Matagal nang nakahiga si Simon pero hindi pa din siya dalawin ng antok. Hindi mawala sa isip niya ang sikretong nalaman niya tungkol kay Catherine. Lalo na nang malaman niya kung sino ang crush nito.
Talaga ba? Si Grace ang crush niya? At tomboy pala siya...I can’t believe it! Sa loob loob ni Simon ay hinayang na hinayang siya kay Catherine.
Sayang ka Cath...pwede namang maging man-hater ka lang, naiintindihan ko iyon. Pero ang magkagusto ka din sa kapwa mo babae...tsk.
Naupo si Simon. Kailangan niyang pag-isipang mabuti ang tungkol sa pustahan niya.
Paano kung balewalain ko na lang yun? Hayaan ko na lang at huwag ko na lang kaya siyang pansinin?
Tumayo na nang tuluyan si Simon at nagpalakad-lakad sa loob ng silid niya.
Pero mali, eh. Pangit tingnan na hindi ako marunong tumupad sa usapan namin. Ano naman ang kalalabasan ko nun, para akong hindi matinong tao.
Lumabas si Simon at nagpahangin sa veranda. Pinag-isipan niyang mabuti kung ano ang dapat gawin kay Catherine. Nakabuo na siya ng plano. Hanggang sa nasikatan na siya ng araw. Saka lang pumasok sa silid niya si Simon at pinilit na matulog.
MAAGANG NAG-MESSAGE si Catherine kay Simon.
Good morning ‘Tol! Kita na lang tayo mamaya ha, pagkatapos ng klase.
Naghintay si Catherine ng sagot. Pero makalipas ang ilang minuto ay hindi man lang na-seen ni Simon ang message niya.
Hmm...bakit kaya? Dahil ba sa nalaman niya ayaw na niya akong kaibigan? Napasimangot si Catherine at napatitig sa cellphone. Mayamaya ay tumunog ito. Muntik pang mapatalon si Catherine sa gulat.
Pero ang message ay galing kay Grace.
Cath...baka hindi ako makapasok. Ang sakit sakit ng ulo ko. Pwede mo bang daanan dito yung book report ko? Pa-submit naman kasi alam ko ngayon ang deadline nun. Pasensiya ka na ha.
Nag-alala naman si Catherine kay Grace.
Hi Grace! Okay ka lang ba? Uminom ka na ba ng gamot? May gusto ka bang kainin? Sunod sunod na tanong ni Catherine. Takang taka naman si Grace sa reply niya.
OA mo, Cath, ha. Masakit lang ang ulo ko. Nakainom na ako ng gamot pero hindi ko kakayaning pumasok. Huwag mo na akong intindihin, ipahinga ko lang ito.
Pagkabasa ni Catherine sa reply ni Grace ay nakahinga na siya nang maluwag at sumagot ng ok. Tinignan niya uli ang message niya kay Simon. Hindi pa din ito nagsi-seen. Hmp, bahala na nga siya. Tumayo na si Grace para maligo. Ihinagis niya ang cellphone sa kama.
Nakakailang hakbang pa lang siya palayo sa kama ay tumunog uli ang cellphone. Mabilis na bumalik sa kama si Catherine at halos mag-dive para lang kuhanin ang cellphone niya. Pagtingin niya ay message mula kay Simon. Excited na naupo si Catherine sa kama at binuksan ang message ni Simon.
Good am. Sorry late reply, aga mo naman magtext, I just woke up. Okay, I’ll see you later after class. Papasok ka na ba?
Huminga muna nang malalim si Catherine bago nagreply. Kinakabog ang dibdib niya na hindi niya mawari. Na-excite ba ako masyado at nagreply siya? Nang kumalma na si Catherine ay nagreply na siya kay Simon.
Getting ready. See you in a while. Dadaan ako kay Grace hindi kasi siya makakapasok, dadaanan ko ang report niya for submission.
Nataranta si Simon pagkabasa sa message ni Catherine. Dali-dali siyang tumayo at naghilamos. Tinignan ang mukha sa salamin kung maayos na ba ang itsura niya. Pagkatapos ay saka dumiretso sa kusina at naghanda ng almusal. Tumutulong naman talaga siya sa paghahanda ng almusal. Madalas ay simpleng eggs and sausages lang. Pero mas sinarapan niya ngayon. Nag-sangag siya at nagluto pa ng special na homemade tocino.
Mayamaya naman ay lumabas ng kuwarto si Grace at pinuntahan siya sa kusina.
“Oh, cuz, buti gising ka na. Dadaan kasi si Cath. Pakibigay mo naman ‘to.”
Kunyari naman ay hindi niya alam na dadaan si Catherine kaya nagmaang-maangan pa si Simon.
“Ah, ganun ba. Bakit? Hindi ka ba papasok?”
“Masakit kasi ulo ko cuz. Huwag mo na akong tawagin ha pag dating niya, hihiga na ako uli.”
“O, kumain ka na muna luto na to!” Tawag ni Simon kay Grace dahil mabilis na itong nakatalikod pabalik sa silid niya.
“Mamaya na cuz, thanks!” Sagot ni Grace na hindi na lumingon sa kinaroroonan ni Simon.
Ilang minuto lang ay narinig na ni Simon na tumatawag sa gate si Catherine. Mabilis siyang lumabas at pinagbuksan ito ng gate.
“Good morning, Cath!” Masayang bati ni Simon at kuntodo ngiti pa kay Catherine.
Napakunot naman ang noo ni Catherine at takang taka kay Simon.
“Ganda ng mood natin, tol, ah! High five!” Inangat niya ang kanang kamay at inantay na hampasin ito ni Simon ng kamay din nito.
Nang mag-high five na din si Simon ay sabay pa silang nagtawanan. Pumasok sila ng bahay at inaya ni Simon na mag-almusal muna si Catherine.
“Maaga pa, Cath ha. Halika na, sabayan mo na ako mag-almusal.” Alok ni Simon. Sumama naman si Catherine sa kusina at nagpa-linga linga.
“Ah, tol, asan si Grace?”
“Masakit nga ang ulo, ayaw pang lumabas ng kuwarto niya.” Itinuro ni Simon ang folder sa katabing lamesita. “Inilabas niya iyan kanina, bigay ko daw sa ‘yo.”
“Ah. Sige.” Parang nalungkot naman ang mukha ni Catherine dahil hindi niya pala makikita si Grace. “Eh sina Tita at Tito?”
“Maaga silang umaalis, Cath. Kapag bumibiyahe sa umaga si Tito, sumasabay si Tita para mamalengke.”
“Ah sige. Kung ganun e di tayo lang ang kakain? Ang dami mo namang hinanda.”
“Siyempre alam kong darating ka, pinaghandaan ko talaga para hindi ka magutom.”
“Wow ha. Salamat ‘tol.” Nailang man nang kaunti si Catherine, binalewala na lang niya ang sinabi ni Simon. Sinimulan na niyang kumain.
“Cath, mamaya sunduin ba kita?” Tanong ni Simon.
“Kahit hindi na. Pwede naman ako dumaan dito.” Naisip ni Catherine iyon para may excuse siya na makita si Grace.
“Sunduin na kita. Mas okay kung pag-usapan natin yung tungkol sa sinabi mo kagabi, huwag dito sa amin.”
Sabagay, tama naman ‘tong amboy na ‘to. Pangit nga naman kung dito pa namin pag-usapan si Grace. “Sige ‘tol...kita na lang tayo sa gate ng school, 4pm, sa dati pa din.”
Pagkasabi nito ay itinuloy na nila ang pagkain at mabilis ding natapos para hindi mahuli sa klase si Catherine. Nang magpa-alam si Catherine ay nagulat na lang siya dahil hinawakan siya ni Simon sa kamay.
“Cath, mag-iingat ka ha. Huwag mong kalimutang kumain ng lunch.”
Hinatak ni Catherine ang kamay niya. Naramdaman niya na may kakaibang kuryenteng hatid talaga ang hawak ni Simon sa kaniya pero pilit na binabale-wala ito ni Catherine.
“Ok na ‘tol, sige na mauna na ako. Huwag mo na akong alalahanin masyado. Si Grace ang alagaan mo ha, pakainin mo na at painumin ng gamot. Tutuloy na ako.” Nagmamadaling lumakad palabas ng bahay si Catherine. Hindi na inintay na makasagot si Simon.
Si Simon naman ay naiwang nakatayo pa din sa may pintuan ng sala. Parang nararamdaman pa niya sa mga kamay niya ang init ng kamay ni Catherine. Naiiling din siya at natatawa. Weird ng babaeng iyon. Gusto naman si Grace pero ilang na ilang sa akin.
Sinadya ni Simon na lalong maging sweet kay Catherine. Iyon kasi ang naisip niyang plano kagabi. Tutulungan niya si Catherine na mapalapit kay Grace pero gagawin niya iyon para hindi din mawala si Catherine sa paningin niya. At ipaparamdam na niya kay Catherine na espesyal ito sa puso niya. Gustong patunayan ni Simon sa sarili niya na kaya niyang tulungan si Catherine na magbago. Pero kailangang makuha muna niya ang tiwala ni Catherine.
Nang araw na iyon, bago sinundo ni Simon si Catherine ay naghanap na ito sa internet ng mga restaurant na malapit lang at tahimik para makapag-usap sila nang maayos ni Catherine. Naisip din niya na dalhin sa park si Catherine, para mas maganda ang ambience. Pero ang kinabagsakan sa bandang huli ay si Catherine pa din ang nasunod.
Wala pang alas-kuwatro ay nasa labas na ng school si Simon. Matiyaga itong naghihintay kay Catherine habang humihitit ng sigarilyo. Nakasuot lang ito ng tattered na jeans at plain white shirt na tucked in sa harapan. May bitbit itong jacket sa isang kamay. Napaka-guwapo nitong tingnan sa itsura niyang naka-suot pa ng dark shades. Ang usual na hairstyle ni Simon ay naka-gel lang na hindi halatang sinuklay. Magulo nang kaunti pero nakakadagdag ito sa kaguwapuhan niya. Pinagtitinginan siya ng mga estudyanteng babae na napapadaan sa harapan niya.
Mayamaya ay nakita niya na paparating na si Catherine, kasama nito sina Ivy at Melanie. Nagulat si Simon pagkakita kay Melanie. Bigla niyang naisip na baka niloloko lang siya ni Catherine. Hindi totoong nagdadalantao si Melanie. Pero papaano niya tatanungin? Hindi ba nakakahiya iyon sa babae?
“Hi ‘tol! Andito ka na pala, ang aga mo, ah.” Si Catherine ang unang bumati. Siniko naman siya ni Ivy at bumulong.
“Ehem...mukhang napapanay ang sundo ni Simon ah.” Anas nito kay Catherine.
Siniko din ni Catherine pabalik si Ivy. “Ano ka ba, kaibigan ko lang yang si Simon. Parang kapatid na din, alam mo namang pinsan yan ni Grace. Yung pamilya nila ay parang pamilya na din ang turing ko.” Paliwanag pa ni Catherine.
“O e bakit may pasundo sundo pa?” Tanong naman ni Melanie na nakikinig pala sa usapan nina Catherine at Ivy.
“Magsitigil nga kayong dalawa, baka marinig kayo nakakahiya.” Bulong ni Catherine sa dalawang kasama sabay binaling ang atensyon kay Simon. “Oh, tara na Simon. Mauna na tayo sa kanila may sarili din silang lakad.”
“Ah ganun ba. Saan ba ang punta ng mga binibini?” Tanong ni Simon sa dalawa.
“Hay naku, alam mo naman ‘tong si Melanie may cravings na...sasamahan kong kumain ng black spaghetti dun sa Old Spaghetti House.” Sagot ni Ivy na agad namang siniko ni Melanie.
“Huwag naman masyadong malakas ang boses mo.”
“Ay sorry...” Nagpa-umanhin naman agad si Ivy. Nagtawanan na lang silang lahat sabay naghiwa-hiwalay na.
Nang mapag-isa na sina Simon at Catherine, saka nagsalita si Simon.
“So totoo nga palang buntis si Melanie ano.” Napapangiti pa ito habang sinasabi kay Catherine.
“Ano ka ba naman ‘tol, akala mo ba niloloko lang kita kagabi?”
“Hindi naman sa ganun...nagulat lang ako kasi nakita ko siya ngayon.”
“Ah yun ba. Nagkausap na daw sila ng parents niya. Hindi na sila galit. Pero ang usapan hindi dapat tumigil sa pag-aaral si Melanie. Tatapusin niya itong sem na ito tutal hindi pa naman mahahalata ang tiyan niya. Pagkatapos pahinga siya next sem. Ang balik niya sa susunod na school year na.”
“Ahh...sabagay tama naman. Bakit kailangang huminto sa pag-aaral e sayang naman.”
“Mabuti nga at naging okay na ang lahat. Sabi ko nga sa kanila ni Ivy, maging aral na iyon. Huwag na huwag na silang naniniwala sa mga lalaki, lahat naman yan pare-pareho lang ng gusto. Tapos kapag nakuha na basta basta na lang mang-iiwan.” Napaismid pa si Catherine pagkasabi nito.
Naglalakad na sila papunta sa taxi stand. Naglalakad si Simon sa tabi ni Catherine. Narinig niya lahat ng sinabi nito pero hindi na siya umimik. Alam niya na wala namang silbi na kontrahin niya si Catherine dahil nauunawaan niya na may pinaghuhugutan itong malalim.
Nang makapara ng taxi, mabilis na inalalayan ni Simon si Catherine na makasakay. Pero saka lang nagtanong si Catherine kung saan sila pupunta. Nagduda pa siya nang una kung saan siya dadalhin ni Simon.
“Uy, saan mo nga pala ko dadalhin ha?” Napatingin sa kalsada si Catherine habang umaandar na ang taxi.
“Don’t worry, you’re safe kapag kasama mo ako. Kakain lang tayo. May nakita akong magandang restaurant sa internet.”
“Naku naman, ‘tol, hindi ako sanay sa mga restaurant. Mas okay sa akin na kumain ng kahit ano, kahit street food pa yan. Tapos kuwentuhan na lang tayo sa park.”
“Ganun ba. Walang problema.” Pagkatapos ay kinalabit niya sa balikat ang taxi driver. “Manong paki-deretso niyo na lang po kami sa may seaside.” Tumango naman si manong driver.
Pagdating nila sa may seaside ay bumili agad sila ng hotdog sandwich sa nadaanang hotdog stand. Bumili din sila ng coke in can. Pagkatapos ay naupo na sila sa may seawall habang nanonood sa papalubog na araw.
Habang kumakain ay walang kumikibo sa kanila. Pareho silang tahimik lang at nakatingin sa magandang tanawin sa harapan nila. Mayamaya ay umihip ang malamig na simoy ng hangin. Napahalukipkip si Catherine na noon ay kakatapos lang kumain. Nang mapansin ito ni Simon ay mabilis na inilagay niya sa balikat ni Catherine ang dala dala niyang jacket.
“Malamig ba?” Tanong ni Simon.
Bahagyang nagulat si Catherine sa ginawa ni Simon pero natuwa na din siya dahil nabawasan ang ginaw na naramramdaman niya.
“Salamat dito, tol.” Sinundan pa ito ni Catherine ng pagngiti kay Simon. Si Simon naman ay pigil na pigil ang sarili na hawakan sa mukha si Catherine at lamukusin ng halik ang mga labi.
Perfect place. Perfect timing. Pero maling tao. Tsk. Sinarili na lang ni Simon ang naiiisip niya. Nanghinayang siya sa ganda ng panahon at sa ganda ng tanawin. Napaka-sweet sana kung girlfriend niya si Catherine. Pero dahil alam niya na hindi siya ang gusto nito, hindi na lang kumibo si Simon. Inikot niya ang tingin niya sa paligid. Karamihan ng mga pares na katabi nila at mga nakaupo din sa seawall ay magkakayakap na, ang iba pa nga ay naghahalikan na at wala nang pakialam sa paligid. Ganun kasi talaga ang dapat. Bakit ba naman kasi dito ko pa siya naisipang dalhin. Inggit na inggit si Simon sa mga nakikita niya.
Napansin din ni Catherine ang ginagawa ng mga tao sa paligid. Nang lingunin niya ang katabi nilang couple, matindi na ang ginagawang laplapan ng mga labi. Kapit na kapit na ang babae sa leeg ng lalaki at ang lalaki naman ay mahigpit na din ang pagkakayakap sa katawan ng babae. Biglang binawi ni Catherine ang tingin niya at muling tumingin sa tanawin sa harapan. Napalunok siya at parang nanuyo ang lalamunan niya sa mga nakikita niya sa paligid.