Third-person's Point of View
"ANONG BALITA?" Pabalang na tanong ng matandang lalaki sa mga kapapasok lang na mga nilalang sa silid.
Nasa isang tagong lugar sa malawak na kagubatan ng Celestial World. Apat na naglalakihang lalaki na nababalot ng makapal na itim na balahibo ang buong katawan at ang mga mukha nila'y wangis kabayo. Nakatitindig ang mga ito gaya ng mga Celestial.
Ang makapal na balahibo nila ang nagsisilbing kasuotan ng mga ito maliban sa maselang parte ng kanilang katawan dahil nagsusuot sila ng salawal na may kahabaan at dahil hindi hinuhubad, at nalalabhan nang napakatagal. May taas na umaabot hanggang pintong talampakan ang mga nilalang, naglalakihan ang kanilang mga pares ng binti't mga braso, malakas, ngunit takot sa kanilang amo.
Tinatawag silang mga Heeman at sa malalim na parte ng mga kweba sila naninirahan. Mababait kahit na naglalakihang mga nilalang. Sila ang nasa listahan ng mga naninirahan sa Celestial na bihirang nahuhuli na nangugulo o kaya naman nananakit ng ibang nilalang, ngunit madalas silang nagugulangan.
Ang mga ito ang dahilan kung bakit sila ang napiling gawing tauhan ng kanilang pinagsisilbihan. Kapalit ng masarap na makakain, maayos na masisilungan at mga salaping kaniyang ipinangako na mula sa kasalukuyan ay pangako pa rin ay nagawa niya silang pasunurin.
"ANO?" pabalang niyang ulit na sa sobrang lakas ay umalingawngaw sa loob ng silid.
Pare-parehong napasinghap ang tatlong mga Heeman sa takot. Batid nila na magagalit ang kanilang amo dahil kanilang ibibigay na sagot, ngunit bago pa niya sila muling sigawan, isa sa tatlo ang naglakas-loob na magbigay tugon at gaya nang kanilang inaasahan ay mas lalo itong nagalit.
Tinangka niyang hampasin ang pinakamalapit sa kaniya ngunit nagawa nitong umatras kaya hindi siya natamaan ng baston nito dahil doon ay dumampot siya ng kasangkapan at ang kaniyang nakuha ay isang lamparang may sindi pa.
Binato niya sa paanan ng tatlo ang lampara na sumabog sa harapan nila dahil sa pagsabog na iyon ay naabutan ng apoy ang balahibo ng isa nilang kasama. Agad tinulungan ng dalawa ang Heeman na nataranta na. Pinatay nila ang apoy na sumusunog sa balahibo.
"Isang linggo kayong wala at iyan lang ang dala niyo? Mga walang silbi!" Singhal niya sa tatlo na hindi na magkandaugaga sa pagapula ng apoy at mabilis na kumakalat sa katawan ng umaaray na kanilang kauri.
"Lumabas na kayo't huwag babalik hangga't walang magandang balitang dala! Mga walang silbi! Mga istupido!" sunod na sigaw ng lalaki at ang apoy ay bigla na lamang naglaho.
Nakahinga na ang tatlo nang maluwag at sa takot nila ay dali-dali na nilang tinulungan ang kasama nilang tumayo at sila na'y lumabas.
Sa paglabas nila'y siya ding pagdating ng isa pang lalaki na higit na mas bata ng anim na beses sa lalaking nasa loob ng silid.
"Anong nangyari rito?" tanong niya sa matanda hindi pa man siya nakalalapit.
Nasinghot niya ang masangsang na amoy ng naiwan sa loob ng silid mula sa nasunog na balahibo ng Heeman, isama pa ang amoy ng alak, ang mga boteng wala ng mga laman na nagkalat, at mga pagkaing sira na't pinag-pi-fiesta-han ng mga uod.
Madilim sa loob kahit araw, kaya naman may mga lampara't kandila sa lahat ng sulok. Kung saan-saan niya rin nakita ang mga plato't mga kubyertos, pati na rin ang mga damit at ang higaan na mukhang inaamag na sa kadumihan at tinitirhan na ng surot.
Ilang linggo rin siyang nawala at hindi man lamang nagawang magpalinis ng matandang lalaki ng kan'yang silid. Sa kaniyang paglakad ay ramdam niya ang lagkit ng sahig. May nasipa siya na isang bote ang gumulong papunta sa isang gilid.
"Mga walang silbi ang mga iyon! Hanggang ngayon wala pa silang nakukuhang impormasyon tungkol sa dating hari!" galit nitong bulalas halos lumabas ang mga ugat niya sa leeg sa tuwing ipagkikiskis niya ang kaniyang ngipin sa labis na panggigigil.
Naupo ang matanda at hinilot ang kan'yang sentido upang kahit papaano'y mahimasmasan. Batid ng kararating na lalaki ang matinding galit nito sa dating hari na si Eric, sinundan pang naupo sa trono ng anak nito na mas nagpasidhi ng galit nito.
Kung bakit siya galit?
Sinira nila ang lahat ng planong pinaghirapan nila ng kan'yang grupo na karamihan sa mga ito'y pumanaw na't ang iba'y nakakulong sa karimlan ng kanilang mundo. Sa isang lugar na walang labasan. Walang katapusang kadiliman. Lugar na tapunan ng mga kriminal at ang paraan lamang para makaalis sa lugar na iyon ay ang pagkitil nila sa kanilang buhay at maging isang kaluluwa na gaya ng nais makalapit kay Rio na mga kaluluwang ligaw.
"Ikaw anong balita sa sinimulan mong plano?" usisa ng matanda matapos mapakalma nang kaunti ang kaniyang sarili. Nanatiling nakaupo ay ipinagpatuloy ang paghilot sa kaniyang sentido at ugat roon na halos kanina'y gusto nang sumabog.
Napahinto ang lalaki sa pagliligpit ng mga kalat sa lamesa nang magtanong siya. Pinagmasdan niya muna ang mukha nitong maputla na halatang matagal nang panahong hindi nabibilad sa araw. Ang mga kulubot at linya sa mukha nitong marka ng katandaan, ang dalawang mata nitong halos mabalot na ng maputing kulay dahil sa dumapong kakaibang karamdaman. Nakakikita naman siya, ngunit hindi na malinaw. Bukod dito, kapansin-pansin din ang nagsesebo nitong balat sa tagal na walang paligo at ang kasuotang may mga mantsa ng kung ano-anong sarsa na parang kay tagal na rin simula lang huling napalitan ang suot niya.
"Wala pa akong magandang maibabalita, kaya maghintay ka na lamang at inaayos ko pa ang mga bagay-bagay gaya ng sinabi ko noon. Hindi ba't sinabi ko rin sa iyo na kakailanganin ko ng mahabang panahon? Ang plano ko'y hindi basta-basta at nais kong maging pulido't matagumpay ang lahat. Kaya maghintay ka," Walang galang nitong sagot sa matanda na sinamahan ng matalim nitong tingin sa kaniya.
Hindi na nito ikinagulat dahil ganoon naman talaga ito kung makipag-usap sa kaniya. Wala siyang magagawa kung ito na ang nagsabi. Hindi na siya umimik matapos ng tanong niyang iyon at daig niya pa ang isang maamong tupa na kulang na lamang ay magtago sa sulok kung saan hindi siya nito makikita.
Nagpatuloy na ang lalaki sa paglilinis at nang mayari ay dinala niya ang lahat mga basura sa labas. Diretso sa malalim na hukay na kanilang pinagtatapunan ng kung ano-anong mga bagay at sa madilim na hukay na 'yon ay walang makakaisip na sumilip man lang.
Bago umalis ay naglabas muna ito ng pares ng damit at iniwan sa lugar na madaling makikita ng matanda. Kinuha ang lahat ng maruruming damit at pinalaba sa mga tagasilbi. Nag-utos din siya na magpainit ng paligo ng matanda. Binalikan niya ang matanda sa silid at sinabing maglinis ito ng katawan at hayaan ang mga tagasilbi na linisang mabuti ang silid niyang tila isang basurahan.
Bumalik siya sa palasyo na hindi nagpapaalam. Dumiretso sa inuukopang silid, naligo't nagpalit ng damit dahil kumapit sa kan'yang balat ang masangsang na amoy ng lugar na pinanggalingan. Wala namang nakapansin sa kan'yang pagkawala dahil abala ang lahat sa kani-kanilang trabaho, ngunit iyon ay akala niya lamang.
Sa di kalayuan ay may pares ng mga matang pinagmamasdan ang palabas na lalaki sa kan'yang silid. Nakakubli sa kung saan walang sinuman ang makakikita at ikinubli niya rin ang kaniyang presensya.
Nagpalinga-linga pa ang lalaki bago nagpatuloy sa paglalakad at ang malakas na pang-amoy ng nilalang na nakakubli ang ginamit nito upang tandaan ang naghahalong amoy ng lalaking kan'yang pinagmamasdan nang mga sandaling iyon.
Ang masangsang na amoy na dala nito kanina ang dahilan kung bakit niya ito sinundan at nang matunton ay maobserbahan ang kilos nito ay agad siyang kinutuban. Lalo pa't malalim na ang gabi at siya pa'y may katungkulang mataas.
Nang mawala na ito sa kaniyang paningin ay saka siya lumabas. "Mapagpanggap," bulong niya nang mahina at kaniya nang nilisan ang lugar bago may iba pang makakita.
Samantala, sa tahanan nina Lala nang parehong oras na iyon, may mga hindi makatulog. Iyon ay si Eros na nagpatuloy sa kaniyang paghahanap ng sagot sa kondisyon nito. Si Lala rin ay putol-putol ang tulog na akala mo'y isang ibon dahil laman ng isip niya ang impormasyong nakalap ni Eros nang araw na iyon mula sa kaniyang kakilala.
Hinala pa lamang ang mayroon sila dahil wala pa silang pruweba. Ang mayroon lang sila ngayon ay ang sinabi ni Rio na kaya ng kanang-kamay ng hari na pagalawin ang kaniyang anino mag-isa gaya nang ginawa nito nang dumalaw sa kanila.
"Lala?" Bahagya siyang nagulat nang makitang gising ang kaniyang asawa. Nakakunot ang noo habang nakatingin sa kaniya.
"Naistorbo ba kita?" tanong niya kay Raven.
"Hindi naman, pero bakit gising ka?" sagot ni Raven at balik na tanong.
"Wala naman, putol-putol lang talaga ang tulog ko ngayon,"
"H'wag ka ng magsinungaling, alam kong iniisip mo ang sinasabi ni Tiyo sa atin,"
"Kailan ka pa nagkaroon ng kakayahan na magbasa ng nasa isip—?"
"Sabi na nga e, tama ako," pagputol niya ng sinasabi ni Lala.
Napatikom siya bigla ng bibig nang mapagtanto na hinuhuli lang siya ng kan'yang asawa.
"Matulog ka na habang binibigyan pa tayo ng pagkakataon," ani Raven nang seryoso at may awtoridad. Sa paraan kung paano siya nito tignan ay ramdam niya ang seguridad ngunit pilitin niya man na matulog ulit ay hindi na niya magawa, hindi siya mapakali kaya nang nahihimbing na muli si Raven ay lumabas siya ng silid nila.
Sinilip niya ang nagpapahingang si Rio. Inayos ang kumot dahil nadatnan niyang nahulog na sa sahig ang kumot nito. Nanatili siya nang sandali at pinagmasdan ito bago lumabas at napansin na gising pa si Eros at kahit malalim na ang gabi ay may ginagawa pa rin ito.