Third-Person's Point of View
KINABUKASAN, nagising si Lala sa mga ingay sa labas ng silid nilang mag-asawa. Napasarap ang tulog niya dahil hindi nagawang makapambulabog ng mga kaluluwa na nasa di kalayuan lang ng kanilang tinitirahan. Nakabawi na rin sa wakas ng pahinga dahil ilang gabi na saglit lang ang kan'yang naitulog dahil sa pagbabantay at labis na pag-aalala.
Muli niyang narinig ang ingay. Pinakinggan niyang mabuti bago siya nagdesisyong lumabas na ng silid. Tila mga kalansing ng mga bakal na pamilyar sa kaniyang pandinig ang mga 'yon.
Wala na si Raven sa kaniyang tabi nang siya ay magising. Bahagya pa siyang nagtaka na wala na ito, ngunit naalala na sinabi nga pala ng asawa na pupunta sila sa kubo ni Eros. Tuluyan na siyang bumangon at lumabas ng silid upang alamin ang ingay.
Sina Eros at Raven ang naramdaman niyang nasa labas kaya naman hindi na siya nagtaka pa nang sila ang nakita niyang papasok pa lamang ng pintuan. Awtomatikong kumunot ang kaniyang noo nang makita ang pinagtutulungan nilang buhatin na sa itsura ay may kabigatan.
"Ano 'yang dala ninyo?" tanong niya habang nakatingin sa may kalakihang baul.
"M-Mga lumang armas 'to na gamit ko na inipon sa mga nagdaang mga panahon" sagot ni Eros matapos nilang mailapag sa sahig ang baul.
"Talaga po!? Patingin," ani Lala at nakiunang buksan ang baul matapos makuha ang sagot.
"Ang sakit ng likod," wika ni Eros habang dahan-dahang inuunat ang kaniyang likod habang nakahawak sa kaniyang balakang. Bahagya siyang napangiwi sa sakit na naramdaman sa ibabang parte ng kanyang likod dahil napakabigat naman kasi ng kanilang binuhat.
"Kulang ka na sa ehersisyo, Tiyo," kantiyaw ni Raven habang laking pagmamayabang pang tumindig upang ipamukha na sisiw lang ang pagbubuhat ng mabigat sa kaniya.
"Alam kong mas bata ka at nagkakaedad na ako. Huwag mo nang ipamukha pa, pero sa tingin ko'y mas matinding sakit sa katawan pa ang mararamdaman ko sa susunod na mga araw," natatawang saad ni Eros.
"Hindi lang sa katawan Tiyo, pati ulo mo sasakit," dagdag ni Raven.
"Ai! Malamang. Sigurado ako r'yan," pagsang-ayon ni Eros sa pamangkin at pareho silang natawa sa kanilang pinag-uusapan.
Hindi eksaktong binanggit kung paano o kung sino ang magpapasakit ng kaniyang ulo, ngunit ang dalawang lalaki ay pareho ng nasa isip.
"Nakakandado po!" Nahinto sila sa pagtawa dahil biglaang pagsigaw ni Lala.
Inuusisa niya ang baul at nakitang may kandado. Nagagalak pa naman na rin siyang makita kung ano ang nasa loob.
"Teka sandali! Nasa akin ang susi." Dali-daling dinukot niya ang susi sa loob ng kaniyang bulsa at inabot kay Lala. Nagliwanag naman ang mga mata nito nang hawak na niya ang susi at mabilis na ipinasok sa butas ng kandado. Nang mabuksan na ay itinataas niya nang mabilis ang takit at laking-gulat nilang lahat nang nagliparan ang di mabilang na mga gamo-gamo na ginawa nang bahay ang loob ng baul. Makapal na alikabok din ang kasama nilang lumabas mula roon kaya halos maubo si Lala dahil sa mukha niya napunta.
"Buksan mo ang bintana para lumabas sila!" utos ni Eros kay Raven na agad na napatakbo sa may bintana.
"D'yos ko naman!" ani Lala at panay ang ubo. "Grabe naman po itong alikabok, Tatay Eros!" Pagrereklamo niya rin. Nagsilipad na kasi ang mga insekto sa binuksang bintana, ngunit naiwan pa rin ang makapal na alikabok sa loob.
Mabilis niyang pinalabas ang kaniyang kapangyarihan at ginawan agad ng paraan ang mga alikabok bago pa man kumalat sa loob ng bahay at madumihan ang mga kasangkapan.
"Magpagpag nga kayong dalawa!" utos niya kina Eros at Raven na mabilis naman nilang ginawa. Napansin niya kasing mayroon pa sa buhok at damit nila.
Naipon ang mga alikabok na lumabas sa baul sa kaniyang kamay matapos ipahigop sa isang maliit na ipo-ipo na nagsilbing vacuum cleaner. Nang masigurong nakuha na nang ipo-ipo ang lahat ay lumipad na ito papunta sa kaniyang direksyon. Pinapunta niya sa kaniyang ibaaw ng palad at nang maglaho ang maliit na ipo-ipo ay isang bato ang naiwan sa kamay ni Lala.
Mga alikabok na naipon at naging bilog. Tumigas kaya naging bato. Inabot niya kay Eros ang bato at natatawang tinanggap naman niya ito.
"Remembrance, 'Tay ng kasaysayan," wika niya at tatawa-tawa rin.
"Sa tagal ba namang panahon na nakatago 'yan, hindi nakakapagtakang puno na ng alikabok," ani Eros habang pinagmamasdan ang batong hawak na kasinglaki ng kaniyang kamao.
Binalikan na nila ang baul at manghang-mangha si Lala sa mga sandatang laman niyon. Maayos ang pagkakasalansan ng mga armas sa loob. May kani-kaniyang lalagyan habang ang iba'y nakasiksik sa gilid at ang balat ng kung anong hayop ang nagsilbing lalagyan para sa mga maliliit na patalim na mga kutsilyo.
Nabura ang ngiti sa mga labi ni Lala matapos mapunta ang kaniyang tingin sa isang pahabang kahon na gawa sa isang uri ng itim na kahoy na may kakaibang marka at disenyo. Ang inukit na disenyo at pininturahan ng kulay puti ang isang nagpaalala sa kaniya ng ilang mga pangyayari sa kaniyang nakaraan. Akala niya ang nawala na iyon.
"T-Tatay Eros," tawag niya sa atensyon nito habang kinukuha ang pamilyar na kahon mula sa loob ng baul. May ingat niyang inangat at binuksan upang matiyak ang laman. Tumambad ang panang kaniyang ginamit noon upang iligtas mula sa mga rebelde ang kanilang mundo.
"Oo tinabi ko 'yan matapos mong iwan sa palasyo ang ibang gamit mo. Mayroon pa," wika nito at kinuha ang isa pang lalagyan na halos nasa ilalim lamang ng puting kahon nakalagay.
"Naalala mo pa ba 'to?" tanong ni Eros sa kaniya sabay pakita ng lamang ng masa maliit na kahon.
"O-po!" nautal niyang sagot at may kagalakan na kinuha ang laman niyon.
Ang makapangyarihang punyal ang kaniyang napasakamay muli.
"Akala ko po nadala ko ang mga ito pabalik sa kabilang mundo. Nawala na po sa isip ko na hanapin. Nandito lang po pala sila!" may luha sa matang saad ni Lala.
"Hindi pwedeng basta na lang mawala ang mga iyan. Ang mga makasaysayang mga armas ay dapat iniingatan at inaalagaan. Bawat armas, malaki man o may kaliitan na itinago ko sa baul na iyan ay may kani-kaniyang mga kwento't kasaysayan. Parte sila ng kasaysayan ng ating mundo. Kaya ko dinala dito para ipakita kay Rio," salaysay ni Eros.
"Hindi po ako makapaniwala na nahawakan ko po ang mga itong muli," sambit ni Lala habang hinihipo ang dalawang bagay na parte ng pagiging Celestial niya at pagiging reyna noon.
"Nandito rin po ba ang espada ko?" singit ni Raven sa dalawa na gaya ni Lala ay nais din makakakit ng bagay na mahalag sa kaniya.
"Oo, sinama ko na r'yan noong iwan mo sa kubo," mabilis namang sagot ng kaniyang tiyo at daig pa ang kidlat sa bilis ng kilos mahalungkat at mahanap lang ang espadang tinutukoy niya.
Halungkat dito, halungkat doon ngunit wala siyang nakita.
"Wala naman po, tiyo," may pagkadismayang saad ni Raven maya-maya.
"Wala naman naman kasi riyan," anito naman. Lumapit siya sa baul at sinipa ang gilid nito. May lumabas na uli na kahoy sa pareng parte kung saan niya sinipa. Hinila niya iyon. Tila isang drawer. Naroon nga ang hinahanap ni Raven.
"O heto." Abot ni Eros sa kan'ya.
Kumikinang ang mga matang kinuha ni Raven ang espada. Siniyasat niya agad at nakitang maganda pa ang kalidad at wala ni katiting na kalawang. Maliban sa mga maliliit na bungi na bakas ng mga labanan na pinagdaanan niya noon ay matalim pa ito't kayang pumugot ng ulo.
Habang aliw na aliw ang mag-asawa ay tahimik na nakamasid lang sa kanila si Eros. Bumabalik din ang mga alaala nang nakaraan sa bawat armas na nakikita niya sa baul.
Hindi niya maiwasang mapangiti, mapangiwi at malungkot sa bawat alaalang sunod-sunod na pumapasok sa kan'yang isipan. Animo'y bumabalik siya sa eksaktong panahon at nakikita mismo ang mga pangyayari sa kaniyang harapan.
Umiling ito't sinubukan iwaksi ang mga nakikita, saktong pagdating ni Rio. Tinanong agad niya silang tatlo kung ano ang ginagawa nila. Bumaalik sa huwisyo si Eros nang narinig ang boses ng apo.
"Ano po 'yan?" tanong niya sa kanila. Nang walang sumagot ay si Eros na ang tumawag sa kaniyang ngalan upang palapitin.
Halatang kagigising lamang nito at g**o-g**o pa ang buhok. Ni hindi pa nagawang maghilamos.
Nanlaki ang mga mata ng binatilyo nang makita nang malapitan ang hawak ng kan'yang ama't ina.
"Wow! Ang dami po niyan!" may tuwa niyang bulalas. Naisip niyang makigaya sa mga magulanv niya. Akmang kukunin niya na ang isang patalim mula sa baul, ngunit naharang ni Lala ang kamay ng anak.
"Ano ka ba anak, matalim pa ang mga iyan. Pwede kang masugat. Ito na lang hawakan mo," nag-aalalang sermon niya agad dito.
"S-Sorry po." Inabot ni Lala sa kaniya ang pana. Hindi naman nito alam kung paano hahawakan ang sandata.
"Ang ganda po nito, Mama. Saan po galing 'to?" usisa nito.
"Sa akin ang panang iyan noon," simula niya at sinundan ng pagkukwento tungkol sa armas.
Hindi pa roon natapos, pinaulanan siya ni Rio ng mga tanong. Kitang-kita sa mga mata niya ang pagkagusto nitong marinig ang bawat kwento ng mga armas mula sa baul. Hindi naman tumigil si Lala sa pagsagot at salaysay. Bilib na bilib si Rio sa mga narinig at kitang-kita sa mata nito ang uhaw sa mga bagong kaalaman.
"Gusto ko pong pag-aralan gamitin ito," wika niya nang matapos sa pagkukwento ang kaniyang ina.
Ikinagulat ng tatlo ang narinig. Nagkatinginan dahil hindi nila inaasanan iyon mula sa kaniya.
"Sige, tuturuan kita." ani Lala sa anak niya.
"Magandang simula," naibulong ni Raven na narinig ni Lala na malapit lang sa kaniya nang mga sandaling 'yon.
"Oo nga. Hindi ko inaasahan," mahinang sagot naman niya sa kaniyang asawa habang hindi inaalis ang tingin kay Rio. "Nasa dugo niya talaga ang pagiging mandirigma't pagkamausisa," kaniya pang dagdag.
"Yung pagiging mandirigma alam kung pareho tayong meron, pero yung mausisa isa lang ang kilala kong marami," saad ni Raven sabay ngisi sa katabi.
"Oo na, ako na 'yon. Happy?"
"Salamat naman at inamin mo agad,"
Isang irap ang ibinigay niya rito bago sila nagdesisyong iwan muna ang mag-lolo dahil maghahanda muna sila ng almusal. Batid kasi nilang mahaba-habang kwentuhan pa ang mangyayari at magugutom silang apat kung pare-pareho silang nandoon at nakikinig.