Kabanata 12

1781 Words
"Lolo, sino po ba ang kasama ng hari kanina?" Nang makarating sa silid na inuukupa ni Eros ang dalawa ay nagsimula ng nag-usisa si Rio. Bigla itong naging interesado sa maraming mga bagay. "Kanang-kamay siya ng hari, siya si Niel Green—," "G-Green? Hindi po ba Green ang apelyido ni Papa? Magkaano-ano po sila?" Gulat sa nalaman, ngunit nanatili ang kaniyang kuryosidad sa pagkatao ng kasama ng haring si Sid. "Galing lang sila sa parehong angkan pero hindi sila magkaano-ano. Hindi na magkadugo," "E paano po kayo naging magkamag-anak ni Papa? Hindi po ba Red ang angkan na pinanggalingan n'yo at si Papa naman ay Green?" "Kamag-anak ko ang ina ng iyong ama kaya naging tiyuhin niya ako," "E paano po nangyari 'yon? Hindi naman po kayo magkaapelyido?" Napakamot ng ulo ng di oras si Eros sa mga tanong ni Rio. Pakiramdam niya kasi, kahit ipaliwanag niya ay hindi rin nito maiintindihan kung hindi sila magsisimula sa pinakaugat ng lahat kaya naman kaniyang ipinaliwanag ang lahat. "Ngayon alam ko na po. Naiintindihan ko na rin bakit magkaiba ang mga kulay ng mata ni Mama. Komplikado po pala ang angkang pinagmulan ko—pero ang hindi ko po maintindihan ay kung bakit sa lahat ng mga nakapaligid sa akin ang pare-pareho at ako lang ang may pakpak na ganito," ani Rio matapos makinig sa kwento at kasaysayan ng kanilang pamilya. "Maging kami apo ay naguguluhan din. Kaya nga sinusubukan ko ang lahat ng makakaya ko sa pananaliksik para mabigyan ng sagot ang mga tanong mo," tugon ni Eros na bahagyang nakadama ng lungkot para sa kaniyang apo na batid niyang labis na ring naguguluhan sa mga pangyayari. Kung mayroon man sa kanila na labis ang pagnanais na malaman ang lahat ng mga kasagutan, iyon na siguro siya na. Hindi niya lamang pinahahalata sa kanila, ngunit kinakabahan siya sa mga maari niyang makuhang mga kasagutan. "May tiwala naman po ako sa kakayahan mo lolo Eros," nakangiting saad ni Rio. Hindi inaasahan ni Eros ang mga salitang ito, ngunit nakadagdag kompiyansa sa kaniya ang sinabi nito. "Salamat sa tiwala, apo," an'ya at binigyan ng marahan na tapik sa balikat si Rio. "Pwede mo ba akong tulungan ngayon? Nais ko nang umpisahan ang hiling ng mga magulang mo na contact lens at may nais pa akong gawin para sa'yo," tanong niya pa rito. "Sige po!" Walang pagdadalawang isip na tugon ng binatilyo. Nag-umpisa na silang naghagilap ng mga sangkap at mga instrumentong gagamitin. Naging alalay niya si Rio sa maghapon at lumabas lamang nang oras na pagkain. Pinasabay-sabay na ni Eros ang kaniyang mga gawa. Matagal na proseso ang sa contact lens kaya habang nagluluto siya ng dagta ay gumawa na siya ng pantaboy at proteksyon nila mula sa mga ligaw na mga kaluluwa. "Pakiabot nga sa akin iyong dahon na may mga tinik na nariyan sa isang garapon, apo," pakiusap ni Eros habang nagdidikdik ng pinaghalo-halo niyang mga herbal, mga insektong pinatuyo, mga talulot ng bulaklak at may balahibo pa ng hayop. "Ito po ba?" tanong ni Rio matapos isa-isahin ang mga garapon na nasa ibabaw ng lamesa. "Ito nga," sagot naman ni Eros nang makita ang hawak nito. "Pakikuha iyong garapon na may lamang itim na buhangin," sunod niyang utos at sunod-sunod na ang mga utos. Nalilito na si Rio dahil sunod-sunod. Sa dami kasi ng mga maliliit ng garapon na naroon at ang iba pa'y pareho ng itsura at kulay ng nasa loob. Gayunpaman, hindi naman nalilito si Eros sa mga sangkap niya. Inaamoy at ang iba ay tinitikman niya upang makasiguro. Ganoon ang ginawa nila maghapon mag-lolo maghapon at bago magdilim ay naikalat na ni Eros ang proteksyon sa buong kabahayan. Pinanatili ang mga pinto at mga bintana na sarado upang hindi magawang maamoy o maramdaman ng mga kaluluwang ligaw ang malakas na enerhiya na taglay ni Rio. Kahit sa mga pader o sa bubungan ng bahay ay hindi nila magagawang makatagos. Pinalakas ang mahika na galing pa sa lumang libro na kaniyang nakuha sa isang matandang kaibigan. Sa kaniyang dating maestro na sumakabilang buhay na at hindi niya inaasahan na makakikita ng mahika sa sa ibinigay na libro sa kaniya nito matagal na panahon na rin ang nakararaan. Pagod na pagod ang mag-lolo pagsapit ng gabi. Pinagpahinga na ni Eros si Rio, habang siya ay nagpatuloy sa kaniyang ibang mga ginagawa. Dumating ang oras ng hapunan, katahimikan ang bumalot sa hapag-kainan. Pare-parehong pinakikiramdaman ang paligid sa anumang panganib na maaring dumating. Hindi pa tiyak ni Eros kung tatalab nga ang kaniyang ginawang proteksyon at sa gabing iyon lamang niya malalaman kung bibisa nga. Matapos nilang kumain, dumiretso na sa kan'yang silid si Rio. Sumunod na tumayo ay sai Eros. Naiwan ang nag-asawa na magkaharap sa hapag-kainan. Tapos na silang kumain, ngunit nag-aalangan silang pareho na kumilos na at umastang parang normal lang dahil alam naman nilang pareho na hindi na mangyayari iyon. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Lala. Siya ang unang sumuko sa kanilang ginawa at tumayo na siya sa kinauupuan upang iligpit ang kanilang kinainan. "Walang mangyayari kung tutunga lang tayo at naghihintay ng mangyayari, mahal," aniya sa kaniyang mister na pinanood ang kaniyang bawat galaw. "Alam ko naman, parang hindi tayo dumaan sa mga matitinding labanan kung umasta tayo ngayon. Iba na ngang talaga kung anak na pinag-uusapan. Naiintindihan ko na nang lubos ang mga magulang mo. Naalala mo pa ba? Ako pa nga ang napag-utusan na magbantay sa'yo," ani Raven. Nahinto si Lala sa ginagawa at nanatiling hawak ang plato na inaalisan niya ng mga natirang pagkain. "Naaalala ko pa, parang kailan lang naman nangyari ang lahat. Mabilis lang tumakbo ang panahon pero sariwa pa sa isip ko ang mga nangyari noon, at dahil nga sa utos na iyon ng mga magulang ko ay naging mas malapit tayo. Kahit na napakasungit mo," "Ikaw naman, matigas ang ulo—" "Che!" putol ni Lala rito. Pareho silang napangiti habang inaalala ang mga asaran at pikunan nila. Sandaling binabawasan ang kaba't pag-aalala. Sabay silang napabuntong-hininga dahil sa bigat ng dibdib. Pinagtutulungan na ang pagliligpit. Habang nagbabanlaw ng mga sinabunan na pinggan ay biglang napahinto si Lala. Inilapag niya ang plato sa lababo at pinunasan ang kamay bago hinarap ang asawa. "R-Raven," mahinang tawag niya rito. Nakatalikod kasi sa kaniya. Ilang dipa lamang naman ang layo nila sa isa't-isa. Inaayos niya lang ang mga natirang pagkain upang hindi masira at hindi puntahan ng mga naglalakihang langgam. "Bakit?" tanong nito nang hindi siya nililingon. "Sa tingin mo ba panahon na para turuan natin si Rio makipaglaban?" walang paligoy-ligoy na tanong ni Lala sa kaniya. Si Raven naman ang natigilan. Napalingon siya sa kaniyang asawa at nag-isip ng sagot para roon. Tinitigan niya nang maigi ang mukha, nais lang matiyak kung seryoso ba ito sa kaniyang sinabi. "Sa palagay ko kasi kakailangan na niyang matutunan ang paggamit ng mga sandata at kung paano niya rin magagamit ng tama ang kan'yang kapangyarihan. Lalo na ngayon, hindi natin masasabi ang pwedeng mangyayari bukas at sa mga susunod pang mga araw. Walang laban ang anak natin sakaling may magtangkang saktan siya. Paano na lang kung wala tayo sa tabi niya? Nangangamba lang ako, Raven," pagpapatuloy ni Lala matapos hindi agad masagot ng asawa ang kaniyang katanungan. Hindi niya kasi alam ang dapat isagot kaya nanatiling tikom ang bibig at habang nagsasalita ang misis ay isa-isang pumasok sa kaniyang isip ang mga naganap nang mga nagdaang mga araw. Hindi sa tutol siya rito, sa isip niya kasi ay ang musmos na anak pa rin niyang ai Rio ang kaniyang inalala, hindi ang binatang kasama nila. Lumaki lang ito agad. Ang pangangatawan ang nagbago, ngunit ang isip at kung paano kumilos ay siyang-siya pa ring anak nila na wala pang tatlong taon. Hindi niya maitago ang pangamba at agad na napansin ni Lala. "B-Bakit natulala ka na r'yan? Wala ka bang gusto sabihin, komento?" Pukaw niya kay Raven na mukhang nakulong na sa malalim na pag-iisip nang mga sandaling 'yon. "R-Raven!?" Kalabit niya rito at doon lamang ito kumilos matapos tila magising. "Anong nangyari? Bakit natulala ka?" may pag-aalalang tanong ni Lala. "W-Wala ito," nautal nitong sagot. "Ni minsan kasi hindi nasagi sa isip ko ang mga bagay na iyan. Napakabata pa ni Rio para sa mga sandata,"dugtong ni Raven maya-maya. "Tatapusin ko lang ito," ani Raven at ipinagpatuloy ang ginagawa. Ganoon din ang ginawa ni Lala, tinapos na niya ang paghuhugas upang makapag-usap silang maayos. Si Raven ang unang natapos kaya naman tinulungan na niya si Lala. Nang maayos na lahat at naghila naman sila ng upuan pareho at magkaharap na naupo. Ilang segundo muna ang nagdaan, nakatingin lamang si Lala kay Raven at naghihintay na mauna itong magsalita. Naghihintay ng kaniyang pagsang-ayon sa ideyang kaniyang sinabi. "Sa totoo lang, mahal, hindi ko inisip na darating ang araw na makikita ko si Rio na may hawak na espada o kahit anong sandata pa. Ang pinangarap ko noonpaman ay makita siyang masaya na ginagawa ang mga bagay na gusto niya kagaya ng isang kaedad niyang mortal. Nag-aaaral sa eskwelahan gaya nanv naranasan mo, na magkaroon ng maraming alaala sa pagkabata na ikukwento niya sa mga magiging anak niya sa hinaharap. Iyong buhay na malayo sa buhay na pinagdaanan natin. Tahimik, walang kaguluhan, walang nakikitang nasasaktan, nasusugatan at walang malalagay sa bingit ng kamatayan," seryoso nitong saad matapos masala ang mga halo-halong mga bagay na nasa kaniyang isip pati na ang mga nakaraan niya na ayaw niyang naranasan ng kanilang anak. Ang mga kaguluhan, ang panahon na inakala niyang mamamatay na siya na hindi man lang naipagtatapat kay Lala ang kan'yang nararamdaman noon. Maging ang mga panahon na kinailangan niyang protektahan ito at sundan sa kung saan upang masiguro lamang na ligtas ito. "Pero ang nangyayari'y kabaligtaran ng mga pangarap mo't pangarap ko para kay Rio, Raven. Ito ang realidad, ang buhay natin bilang Celestial. Hindi tayo mga mortal at hindi iyon ang mundong para sa kaniya. Ilang gabi ko ring pinag-iisipan nang paulit-ulit ang mga ito. Sumagi rin sa isip ko na baka dito talaga tayo sa mundong ito nararapat at hindi sa mundo ng mga tao, kaya tayo pinabalik," sagot ni Lala na medyo napalakas na ang boses. Iniwasan niya ang tingin ni Raven nang mapagtanto niya halos binubulyawan na niya ito. Nasasaktan din siya dahil hindi umayon sa kanilang gusto si Raven agad na tila ba magkaiba ang kanilang perspektibo sa mga nagaganap. Naluluha na ang kan'yang mga mata, ngunit kaniyang pinigilan. Aminado siyang kahinaan niya ang anak at ang lahat ng taong malalapit sa kan'ya. Oo, kaya niyang harapin ang kahit anong problema, ngunit ibang usapan na kapag miyembro na ng pamilya niya ang nasa panganib at tila wala siyang magawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD