Padilim na ang paligid at tuluyan nang nagpaalam si haring araw ngunit naroon pa rin silang dalawa. Naupo sa malaking bato si Pretzel habang nakasandal naman sa sasakyan si Felix habang tinatanaw ang mukhang nagmumuni-muning dalaga sa di kalayuan. Gagabihin sila kung hindi pa sila aalis. May trabaho pa siya bukas at may importanteng meeting na pupuntahan kaya nilapitan na niya ang dalaga upang tawagin at yayain na ring umuwi ngunit imbes sumang-ayon ay humirit pa ito. "Pwede bang dito muna tayo sandali?" Malungkot ang mga matang tanong ni Pretzel sa kasama habang nakatingin pa rin sa mga alon na natatanaw mula sa kinauupuan. Tanong na hindi na kailangan pa ng kasagutan mula sa binata dahil ikaliligaya niyang makasama pa ito ng matagal ngunit paano naman ang trabahong naghihintay bukas?