Nagdaan ang ilang araw at hindi na bumalik ang batang Rio. Nanatili na ito sa anyong binata at kasalukuyang inaaral kung paano magagamit ang mga tumubong pakpak niya.
Nakarating na sa mga magulang ni Lala ang lahat ng nangyari. Gusto man nilang puntahan ang apo upang alamin personal ang kalagayan nito ay hindi nila magawa dahil walang maiiwan sa mga anak nila na kasalukuyang nag-aaral sa kabilang mundo.
Naintindihan naman nina Lala ang sitwasyon at sinabihan na lamang silang huwag mag-alala dahil kasa-kasama naman nila lagi si Eros. Babalitaan na lamang nilang muli sila kung sakaling mayroon na namang mangyayaring di inaasahan sa kanilang anak.
Sa ngayon, pinag-aaralan ni Eros ang biglang pagtanda ni Rio. Nagsiyasat na niya halos lahat ng librong maaring makuhanan ng impormasyon, ngunit walang anumang nakatala sa kasaysayan ng kanilang mundo ang gaya ng kay Rio. Ganoonpaman, lihim pa rin siyang nagsasaliksik upang maipaliwanag kung ano ang dahilan kung bakit biglang naging binata ito matapos tumubo ang kaniyang pakpak na ginto.
Isa sa mga konklusyon niya ay may kinalaman kay Rue. Noong panahong binuhay niyang muli si Raven na siya ring iniisip na eksplinasyon ni Lala sa mga pagbabagong nagaganap sa anak, ngunit ang mga konklusyon lamang ang meron sila at tambak pa rin ng mga katanungan ang kanilang mga isipan na dapat lamang masagot upang maipaliwanag na rin ang lahat ng nagaganap.
Ramdam nilang buhay pa si Rue sa loob ng katawan ni Raven mula pa noon. Hindi pa nawawala ang presensiya nito at kung buhay man itong talaga at makakausap lamang nila ay tiyak na masasagot ang lahat ng mga katanungan at hindi sila nanghuhula.
Kung puwede nga lang sana, at kung maari naman ay hindi nila alam kung paano kaya mas minabuti na lamang ni Eros na maghanap ng sagot sa pamamagitan ng sariling pag-aaral mula sa simula ng lahat.
Saan nga ba? Kundi sa puno, sa mga magulang nga bata.
Kinuhanan niya ng dugo ang tatlo upang kaniyang masaliksik. Pinagamit nila Lala kay Eros ang isa sa mga bakanteng silid upang hindi na nila siya kailangan pang puntahan sa bahay niya kung sakaling kailanganin. Wala namang kaso kay Eros 'yon. Mas gusto nga niya nang sa ganoon ay mabantayan niya rin nang husto ang kalagayan ng kaniyang apo.
***
Lala's Point of View
Hindi pa rin ako makapaniwala na anak ko ang binatilyong nasa harapan ko ngayon. Ilang araw na ang nakalipas at inaasahan kong pagbalik ang anak kong napakadali lang yakapin at buhatin noon. Ngayon, halos magkasingtangkad na sila ni Raven, magkamukha at maging ang tindig ay parehong-pareho sa ama niya.
Mapagkakamalan ko nga siyang si Raven sa malayo kung wala lamang ang pakpak nito. Mga damit ni Raven ang sinusuot niya ngayon, pati na rin ang panloob. Wala naman kay Raven kung maghiraman sila ng damit, anak naman niya ang gagamit. Ang nakabibigla lang ay ang biglang dami ng labahin at kailangan pa naming lagyan mahabang butas sa likod ng lahat ng damit na susuotin ni Rio para sa mga pakpak niya upang hindi maipit.
Sunuri na siya ni Tatay Eros at wala namang nakitang problema. Matibay naman ang mga buto nito at parang dumaan sa normal na paglaki. Hindi lang namin maintindihan kung paano at anong dahilan ng kaniyang biglaang pagbibinata o kung tatanda pa siya.
Lumaki man si Rio, para kay Raven walang nagbago sa anak niya. Pinapanood ko ang mag-ama mula di kalayuan na nag-aasaran. Mula sa kinatatayuan ko ay nadidinig kong pinatatalunan ng dalawa kung sino ang mas gwapo sa kanilang dalawa.
Kung ako naman ang tatanungin, pareho sila. Gwapo ang ama at maganda ang ina syempre gwapo't maganda rin ang magiging mga anak. Hindi ba?
Kung hindi lang siguro nagkaroon ng ganitong mga pangyayari ay baka naisipan na naming sundan si Rio. Pareho kaming natakot na baka magkaroon din ng parehong kondisyon ang susunod naming maging anak. Kapag nagkataon, pati siya mahihirapan lang din.
Nasa ganito kalalim ang iniisip ko nang bigla akong tawagin ni Rio. Naglalakad na sila palapit at nakaakbay pa siya sa balikat ni Raven. Ngayong ganyan sila kalapit sa isa't-isa ay doon ko napansin na mas matangkad pa si Rio sa kaniyang ama at iyon ang itinatawa ni Rio ngayon.
"Mama! Tignan mo, mas matangkad pa ako kay Papa! " aniya at sinundan ng pagtawa nito.
"Oo nga ano!" pagsang-ayon ko naman matapos tingnan.
"Di bale na mas matangkad ka, mas gwapo naman ako. Lamang pa rin ako sa iyo," kantyaw ni Raven sa anak. Nahinto naman sito sa pagtawa at biglang sumimangot.
"Ma!" tawag ni Rio ulit sa akin at ako naman ang inakbayan.
"Alam ko mas malinaw ang mata mo. Ikaw na maghusga, sino mas gwapo samin ni Papa?" Pasimple nitong tanong sa akin matapos talikuran ang Papa niya.
Naghanap ng kakampi.
"Bakit pati ako dinadamay ninyo?" Pag-iwas sa tanong at pinigilan ang pagtawa.
"E kasi si Papa sabi niya mas gwapo siya, kahit mas gwapo ako sa kaniya. Malabo na yata mata niya,” sumbong nito kaya tuluyan ng kumawala ang malakas na pagtawa na kanina lang ay pinipigilan ko.
Lumapit si Raven na bitbit na si Milky. Nakalapit na pala sila nang hindi namin namamalayan mag-ina. Ang kulit kasi ni Rio, may pasumbong-sumbong pang nalalaman. Kung nakikita lang niya sana kung gaano sila magkamukha ng ama niya, para silang pinagbiyak na bunga.
"Anong pinag-uusapan niyo? Bakit ka tumatawa," pag-uusyuso nito.
"Wala po," agad na sagot ni Rio at hinila ako palayo kay Raven.
Buong akala ko pati pag-iisip ni Rio ay tumanda na rin, hindi pa pala. Nandito pa rin ang musmos kong anak, nagbinata lang ang katawan.
"Saan kayo pupunta?" habol ni Raven sa amin matapos namin siyang talikuran.
"Gagawa lang po kami ng meryenda!" pasigaw na sagot ni Rio at bilisan ang paghakbang habang hinihila pa rin ako.
Nang makarating kami sa kusina ay binitiwan na niya ako. Hindi naman na sumunod si Raven sa amin hanggang sa kusina. Nagtaka ako nang magtungo siya sa harapang pinto matapos ilapag si Milky.
Nakadama rin ako ng di pamilyar na kapangyarihan kaya naman sinilip ko sa bintana ang pinuntahan ni Raven sa labas dahil doon din galing ang presensiya nila’t enerhiya. Nakita kong may kinakausap itong dalawang lalaki.
"Sino po ang ‘yon?" tanong ni Rio na gaya ko ay napasilip din sa may bintana.
Hindi ko makilala kong sino ang dumating dahil naharang sila ng malapad na likod ni Raven. Mukhang pinipilit nilang makadaan at makapasok sa aming bakuran kaya lang ay nakaharang si Raven sa daraanan nila.
Bahagyang tumabi si Raven at doon ko nakita kung sino ang isa sa kanila. Tila sinadya niya upang makita ko ang mukha. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala.
Bigla kong naalala si Rio at agad itong binalingan ng tingin.
"B-Bakit po?" nagtatakang tanong niya sa'kin matapos ko siyang biglang hatakin.
"May mga bisita anak magtago ka muna,"
Dinala ko siya kung nasaan si Tatay Eros at sinabihan itong dumating ang hari. Nataranta naman siya sa narinig at agad niyang pinapasok si Rio sa loob ng silid.
"Dito po muna siya at haharapin ko po muna ang mga dumating," wika ko at iniwan na sila nang wala ng iba bang ibinilin.
Dumiretso ako sa labas at pinuntahan si Raven.
"K-Kamahalan! Bigla po yata kayong napadalaw!" sigaw ko upang agad maagaw ang atensyon nila na mukhang nagkakainitan na.
Muntik pa akong madulas sa kamamadali.
Pasimple kong sinenyasan si Raven at pinadaan na niya ang dalawang dumating. Pinauna ko na silang pumasok at binulong ko kay Raven na kasama ni Rio si Tatay Eros sa loob ng silid ngayon. Doon na nabawasan ang pagkabalisa niya at pinisil ko na lamang ang kamay niya upang tuluyan na itong kumalma.
Nang makapasok kaming apat ay inaya ko ang dalawa na maupo muna at gagawa ako ng meryenda. Naiwan na si Raven doon kahit ayaw niya sa mga biglaang panauhin, ngunit dahil wala siyang pagpipilian ay napilitan na itong maupo kasama ang dalawa.
Parang wala silang pinagsamahan tatlo.
Dinig ko hanggang sa kusinaa ang pinag-uusapan nila. Tipid ang mga sagot ni Raven pero daldal pa rin nang daldal ang dalawa kahit parang silang dalawa na lang ang nag-uusap.
Patapos na ako sa pagtitimpla ng lemonada at nilagay na sa tray para dalhin sa kanila nang mag-usisa ang kasalukuyang hari.
" Nasaan pala si Rio? Gusto ko pa naman siya makita. Siguradong kamukha siya ni Lala,"
Nagmadali akong makabalik sa sala upang sagutin ang tanong nito.
"Kasama niya si Tatay Eros ngayon. Namamasyal sila," pagsisinungaling ko.
"Ganoon ba? Sayang naman gustong-gusto ko pa naman din sana siyang makilala," dismayadong saad ng hari.
"Oo nga. Madalas kasi silang dalawa ang magkasama kaya wala siya rito madalas," pagdadahilan ko na lang.
"Saan ba sila pumunta ngayon? Mahaba-haba pa naman ang oras ko para maglibot-libot pwede namin silang puntahan.” Pareho kami ni Raven nagulat sa sinabi niya. Mukhang pursigido siyang makita ang anak namin.
"N-Naku hindi ko alam. Hindi kasi sinasabi ni Tatay Eros kung saan sila nagagawi kapag namamasyal sila. Baka kapag nagsabi ako ng lugar hindi niyo rin sila maabutan doon sayang lang ang oras ninyo,"
Ramdam kong naiirita na ng sobra si Raven sa dalawa kaya naman pasimple ko na lang siyang pinaalalahanan na may naiwan pa siyang gawain sa hardin para makaalis siya. Agad naman niyang nakuha kung ano ang gusto kong ipahiwatig. Nagpaalam na ito sa'min at nagtungo na sa hardin.
Mabuti na rin iyon kaysa magkainitan sila.
Panay ang tanong nila sa'kin na parang interview na ang naganap. Mas marami ang tanong nila tungkol kay Rio na nakakapagtaka na nang sobra. Nahuhuli ko rin ang mga galaw ng mga mata nila na parang may hinahanap. Maya-maya ay may ibinulong sa kaniya ang kasama niya at nagpaalam na sila. Nagsabi rin ito na babalik na lamang sa ibang araw at magdadala ng mga laruan para kay Rio.
Nakahinga ako nang maluwag nang magpaalam sila. Hinatid ko silang dalawa sa labas at tinanaw hanggang makalayo. Nang wala na sila sa paningin ko ay may kakaiba naman akong naramdaman kaya napatakbo ako pabalik sa loob ng bahay. Lumabas si Tatay Eros mula sa silid kasama si Rio at gaya ko, nagmadali ring pumasok ng bahay ang asawa ko.
"Bumalik ang kaluluwa,” anunsyo ni Tatay Eros at hinila niya si Rio palapit sa kaniya, sa pagitan namin upang masigurong mapoprotektahan namin siya mula sa nilalang.