Habang inaamoy ni Simon ang mabangong buhok ni Catherine, naramdaman niya na seryoso na atang nahuhulog ang loob niya kay Catherine. Pero naalala niya ang sinabi nito nung gabing nagpustahan sila. May crush si Cath. Sino kaya yun? Ang gusto pa niya ay tulungan ko siya na mapalapit dito. Hmp, kailangang manalo ako sa pustahan para wala nang magawa si Cath. Magiging girlfriend ko din siya.
Nang malapit na sila sa street nila, ginising na ni Simon si Catherine.
“Cath, Cath...” Tinapik tapik ni Simon ang pisngi ni Catherine. Dahan dahan naman itong dumilat at nagulat nang mapansing nakahilig na pala siya kay Simon. Bigla itong umupo nang tuwid.
“Huh? Nasaan na tayo?”
“Andito na tayo sa street natin.”
Sumilip si Catherine sa labas ng bintana ng taxi. Sabay nagmadaling pumara.
“Manong dito na lang, dito na lang po!” Huminto naman agad ang taxi driver.
Si Simon na ang agad na nag-abot ng bayad kaya hinayaan na siya ni Catherine. Mahilo-hilo pa ito nang makalabas ng taxi.
“Tara na, ihatid na kita hanggang gate.” Hinawakan ni Simon sa braso si Catherine. Mabilis naman nitong inalis ang kamay ni Simon.
“Naku, huwag na. Ayan lang ang sa amin, oh. Sige na, sige na...baka makita ka pa nina kuya...” Itinaboy ni Catherine si Simon at naglakad na nang papalayo. Wala nang nagawa si Simon kundi ihatid na lang ng tanaw si Catherine.
Nang makapasok si Catherine sa loob ng bahay nila, dumiretso na agad siya sa kuwarto at nagpasalamat na wala sa labas ang mga kuya niya.
Haist...nahihilo pa ako, ah. Mukhang napadami pala ang nainom ko. Nakakahiya naman kay Simon, mukhang tulog na tulog ako sa taxi. Hindi ko na namalayan na sa kaniya na pala ako nakasandal.
Naipikit ni Catherine nang mariin ang mga mata niya na akala mo ay mabubura nito ang mga nangyari. Naipilig pa niya ang ulo niya. Hay naku...hayaan mo na nga. Mabuti na lang mabait din si Simon, mukhang wala namang balak na masama sa akin. Mukhang pagkakatiwalaan din naman yung amboy na yun.
SA SILID NAMAN NI SIMON, nakahiga na din siya sa kama at pilit na inaalala si Catherine na nakahiga sa balikat niya. Hanggang ngayon ay hindi pa din nawawala ang amoy ni Catherine sa damit niya kaya hinubad na niya ang pang-itaas niya at niyakap na niya sa katawan niya.
Ang bango bango naman ni Cath. Yung babaeng yun, ang ganda ganda naman, ang sexy pa. Napakasiga lang talaga umasta. Pero siguro dahil sa mga kuya niya. Baka nahawa na siya sa kilos nila dahil sila naman ang araw araw na kasama sa bahay.
Nakatulog si Simon na ang nasa isip ay si Catherine.
Hindi pa lumalalim ang tulog ni Simon ay nananaginip na siya. Nakangiti si Simon. Nakaharap sa kaniya si Catherine na nakasuot ng mahabang damit na kulay asul at nililipad lipad pa ng hangin ang laylayan nito. Naglalakad sila papalapit sa isa’t isa. Hinahangin din ang mahabang buhok ni Catherine na nakalugay lagpas balikat. Parang naka-slow motion ang kilos nila. Pakiramdam ni Simon ay nakalutang sila sa alapaap pero masayang masaya siya. Nang malapit na malapit na sila sa isa’t isa ay nagulat na lang si Simon dahil hindi niya mahawakan ang kamay ni Catherine. May nakahawak na din dito at kahit na anong tingin ni Simon ay hindi niya makita kung kaninong kamay ang hawak ni Catherine. Hinigpitan niya ang hawak sa kamay na iyon at pilit na inaalis kay Catherine.
Biglang napabalikwas ng bangon si Simon. Nananaginip lang pala siya! Pag tingin niya sa kamay niya ay mahigpit ang pagkakahawak nito sa tshirt na hinubad niya at itinakip sa katawan niya kanina.
Tsk...mukhang masama na ang tama ko kay Cath, ah. Sino kaya yung hawak hawak niya? Bakit pakiramdam ko ang lungkot lungkot ko nang magising ako? Natanong na lang ni Simon ang sarili. Alam naman niya na hindi niya malalaman ang sagot doon.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Nagsimula na uli ang klase nina Catherine. Excited na excited silang magkakabarkada nang magkita ng first day of class. Magkakasama sila sa block section.
“Hi! Cath, Grace, dito kayo maupo oh!” Pagpasok pa lang nina Grace at Catherine ay tinawag na sila ni Ivy. Katabi na nito si Melanie at nagreserve pa sila ng upuan para sa kanila.
Lumapit naman sila at naupo sa nakareserve na upuan bago nagpasalamat.
“Thank you ha. Naku buti nakapag-reserve kayo, medyo na-late na kasi kami. Bagal kasi magbihis nito ni Grace eh.” Bungad ni Catherine sa kanila.
“E kasi naman, kailangan ko siyempreng magpaganda, first day ngayon no.”
“Aba, mukhang mangha-hunting na agad ng boys si Grace ah.” Tukso naman ni Ivy. Napalingon si Catherine kay Grace at tinignan ang reaction nito. Nakita niya na napayuko ito sabay napangiti.
Mukhang mangha-hunting nga ah. Aba teka. “Oy, Grace, mag-aral muna tayo ha. Kailangang may maipakita tayong magandang grades sa mga magulang natin.”
“Oo naman, mag-aaral naman ako. Gusto ko lang naman na mapansin agad ang ganda ko, hindi naman ako maghahanap agad ng boyfriend.” Sagot ni Grace.
“Bakit Grace? Ano’ng nangyari na sa inyo ni Michael?” Usisa ni Melanie.
Biglang nalungkot ang mukha ni Grace. Huminga muna ito nang malalim bago nagsalita uli.
“Walang kami guys. Hindi naging kami.”
“Ano yun? Ano bang nangyari?” Tanong ni Ivy.
“Eh kasi nga di ba sabi niyo, kailangan malinaw. So nung huling labas namin, parang last month pa yun, nanood kami sine, tapos nag-stay sa park...tinanong ko na siya. Ayun, hindi pa daw talaga siya ready sa isang serious relationship.”
“Naku mabuti na yun, huwag mo na siyang panghinayangan.” Mabilis na sagot naman ni Catherine.
“Ah, so ngayon looking ka na uli? Ganun ba?” Tukso ni Melanie kay Grace.
Natawa si Grace at namula. “Hindi nga. Gusto ko lang na maging maganda. Period.”
Tahimik lang si Catherine at pinagmasdan si Grace. Maganda ka naman talaga Grace. Hindi mo na kailangang magpaganda dahil sa mga mata ko, ikaw na ang pinakamagandang babae. Sinarili lang ni Catherine ang naisip niya. Hanggang ngayon ay wala pa din siyang lakas ng loob na magtapat kay Grace. Hindi niya alam kung papaano, at lalong hindi niya alam kung saan magsisimula. Umasa na lang si Catherine na manalo sa pustahan at tiyak na magpapatulong kay Simon.
Nang matapos ang unang araw ng klase, sabay sabay silang lumabas ng school. Nagulat na lang sila nang mapansin na nasa gate si Simon at nag-aabang sa kanila.
“Oh cuz! Ano’ng ginagawa mo dito?” Gulat na tanong ni Grace.
“Sinusundo ka...kayo ni Cath.” Sagot ni Simon sabay ngumiti kay Catherine.
“Naku, naku, cuz ha, baka hindi talaga ako ang sinusundo mo ha.” Tukso ni Grace kay Simon. Si Catherine naman ay namula agad sa panunukso ni Grace pero nakabawi din naman agad.
“Uy, tol! Ang sweet mo talaga sa ‘min! So libreng pamasahe din ba yan?” Sinundan pa nito ng malakas na tawa ang tanong niya. Mabilis namang sumagot si Simon.
“Oo naman! Maliit na bagay.” Himig nagyayabang pa si Simon.
“Bilib din ako sa pinsan mo Grace eh.” Singit ni Melanie. “Hindi nag-aaral. Hindi nagta-trabaho. Pero mapera.”
“Naku naman kasi, spoiled na spoiled ng tita ko yan. Dakilang tambay na yan sa america kaya pinadala dito. Kaso tumambay pa din.” Nagtawanan na lang silang lahat. Napakamot naman sa ulo si Simon.
“Huwag naman kayong ganiyan. Mag-aaral din ako...baka lang hindi pa ngayon. Madami pa akong kailangang ayusin na dokumento.”
“Ah yun naman pala, eh. Ayos yan ‘tol.” Pagkasabi nito ay tinapik pa ni Catherine sa balikat si Simon.
Lumakad na sila papunta sa sakayan ng bus. Habang naglalakad ay inaalalayan pa ni Simon si Catherine. Napansin naman ni Catherine na palaging naka-alalay sa kaniya si Simon kaya sinita niya ito.
“’Tol, okay lang ako. Etong si Grace ang alalayan mo at baka makidnap sa sobrang ganda.”
Napatingin si Simon kay Grace. At parang noon lang din niya ito napansin.
“Bakit nga ba ganiyan ang ayos mo Grace? Naka-make up ka pa. Tapos yang suot mo bakit maikli?”
“O di ba sabi ko na sa yo tol, si Grace ang alalayan mo at baka bigla na lang yan mawala sa tabi natin.” Nang-aasar si Catherine pero ang totoo ay nag-aalala siya kay Grace. Ayaw niya na masyado itong nakakakuha ng atensyon lalo sa mga kalalakihan. Napansin na din kasi niya na lumilingon ang mga lalaking nakakasalubong nila at napapatitig kay Grace.
Naintindihan naman ni Simon ang ibig sabihin ni Catherine kaya inakbayan agad nito si Grace. Tama nga ang hinala ni Catherine. Mula nang umakbay si Simon kay Grace ay hindi na siya masyadong nilingon ng mga nasasalubong nilang kalalakihan.
“Cuz naman, eh...para ito lang naman. Minsan lang naman ako nagdadamit ng ganito.” Reklamo naman ni Grace dahil pakiramdam niya ay nagkaroon siya ng instant guwardiya kay Simon.
Hindi pa rin inalis ni Simon ang kamay niya kahit nagreklamo na si Grace. “Huwag mong aalisin ang kamay ko. Isusumbong kita kina tita sige ka.” Pananakot pa nito.
“Hay naku...para na ako nitong si Cath. May nakapaligid din na guwardiya sibil.”
Natawa na lang si Catherine sabay napatingin sa relo.
“Nakupo, bilisan na nating makasakay. Makipagsiksikan na tayo...lagot ako nito kina kuya pag late ako nakauwi.” Nataranta na si Catherine sabay pumara sa dumaang bus na tayuan na. Walang nagawa sina Simon at Grace. Sumunod na sila kay Catherine nang sumakay ito.
Pagsampang pagsampa nila sa bus ay agad na may nagpa-upo kay Grace. Napansin kasi ng lalaki na sexy at maganda si Grace.
“Thank you po.” Nagpasalamat si Grace sa nagpaupo sa kaniya. Kinuha niya ang bag ni Catherine at kinandong. Si Catherine naman ay tumayo sa tapat niya. Tumabi sa kaniya si Simon.
Habang umaandar na ang bus ay nakaalalay si Simon kay Catherine at ingat na ingat na baka matumba ito. Ikinulong niya din si Catherine sa mga bisig niya at hinarang ang katawan niya para hindi mapadikit dito ang ibang mga nakatayo.
Naramdaman naman iyon ni Catherine at hinayaan na lang si Simon. Gusto din naman ni Catherine na may nakaharang sa kaniya para hindi siya mapadikit sa iba lalo sa mga kalalakihan na nanlalagkit sa pawis.
Sa sobrang puno ng bus ay halos nakadikit na si Simon kay Catherine. Naramdaman na niya ang mainit na hininga nito sa puno ng tenga niya. Parang nakakaramdam ng kakaiba sa katawan niya si Catherine. Bakit ganito? Parang kinakabog ata ang puso ko? Biglang nagpreno ang bus at napayakap si Simon sa kaniya. Gulat na gulat naman si Catherine at napakapit din sa mga braso ni Simon na nakayakap sa harapan niya.
Ilang segundo din silang nasa ganoong ayos. Pakiramdam ni Catherine ay namumula na siya.
“Sorry. Di ko sinasadya.” Humingi ng pasensiya si Simon at lumayo nang bahagya.
“Okay lang...salamat ha.” Sagot naman ni Catherine na hindi na mapigil ang pamumula ng mukha. Lalo nang maramdaman niya na dikit na dikit ang katawan nila ni Simon. Ramdam na ramdam niya ang mainit na ding katawan nito.
Si Simon naman ay pilit na pinipigilan ang sarili. Hindi niya malaman kung papaanong kokontrolin ang paninikip ng pantalon niya sa ibaba. Namula na din siya at napapahiya dahil alam niya na nararamdaman na din ni Catherine iyon, wala na lang siyang magawa dahil sa sobrang siksikan sa bus.