Napapangiting demonyo pa si Catherine kapag naiisip ang reaction ng mukha ni Simon. Hah. Excited na akong makita ang reaction mo Simon.
Paglabas ng kuwarto ay nagpa-alam na si Catherine na sasamahan lang niya si Melanie sa bahay nito. Isang sakay lang ng tricycle ang bahay nina Melanie. Nang makaupo na sila sa loob ng tricycle, nagtext si Catherine kay Simon.
Tol, kita tayo maya-maya, daan ako sa bahay niyo in 30 minutes.
Ok, hintayin kita. Sa sobrang bilis ng sagot ni Simon, duda ni Catherine ay hawak hawak nito ang cellphone at baka naglalaro.
Tama nga si Melanie. Nadatnan nila ang mama at papa niya na nasa sala at nanonood ng TV. Pagbungad pa lang sa pintuan ay nasigawan na agad si Melanie kung bakit gabi na nakauwi. Saka lang nila napansin na may kasama pala ito, pagkatapos na nila itong masigawan.
“Oh, ikaw pala Cath, maupo ka.” Kilala nila ang mga malalapit na kaibigan ni Melanie.
“Good evening po Tita, Tito.” Pagkatapos bumati ay naupo na si Catherine sa mahabang sofa. Hinatak niya si Melanine at naupo ito sa tabi niya.
“May problema ba? Bakit tahimik kayong dalawa? Kumain na ba kayo? Maghapunan muna kayo dun sa kusina.” Alok ng nanay ni Melanie.
Hindi kumibo si Melanie kaya si Catherine ang agad na sumagot.
“Naku, kakatapos ko lang po kumain, salamat po. May sasabihin lang po kasi sana ako, sinamahan ko na din si Melanie.”
Mukhang sa itsura ng mukha ng mga magulang ni Melanie ay alam na nila ang patutunguhan ng usapan.
“Ano ba yun, Catherine? Sige na sabihin mo na.” Udyok ng tatay ni Melanine.
“Huwag po sana kayong magagalit, pero kesa naman sa iba niyo pa po marinig at kesa naman kung saan saan pa mapadpad itong si Melanie, sinamahan ko na po dito. Nagdadalantao po kasi siya.”
Pagkabitaw na pagkabitaw ni Catherine ng mga sinabi niya, mabilis na tumayo ang tatay ni Melanie at lumapit dito.
“Melanie! Totoo ba ang sinabi niya?” Nanlilisik ang mga mata nito na naghihintay ng sagot kay Melanie.
Kumapit si Melanie sa braso ni Catherine na parang nanghihingi ng tulong. Walang lumabas na boses sa bibig niya pero alam ni Catherine na sumagot naman ito.
Hindi nakatiis ang nanay ni Melanie at sinugod siya.
“Malandi ka!” Akmang sasampalin niya si Melanie pero naiharang ni Catherine ang likod niya. Niyakap niya si Melanie.
“Teka, teka po, Tita! Makakasama po sa dinadala ni Melanie yan.” Awat ni Catherine sa nanay ni Melanie. Natigilan naman ito at parang napako sa kinatatayuan, naka-angat pa ang isang kamay na ipanghahampas pa sana uli kay Melanie.
“Sorry po, sorry po ma, sorry po pa!” Napasigaw na lang si Melanie sabay humagulgol nang malakas. Tinakpan niya ng mga kamay niya ang mukha niya.
Nanlambot ang mama at papa ni Melanie na napaupo na lang uli. Nang magsalita ang papa ni Melanie ay mahinahon na ang boses nito.
“Nasaan ang ama ng batang yan?”
Naramdaman ni Catherine na hindi tumitigil sa pag-iyak si Melanie at mukhang walang balak sumagot kaya siya na ang nagpaliwanag ng lahat.
Matapos ni Catherine maikuwento ang buong pangyayari, saka niya binati nang masaya ang mga magulang ni Melanie.
“Congrats po, tito, tita! Magkaka-baby na po uli kayo.” Sinundan pa nito ng isang matamis na ngiti ang sinabi niya.
Wala nang nagawa ang mga magulang ni Melanie. Napabuntong-hininga pa sila nang sabay at sabay din naman na napangiti sa sinabi ni Catherine.
“O siya sige, Cath, salamat sa pagsama mo dito kay Melanie ha. Huwag ka na din masyadong pagabi, umuwi ka na.”
“Okay po, tita. Tuloy na po ako.” Bumaling siya kay Melanie at niyakap ito. “Aalis na ako. Iingatan mo ang sarili mo ha.”
Tumango nang tumango si Melanie bago sumagot. “Salamat Cath ha. Sobrang thank you talaga.”
Saglit pa silang nagyakap nang mahigpit bago kumalas na sila sa isa’t isa.
Nang makalabas si Catherine sa bahay nina Melanie ay dumiretso siya sa bahay nina Simon. Nagtext siya dito na malapit na siya at pinalabas na lang niya ng gate si Simon.
Malayo pa ang tricycle na kinasasakyan ni Catherine ay natanaw na niya si Simon. Nakasandal sa gate nila at nagsi-cellphone. Napaangat ito ng tingin nang huminto ang tricycle sa mismong harapan niya.
“O, Cath, gabi na ah. Mukhang importante yang sadya mo sa kin kinabahan tuloy ako.”
Natawa si Cath, bago nagsalita. “Tol, dapat ka ngang kabahan!”
“Aba, bakit naman?”
“Nanalo ako sa pustahan, tol!” Nagtatalon si Catherine sa tuwa pagkasabi niya ng balita kay Simon. Napalapit pa siya dito at hinawakan niya si Simon sa kamay. “Congratulate me, tol! Nanalo ako!” Hindi matigil si Catherine nang katatawa.
Nadala si Simon at natawa na din nang malakas. Saka siya nagtanong ng detalye.
“So sino sa kanila? I hope it’s not Grace.”
“Of course not! Grabe ka naman, tol. Wala namang nobyo si Grace!”
“Bakit mo naman nasabi. Malay mo tinatago niya.”
“Hindi ‘tol, kilalang kilala ko yang si Grace. At saka hindi siya kundi si Melanie ang nagdadalantao!”
“Ha! Si Melanie?”
“E bakit parang gulat na gulat ka tol, e may nobyo naman iyon.”
“Ah, hindi kasi natin nakakasama yung boyfriend nun kaya hindi ko akalain na may bf pala. Minsan lang natin nakasama yun, nun pang graduation celebration niyo.”
“Exactly. Kasi palaging may sariling lakad sina Melanie at Romy, yung boyfriend niya.”
“Okay. So kumusta naman siya? Okay lang ba siya?”
“Ayun, kakagaling ko lang sa kanila ‘tol. Hindi siya pananagutan ng boyfriend niya, ayun hiniwalayan na nga siya nang malaman na buntis siya. Tsk.”
“Bakit naman ganun? Kawawa naman pala si Melanie.”
“Hindi din, tol. Mabuti nga iyong maaga pa lang e nakilala na niya ang ugali nung ex boyfriend niya.” Galit na sagot ni Catherine.
“Wait, wait...e bakit parang galit na galit ka?”
“Galit talaga ako sa mga lalaki ‘tol!”
“Ooops, huwag mo namang lahatin. Ibahin mo naman ako.”
“Well, ‘tol, sana nga iba ka sa kanila. Pero ako kasi, pare-pareho ang tingin ko sa mga lalaki kaya galit talaga ako.”
“Naitindihan naman kita, nalaman ko kasi kay Grace ang kuwento mo.”
“Oo, tol, kung sarili kong tatay hayup ang ugali. Tapos yung mga kuya ko, pare-pareho ding mga niloloko ang mga gf nila. Kaya paano pa ako magtitiwala sa mga lalaki kung mismong malalapit na sa akin e hindi ko pa mapagkatiwalaan.”
"Pero teka, teka, maiba ako. Tungkol sa pustahan 'to di ba? At kaya ka nandito dahil nanalo ka, tama ba?”
Biglang sumaya uli ang mukha ni Catherine. “Oo, tol! Yes! Nanalo ako!”
“O sige, sige na nga. Nanalo ka na. So ano nga iyong gusto mo kapag nanalo ka?”
“Tutulungan mo ko sa crush ko!”
“Ang labo mo naman, Cath. E di ba kakasabi mo nga lang na naiinis ka sa aming mga lalaki....” Napatigil si Simon sa pagsasalita at napatingin kay Cath nang makahulugan. “Teka...don’t tell me, Cath...”
“Tama ka ng iniisip mo Simon.” Nahulaan na ni Catherine ang sasabihin ni Simon. Nakita na niya sa mga mata nito na bistado na siya.
“Oh my God! You’re in love with the same s*x?” Napalakas ang boses ni Simon.
Biglang itinakip ni Catherine ang isang kamay niya sa bibig ni Simon. Hindi agad nakakibo si Simon. Sa sobrang lapit nilang dalawa ay parang gusto na agad sunggaban ni Simon si Catherine at halikan sa labi. Pero bigla din niyang naalala ang kakaamin lang nito na kapwa babae ang gusto nito.
Hinawakan ni Simon ang kamay ni Catherine na nakatakip sa kaniya. Magsasalita na sana siya nang biglang bumukas ang gate.
“Hoy! Kayo ha, anong ginagawa niyo dito?” Lumabas si Grace ng gate at napatingin sa kamay ni Catherine na hawak hawak ni Simon. Mabilis na nagbitaw ang dalawa at inayos ang sarili.
“Naku Grace, ikaw pala! Good evening sa ‘yo, Grace.” Malambing na bati ni Catherine. Si Simon naman ay nanlalaki pa din ang mga mata at di maalis ang tingin kay Catherine dahil sa nabisto niyang sikreto nito.
“Hi Cath!” Lumapit si Grace kay Cath at umakbay dito. “Ano’ng meron? Bakit ka nandito?” Nakangiti si Grace kay Catherine at nilalambing pa si Cath.
“Ha? Ah eh...kakarating ko lang, tama..kakarating ko lang Grace. Pinapatawag nga kita kay Simon, naabutan ko kasi siya dito sa gate.”
“Bakit? May sasabihin ka ba sa akin?”
“Oo Grace, baka lang hindi mo pa alam ang tungkol kay Melanie.”
“Bakit? May nangyari kay Melanie!?!” Takot at pangamba ang nakita ni Catherine sa mukha ni Grace.
Inakbayan na din ni Catherine si Grace bago nagsalita.
“Relax ka lang, Grace. Okay lang si Melanie. Nagdadalantao lang siya at sinamahan ko siya na magsabi sa mama at papa niya.”
Pagkarinig dito ay namilog ang mga mata ni Grace at naitakip niya ang mga kamay niya sa mukha niya. “Grabe! What happened? At bakit ikaw ang sumama? Nasan si Romy?”
“Sadly Grace, hindi siya pinanindigan ni Romy. Alam mo naman ang mga lalaki di ba?”
Alam ni Grace na nasabi ni Catherine iyon dahil man-hater talaga ito. Pero hinawakan niya si Catherine sa braso bago nagsalita.
“Mabuti na lang sinamahan mo siya. Kung hindi, kawawa naman yung kaibigan natin na yun. Baka himatayin sa takot yun.”
“Muntik na ngang himatayin. Literal na takot na takot. Pero okay na. Pinaliwanag ko din kina Tito at Tita na mabuti na iyong sa kanilang bahay umuwi si Melanie at hindi nagtago kung saan saan. At saka at least magkaka-baby na sila uli. Natuwa naman sila. Tingin ko ay hindi na nila pagagalitan si Melanie.”
Niyakap ni Grace si Catherine bago nagsalita. “Naku, ang bait bait mo talaga Cath! Buti na lang naging kaibigan ka namin!”
Nailang naman si Catherine dito pero hindi niya pinahalata na natutuwa talaga siyang niyayakap siya ni Grace. Masarap sa pakiramdam ang katawan ni Grace na nakadikit sa katawan niya. Maging ang malulusog na dibdib ni Grace ay ramdam na ramdam ni Catherine sa balat niya kahit na may nakaharang pang tela ng suot nilang damit.
Si Simon naman ay nakabawi na sa pagkakatulala. Tatanungin na sana niya si Catherine tungkol sa kabayarang gusto nito sa pustahan pero bigla niyang naalala na kasama nga pala nila si Grace at wala itong kaalam alam.
Napatingin si Catherine sa relo niya .
“Naku, gabing gabi na pala.”
“Naku oo nga, Cath, lagot ka na sa mga kuya mo. Alam ba nila kung nasaan ka?”
“Alam naman nila na nagpunta ako kina Melanie. Pero kailangan ko na din makauwi ngayon, tiyak na naghihintay na sila sa akin.”
“Ihatid na kita.” Mabilis na sabi ni Simon.
“Oo nga, Cath, pahatid ka na kay cuz ha.”
Hindi na tumanggi si Catherine. Mabilis na siyang nagpaalam kay Grace.
Habang naglalakad na sila papunta sa bahay nina Catherine, nagtanong na si Simon dito.
“Cath, so kung gusto mo na tulungan kita sa crush mo, dahil di ba yun naman ang gusto mong kabayaran sa pustahan?” Tumango muna si Catherine bago nagpatuloy si Simon. “So sino yung crush mo? Kanino kita tutulungang mapalapit?”
Saktong malapit na sila sa gate nina Catherine. Huminto si Catherine sa paglalakad bago sinagot si Simon.
“Huwag kang mabibigla ha. Sasabihin ko sa iyo ngayon kung sino. Pero alam ko marami ka pang tanong, kaya ipunin mo munang lahat yang tanong mo. Bukas ko na sagutin lahat yan.” Pagkasabi nito ay kumindat pa si Catherine.
Pero sakto namang lumabas ang kuya niya at nakita agad ni Catherine. Kaya bago pa sila makita ng kuya niya, itinaboy na niya agad si Simon. Mabilis namang tumalikod si Simon. Pero pagkatalikod na pagkatalikod niya, binanggit pa ni Catherine ang pangalan ng crush niya.
“Si Grace! Kay Grace mo ako tulungan! Bye ‘tol, usap tayo bukas!” Tumalikod na din si Catherine at nanakbo na papunta sa kuya niya.
Napalingon si Simon sa kaniya pero ang nakita na lang nito ay ang likod ni Catherine na mabilis na nananakbo.
Hindi agad nakaalis si Simon sa kinatatayuan niya. Nakatitig siya sa malayo. Nakapasok na sa gate sina Catherine at kuya nito pero nakatingin pa din si Simon sa direksyon nila.