“Bakit hindi ka makasagot binata? Sino ka nga ba talaga at bakit ang iyong mga mata ay magkaiba ang taglay na kulay?” ulit ng matanda. Nakalingon na kami pareho ni Adrian sa kaniya nang mga sandaling sabihin niya iyon. Pinukulan niya ako ng matalim na titig at kita ko sa asul niyang mga mata ang pagdududa sa tunay na pagkatao ko. Naghatid iyon ng takot sa buong sistema ko. Napalunok na lamang ako at para bang pati ang dila ko ay nasama sa paglunok kong iyon. Hindi ko alam kung paano sasagutin ang pag-uusisa niya gayong alam kong imposible para sa kanila ang sagot na ibibigay ko sakali mang sabihin ko ang katotohana. Sino ba ang maniniwala na galing ako sa ibang mundo? Kung ito ngang Harmonia ay ibang mundo mula sa pinanggalingan ko. Sino rin ang maniniwala na ako ay namatay at nagising n