Kabanata 16

1650 Words
Eros's Point of View Pangalawang araw na ng pagsasanay ni Rio. Ilang oras lamang ang tulog ko sa kadahilanang magdamag akong gising at nagtatahi. Napansin ko kasing sabik siyang lumabas ng bahay. Simula nang tumubo ang pakpak niya'y hindi na muli kaming nakapamasyal. Ilang ulit niya pa akong tinatanong kung babalik ba ako sa kweba para bisitahin muli ang mga Celestial Beast doon, kaya naman naisipan kong gumawa ng bag na tiyak akong makatutulong upang maikubli ang kan'yang mga pakpak. Kagaya ng iba ko pang likhang mga kagamitan, espesyal rin ang ginawa kong bag na ito. Ginaya ko sa simpleng bagpack na gamit ng mga estudyante sa mundo ng mga mortal ngunit ang para kay Rio ay bukas ang likurang parte kung saan niya maaring ilusot ang kan'yang mga pakpak at habang ipinapasok niya sa loob ang mga iyon ay bahagya itong liliit upang magkasya. Iyon ang epekto ng mahikang taglay ng telang ginamit ko at nasa loob nito. Ang isang bagay pa na nagpaespesyal rito, maari niyang mabuksan ang harapang parte ng bag sa pamamagitan ng isang lubid sa gilid. Mawawalan na bisa ang mahika kapag nakalantad sa liwanag o nahanginan ang tela, dahilan para bumalik sa dating sukat ang kan'yang mga pakpak at kung sakaling kailanganin niyang gamitin ito at lumipat. Hindi ba't napakaganda? Gusto ko munang ipasubok sa kan'ya upang malaman kung may depekto upang agad ko ring maisaayos at dahil nga hindi ko na nagawang makatulog pa, ako na ang naghanda ng almusal naming apat. "T-Tatay Eros?" Ilang sandali na lang at sisikat na ang araw. Tipikal na oras ng pagbangon ni Lala kaya naman hindi na ako nagulat nang sumulpot siya. Binalingan ko lang ito at nginitian. Nang makalapit ay roon ko lang binati ng magandang umaga. "Magandang umaga rin po, Tatay Eros. Bakit ang aga n'yo po yatang nagising nagising" bati niya't pag-uusisa. "Maaga naman ako laging nagigising, pero ang totoo niyan, hindi pa ako natutulog," sagot ko dahilan para lakihan niya ako ng mata. "H-Ho? H-Hindi ka pa natutulog?!" Gulat na gulat ang kaniyang itsura. "Hindi pa. May tinapos kasi ako." Hindi maitago ang galak dahil sa wakas ay natapos ko na iyon at nais ko nang makitang subukan ng aking apo. "Ano naman po iyon at hindi po talaga kayo natulog para magawa?" Imbes na sagutin ko ay itinuro ko na lamang ang upuan nasa di kalayuan mula sa kaniya. Agaran naman niyang iyong nakita at nilapitan upang siyasatin. "Bagpack?" aniya sabay bukas ng zipper at sinilip. "Wala naman pong laman. Parang normal na bag lang. Para saan po itong bukas na parte sa likod?" may pagtatakang tanong nito habang inuusisa nang mabuti. "Oo, mukhang normal lang pero may epekto sa magmamay-ari at espesyal ang butas na iyan," aking tugon. Dahil mukhang nagtataka ito sa kung ano iyon, ipinaliwanag ko na sa kaniya nang hindi na rin magtanong. Namangha naman siya at biglang natuwa matapos marinig ang lahat. "Sigurado pong masisiyahan si Rio rito, Tatay Eros!" aniya at mukhang hindi na siya makapaghintay na maipakita sa anak ang likha ko para sa kaniya. "Parang gusto ko na tuloy siyang gisingin ngayon," natatawa nitong dagdag at nanlaki naman ang mata ko sa sinabi niya. "Naku! Maaga pa naman, hayaan muna natin siyang makatulog nang mahaba-haba ngayon. Tiyak na napagod nang husto si Rio kahapon," suway ko na sinang-ayunan naman niya. Inilapag niya sa pinagkuhanan niyang upuan ang bag at tinulungan na lamang ako sa paghahanda ng agahan. Hindi na naalis ang ngiti sa labi niya at ilang beses ko ring napansin ang pagbaling niya sa bagpack na 'yon. Sa paglipas ng ilang minuto, naramdaman ko na ang preseniya ni Raven na parating. Nagtaka ito nang makita ako sa kusina nang ganoong oras. Akala niya raw ay nagpapahinga pa ako. "Patimpla naman ng kape, mahal," nadinig kong paglalambing niya kay Lala na kasalukuyang nagbabalat ng mansanas. "Kumuha ka pala ng tasa," utos ni Lala sa kaniya nang walang pagdadalawang isip kahit may iba siyang ginagawa. Medyo naninibago akong gan'yan sila maglambingan kapag may ibang nasa palagid. Noon kasi bago sila naging mag-asawa ay puro na lamang bangayan. Sa mundo ng mortal na sila namalagi matapos nilang ikasal kaya wala akong alam sa pinagbago ng pakikitungo nila sa isa't-isa. Napakalayo talaga. Kahit sino sigurong makakikilala sa kanila sa mundong ito ay pareho ng iisipin. "Salamat!" Narinig kong sabi ni Raven bago lumabas ng bahay. Pinaghiwa-hiwalay ko na ang kahoy na gatong para humina na ang apoy sa kalan at ilang sandali pa'y inalis ko na ang kawali at isinalin ang sinangag sa lalagyan. "Nga po pala Tatay Eros, nagtataka po ako nang sobra kung bakit hindi na bumalik ang mga ligaw na kaluluwa rito sa bahay. May ginawa ka po bang mahika para po roon?" Napahinto naman ako sa ginagawa at nag-isip dahil maging ako rin ay nagtataka kung bakit. "Wala naman akong ginawa maliban sa proteksyon na ipinalibot ko sa bahay at sa bakuran kung saan nagsasanay si Rio. Maging ako'y nagtataka rin at kinakabahan sa pwedeng mangyari sakaling bigla nilang puntahan muli si Rio," tugon ko. Napansin kong natigilan siya at biglang tumingin sa may bintana. Sino ba naman kasi ang hindi magtataka sa bigla nilang pananahimik? Tila ba may mangyayari na ikagugulat na lamang namin. "Mas mabuting handa tayo habang wala pa sila. Kung anuman ang kanilang gagawin sa muli nilang pagbalik ay makatitiyak tayong walang maidudulot na matinding kapahamakan sa atin lahat lalo na kay Rio," dugtong ko. "Tama ka po, Tatay Eros," kaniyang pagsang-ayon na sinundan ng paghinga nang malalim. Isang bagay pa na napansin ko sa kanilang dalawa. Hindi na sila iyong mga kilala kong mga binata't dalaga na pasaway at sugod nang sugod kapag may kalaban. Nag-iisip na sila nang husto at nagpaplano. Hindi na rin pang-isahang pasya lang dahil kinukonsulta nila ang isa't-isa bago gumawa ng hakbang. Nakatutuwa lang dahil sa wakas ay naging responsable na sila at ginagampanan ang pagiging ama't ina sa kanilang anak. Matapos ng pag-uusap naming iyon ay saktong pagdating ni Rio. Napangiti ako nang makita siya at halos takbuhin ko ang silya kung saan nakapatong ang bag na ginawa ko para sa kaniya. Binati niya ako at ang kaniyang ina. Agad kong inabot sa kaniya ang bag. Nakita ko ang pagtataka sa kaniyang mukha na mabilis ding napalitan ng tuwa. "N-Natapos mo na po, Lolo?" tanong niya habang sinisiyasat ang hawak na bag. "Oo, subukan mo na," masaya ko namang sagot. Alam kasi nito kagabi na may gagawin akong bagay na makatutulong sa kaniya, ngunit hindi ko sinabi kung ano eksakto. Bukod sa bag ay inabot ko na rin ang contact lens na nasa aking bulsa. Ipinakita ko lang. Ginagaw kong kulay berde upang pares sa kaniyang kamukha. Balak kasi naming ipakilala siyang kamag-anak ni Raven at hindi anak dahil sila namang dalawa ang makahawig at hindi si Lala. Sobra-sobra ang pasasalamat nito sa akin at binigyan ako ng mahigpit na yakap. Sinubukan niya agad ang bag at namangha sa nilikha ko. "Ma! Pwede na po ba akong makapasyal! Hindi na po nila makikita ang mga pakpak ko!" Lapit niya sa kaniya ina na kanina pa siya pinagmamasdan at halata sa mukha na masaya siyang nagawan ko ng paraan ang pinuproblema nilang mag-asawa. Napapasok sa loob ng bahay si Raven sa lakas ng boses ni Rio. Nag-iba na ang boses niya at ngayon ay mas lumaki at hindi na matinis na parang sa bata. Hindi ko talaga maiwasang hindi siya obserbahan. Hanggang ngayon kasi ay wala pa akong nakukuhang sagot mula sa kung paano siya biglang nagbinata. "P-pwede naman anak pero siguro, kapag may kasama ka," sagot ni Lala matapos magpalipat-lipat ang tingin sa akin at kay Raven na kararating. "Tama, papayag kami kapag may kasama ka. Pwedeng ako, ang Mama mo o ang Lolo Eros mo." Segunda ni Raven. "Salamat po! Pwede po ba kaming mamasyal ni Lolo ngayon?" Tanong ni Rio sa kan'yang magulang. Tanong na hindi inasahan ng dalawa dahil nakatakda siyang magsanay muli ngayong araw, ngunit wala naman sigurong masama kung pagbibigyan. Isa pa ay pareho pa kaming pagod at wala pa akong tulog para sumabak na naman ngayon sa pagsasanay. Nagulat ako nang sabay akong lingunin ng mag-asawa. Tila ba nanghihingi ng saklolo ang dalawa. May pag-aalinlangan sa mga mata nila na naintindihan ko kung ano ang nais nilang ipahiwatig. "A-Ano apo, sa ibang araw na lang tayo mamasyal. Obserbahan muna natin iyang gawa ko ng ilang araw muna siguro," sagot ko na nautal pa. Bumagsak agad ang balikat niya. Nabura ang ngiti ngunit hindi naman naalis ang paggalang nang sumagot ng "Sige po," Kawawang bata. Mabuti na lang at hindi nangulit. Dahil doon, wala kaming pagpipilian kundi magsanay ulit ngunit hindi kasing bigat ng pagsasanay namin nang nagdaang araw. Paggamit naman ng pana ang itinuro ko sa kaniya. Nanonood lang ako habang siya naman sinusubukang patamaan at binilugan kong target sa isang puno. Lumipas ang mga araw na tahimik pa rin. Nagpatuloy kami sa pagsasanay upang ihanda si Rio nang husto. Nagsalit-salit na kaming tatlo at ngayong araw ay nagpasya akong iwan muna sila at si Raven ang nagsasanay sa anak niya sa espada. Nagtungo ako sa bayan upang mamili lamang sana bago dumiretso sa kubo upang manguha ng mga pampalasa. Nagkatagpo kami ng isang kaibigan sa sentro at may importante raw siyang nakuhang impormasyin na maaring makatulong sa akin. Hindi raw pangkaraniwan na maglabasan ang napakaraming bilang ng mga ligaw na kaluluwa nang sabay-sabay at sa iisang lugar lamang. Maliban na lamang kung may nagmamanipula sa kanila. Bigla kong naalala ang sinabi ni Rio nang araw na bumisita ang hari at ang kanang-kamay nito. Imbes magpunta sa kubo ay nagpasya ako agad na makabalik upang ipaalam kina Lala ang impormasyon na nakalap ko. "Maari—" sambit ko habang iniisip ng pagkakasunod-sunod ng pangyayari nang mga nagdaang araw. Maaring tama si Rio, ngunit bakit niya iyon nalaman gayong kaming tatlo ay hindi naman napansin 'yon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD