Bilang napaisip si Pedro sa tanong ng kaniyang boss. Napakamot na lang ng ulo dahil hindi niya alam kung pinagti-trip-an lang ba siya nito o ano. Muntik niya na rin makalimutan ang petsa, mabuti na lang at may ginawa siyang note sa kaniyang calendar at nagawa niyang makita.
"N-November 15 po, Sir," sagot ni Pedro habang nakatingin sa kaniyang cellphone. Nang ibinalik niya ang tingin sa kaniyang boss, bakas sa mukha ni Florentin na wala siyang kaide-ideya sa espesyal na araw na 'yon.
Naalala niyang taon-taon ay naghahanda ang kaniyang ama para sa kaniyang kaarawan, ngunit madalas ay wala ito para mag-celebrate kasama ang Don at nang huli nga ay nasa America siya upang makipagkita sa isang kliyente.
"Ang lapit na pala," bulong ni Florentin.
"Sir?" tanong ng kaniyang assistant dahil hindi nito narinig ang kaniyang sinabi.
"Nothing. You can go now," aniya na lamang.
Napasandal siya sa kaniyang upuan nang makalabas si Pedro. Nakulong sa malalim na pag-iisip at napagtanto, "kaya naman pala ganoon na lang kaatat ang tatay ko na mag-asawa na ako. Pero life starts at 40 naman sabi ng iba, so ano bang problema kung hanggang ngayon single pa ako't malaya?" untag nito.
Hindi niya maiwasang mapailing dahil ganoon na lamang kung pangunahan siya ng kaniyang ama sa dapat gawin.
Tumagal din ng ilang minuto ang kaniyang pananahimik bago nagpasyang magtrabaho. Iniisip kung paano ang magandang paraan upang makumbinsi niya ang Don na itigil ang kaniyang pakikipagnegosasyon sa binayaran na matchmaker.
Nang lunchbreak, naisipan niyang umuwi sa kanila upang samahan ang kaniyang ama sa pananghalian. Ngunit nang dumating siya sa kanilang bahay ay patapos na itong kumakain at hindi rin siya nito pinansin.
"May nangyari ba?" tanong niya sa mga kasambahay ngunit wala sa kanila ang may alam kung bakit tila matamlay ang kaniyang ama.
Wala siyang nagawa kundi kumain nang mag-isa. Malungkot ang mukha dahil naninibago sa kaniyang amang hindi siya dinadakdakan gaya nang madalas nitong gawin sa araw-araw.
Nang natapos kumain, umakyat si Florentin sa ikalawang palapag ng kaniyang bahay upang kausapin ang Don, ngunit sarado ang pinto ng kwarto ng kaniyang ama at tahimik sa loob dahilan para isipin ng binata na wala ito roon.
Hilig kasi ng Don na magpatugtog ng old songs kapag nasa loob siya ng kaniyang silid lalo na sa ganoong oras habang nagpapahinga. Dumiretso na si Florentin sa kaniyang silid upang makapagsipilyo muna't magpalit ng damit bago bumalik sa kaniyang opisina. Dumaan siya sa kanklang hardin kung saan nakatanim ang samu't saring mga orchids na inaalagaan ng kaniyang ama ngunit wala ito roon.
Sa loob ng silid ng Don, nakaupo lang at tahimik si Don Florencio. Napabuga ng hangin dahil sa bigat na nararamdaman nito sa dibdib nang mga oras na 'yon. Mabigat sa kalooban niya na iwasan ang anak, ngunit nais niyang may matutunan ito sa kaniyang ginagawa.
Napaangat ang tingin ng Don sa portrait ng kaniyang maybahay na nakasabit sa dingding. Agad naluha ang mga mata dahil sa labis na kalungkutan at pangungulila sa kaniyang mabait na asawa.
"Kung nandito ka lang, siguro mas makakaroon ng respeto ang batang iyon sa mga kababaihan," sambit niya.
Sinadya niyang hindi magsalang ng plaka sa kaniyang vintage player upang isipin ng anak na wala siya sa silid. Nagtagumpay naman siya sa naisip na gawin at handa siyang ulit-ulitin na iwasan ang anak upang matauhan na rin.
Nang marinig niya na umalis na ang sasakyan ng anak, saka lamang siya lumabas at sa hardin naman nangtungo upang magpahangin. Sa loob ng halos isang linggo, ganoon ang kanilang routine at kahit lasing si Florentin at may inuuwing babae ay hinahayaan niya na lang.
Pansin iyon ng kaniyang anak. Hanggang sa isang araw, tinawagan na ni Florentin ang numero ng matchmaker upang humingi ng update rito.
"I haven't found anyone yet. I was also busy in the past few days kaya hindi kita gagawang i-update."
Aminado naman siyang hindi na niya inaasahan ang tawag nito ngunit hindi siya makatiis sa ginagawang pag-iwas sa kaniya ng Don na para lamang siyang hangin na dumadaan.
Nagpatuloy pa iyon at naging dahilan upang kulitin ni Florentin araw-araw ang matchmaker. Dumating na sa punto na hindi na sinasagot ni Felicity ang mga tawag niya at nang mainis si Florentin, sa mismong opisina na siya nangtungo.
"S-Sir?" bahagyang nagulat ang sekretarya ng matchmaker nang makilala siya nito.
"I want to see your boss," diretsahan nitong sagot sa sekretarya.
"May client pa ho sa loob. I will inform Miss Felicity that you are here. Have a seat muna po," anang babae na tila natataranta nang makita siya.
Sandali itong nawala. "After ng client daw, Sir, you can come in," anunsyo ng sekretary nang siya'y makabalik. Doon lang din naupo si Florentin sa sofa na naroon at habang naghihintay ay kitang-kita sa kaniyang mukha ang labis na pagkainip.
Panay ang kaniyang sipat sa suot na mamahaling relo. Ilang ulit na kinuha at ibinalik sa bulsa ang cellphone upang tingnan kung may mensahe bang dumating. Palinga-linga sa paligid at tatanaw sa malayo sa malaking bintana sa kaniyang gawing kaliwa. Palipat-lipat din ng binting idede-Quatro kapag nararamdaman na niya ang pangangalay.
Makalipas ang halos labing-anim na minuto, lumabas na rin sa wakas ang kliyente. Isang babae na pamilyar kay Florentin ngunit hindi niya maalala kung saan o kailan niya nakita ito.
May kasama itong babae na nasa edad singkwenta sa kaniyang tantiya. Habang ang babae na pamilyar ang mukha ay nasa bandang edad dalampu hanggang trenta.
Kunot-noong sinundan niya ang mga ito ng tingin. Abala sila na nag-uusap habang naglalakad palabas. Nagbubulungan habang may hawak na folder na isa-isang sinisiyasat ng babaeng mas bata sa dalawa ang mga pahina.
Sinikap niyang isipin kung kilala niya ba ang babae, ngunit tinawag na siya ng sekretarya upang pumasok sa opisina ng matchmaker kaya hindi na niya nagawa.
"I told you on the phone na tatawag na lang ako o ang sekretarya ko kung may update na sa paghahanap namin ng ideal woman mo," anito sa kaniya pagpasok na pagpasok pa lamang nito sa pinto.
"Yes, you did, but it had been weeks since then," sagot ni Florentin na bakas sa tono ng boses ang pagkairita.
"Hindi naman ganoon kadali ang trabaho ko, Mr. Generoso at paanong mapapadali kung ayaw mo naman ang mga kliyente na gaya mo ring nag-aabang ng potential match nila? It would be easier kung nag-agree ka na day 1 pa lamang. Nai-set ko na sana ang meet-up at baka nakapag-decide ka na rin after mo silang makaharap isa-isa."
"I've seen them, I've read their qualities and family background. Hindi lang ako basta-basta umayaw dahil lang trip ko. Marunong din akong bumasa ng mga tao and it was clear to me nang araw pa lamang na iyon na wala sa mga folder ang hinahanap ko," sagot ni Florentin dahilan para tumaas lalo ang kilay ng baklang matchmaker.
"Then wait for my call," anito sa kaniya sabay sandal sa kaniyang swivel chair at ipinatong ang parehong siko sa magkabilang arm rest para ipakita sa binata na tapos na kanilang usapan at p'wede na siyang umalis.
Florentin found that gesture offending pero hindi siya nagpaapekto rito.
"Find me another one to date as soon as possible na wala sa mga folders na iyon and I will pay you threefold after that."
Napasinghap si Felicity sa sinabi ni Florentin. Hindi siya makapaniwala na uutusan na lamang siya nito nang ganoon na animo'y nasa isang fastfood lang at dumaan para mag-drive thru.
"I will wait for your call," pahabol pa ng binata bago nagmartsa paalis.
Kung p'wede lang magmura ay ginagawa na niya ngunit ayaw nitong masira ang kaniyang imahe kahit na kanino kahit iritang-irita na siya. Tinagurian pa naman din siyang mahusay pagdating sa pinili niyang career at hindi kahit na sino ang p'wedeng sumira niyon, hindi si Florentin.
Nang wala na ito sa kaniyang paningin, napahilamos siya sa kaniyang mukha. Pumasok ang kaniyang sekretarya maya-maya upang sabihin na may naghahanap sa kaniya sa labas.
"Who? Kliyente ba? Kung oo let me take a little break muna at parang sasabog ang ulo ko."
"Hindi po kliyente. Best friend mo raw po siya." Biglang nagliwanag ang mukha ni Felicity. Isa lamang ang kaniyang best friend at kauuwi lamang ng Pilipinas.
He couldn't wait to to see her kaya naman agaran niyang inutos na ito'y papasukin.