Raven's Point of View
Wala ng inaksayang panahon at oras ang aking tiyo. Seryoso na nga talaga sila na tuturuan si Rio na makipaglaban. Matapos namin makuha ang mga pinakaiingatan ni tiyo na mga armas sa kaniyang kubo ay sinanay na niya agad ang anak ko nang hapon na iyon. Wala naman akong narinig na pag-ayaw sa ideyang iyong kay Rio, bagkus ay nagalak pa nga ito.
Balibhasa'y bata pa at para sa kaniya'y laro lang ang kanilang gagawin.
Habang nagsasanay sila ay naroon naman ako nanonood sa di kalayuan. Nasa loob pa rin kami ng bakuran at bawal lumabas si Rio sa bakod dahil doon lamang ang hangganan ng ginawang proteksyon ni tiyo
Dinig na dinig ko ang mga sigaw nila sa tuwing bumubwelo at sa tuwing magtatama ang espadang kahoy na gamit ni Rio at ang yantok na kawayan na gamit naman ni tiyo. Maliban doon ay hindi nawawala ang pagrereklamo ng anak ko sa tuwing matatamaan ng yantok ang parte ng kaniyang katawan.
Magaan iyon kumpara sa espadang kahoy na hawak na gamit niya kaya mas mabilis ang kaniyang pagkilos. Pansin kong nabibigatan si Rio sa espada niyang kahoy at hindi niya pa masabayan ang bawat galaw ng kaniyang lolo.
"Itaas mo kasi ang braso mo!" Maya-maya ay narinig kong sigaw ni tiyo matapos niyang mahampas ang braso mismo ng kaniyang estudyante. "Laging nasa harapan ang espada at gawin mong harang. Pantay lang ang dulo sa ulo mo upang mas madali mong maiaangat kung aatake sila sa itaas at madali ring maibababa kung sa parte namang baba ng iyong katawan ang puntirya nila," mahabang dagdag ni tiyo.
"O-Opo," halos mangiyak-ngiyak naman sagot ni Rio sa kaniya habang hinihipo ang nasaktan niyang braso.
"Maging alerto ka lagi, apo! Tignan mo kung saan ko ihahampas ang patpat na hawak ko at salubungin mo ng espada mo," utos ni tiyo sa kaniya. Hinintay niyang muling umayos ng tayo ang anak ko at nang nakaporma na'y kaniya na itong muling inatake.
"Ayan! Ganyan!" Puri niya rito nang magawang masalag ni Rio ang yantok.
Binagalan lang ni tiyo ang bawat atake niya at maya-maya ay napansin kong bumibilis na. Napansin ko agad na humuhusay ang anak ko. Nagagawa na niyang makailag at masalag ang mga tira ng kaniyang lolo. Nakabibilib ang bilis nitong matuto. Hindi ko tuloy maitago ang ngiti sa aking mga labi habang pinapanood ko.
"Break tima muna! Magpahinga ka muna," ani tiyo. Pareho silang hinihingal, ngunit kung mayroon mang pagod na pagod, iyon ang anak ko.
Nagpasya akong lapitan sila. Nagpaalam na iinom mun ng tubig si Rio kaya si tiyo ang nilapitan ko. Aniya, nahihirapan siya sa tuwing aatakihin si Rio dahil natatakot siyang baka matamaan ang pakpak nito kaya naman may naisip siyang paraan kung paano maikukubli ang pakpak ng anak ko upang hindi na rin maging kapansin-pansin sa mga maaring makakita nito.
Bumalik si Rio kasama na ang asawa ko. May dalang basket at kaniyang ipinatong sa lamesang kahoy na naroon.
"Kumusta po ang pagsasanay ninyo?" tanong ni Lala kay tiyo matapos niyang mailapag iyon sa lamesa. Nilapitan niya kami dala ang isang garapon na may lamang juice.
Mukhang kinatas niya ang ang prutas na nasa kusina namin na dala pa ni tiyo noong isang araw. Malapit na rin namang masira ang mga iyon. Sayang kang din kung hindi mapakikinabangan.
"Madali naman siyang turuan, parang kayo lang dalawa noon. Kaya lang panay ang reklamo kapag natatamaan ko," sagot niya kay Lala sabay tanaw sa kaniyang apo na kinakalkal ang basket.
"Pahingi po ako nito!" maya-maya'y sabi nito matapos makakuha ng tinapay na nilagayan ng palaman ng Mama niya.
"Ikaw talaga, bakit ka pa nagpapaalam? Kumuha ka lang," sagot ng natatawang ina niya.
"Mukhang nagutom po yata nang husto," ani Lala. Hindi pa rin inaalis ang tingin kay Rio na pawis na pawis at nilalantakan ang hawak niyang tinapay na para bang hindi pinakain ng ilang araw. Nakita ko ang pagbuntong-hininga niya bago nagpaalam. "Sandali lang po a." Iniwan na niya kami at nilapitan si Rio.
"Rio, umupo ka muna. Pupunas ko ang pawis mo at magpalit ka din ng damit pang-itaas." Inutusan niyang maupo dahil mas mataas pa sa kaniya si Rio at hindi niya abot ang mukha nitong pawisan.
Habang tinitignan ko sila ay napansin kong wala pa ring nagbago sa kung paano alagaan ni Lala ang anak namin. Ganoon na ganoon pa rin. Hinahayaan lang siya ni Rio sa ginagawa. Kung ako siguro ang nasa parehong edad ay baka tinalikuran ko na ang nanay ko.
Pinunasan niya ang basang likod nito. Dahan-dahan upang hindi masaktan ang pakpak. Nang matapos ay saka isinuot kay Rio ang pang-itaas na damit na pagmamay-ari ko na ngayon ay si Rio na ang gagamit dahil may hiwa na sa likod na dalawang mahaba. Ibininubuhol lamang sa bandang laylayan sa likuran upang hindi maalis . Mula nang bigla siyang lumaki, ang mga damit na sinusuot niya ay ganoon lagi.
Habang nakatingin pa rin ako sa kanila, biglang nagasalita si tiyo. Nang balingan ko siya ay nakita kong nakatingin din siya sa parehong tinitignan ko.
"Nangangamba ka pa rin ba para sa kaligtasan niya?" tanong nito sa akin.
Gusto kung sagutin na oo, ngunit sa nakita ko kanina at sa bilis niyang matuto ay tila sapat na para mabawasan ang mga pangamba na mayroon ako ngunit— "Hindi naman na po siguro maiaalis iyon, Tiyo," sagot ko.
"Tama ka naman—," mabilis niyang pagsang-ayon at katahimikan na ang sa amin ay namagitan.
Lala's Point of View
Habang pinupunasan ko ang pawis ni Rio sa kaniyang mukha ay bigla akong natigilan nang mapansin kong mataman siyang nakatingin sa akin.
"Bakit, anak?" tanong ko na may pagtataka, ngunit sinundan iyon ng isang ngiti dahil nakita ko siyang ngumiti.
"Wala po, Mama," sagot nito na tila nahiya at nag-iwas bigla ng tingin.
" Naku ang anak ko! Alam ko meron, kaya sabihin mo na anak. Ano ba 'yon?" giit ko sa kaniya.
Muli siyang bumaling at tiningnan ako nang diretso sa mga mata.
"Masaya lang po ako. Ang swerte ko po na kayo ang pamilya ko," anito na aminado akong labis kong ikinagulat. Dahil doon ay sandali akong natigilan. May iba akong naramdaman. Tila ba may iba pang nais iparating si Rio.
"Mali ka anak—kami ang maswerte sa iyo," pagtatama ko sa sinabi niya.
"Hindi po, ako po ang maswerte," ani Rio at minali ako.
"Hindi, kami ang maswer—," Hindi ko na nagawang matapos ang sasabihin ko sana nang mapansin ko ang maluha-luhang mga mata ng anak ko.
"Bakit, Rio? May problema ba anak?" nag-aalalang tanong ko.
Imbes sumagot ay bigla ay isang mahigpit na yakap ang nakuha ko.
"A-Anong problema? May masakit ba sa'yo?" Dahil mas mataas na siya sa akin, ang kaniyang ulo ay nakapatong sa balikat ko. Bahagyang nakabukot ang likod.
"W-Wala po," sagot niya sa akin sabay ang pag-iling.
"Anak, sabihin mo sa akin kung anong problema. Huwag mong pag-alalahanin si Mama," may hinahon kong bulong malapit sa kaniyang tainga.
Nakita kong palapit sina Raven at Tatay Eros sa amin dahil sa kanilang gawi ako nakaharap. Sinenyasan ko silang huminto dahil tiyak na hindi sasabihin ni Rio ang nararamdaman niya kapag nasa harapan ang kaniyang ama na lagi siyang sinasabihan na maging malakas at matapang.
Sinunod naman nila at mas lumayo pa. Sinilip ko ang mukha ng aking anak na ngayon ay humihikbi na.
"A-Anak— sabihin mo sa akin kung anong problema,"
Mas lalo siyang sumiksik sa leeg ko at mas humigpit ang kaniyang yakap.
"N-Natatakot po a-ako,"
"Bakit ka natatakot? Saan ka natatakot? Sa mga kaluluwa bang umaaligid? Wala kang dapat ikatakot sa kanila, kaya ka nga nagsasanay ay para magawa mong labanan sila." Pinilit kong inangat ang kaniyang ulo at nakita ang luhaang mga mata. Pinunasan ko ang mga luha sa kaniyang pisngi gamit ang hinlalaki ko sa magkabilang pisngi niya.
Pinahinahon ko muna siya upang makasagot nang maayos sa mga katanungan ko.
"N-Natatakot po akong masaktan kayo nang dahil sa'kin, Ma," aniya na wala sa mga kasagutan na nasa isip ko na maaring sabihin niya.
"Rio, makinig ka. Hindi kami masasaktan. Huwag kang mag-isip ng gan'yan,"
"Pero paano kapag bumalik po ang mga kaluluwang iyon at may gawin pong masama sa inyo? Ako po ang gusto nila. Pwede po kayong madamay dahil po sa'kin,"
"Rio, ang panganib hindi natin alam kung kailan darating at kung saan manggagaling kaya kailangan handa tayo. Gaya ng sabi ko, kaya ka nagsasanay para maging malakas ka't maging handa kaya wala kang dapat ipangamba. Para kang ama mo tuloy. Bukod sa magkamukha kayo, saka isa pa—ang pangit mo kapag umiyak anak. Hindi na cute kasi malaki ka na ngayon at nakababawas ng kagwapuhan,"
Nakita kong namilog ang mga mata niya nang sabihin ko ang huli na biro lang naman. Gusto ko lang palitan ang atmospera ngayon.
"Si Mama talaga!" an'ya nang natatawa. Ginulo ko ang buhok niya. Pareho na kaming nakangiti nang mga sandaling 'yon.
Biglang sumagi sa isipan ko ang mga karanasan namin noon sa mundong ito ni Raven. Ang mga kinalaban namin at hinarap na mga problema. Ni isa ay wala pa siyang alam sa mga iyon kaya naisipan kong ikwento ang ilan habang pinagpapatuloy niya ang pagkain ng ginawa kong meryenda para sa kanila.
Paiba-iba ang nakuha kong reaksyon mula sa kaniya ngunit ang mas madalas ay ang pagkamangha sa kaniyang mga mata. Napapanganga pa nga.
"Kaya ikaw, dapat mas matatag ka sa'min. Isa pa, may kakaiba kang taglay na kapangyarihan at isa 'yon sa dapat mong alamin na kontrolin. Kapag nagawa mo na 'yan, tiyak kong mawawala na lahat ng takot mo at ang isang bagay na higit mong dapat pakatandaan, ang kapangyarihang taglay mo ay para lamang sa kabutihan," Paalala niya sa anak matapos ng kan'yang mga kwento.
"Huwag ka lang magmadali para matutunan ang lahat. Isa-isa lang at kung napagod, magpahinga pero huwag kang susuko. Isipin mo lang lagi na kaya mo at kung para saan at kanino mo ginagawa ang isang bagay at tiyak na magtatagumpay ka—nandito lang kami ng Papa mo. Walang mangyayaring masama sa'min at hanggang nandito kami sa tabi mo, habang nagpapalakas ka, wala pwedeng manakit sa iyo," nakangiting dagdag ko.
Nakita kong muling ngumiti ang anak ko, kaya naman nakampante na ako roon. Dinampian ko ng halik ang kaniyang noo bago ko siya iniwan at alalahanin ang mga sinabi ko.