"Binata, anong hanap mo?" tanong ng isang matandang babae sa akin na balot na balot ang katawan dahil marahil giniginaw sa lamig sa lugar nila. Suot nito ay makapal na itim na pantalon at pantaas na pinagpatong-patong na damit. Siguro'y tatlo ang nasa loob at ang labas ay may makapal na jacket na ginanchilyo. Ako rin naman kaya ako narito at naghahanap ng komportableng maisusuot dahil ginaw na ginaw na 'ko at mukhang mas lumalamig pa nang husto habang lumalalim ang gabi. "Saan po ang mga panlalaki ninyong mga damit?" may galang kong tanong sa matanda na medyo nakukuba na sa katandaan at sa payat ng kaniyang pangangatawan. "Halika, narito." Pinapasok niya ako sa loob ng kaniyang tindahan at dinala sa hanay kung nasaan ang mga panlalaking kasuotan. Medyo mainit sa loob ng tindahan niya