang tricycle ang paparating kaya akin nang pinara.
Naabutan ko naman sila kuya ngunit paalis na sila.
"Titaaaaaa!" masayang tawag ng mga pamangkin kong sina Kelly at Katie nang makita akong kasama ang kasambahay nila nang pumasok sa gate.
Sampung taong na si Kelly at pito naman si Katie. Parehong babae at parehong magaganda gaya ko siyempre.
Nakagayak na silang magkapatid at patakbong lumapit sa akin. Nakasunod ang mga magulang nila na parehong nakabihis na rin.
"Hello!" bati ko sa kanilang pareho. Niyakap nila ako nang sabay. Pinag-sandwich. Parehong amoy pulbo at basa pa ang mga buhok na nakalugay.
Nakita kong napahinto sa paglalakad ang kuya ko na parang nataranta nang makitang naroon ako. May sinabi sa kaniya si ate Trixia na gaya niya'y huminto rin sa paglalakad. Nag-usap sila sandali habang ako naman ay nagkunwaring nasa mga pamangkin ko ang aking atensyon na panay ang daldal ng kung ano-ano.
"Sasama ka po ba sa amin? Magsisimba po kami," tanong ni Kelly na halos hanggang balikat ko na kataas samantalang 5'7" ang height ko.
Mukhang mas matangkad pa ang batang ito sa akin kapag nagkataon. Si Katie naman hanggang dibdib ko na. Kaunti lang ang diperensya. Mapuputi ang mga balat nila. Nagmana sa kanilang ina. Si kuya kasi ay kayumanggi ang balat. Ako naman maputi, nagmana sa papa ko si kuya sa ama niya raw sabi niya sa akin.
"Hindi e, napadaan lang kasi si tita. Pero infairness ang gaganda n'y talaga. Dalagang-dalaga na. Huwag muna may boyfriend ha!" sagot ko sa kanila na may kasamang pagbibiro.
"Ewwwwwww!" sabay pa silang nag-react.
"Si tita talaga! Bata pa po kami," sagot ni Kelly.
"Alam ko naman, biro lang 'yon pero basta mag-boyfriend kayo kapag twenty five na kayo pataas,"
"Kaya po ba di ka pa nagkaka-boyfriend kasi twenty three ka palang?" biglang tinatanong ni Katie.
Napangiti naman ako. Bahagya akong yumuko upang pumatay sa taas ni Katie at binulong ang sagot ko.
"Oo, pero huwag kayo maingay baka may makarinig e,"
"Opo, copy!" sabay naman nilang sabi at nagpahagikgik.
"Girls, Tara na!" tawag ni ate Trixia sa mga anak niya. "Hi, Ali! Kumusta?" baling niya naman sa akin pagkatapos nang makalapit siya sa amin.
Agad naman lumapit ang dalawang bata sa kanilang nila nang tawagin niya.
"Okay naman po ako," nakangiti kong sagot. Itatanong ko pa sana kung kumusta rin siya kaso nauna ang senyas niya ng kaniyang ulo papunta sa direksyon kung nasaan si kuya.
Nanatili itong nakatayo kung saan niya ito iniwan at mistulang hindi man lamang gumalaw. Nilingon ko at nakitang hindi ito makatingin sa akin.
"Bye titaaaaa!" paalam ng dalawang bata sa akin.
Hinila na sila ng kanilang ina papunta sa kanilang garahe kung nasaan ang sasakyang kanilang gagamitin papunta sa simbahan.
Humakbang na 'ko palapit kay kuya na halata namang hinihintay lang ako lumapit sa kaniya. Binati ko siya at para bang nagulat pa ito nang ako ay magsalita.
"K-kumusta?" una nitong tanong. Lumingon lang sa akin sandali at muling tumanaw sa ibang direksyon.
"Okay lang ako kuya,"
Nilusot niya ang dalawa niyang kamay sa magkabila niyang bulsa. Ugali niya iyon kapag kinakabahan siya.
"Good, mabuti. May kailangan ka ba? Why you suddenly come by? May problema sa work mo? You need anything?" Magkakasunod niyang tanong nang hindi man lang tumitingin sa akin.
"Alam kong alam mo kung bakit. Gusto ko lang alamin kung totoo ba, kung anong nangyari at papaano iyon nangyari? Ito lang mga tanong ko kuya after mo masagot ay aalis na 'ko,"
Nang sabihin ko ang mga 'to ay saka lang siya tumingin sa akin ng diretso. Nakita ko ang paggalaw ng dibdib niya dahil sa paghinga niya nang kay lalim. Nanatiling seryoso ang kaniyang mukha at may kaunting kunot sa kaniyang noo. Inalis na niya ang pagkakabulsa niya ng parehong kamay at tumindig ng tuwid.
"If you're here to confirm about the mining, yes it's true and the operation will start soon. Tungkol naman sa tanong mo kung paano nangyari at kung bakit naaprobahan, hindi ko totally alam kung bakit ganoon kabilis. It wasn't my fault. Nasa taas na agad ang order. Hindi dumaan sa mga mababang mga opisyal kaya wala na akong nagawa," kaniyang paliwanag.
"Pero kuya-
"Alam mo ang kalakaran sa pulitika Alessia. Sige at baka ma-late kami sa misa. Pumasok ka na lang sa loob ng bahay. Mag-almusal ka o kumuha ka ng groceries. Tatawagan na lang kita," mabilis niyang putol sa sasabihin ko sana at naglakad na palayo matapos akong bigyan ng tapik sa balikat.
Tinanaw ko na lang ang sasakyan nila na palabas ng gate. Bumusina pa ito isang beses bago tuluyang umabante palabas. Kumakaway pa ang dalawang pamangkin ko sa may bukas na bintana at nang mawala na sila sa paningin ko ay nagdesisyon akong pumasok muna sa bahay.
Dito ako nakatira noon. Pagmamay-ari ito ng mga magulang namin at hati kami rito ni kuya. Pero mapapasaakin din ito kapag natapos na ang pinatatayong bahay ni kuya para sa pamilya niya.
Bungalow type ang bahay na may apat na kwarto. May maluwang na bakuran na may ilang halaman. May dalawa silang kasambahay. Nasa kusina sila pareho at may ginagawa. Hinayaan lang nila ako dahil alam naman nila kung sino ako.
Pumasok ako sa isang kwarto. Dati kong silid na ngayon ay tambakan na lamang ng mga gamit. Hindi naman kaguluhan doon ngunit halos wala ng madaanan dahil naroon na nilagay ang mga gamit nila mama at papa na ayaw kong ipatapon.
Tuwing pupunta rito isa lang naman ang madalas kong tignan. Ang isang photo album kung saan nakalagay ang mga masasayang larawan noong buhay pa ang mga magulang namin ni kuya.
Kung nagtataka kayo kung bakit Hernandez ang gamit ni kuya na apelyido at hindi ang sa tatay niya, inampon na kasi siya ni papa. Kahit na half-siblings lang kami, parang tunay na magkapatid ang turingan namin.
Maswerte akong nariyan siya. May guardian ako. Siya ang sandalan ko ngunit nang mag-asawa siya ay lumayo kaunti ang loob namin sa isa't-isa.
Ganoon siguro talaga. Pero iniisip ko rin minsan, baka talagang pasaway lang ako dahil naging hati na ang atensyong nakukuha ko sa kaniya dahil napunta sa girlfriend niya noon. Tapos nawala pa si papa. Na-depressed ako nang sobra ngunit lagi lang nilang sinasabi na magpakatatag kahit minsan ang hirap-hirap naman talaga.
Depressed ako tapos wala madalas si kuya. Kung hindi siya nasa trabaho, kasama naman niya pamilya niya. Nahihiya rin akong mag-open sa kanila noon at magpahanggang ngayon naman ganoon pa rin.
Mabuti na lang at nar'yan ang nakilala ko ang grupo ng Earth Warriors. Kahit papaano nakahanap ako ng mga kaibigan, ng mga ate, ng kuya at mga magulang sa grupo.
Walang araw na hindi ako tumatawa at ngumingiti kapag kasama ko sila kahit medyo stressful ang environment namin dahil sa mga issues na dumarating sa opisina araw-araw. Tapos heto nanaman ang mining na ito.
At dito pa talaga sa probinsya namin napiling manira ng bundok. Lokong 'yon. Ang laki-laki ng mundo at isa pa, napakarami namang negosyo bakit minahan pa ang naisip ng taong 'yon?
Nang marinig ko nga ang pangalan ng nakabili ng bundok, ang agad pumasok sa isip ko na itsura niya ay matandang malaki ang tiyan. Panot at iilan na lang ang buhok, nakaupo lang maghapon sa opisina niya pumipirma ng mga dokumento na walang basa-basa habang humihithit ng tabako.
Nakuuuu! Nakagigigil naman!
Naiinis din ako sa mga matataas na opisyal na nagbenta ng bundok sa matandang panot na iyon.
"Giovanni, Giovanni... kay pangit ng pangalan pati ugali,"
Ininis ko lang sarili ko sa pag-iisip. Kulang pa ang naging pag-uusap namin ni kuya. May ilang bagay na gusto ko pang itanong sa kaniya. Kaso baka gabi na uuwi nang mga iyon dahil mamamasyal pagkatapos ng minsa at sa labas na rin malamang kakain.
Nagpasya na 'kong bumalik sa apartment ngunit bago iyon, bumili muna ako ng siomai di kalayuan doon. Medyo gutom na rin kasi at kumakalam na ang tiyan. Ayaw ko naman makikain pa kila kuya.
Naisip kong sulitin ang Linggo. Medyo lumalaki na ang tiyan sa halos buong linggong nakaupo kaya naisip kong mag-ehersisyo. Mainam nang magpapawis para naman lumabas ang toxin sa katawan. Umuwi lang ako para magpalit ng damit at muling lumabas.
Ternong itim na sportswear; Gym bra at high waist na leggings na medyo mahaba. Sinuot ang maliit kong belt bag at sinilid ang cellphone at isang daang piso para pambili ng tubig sakaling mauhaw.
Paglabas ng gate ay nasalubong ko ang papansin kong kapitbahay. Ang tinaguriang Marites ng aming street. Isang middle age na ginang, hindi ko alam ang totoong pangalan niya pero ang tawag sa kaniya ay Marites na alam naman nating tawag sa mga mahilig sa tsismis.
"Hi Alessia! Saan ang punta mo?" tanong nito at nagawa pang harangin ang daraanan ko. Pangiti-ngiti kunyari friendly siya today.
"Pupunta ako sa Mall, balak kong mag-shopping ngayon," sarkastiko kong sagot.
"Mall tapos gan'yan ang suot?" sunod niyang tanong at halata sa mga mata niya ang panghuhusga.
Medyo labas kasi tiyan ko at pusod. Nahuli ko siyang tumingin doon.
"Oo, di ka ba na-inform? Ito na ang dress code kapag pupunta ka sa mall. Akala ko pa naman malakas ang sagap mo. Aba! Mukhang kailangan mo na ipa-upgrade ang satellite sa bahay n'yo," inis kong sabi sa kaniya.
Medyo nagulat pa loka-loka.
"Sure ka?" paniniguro nito sabay hawak sa tiyan niyang di hamak na mas malaki sa akin dahil mataba siya.
"Oo kaya! Tanong mo pa sa mga kumare mo. Sige iwan na kita, wala kasi akong pamasahe ngayon kaya tatakbuhin ko na lang papuntang Mall," natatawa kong paalam.
Hindi na ito nakapagsalita. Nagulat ko yata. Hindi niya kasi keri ang ganitong damit. Malamang nainggit hindi lang masabi. Kung hindi niya na-gets mga sagot ko, isang malaking shunga talaga siya.