Florentin's Point of View
Nag-walkout na yata ang matchmaker na 'yon. Nakakainis naman kasi ang tanong. Pero sa totoo lang, ang hirap din sagutin. Hindi sa hindi ko alam ang mga tipo kong babae, sadyang ang hirap lang isa-isahin dahil sa dami.
Hindi basta-basta ang mga hanap ko. S'yempre naman! Sa ganda kong lalaki dapat kapantay rin ng kagwapuhan ko ang ipapares sa akin.
Ewan sa tatay ko, hindi kasi makapaghintay. Mas masaya naman itong ganito na nagagawa ko ang mga gusto ko na walang pumipigil sa akin. Saka isa pa, kasal? Wala sa isipin ko ang ikasal dahil kapag nangyari iyon, magiging tali na ako sa lahat ng bagay at pati sa mga desisyon ko ay mayroong makikialam.
Isip pa nga lang nakakabwisit na. Paano pa kaya kung nand'yan na?
Habang abala ako sa pagmomonologo, istorbong tumunog ang cellphone na nasa loob ng bulsa ng aking pantalon. Agad kong inisip na si Pedro ang tumatawag pero mali pala ako—ang Tatay ko.
Agad kong sinagot. "I'm still here kung 'yan ang itatanong mo, Pa." Inunahan ko na. Akala siguro tumakas na ako at bumalik na sa opisina.
"Kumusta naman d'yan?"
"Okay lang naman ako rito, Pa. Pero ewan ko lang ang kliyente kunong sinasabi mo kung okay pa ba," sarkastikong sagot ko.
Alam ko naman na ang pakay niya kaya siya tumawag. Mangungusmusta lang kung buhay pa ako rito o kung napasakit ko na ang ulo ng matchmaker.
"Wala bang magandang update? Kanina pa ako naghihintay rito," anito na halatang nabubugnot na nga base sa tono ng boses.
"Wala pa nga ho akong napili sa mga kandidata na ipinakita niya. 'Wag kang sobrang excited, Pa at baka madismaya ka lang at maging kasalanan ko na naman kapag pangit ang napili kong mapangasawa."
"Wala akong pakialam sa itsura, Florentin. Ang mahalaga ay iyong maaalagaan ka at mahaba ang pasensiya!" Tumaas na ang boses nito. Malapit na naman mag-super Saiyan.
"O, kalma lang, Pa. Baka isipin na naman nga mga tao sa paligid mo e inaaway kita. Ako pa naman ang pinakamabait mong anak," biro ko.
"Loko ka ba? Ilan ba ang anak ko? Ikaw lang naman at talaga namang sakit ka sa ulo!" bulyaw nito.
Mas lumakas pa ang boses at halos mabasag ang speaker ng cellphone ko dahil nag-feedback ito. Napangisi na lang ako dahil asar-talo kong tatay.
"Kapag ako nawala rito sa mundo, kawawa ka, Florentin. Magiging mag-isa ka na lang. Walang anak, wala ring asawa na mag-aalaga sa'yo. 'Yan ang isipin mo." Nagsimula na rin siyang magdrama.
"Kaya ko naman alagaan ang sarili ko, Pa. May mga doktor naman at sexy na nurse sa mga ospital na hindi ako pababayaan kapag nagkasakit ako."
"Ewan ko na lang, Florentin! Kailan mo kaya makikita na mas masaya ang buhay na may kasama, may karamay sa lungkot at saya? Sa edad kong ito, hinahanap-hanap ko pa rin ang Mama mo. Ang pag-aalaga niya, paglalambing at kahit ang mga sandaling wala lang siyang ginawa kundi sermonan ako at talakan araw-araw. Walang kahit anong pera o materyal na bagay ang papantay sa mga sandaling kasama ko siya at 'yan ang gusto kong maranasan mo."
Natahimik na lang ako habang pinakikinggan ang kaniyang sinabi. Maging ako rin naman ay hinahanap-hanap ang pag-aalaga ng namayapa kong ina. Kay tagal na rin naman. Sampung taong gulang lang ako noon nawala siya. Nakalimutan ko na nga rin kung ano ang pakiramdam ng inaalagaan ng isang babae.
"Isa lang ang pakiusap ko, Florentin. Humanap ka ng tamang babae. Hindi iyong pang-isang gabi lang na kaligayahan ang kayang ibigay. Tutulungan ka ni Felicity na makatagpo ng desenteng gaya ng ina mo at isang taong aalagaan ka at irerespeto kahit na sira na 'yang ulo mong bata ka. Gawin mo sa lalong madaling panahon bago pa kita tuluyang itakwil bilang anak ko. Maliwanag ba?" pagpapatuloy nito.
Matapos masabi ang mga 'yon, wala na siyang paalam-paalam, pinatayan na ako agad at hindi na hinintay ang komento ko.
Ayos na sana e. Dinagdagan pa ng panlalait. Pero habang sinasabi ng ama ko mga 'yon, hindi ko maiwasang hindi maisip ang Mama ko. Ang maamo niyang mga mata na parang laging nakangiti at masaya, ang malambing niyang boses, mainit na yakap, masasarap na pagkaing inihahain at maging ang mga halik at yakap na unlimited kahit na minsan ako na ang umiiwas dahil nahihiya ako sa ginagawa niya kapag maraming mga tao.
Ganoon ang ina ko. Hindi nahihiya na ipakita ang pagmamahal niya sa amin ni Papa. Kaya sino ba naman ang hindi ma-mi-miss ang mga 'yon at tama si Papa.
Napaisip tuloy ako dahil sa mga sinabi nito. Nang makabalik ang matchmaker, humingi agad ako ng pasensiya sa kaniya. Wala naman sigurong masama kung pagbibigyan ko ang ama ko sa gusto niya. Madali lang naman makipag-date kung tutuusin. Sisiw na sisiw pero ang maghanap ng tulad ng ina ko, napakaimposible naman yata.
"Mukhang si Don Florencio ang tumawag, a," matinis na usal ng matchmaker pag-upo niyang muli sa kaniyang pink na swivel chair.
"Siya nga," sagot ko at napatikhim. Mistulang nakikinig sa usapan kanina kaya nito alam.
"I hope this time you will take this seriously," anito sabay irap sa akin. Muli niyang kinuha ng notepad sa lamesa at pinulot ang kaniyang binagsak na ballpen. "So, ano ang mga gusto mo sa babae?" tanong nitong muli at sa pagkakataong iyon ay inisa-isa kong sinabi ang mga katangian ng aking pumanaw na ina bilang modelo.
Walang kasiguruhan kung makahahanap siya ng gaya ng ina ko at iyon ay tiyak na magiging hamon sa matchmaker.
"This is better. Tiyak akong makakahanap ako ng gaya ng nais mo," anito nang punong-puno ng kompiyansa.
Napangisi naman ako sabay niyon. Duda kasi akong makakahanap siya dahil sa tagal at dami ko nang nakakasalamuha ng mga babae ay wala ni isa sa kanila ang katangian ng mahal kong ina. Kahit pa nga ang masayahin nitong mga mata na punong-puno ng buhay ay wala rin akong mahanap na kapareha.
Siguro'y tunay na bukod-tangi siya kaya naman hindi na muli pang nagmahal ang ama ko nang pumanaw ito pero wala namang problema sa akin kung sakaling muli niyang bubuksan ang kaniyang puso.
Nang matapos ang aming pag-uusap, iniwan ko na ito. Babalitan na lamang niya raw ako kapag naisa-isa na niya ang mga kliyente niya.
Bumalik ako sa opisina at hindi makatingin si Pedro sa akin nang madaanan ko ang desk niya.
"Tsk! Alam mong may kasalanan ka ano?" sambit ko nang sundan niya ako sa loob ng opisina habang yakap-yakap ang mga folder na dala niya.
"I'm sorry, Sir!" Hingi niya ng paumanhin. Nagulat ako nang bigla siyang lumuhod sa sahid habang nakayuko ang ulo.
Mabilis akong naalarma sa ginawa nito kaya agad siya siyang pinatayo. "Sira ka ba? Bakit ka luluhod?"
"Psensya na po talaga! Napag-utusan lang ako ni Don Florencio. Ayaw ko hong masisante. Kailangang-kailangan ko 'tong trabahong 'to, Sir!" Nanginginig ang boses ni Pedro at nagmamakaawa. Wala naman akong balak na tanggalin siya sa trabaho dahil mahirap nang makahanap ng gaya niya.
"Hay naku, Pedro, akin na nga mga folder na 'yan at nalulukot na," utos ko sa kaniya. Yakap-yakap kasi nito ang mga 'yon at tila nawala na sa isip kung ano ang kaniyang dala-dala.
Mabilis itong tumalima at inilapag ang mga folder sa desk ko. Kinuha ko na't inisa-isa habang si Pedro ay nanatili lang na nakatayo sa harapan.
Nag-angat ako ng ulo at nakita kung gaano siya pagpawisan. Halatang kinakabahan kahit malamig naman sa loob ng opisina ko.
"Go back to desk. I will call you if I need anything." Agad naman itong kumilos at nagmamadali pang isinara ang pinto.
Napailing na lamang ako sa kaniyang ikinilos. Hindi naman ako ganoon kasamang tao para magsisante na lang. Napag-utusan lang naman siya at kahit nakakairita kung saan nila ako dinala kanina, walang sapat na dahilan para sa kaniya ko ibuhos ang inis ko.
Itinuon ko na lang ang oras sa pagtatrabaho. Dahil sa tambak ang mga folder sa desk ko, naisipan kong mag-overtime. Pati tuloy si Pedro nadamay.
Alas otso nang magpakuha ako ng kape. "You can go now," utos ko sa kaniya nang mailapag sa lamesa ang tasa na nakapatong sa platito.
Nang wala na ito, saka ko kinuha ang tasa. Parang nagising nang husto ang diwa ko nang masamyo ang matapang na timpla ng kape. Iyon din naman ang gusto. Black, walang asukal.
I took a sip at nainitan na ang lalamunan. Napasandal ako sa inuupuan kong swivel chair at muling humigop.
"I think I need something else tonight. Not a coffee," usal ko nang mapagtanto iyon. Alam ko kung saan pupunta sa ganoong panahon at walang iba kundi sa club upang uminom.
Gaya nang madalas. Marami na namang babae ang lingkis nang lingkis sa akin. Nakaupo man ako o nasa gitna ng mga nagsasayawan. I wanted to enjoy the night at nang malasing na, naisip kong umuwi nang may kasamang take out.