Raven's Point of View
Malakas na hangin ang nagpayuko sa mga halaman sa hardin kasabay ng biglaang pagkulimlim. Agad kong binatiwan ang aserol na hawak at napatakbo sa loob ng bahay matapos makaramdam ng panganib na papalapit sa amin.
"Bumalik na naman sila!" bulalas ko habang mabilis na tumatakbo palapit sa bahay. Nandito na naman ang mga kaluluwa at mukhang dumami sila.
"Lala!" malakas kong tawag sa asawa ko habang pagpasok ko sa pinto ng likod-bahay.
"Nandito kami!" pasigaw na sagot naman niya at agad kong tinungo ang lugar kung saan nanggaling ang tinig niya.
Kasama na niya sina Rio at Tiyo. Base sa ekspresyon sa mukha nila ay alam na nila kung anong mayroon sa labas.
"Mabuti't pumasok ka kaagad," may pag-aalalang wika ni Tiyo sa akin.
"Naramdaman ko po sila agad ngayon kaysa noong una silang naparito,"
Tumango lamang siya at tahimik na nakikiramdam sa paligid.
"Bakit po sila biglang bumalik?" tanong ni Lala habang nakaharap kay Tiyo.
"Hindi ko alam. Kalmado naman ang kapangyarihan taglay ni Rio ngayon. Ako rin ay nagtataka." sagot ni tiyo na base sa ekspresyon sa mukha'y blanko ang isip niya.
Ano kaya ang dahilan ang pagparito nila? Imposible namang wala dahil pabalik-balik silang talaga.
Lumapit ako sa may bintana at hinawi ang kurtina. Ang napakaitim na langit kanina ay naglaho na lamang bigla. Pinakiramdaman ko ang paligid at hindi ko na naramdaman ang mga presensiya.
"Mukhang wala na sila," usal ko habang nakasilip pa rin sa labas.
Lumapit si Lala sa akin at sinilip rin ang labas ng bahay gaya ko.
"Nagparamdam lang yata sila ngayon," nadinig kong wika niya. Seryoso ang mukha, ngunit dama kong kinakabahan siya.
"Baka may nag-utos sa kanila ngayon na pumunta rito pero dahil wala silang nasagap na malakas na kapangyarihan ay agad din silang umalis," hinuha ni Tiyo.
Sabay kaming napalingon ni Lala sa kaniya.
"Sino naman po ang mag-uutos sa mga iyon?" kunot-noo kong tanong. Walang kahit na katiting na ideya kung sino.
"Ang bisita ninyo kanina," mabilis nitong sagot.
"P-Papaano?/Imposible-" nagkasabay naming naibulalas ni Lala.
"Iyong kasama ng hari ang nag-utos." Ang mga katagang ito ay galing mismo kay Rio na labis naming ikinagulat tatlo.
"P-Paano mo nasasabi 'yan anak? Hindi magandang magbintang," pagsuway ni Lala sa aming anak na mukhang seryoso sa sinasabi niya.
"Nakita ko po mismo, Mama." Wala kaming anumang salitang nasabi at hinayaan siyang magsalita pa dahil mistulang may eksplanasyon siya roon.
"Kanina noong kausap ni Papa ang dalawang bisita sa labas, sumilip si Mama sa bintana at ganoon din ang ginawa ko. Iyong isang lalaki na itim ang buhok ay naging dalawa ng makapasok na po dito sa bahay. Humiwalay ang anino niya sa kan'ya at nagpaikot-ikot dito sa loob ng bahay. Hindi ko alam noong una kung sino ang jari sa kanilang dalawa pero noong nag-uusap na sila ni Papa ay doon ko lang nalaman. Mukhang walang alam ang hari tungkol sa taong kasa-kasama niya po. Kung nagtataka po kayo kung paano ko nalaman ang mga ito, narinig o nakita ang mga iyon kahit nasa loob kami ng silid ni Lolo ay hindi ko rin po alam. Pareho po kaming naalarma ni Lolo nang may humintong kung ano sa tapat ng pintuan kung nasaan po kami kanina. Mabuti na lang po at matalino si Lolo at hindi nagawang makapasok ng anino sa loob ng kwarto,"
Halos mapanganga ako sa mga narinig.
"Nahanap ka ba niya? Nakapasok ba siya sa kwarto?"
Iyon sana ang gusto kong itanong. Naunahan ako ng asawa ko.
"Hindi po," sagot niya at nilingon si Tiyo.
Nginitian naman siya nito at laking pagmamayabang na sinabi sa'min ang mahikang ginamit niya kanina. Kung paano nawala ang pinto ng silid sa paningin ng nilalang.
"Ang galing talaga ni Lolo!" bilib na bilib na papuri ng anak ko kay tiyo at habang nagtatawanan ang mag-lolo ay tahimik naman at tulala ang asawa ko. Maluha-luha ang mata nito't nakatingin lang kay Rio.
"Huwag kang iiyak," bulong kong banta matapos humakbang palapit sa kaniya at akbayan ito. Nilingon niya naman ako't pasimpleng nginitian.
"Ano kayang nangyari kung sakaling wala si Tatay Eros kasama natin?" Mahina niyang tanong. Halos tutulo na ang luha nito sa mga mata nang mga sandaling 'yon at itinatago lang ng pagngiti niyang mapakla.
"Maswerte tayo't nandito siya. Hindi ko rin alam kung anong posibleng nangyari kung sakaling wala siya rito pero alam ko na hindi tayo pababayaan ni Bathalang Neto. Kaibigan mo kaya 'yon. Lakas mo doon e," pagpapalakas ko ng loob niya.
"Siraulo. Dami mong alam." Napangiti na siya nang tuluyan sa sinabi ko, ibig sabihin lang ay medyo okay na siya.
"Hindi ko naman hahayaang may mangyaring masama sa inyo ano. Habang buhay ako hindi ko hahayaan na may manakit sa mga mahal ko," may lambing kong bulong sa tainga niya.
"Ako rin. Ganoon ang gagawin ko," kaniya namang segundo.
"Parang hindi ko naman alam. Alam ko rin kung gaano katigas ang ulo mong pasaway ka at kahit na pigilan ka pa ay gagawa ka ng bagay na ikapapahamak mo." Inakbayan ko siya. Tinaniman ng halik ang tuktok ng kaniyang ulo.
"Kadiri!"
Humiwalay sa pagkakayakap si Lala matapos ang sigaw ni Rio na 'yon. Natawa na lang kami sa reaksyon niya at nagbulungan ang mag-lolo. Umalis sila at kunyaring walang nakita.
Mga loko! Wala namang malaswa roon sa ginawa ko.
Nang makalayo na sila ay doon naman mas naging seryoso ang pag-uusap namin mag-asawa. Nakatulong na lumayo muna sila sa amin.
"Kailangan natin ng plano," panimula niya.
"Tama ka. Mapanganib kung hahayaan na lamang natin ang lahat at hindi gagawa ng aksyon,"
"Mas makabubuti kung laging magkasama sina Rio at Tatay Eros. Sa ganoong paraan maiiwasan rin natin na matanong ang mga makakikita sa kan'ya ng tunay niyang pagkatao," ani Lala sa akin.
Napaisip ako.
"Pwede nating sabihing kapatid ko siya. Pero alam ng lahat na wala akong kapatid kaya hindi 'yon epektibo,"
"Pwedeng pinsan mo na lang," suhestyon niya.
"Pwede-pero paano naman ang pakpak niya at angkang pinagmulan niya? Hindi pa natin alam kung anong tunay na kapangyarihang taglay ni Rio at ang abilidad. Hindi rin mababase sa kulay ng mata dahil halo ang kulay ng kaniyang mga mata, hindi ba?
"Iyan din ang mga iniisip ko. Magtataka sila kapag nakita nila kayong dalawa na magkamukhang-magkamukha. Baka mamaya may marinig akong kuro-kuro ng mga nilalang rito na may anak ka sa ibang babae. Kalokohan na 'yon,"
Bahagya akong natawa. Bigla kasi siyang sumimangot.
"Walang anak sa labas na nabubuhay rito. Bawal at isang malaking kasalanan iyon. Alam mo bang katumbas noon ay kamatayan? Kapag may biglang tsimis na ganoon, tiyak na ipadadampot ako at sunod na araw ay pupugutan ng ulo ng walang paglilitis,"
Napangiwi ang labi niya sa sinabi ko. "Ang saklap naman ng ganoon,"
"Totoo," pagsang-ayon ko. "Pero teka-natitigan mo na ba ng maigi ang mga mata ni Rio?" tanong ko.
"Maraming beses, oo, bakit mo natanong?" sagot naman nito.
"Para sa'yo anong kulay ng mga mata niya?" sunod kong tanong.
Nag-isip muna ito bago nagbigay tugon.
"Mapula-pula na may mantsang puti. Kagaya ng akin. May humahalong berde kung minsan at mas madalas ay kulay dilaw na malaginto-,"
Ang g**o hindi ba?
Dapat ay isa o dalawa lang ang kulay ng mata niya pero ang kay Rio ay iba-iba.
"May naisip ako,"
"Ano naman 'yon?"
"Kaya kaya ni Tatay Eros na gumawa ng contact lens o pupunta muna ako sa kabilang mundo para bumili at dalhin na lang dito?"
"Tanungin natin,"
Sakto namang pagpasok ang dalawa. Sinundan ko't nakitang dumiretso sila sa kusina at uminom ng tubig si Rio.
"Tiyo?" tawag ko ng atensiyon ng tiyuhin ko na nakasunod kay Rio.
Mabilis siyang lumingon sa gawi ko at binigyan ako ng tingin na nagtatanong.
"Kaya mo po bang gumawa ng contact lens?" Diretsyahang kong sabi.
"Contact lens? Aba! sisiw!" Mayabang niyang bulalas. "Para para naman kanino?" dugtong niya matapos.
"Kay Rio po,"
Tinapik niya ako sa balikat at naglakad na palayo. Tumakbo naman at sumunod sa kaniya ang anak ko pagtapos hugasan ang ininuman niyang baso.
Saan kaya pupunta mga 'yon?